2022
Paggalang sa Kalayaang Pumili sa Pisikal na Intimasiya
Agosto 2022


“Paggalang sa Kalayaang Pumili sa Pisikal na Intimasiya,” Liahona, Ago. 2022.

Paggalang sa Kalayaang Pumili sa Pisikal na Intimasiya

mag-asawa na naglalakad

Ang mga pisikal na aspeto ng ating ugnayan ukol sa intimasiya ay dapat gabayan ng ating pangakong sundin ang batas ng kalinisang-puri, na naglalaan sa seksuwal na intimasiya para sa mag-asawa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:22–23), gayundin sa ating pangako na igalang ang kalayaang pumili ng ibang tao.

Ang artikulong ito ay nakatuon sa kahalagahan ng paggalang sa kalayaang pumili sa pisikal na mga aspeto ng ating mga relasyon—mula sa pakikipagdeyt hanggang sa kasal—upang magkaroon ng matagumpay at makabuluhang mga relasyon o ugnayan, makamit ang masayang pagkakaisang ipinangako ng Diyos sa mga mag-asawa, at iwasan ang kalunus-lunos na kahihinatnan ng hindi ginustong pagtatalik.

Ang paraan ng paggalang natin sa kalayaang pumili sa ating pisikal na damdamin at seksuwal na intimasiya ay may mahalagang papel sa paghahanda sa atin at pagpapalakas sa isa sa ating pinakamahahalagang relasyon sa tao.

Ang Layunin ng Pisikal na Intimasiya

Kapag ang mag-asawa ay kusang-loob, malaya, at magiliw na nakikibahagi sa seksuwal na intimasiya, maaari itong maging masayang karanasan na tumutulong na pagkaisahin sila. Ang pagbuo ng pagkakaisang iyon sa pagsasanib ng mga puso, isipan, at katawan ng mag-asawa ay isa sa mga pangunahing layunin na idinisenyo ng Diyos ang seksuwal na intimasiya.1

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang intimasiya ng tao ay nakalaan para sa mag-asawa dahil ito ang pinakadakilang simbolo ng kabuuang pagkakaisa, isang kabuuan at pagsasamang inorden at inilarawan ng Diyos. Mula pa sa Halamanan ng Eden, ang pagpapakasal ay talagang nangangahulugang ganap na pagsasama ng isang lalaki at isang babae—ng kanilang puso, inaasam, buhay, pag-ibig, pamilya, hinaharap, at lahat ng bagay. Sinabi ni Adan tungkol kay Eva na siya ay buto ng kanyang buto at laman ng kanyang laman, at na sila ay magiging ‘isang laman’ sa kanilang buhay na magkasama [tingnan sa Genesis 2:23–24]. Ito ay lubos na pagsasama kaya’t ginamit natin ang salitang buklod upang ipahayag ang walang-hanggang pangako nito.”2

Ang pagpapanatili ng banal na layuning ito sa isipan ay makatutulong sa atin na maunawaan kung bakit labis na nagmamalasakit ang Diyos tungkol sa pananaw natin sa pisikal na intimasiya—na inilalarawan natin sa artikulong ito na kapwa seksuwal na intimasiya at pagpapakita ng pisikal na pagmamahal, tulad ng paghahawak ng mga kamay o yakap. (Tingnan ang bahaging “Mahahalagang Ideya” sa ibaba para sa karagdagang mga kahulugan.)

Ang Papel na Ginagampanan ng Kalayaang Pumili

Ang kakayahan at pribilehiyong ibinibigay sa atin ng Diyos na pumili at kumilos para sa ating sarili ay mahalaga sa plano ng kaligtasan. Kung walang kalayaang pumili, hindi natin magagawang matuto o umunlad o sundin ang Tagapagligtas. Sa kalayaang pumili, maaari tayong maging katulad ng Diyos kapag natutuhan nating pumili sa pagitan ng mabuti at masama.3

Ang kalayaang pumili ay ang kakayahang kumilos at hindi pinakikilos ng iba. Sa gayon, ang anumang uri ng pisikal na pagmamahal o seksuwal na relasyon ay hindi lamang dapat mangyari ayon sa mga turo ng Diyos at sa batas ng kalinisang-puri kundi kinapapalooban din ng desisyon ng dalawang tao na kusang makibahagi. Kapag ganito ang sitwasyon, ang pisikal na pagmamahal na humahantong sa pag-aasawa at pisikal na pag-iibigan at seksuwal na intimasiya sa loob ng kasal ay magpapatatag sa mga ugnayan at bumubuo ng pagkakaisa.

Sa kabaligtaran, kapag ang kalayaang pumili ay ginagamit upang pakilusin ang iba, ang pagbalewala sa karapatan nilang pumili kung paano at kailan makikibahagi sa pisikal na pagmamahal o seksuwal na intimasiya, ang gayong ugnayan ay nagiging agresibo na walang paggalang sa mga pamantayan ng Diyos at sa kalayaang pumili, damdamin, at hangarin ng ibang tao. Ang paggamit ng pisikal na ugnayan para sa makasariling kasiyahan o bilang kasangkapan upang mapasunod at manipulahin ang ibang tao ay isang kasalanan na maaaring maging sanhi ng pangmatagalang pinsala sa mga indibiduwal at sa mga relasyon.

