2022
Ang Natutuhan Ko mula sa Likurang Hanay ng Sacrament Meeting
Agosto 2022


Digital Lamang: Mga Young Adult

Ang Natutuhan Ko mula sa Likurang Hanay ng Sacrament Meeting

Itinuro sa akin ng isang karanasan sa sacrament meeting kung paano nagmi-minister si Cristo—sa bawat isa.

Si Cristo sa Huling Hapunan

Isang araw ng Linggo, nagsimba ako upang makinig sa mensahe ng isang kaibigang kababalik lamang mula sa misyon. Pagdating ko, napagtanto ko na marami akong hindi kilala sa kongregasyon, kaya mag-isa akong umupo sa bandang likod ng chapel.

Hindi nagtagal ay ipinasa na ang sakramento. Tatlo lamang kami sa mahabang bangko sa bandang likod ng chapel, nasa isang dulo ako at nasa kabilang dulo naman ang isang mag-asawang mas matanda sa akin. Tahimik akong nakaupo roon, at nang makarating sa aming hanay ang isa sa mga deacon na may dalang tubig, lumapit ako sa mag-asawa nang sa gayon ay hindi na umikot ang deacon sa kabilang dulo ng bangko upang iabot sa akin ang tubig.

Ngunit dahil lumapit ako, nalito ang mga deacon kung nakatanggap na ako ng sakramento. Matapos ibalik ng mga deacon ang kanilang mga tray sa mga priest, nag-usap-usap sila. Nakita kong lumapit ang isa sa mga priest sa bishop at may itinanong, at tumango ang bishop. Pagkatapos niyon, ang isang deacon, na may hawak na tray ng tinapay, ay lumapit sa akin at nagtanong, “Nakakuha ka na ng tinapay, ‘di ba?”

Mabilis akong tumango, at bumalik ang deacon sa harapan ng chapel. Noong una, nahiya ako na nakagambala ako. Ngunit naisip ko ang mga espirituwal na implikasyon ng sitwasyon: ang mga priesthood holder, na mga kinatawan ni Jesucristo, ay nag-alala na hindi ako nakatanggap ng mga sagisag ng katawan at dugo ni Cristo at nag-abala upang ganap akong makabahagi sa ordenansa.

Pagiging Tunay na Disipulo

Ipinaalala sa akin ng mga ginawa ng mga priesthood holder sa sacrament meeting na iyon kung ano ang gagawin ni Cristo sa gayon ding sitwasyon—mag-aabala Siyang maglingkod sa bawat isa. Itinuro ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang mga tunay na disipulo ni Jesucristo ay lagi nang nag-aalala sa nawala.”1

Upang maging katulad ng Tagapagligtas, kailangan nating hanapin palagi yaong mga nakadaramang sila ay naliligaw o nakalimutan na at tulungan silang bumalik sa siyamnapu’t siyam. Para sa mga nahihirapan, kung minsan, ang simpleng pagtulad sa halimbawa ni Cristo ay maaaring makapagbukas sa kanilang mga puso at makapagpasibol sa binhi ng pananampalatayang nakabaon sa kanilang kalooban. Sabi ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018), “Kapag tinularan natin ang halimbawa ng Tagapagligtas, magkakaroon tayo ng pagkakataong maging liwanag sa buhay ng iba.”2

Ang pagiging katulad ng Tagapagligtas ay maaaring magbigay ng maraming oportunidad na tulungan ang iba na mas mapalapit sa Kanya. Madalas akong magulat sa dami ng mga nakapaligid sa akin na may mga tanong tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at lumalapit sa akin dahil lamang sa aking halimbawa. Nasisiyahan akong tulungan silang mas maunawaan kung sino tayo, ano ang pinaniniwalaan natin, at paano nakasentro kay Cristo ang lahat ng ginagawa natin.

Pagtataglay ng Kanyang Pangalan sa Ating Sarili

Ang karanasang ito sa sakramento ay nakatulong din sa akin na mas maunawaan ang kasagraduhan ng ordenansa at kung paano tayo nito tinutulutang mapanibago ang ating mga tipan sa Ama sa Langit at maging mas mabubuting disipulo ni Cristo.

Sinasabi sa mga panalangin sa sakramento, “Na sila ay pumapayag na taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ng inyong Anak, at lagi siyang aalalahanin, at susundin ang kanyang mga kautusan na ibinigay Niya sa kanila” (Moroni 4:3). At ano pa nga ba ang mas mainam na paraan upang taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Cristo, alalahanin Siya, at sundin ang Kanyang mga kautusan kaysa sa tularan ang Kanyang halimbawa sa paglilingkod sa bawat isa? Ang paghahanap at pananalangin para sa mga oportunidad na mahanap ang mga nawawala ay isang paraan upang matupad natin ang ating mga tipan at maipahayag natin ang ating pasasalamat sa Tagapagligtas.

Itinuro ng Panginoon, “Kung mangyayaring kayo ay gagawa nang buo ninyong panahon sa pangangaral ng pagsisisi sa mga taong ito, at magdala, kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama!” (Doktrina at mga Tipan 18:15). Ang kaluluwa mang iyon ay isang kapamilya o kaibigan na nahihirapan sa kanyang pananampalataya o isang bisita na tinitiyak nating nabigyan ng sakramento, dapat palagi nating imulat ang ating mga mata para sa bawat isa.

Alam ko na si Jesucristo ay buhay at pinangangalagaan Niya tayo, dahil sa Kanya, tayo ang bawat isa. At bilang kapalit, maaari nating pangalagaan ang mga nasa paligid natin at gabayan din sila tungo sa Kanyang liwanag.