2022
Mga Sagot sa mga Tanong tungkol sa Sexual Assault o Panghahalay
Agosto 2022


“Mga Sagot sa mga Tanong tungkol sa Sexual Assault o Panghahalay,” Liahona, Ago. 2022.

Mga Sagot sa mga Tanong tungkol sa Sexual Assault o Panghahalay

Sa pamamagitan ni Jesucristo, may pag-asa at paggaling. Narito ang ilang paraan na makakatulong tayo at hindi masasaktan ang mga naapektuhan ng panghahalay.

babaeng nakatanaw sa bintana

Ang sexual assault o panghahalay ay isang malawakang problema na maaaring magdulot ng matinding pinsala sa mga anak ng Diyos. Ang tumpak na pandaigdigang estadistika para sa laganap na panghahalay sa kalalakihan at kababaihan ay mahirap malaman,1 ngunit sa Estados Unidos ay tinatayang 44 na porsiyento ng kababaihan at 25 porsiyento ng kalalakihan ay mga biktima ng seksuwal na karahasan. 2

Habang inaalam natin ang tungkol sa sexual assault o panghahalay at nagkakaisa na tulungan ang mga nakaligtas dito at itaguyod ang paggalang sa iba, makatutulong tayo na mabawasan ang seksuwal na karahasan sa buong mundo.

Ano ang sexual assault o panghahalay?

Ang sexual assault o panghahalay ay kapag ipinipilit ng isang tao ang anumang hindi kanais-nais na sekswal na gawain sa ibang tao nang walang permiso o pahintulot nila. Ang sexual assault o panghahalay ay isang mabigat na kasalanan.3 Ang mga nambibiktima ay nagrerebelde sa Diyos, nilalabag ang batas ng kalinisang-puri at itinuturing ang kanilang mga biktima na mga bagay upang bigyang kasiyahan ang makasariling mga hangarin. Binabalewala at nilalabag nila ang kalayaang pumili ng kanilang mga biktima, inaalis ang kanilang karapatang kumilos at hindi pinakikilos. Ang mga taong pinupuwersa o pinipilit ang isang tao na makipagtalik ay nakikibahagi sa isa sa mga pinakapersonal at mapanghimasok na uri ng karahasan.

Kapag iniisip natin ang sexual assault o panghahalay, madalas nating naiisip ang nambibiktima na nagtatago sa madilim na pasilyo, na handang sumalakay. Ito ay tinatawag na stranger rape (panghahalay ng taong di-kilala). Gayunman, karamihan sa mga sexual assault o panghahalay ay nangyayari sa matatag nang ugnayan kung saan binabalewala ng asawa, kapamilya, kadeyt, kaibigan, o iba pang kakilala ang konsepto ng pahintulot.4

Sa kasamaang-palad, sa ilang kultura ay hindi karaniwang itinuturo ang konsepto ng pahintulot, at kapag ipinapakita ng media ang pisikal na intimasiya, ang pahintulot ay kadalasang binabalewala o maling inilalarawan at sinasabing hindi ito nais o hindi kailangan. Ang pagbabalewala sa pahintulot ay hindi kailanman katanggap-tanggap sa Diyos.

Ano ang pahintulot at kailan ito nilalabag?

Ang pahintulot ay isang salitang malapit ang kaugnayan sa kalayaang pumili. Ang kalayaang pumili ay kapangyarihang bigay ng Diyos para kumilos at hindi pinakikilos (tingnan sa 2 Nephi 2:14, 16, 26; Moises 7:32). Tinuturuan tayong igalang ang kalayaang pumili ng iba at huwag itong balewalain sa pamamagitan ng pamimilit, o pagpuwersa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:39–44; Moises 4:3).

Ang pahintulot ay ginagamit sa iba’t ibang konteksto, tulad ng sa mga larangang legal, etikal, panlipunan, at medikal. Halimbawa, ang isang doktor ay hindi nagsasagawa ng pag-oopera sa iyong katawan nang hindi muna humihingi ng malinaw na pahintulot mula sa iyo.

Sa konteksto ng pisikal na pagmamahal at seksuwal na intimasiya, ang ibig sabihin ng pahintulot ay kailangang kusang-loob, malaya, at malinaw na pumayag ang isang tao sa paghawak, paghalik, o iba pang gawain ukol sa intimasiya. Kung hindi, siya ay pinakikilos at hindi pumapayag.