Paggalang sa Kalayaang Pumili sa Pakikipagdeyt at Pagliligawan

magkasintahan na nakangiti at nakatingin sa telepono

Larawang kuha mula sa Getty Images

Habang nabubuo ang ating mga relasyon sa pamamagitan ng pakikipagdeyt at pagliligawan, ang isang paraan na iginagalang natin ang kalayaang pumili ng iba ay sa paghingi at pagtanggap ng pahintulot bago natin pasimulan ang anumang uri ng pisikal na pagmamahal, tulad ng paghahawak ng mga kamay, pagyakap, o paghalik.

Ang paghahangad ng pisikal na pagmamahal o seksuwal na intimasiya nang walang pahintulot ng isang tao—na kusang-loob, malaya, at malinaw na ibinigay—ay paglabag sa kalayaang pumili ng taong iyon. Ang hindi ninais na pagtatalik sa legal na pakahulugan ay sexual assault o panghahalay sa maraming bansa. (Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pahintulot at panghahalay, tingnan ang kalakip na artikulo na, “Mga Sagot sa mga Tanong tungkol sa Sexual Assault o Panghahalay.”)

Bukod pa rito, ang pananaw ng ebanghelyo ay tumutulong sa atin na makita na ang ating pangakong sundin ang batas ng kalinisang-puri at ang ating pangakong igalang ang kalayaang pumili sa pamamagitan ng pahintulot ay mahalaga upang makatulong na mapadali ang pagbuo ng matatag at walang hanggang relasyon o ugnayan. Ang isang pangako kung wala ang isa ay hindi sapat. Halimbawa, sa isang banda, ang dalawang indibiduwal na gumagalang sa kalayaang pumili ng isa’t isa sa kapwa nila pagpayag sa seksuwal na relasyon sa labas ng kasal ay lumalabag pa rin sa batas ng Diyos. Sa kabilang banda, kahit na ang nonsexual physical contact na walang pahintulot ng isa pang tao ay maaaring lumabag sa kalayaang pumili ng taong iyon.

Habang lumalalim ang ating pag-unawa sa ebanghelyo ni Jesucristo, nakikita natin kung paano nakatutulong sa atin ang pagsunod sa mga batas ng Diyos at paggalang sa kalayaang pumili ng isa’t isa para umunlad tayo sa pagkakaisa at pagmamahal at ihanda tayo para sa mas malalim at masayang pisikal na relasyon sa pagsasama ng mag-asawa na makatutulong sa atin na maging mas nagkakaisa at maabot ang ating banal na potensyal.

Pagiging Magiliw at Paggalang sa Pagsasama ng Mag-asawa

may-edad na mag-asawa na nakaupo sa labas

Ang paggalang sa kalayaang pumili ay mahalaga pa rin sa pagsasama ng mag-asawa at mahalagang bahagi ng pagpapabuti ng seksuwal na intimasiya upang matugunan ang layunin ng pagkakaisa ng mag-asawa.

Ang ganitong uri ng pagkakaisa ay nagmumula sa pagbibigay, hindi pagtanggap; mula sa pag-ibig, hindi pagnanasa; mula sa pagmamalasakit sa kapakanan ng iba kaysa sa sarili. “Paggiliw at paggalang—hindi kasakiman—ang dapat gumabay sa [ating] matalik na ugnayan.”4

Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol at ng kanyang asawang si Ruth Lybbert Renlund: “Sa pagsasama ng mag-asawa, dapat bigkisin ng seksuwal na intimasiya ang mag-asawa sa pagtitiwala, katapatan, at konsiderasyon sa isa’t isa. Dapat igalang ng mga seksuwal na relasyon sa pagsasama ng mag-asawa ang kalayaang pumili ng magkapareha at hindi dapat gamitin upang magkaroon ng kontrol o mangibabaw.”5

Ang kasal ay sagradong ugnayan na nangangailangan ng pagsisikap ng mag-asawa na magkaisa sa maraming paraan, kabilang na ang kanilang seksuwal na relasyon. Ang pag-aasawa lang ay hindi nag-aabsulweto sa alinman sa kanila sa pangangailangan na iparating nang malinaw ang kanilang mga hangarin o igalang ang kapanatagan ng bawat isa hinggil sa seksuwal na relasyon. Sa halip, ang mga pag-uusap na ito ay mahalaga sa una pa lang sa pagsasama ng mag-asawa at nananatiling mahalaga para magkaisa ang mga mag-asawa sa kanilang relasyon habang sila ay natututo at umuunlad at habang nagbabago ang kanilang sitwasyon.

Nakakalungkot na naririnig natin kung minsan na iniisip ng isang kabiyak na may karapatan siyang puwersahin o igiit sa kanyang asawa na makipagtalik. Sa pagtupad natin sa ating mga tipan bilang mag-asawa, hindi natin dapat gawin ang mga bagay na hindi komportable para sa ating kabiyak o nakasasakit sa Espiritu. Nilulutas ng mag-asawa ang mga pagkakaiba sa kanilang mga hangarin tungkol sa dalas o uri ng seksuwal na aktibidad sa pamamagitan ng pag-uusap sa halip na sa pamamagitan ng puwersa o pamimilit.

Kapag nakikibahagi tayo sa seksuwal na intimasiya sa loob ng itinalagang bigkis ng kasal, nang may kabaitan, respeto, at pangakong igagalang ang kalayaang pumili ng isa’t isa, tayo ay magiging lalong katulad ni Cristo at mas nagkakaisa bilang mag-asawa, na nakatuon sa kung ano ang pinakamabuti para sa isa’t isa at nakaayon sa kalooban ng Diyos.