2022
Kinailangan Kong Pumili
Agosto 2022


“Kinailangan Kong Pumili,” Liahona, Ago. 2022.

Digital Lamang: Mga Larawan ng Pananampalataya

Kinailangan Kong Pumili

Dapat ko bang ipagpatuloy ang pagsu-surf sa araw ng Linggo o gampanan ang aking mga responsibilidad bilang asawa, ama, at miyembro ng Simbahan?

lalaking nananalangin habang nasa tubig sakay ng surfboard

Larawang kuha ni Manea Fabisch

Bodyboarding ang aking pinakamalaking hilig mula nang matuklasan ko ito. Dito ko nailalabas ang mga nadarama ko, dito ako narerelaks. Sa simula pa lamang, gusto ko nang maging mahusay rito.

Upang makarating sa pinakamataas na antas, walang pagod akong nagpraktis, nagsu-surf buong maghapon kung maaari. Nagtuon ako sa aking mithiin na maging pinakamahusay na drop-knee rider sa Tahiti. Napanalunan ko ang titulo nang dalawa o tatlong beses sa kategoryang iyon sa paligsahan sa pagsu-surf na Tahiti Taapuna Master gayundin sa iba pang mga paligsahan.

Nang magsimula ako, tuwang-tuwa ako sa mga paligsahan, at gusto kong ipakita sa lahat kung gaano ako kahusay. Hindi nagtagal, nagsimula akong makatanggap ng mga alok mula sa mga sponsor sa aming lugar at sa ibang bansa.

Ang huling bahagi ng mga paligsahan ay palaging idinaraos sa araw ng Linggo, at madalas akong makipagtalo sa aking asawa tungkol sa pagsali sa paligsahan sa araw ng Panginoon. Tama siya. Masyado nang nakaukol ang aking buhay sa pagsu-surf, ngunit ayaw kong mawala ang aking mga sponsor. Tinulutan ako ng mga sponsor na makakuha ng pinakamataas na kalidad at propesyonal na gamit sa pagsu-surf, na napakamahal. Kinailangan kong pumili.

Hinihikayat ako ng aking asawa at mga anak na maging halimbawa ng pananampalataya. Tinutulungan nila akong matukoy kung ano ang nais kong kahinatnan. At siyempre pa, ang aking personal na pananampalataya, ang pagpapalaki sa akin ng aking mga magulang at lider, ang halimbawa ng iba pa na nagsakripisyo upang igalang ang araw ng Sabbath, at ang mga impresyong natanggap ko mula sa Espiritu ay nakatulong din sa akin na gawin ang aking desisyon. Pinili kong unahin ang aking mga responsibilidad bilang asawa, ama, at miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

isang ina at ama kasama ang kanilang mga anak

Larawang kuha ni Tetuanui Teriitemoehaa

Noong 2006, inilaan ang paligsahang Taapuna Master sa aking tito na si Nelva Lee, ang nakababatang kapatid ng aking ina. Namatay siya sa isang surfing spot na palagi kong pinupuntahan noong bata pa ako. Ang tawag doon ay Afu, malapit sa Paea, sa pulo ng Tahiti. 10 minuto lamang bago nalunod ang aking tito, hinikayat niya akong mahalin ang iba at maging mahusay na rider sa isang lugar malapit sa Taapuna, na talagang minahal niya. Nagsikap akong igalang ang kanyang mga huling habilin sa akin.

Nang magdesisyon akong lubusang ilaan ang sarili ko sa Panginoon sa araw ng Linggo, ipinaliwanag ko sa aking mga sponsor kung bakit hindi na ako nagsu-surf sa huling bahagi ng mga paligsahan sa araw ng Linggo. Sinabi ko sa kanila na inuuna ko ang aking espirituwal na buhay at pamilya.

Sinuportahan nila ako sa pinili ko. Bilang kapalit, sa paggalang sa araw ng Linggo, hiniling nilang gumawa ako ng mga photo shoot at surf video sa ibang mga araw ng linggo. Alam at iginagalang din ng aking mga kaibigan ang aking mga paniniwala sa relihiyon at madalas nila akong hilingan na manalangin para sa kanila.

Kwalipikado ako sa huling bahagi ng Taapuna Master taun-taon mula nang maging propesyonal ako, ngunit tumigil ako sa pakikilahok sa paligsahan sa araw ng Linggo matapos kong mapanalunan ang titulo noong 2006. Nakikilahok pa rin ako sa mga paligsahan, ngunit ngayon, kapag tinatawag nila ang aking pangalan para sa huling bahagi sa araw ng Linggo, alam ng lahat na wala ako roon.

isang lalaking nagsu-surf sa barrel ng isang alon

Larawang kuha ni Manea Fabisch

Naaalala ko ang sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Natutuhan [ko] mula sa mga banal na kasulatan na ang aking kilos at pag-uugali sa Sabbath ay dapat na maging tanda sa pagitan ko at ng aking Ama sa Langit [tingnan sa Exodo 31:13; Ezekiel 20:12, 20]. Dahil sa pagkaunawang iyon, hindi ko na kailangan ng mga listahan ng mga dapat at mga hindi dapat gawin. Kapag kailangan kong magpasiya kung ang isang aktibidad ay angkop o hindi sa araw ng Sabbath, tinatanong ko lang ang aking sarili, ‘Anong tanda ang nais kong ibigay sa Diyos?’ Sa tanong na iyon naging napakalinaw sa akin ang mga dapat piliin sa araw ng Sabbath.”1

Sa pagtatapos ng 2020, nabalian ako ng binti habang nagsu-surf. Habang nagpapagaling, tinawag ako bilang bishop ng Papeari Ward. Sinabi sa akin ng stake president na ang aking halimbawa bilang isang matapat na lalaking nagsisikap na unahin ang Panginoon ay maghihikayat sa mga kabataan na tahakin ang landas ng tipan.

Alam ko na masaya ang aking Ama sa Langit sa pinili ko. Higit sa lahat, kailanman ay walang maikukumpara sa kaligayahan ng aking pamilya at sa balanseng nakamtan namin nang magkakasama.