“Pagprotekta sa Ating Isipan, Katawan, at Espiritu,” Liahona, Agosto 2022.
Para sa mga Magulang
Pagprotekta sa Ating Isipan, Katawan, at Espiritu
Minamahal na mga Magulang,
Biniyayaan tayo ng kalayaang pumili sa buhay. Magagamit natin ang kalayaang iyan para sa makasariling mga layunin o hayaang manaig ang Diyos, tulad ng itinuro ni Elder Dale G. Renlund sa pahina 4. Ang pinipili natin ay hindi lamang nakakaapekto sa atin kundi maging sa mga nakapaligid sa atin. Ang resources na nakalista rito ay makatutulong sa iyo at sa iyong pamilya na maunawaan ang pang-aabuso, gayundin kung paano ito maiiwasan at paano matutulungang gumaling ang mga nakaligtas mula rito.
Mga Talakayan tungkol sa Ebanghelyo
Paggalang sa mga Hangganan
Ibinigay sa atin ng Ama sa Langit ang ating katawan at kalayaang pumili, ngunit kung minsan ay sinasamantala ng mga tao ang ibang tao sa mga paraang nakasasakit sa kanila. Maaari mong gamitin ang artikulo sa pahina 12 para talakayin ang angkop na intimasiya at ang artikulo sa pahina 16 para talakayin ang kahalagahan ng paggalang sa mga personal na hangganan at kung ano ang dapat gawin ng mga bata kung nalabag ang kanilang mga personal na hangganan.
Mga Resource ng Simbahan tungkol sa Pang-aabuso
Matibay na ipinahayag ng Panginoon at ng Kanyang Simbahan na ang pang-aabuso ay hindi maaaring kunsintihin (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 38.6.2, ChurchofJesusChrist.org). Tayong lahat ay mga anak ng ating Ama sa Langit, at nararapat tayong lahat na maging ligtas, mahalin, at igalang. Sa kasamaang-palad, ang ilang tao ay nakaranas ng pang-aabuso o may kilalang isang taong inabuso. Ang Simbahan ay nagbibigay ng ilang digital resource para sa mga taong inabuso, taong nang-abuso sa iba, o may kilalang nabiktima nito. Mayroon ding resources para tulungan ang mga tao na makilala ang mga palatandaan ng pang-aabuso.
Para mahanap ang resources na ito sa Gospel Library app, piliin ang Tulong sa Buhay at pagkatapos ay ang Pang-aabuso. O sa ChurchofJesusChrist.org, magklik sa Libraries, Gospel Library, Tulong sa Buhay, at pagkatapos ay Pang-aabuso.
Mga Nagpapasimula sa Pag-uusap tungkol sa Online Safety
Kung hindi ka sigurado kung paano mo kakausapin ang iyong mga anak tungkol sa online safety, maaari mong itanong sa kanila ang tulad nito (mula sa “Scams and Safety,” Federal Bureau of Investigation, fbi.gov):
-
Narinig ko na ang tungkol sa matatanda na pinipilit ang mga bata online na magpadala ng mga larawan ng kanilang katawan. May narinig na ba kayong tulad nito?
-
Mayroon bang sinuman sa eskuwelahan na kinuhanan ng retrato at ipinadala ang retratong ito sa maraming tao? Ano ang maaaring mangyari sa taong iyon kung nakakahiya ang retrato?
-
Mayroon bang sinuman na hindi mo kilala na sumubok na kontakin ka o kausapin ka online?
-
Sa inyong palagay, bakit gugustuhin ng isang adult na makipag-usap sa isang bata online?
Aktibidad ng Pamilya sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
“Sa Inyo, Aking Diyos, Lumalapit”
Mga Awit
“Madalas nating madama nang napakalakas ang Espiritu kapag umaawit tayo ng mga papuri sa Diyos” (Ronald A. Rasband, “Magtayo ng Muog ng Espirituwalidad at Proteksyon,” Liahona, Mayo 2019, 108).
-
Maglagay ng larawan ng Tagapagligtas sa isang panig ng silid at paupuin ang lahat sa katapat na kabilang panig ng silid.
-
Pumili ng isang himno o awitin sa Primary tungkol kay Jesucristo na sama-samang kakantahin.
-
Habang kinakanta ang bawat talata, lahat ay mas lalapit sa larawan ni Jesus.
-
Kapag malapit na ang lahat sa larawan, magbahagi ng mga patotoo tungkol sa Tagapagligtas at kung ano ang kahulugan Niya sa iyong buhay.
-
Ang ilang awitin ay isinaayos at nilapatan ng tugtog o musika. Maaari ninyong pakinggan ang Mga Awit 23 at 150 ng Tabernacle Choir at Temple Square bilang bahagi ng inyong aktibidad. Sundan ang mga salita mula sa inyong banal na kasulatan.
Talakayan: Anong mga talata mula sa Mga Awit o iba pang mga aklat ng banal na kasulatan ang nagpapaalala sa atin ng nagawa ni Jesucristo para sa atin at tumutulong sa atin na madama ang Kanyang kapangyarihan at pagmamahal sa ating buhay?