Mahalagang maunawaan na hindi maibibigay ang pahintulot kapag:

  1. Ang isang tao ay natutulog, walang-malay, o nasa ilalim ng impluwensya ng alak, droga, o gamot.

  2. Ang tao ay walang kakayahang intelektuwal para pumayag na makipagtalik.

  3. Ang tao ay mas bata sa legal na edad para makapagbigay ng pahintulot.

  4. May isang taong nanlilinlang, namimilit, o kumokontrol sa isa pang tao.

Mahalaga ring maunawaan na ang hindi paglaban ay hindi pahintulot. Kung hindi nanlalaban ang isang tao sa pisikal na kontak o tumitigil sa paglaban, hindi ibig sabihin nito na nagbigay ng pahintulot ang tao. Napapansin ng mga psychologist na ang “freezing” o hindi pagkilos dahil sa takot ay mga karaniwang reaksyon sa hindi nais na paghaplos.5

Dagdag pa rito, ang pahintulot ay kailangang patuloy. Ang pagbibigay ng pahintulot sa isang uri ng pisikal na intimasiya nang minsan ay hindi nagpapahiwatig ng pagpayag sa parehong pag-uugali sa hinaharap.

Paano nakakaapekto ang sexual assault o panghahalay sa mga survivor o nakaligtas?

Kapag nilalabag ng isang tao ang hangganan ng iba sa pamamagitan ng hindi nais na pagtatalik, ang survivor o nakaligtas ay maaaring magdusa sa maraming paraan.

“Bagama’t ang ilang uri ng pang-aabuso ay maaaring magdulot ng pinsala sa katawan, lahat ng uri ng pang-aabuso ay may epekto sa isipan at sa espiritu. Ang mga biktima ng pang-aabuso ay kadalasang nakadarama ng pagkalito, pagdududa, pagkabagabag, kahihiyan, kawalan ng tiwala, at takot. Maaaring madama nila na wala na silang magagawa, na mahina sila, malungkot, at nag-iisa. Maaaring pagdudahan pa nila ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ang kanilang banal na kahalagahan.”6

Ano ang magagawa ko kung ako ay hinalay?

malapitang kuha ng mga taong magkahawak-kamay

Dapat mong malaman na hindi ka nag-iisa. Tandaan na mahal ka ng Ama sa Langit. Dagdag pa sa pagkakataong manalangin at maghangad ng kapanatagan at paghahayag mula sa Kanya, naglaan din Siya ng maraming iba pang paraan para masuportahan ka.

Makipagkaibigan. Makipag-usap sa mapagkakatiwalaang mga kaibigan, pamilya, lider ng Simbahan, o iba pang mga tao na makapagbibigay ng kaligtasan at suporta. Maaari kang makahanap ng kapayapaan at paggaling nang mas mabilis habang ikinukuwento mo ang iyong karanasan sa mga pinagkakatiwalaang tao na kapanalig mo at anyayahan silang suportahan ka sa iyong patuloy na paglalakbay.

Dapat mong malaman na hindi mo ito kasalanan. Maaaring nalilito ka, natatakot, o nahihiya, pero hindi ka dapat sisihin sa mga ginawa ng taong gumawa ng pagkakasala.

Humingi ng tulong. Ang iyong paggaling ay maaaring mapadali sa pamamagitan ng karagdagang resources, tulad ng:

  • Angkop na pangangalagang medikal.

  • Propesyonal na payo.

  • Legal na payo.

  • Ang mga materyal ng Simbahan na binanggit sa ilalim ng “Pang-aabuso” sa topics.ChurchofJesusChrist.org.

Maghangad ng pag-asa at paggaling sa pamamagitan ni Jesucristo. Tulad ng itinuro ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang ating Ama sa Langit ay naglaan ng paraan upang paghilumin ang mga bunga ng mga ginawa na, sa pamamagitan ng puwersa, maling paggamit ng awtoridad, o takot sa iba, ay pansamantalang inaalis ang kalayaang pumili ng taong inabuso.” Ipinaliwanag niya: “Ang pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang kapangyarihang magpagaling ay nagbibigay-daan para madaig ang kakila-kilabot na mga bunga ng masasamang gawa ng ibang tao.”7 Isiping basahin pa ang iba mula sa buhay at mga turo ni Jesucristo para maunawaan kung paano ka Niya matutulungang gumaling.

Ang pagkakaroon ng kapayapaan at paggaling ay maaaring isang mahaba at mahirap na proseso, ngunit posible ito sa pamamagitan ni Jesucristo. Siya ay dumanas ng “mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso” at dinala “niya ang [ating] mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa … upang malaman niya … kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:11–12).

Paano ko matutulungan ang isang taong hinalay?

Bagama’t maaaring iba-iba ang karanasan ng bawat nakaligtas sa sexual assault o panghahalay, narito ang ilang paraan na makatutulong kayo.

Makinig nang may pagmamahal at habag. Ipahayag ang iyong pag-aalala at hangaring tulungan sila. Alamin kung nasa kagyat na panganib sila at tulungan silang makahanap ng kaligtasan at kanlungan.

Ikonekta sila. Tulungan silang makakonekta sa pangangalagang medikal, propesyonal na payo, o iba pang resources sa komunidad, tulad ng mga rape crisis center, na tumutulong sa mga survivor o nakaligtas.

Hikayatin sila. Hikayatin silang ireport ang pang-aabuso sa mga kinauukulan. Ang pagrereport mo mismo ng panghahalay o pang-aabuso ay maaaring legal na kailangan sa inyong bansa, lalo na kung ikaw ay lider ng Simbahan. Sa ilang bansa, ang Simbahan ay nagtatag ng confidential abuse help line na makatutulong sa mga stake president at bishop sa pagrereport ng panghahalay at pagsuporta sa survivor o nakaligtas.8

Suportahan sila. Kung minsan ay iniisip ng mga nakaligtas na ang panghahalay o pang-aabuso ay kasalanan nila. Dahil maaaring maniwala ang mga nakaligtas na nilabag nila ang batas ng kalinisang-puri at kailangang magsisi, mahalaga para sa mga bishop, magulang, guro, lider ng kabataan, at iba pa na kilalanin ang mga palatandaan ng panghahalay o pang-aabuso upang makapagbigay sila ng suporta at makahikayat ng paggaling.

Tandaan na dahil ang kalayaang pumili ng mga nakaligtas ay pinanghimasukan, hindi kailangan ang pagsisisi. Nakasaad sa Pangkalahatang Hanbuk: “Kung minsan ang mga biktima ay nakadarama ng kahihiyan o pagkabagabag ng konsiyensya. Ang mga biktima ay walang kasalanan. Hindi sinisisi ng mga lider ang biktima. Tinutulungan nila ang mga biktima at kanilang pamilya na maunawaan ang pagmamahal ng Diyos at ang pagpapagaling na darating sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala (tingnan sa Alma 15:8; 3 Nephi 17:9).”9

Maging sensitibo sa kanilang mga pangangailangan. Maaaring hindi komportable ang mga nakaligtas sa pisikal na kontak o ugnayan tulad ng pakikipagkamay o yakap. Maaaring hindi sila komportableng makipagkita nang mag-isa sa isang lider. O maaaring madama nilang nabitag sila kung napakaliit ng silid o kung nakaupo ka sa pagitan nila at ng pinto. Ang mga simpleng konsiderasyon ay makagagawa ng kaibhan sa isang taong naghahangad na gumaling mula sa isang nakapanlulumong karanasan tulad ng panghahalay.

Ano ang ilang rekomendasyon para sa mga nagkasala?

Maaaring maunawaan ng ilang nagbabasa ng artikulong ito na nilabag nila ang kalayaang pumili ng iba. Maaaring gumamit sila ng puwersa o pamimilit, sadyang hindi pinansin ang mga hangganan, o mali ang ipinalagay na kagustuhan ng ibang tao tungkol sa pisikal na intimasiya.

Kung nagawa mo ang kasalanang ito, kabilang sa mahahalagang hakbang ang kailangang tanggapin ang responsibilidad, makipagkita sa iyong bishop, magsisi, makipagtulungan sa mga legal na awtoridad kapag kailangan, at humingi ng propesyonal na tulong. “Ang kabigatan ng iyong mga gawa ay maaaring mangailangan ng pagharap mo sa pagdisiplina ng batas at pagdisiplina ng Simbahan. Ngunit ang lubos na pagsisisi ay magdudulot ng matamis na kapatawaran, kapayapaan ng budhi, at ng panibagong buhay.”10