2022
Pagsunod sa Halimbawa ng Pagdamay at Pagmamahal ng Tagapagligtas
Agosto 2022


Pagsunod sa Halimbawa ng Pagdamay at Pagmamahal ng Tagapagligtas,” Liahona, Ago. 2022.

Mga Young Adult

Pagsunod sa Halimbawa ng Pagdamay at Pagmamahal ng Tagapagligtas

Ano ang matututuhan natin mula sa buhay at mga turo ng Tagapagligtas tungkol sa kung paano mas magpapakita ng pagdamay at mahalin ang isa’t isa?

Si Jesucristo na nakaupo at umiiyak

Nanangis si Jesus, ni James Tissot

Ang pinakamaikling talata sa lahat ng banal na kasulatan ay binubuo ng tatlong salita: “Nanangis si Jesus” (Juan 11:35). Hindi lamang ito ang tanging pagkakataon sa banal na kasulatan na nananangis si Jesus, ngunit may isang bagay na napakahalaga sa dahilan kung bakit Siya nananangis sa Juan 11, at maaaring hindi ito makita.

Ayon sa kuwento, nagkasakit ang kaibigan ni Jesus na si Lazaro at namatay habang nasa malayo si Jesus. Pagkaraan ng ilang araw, naglakbay si Jesus papunta sa tahanan ni Lazaro upang ibangon siya mula sa mga patay at sinalubong Siya ng nagdadalamhating mga kapatid na sina Marta at Maria. Lumuhod si Maria sa paanan ni Jesus at nagsabing, “Panginoon, kung ikaw sana’y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid” (Juan 11:32). Pagkatapos ay sinabi sa atin ni Juan, “Kaya’t nang makita ni Jesus na siya’y umiiyak, pati na ang mga Judiong dumating na kasama niya, siya ay nabagabag sa espiritu, … nabahala,” at “umiyak” (Juan 11:33, 35).

Parang hindi naman umiiyak si Jesus dahil sa pagkawala ni Lazaro. At ilang araw na nang malaman Niya ang tungkol sa pagkamatay ni Lazaro at nagpaplanong ibangon siya kalaunan (tingnan sa Juan 11:4, 14–15, 17). Sa halip, umiiyak si Jesus dahil sa sakit ng kalooban na nararanasan noon nina Maria, Marta, at ng iba pa, isang sakit na alam Niyang mawawala sa loob ng ilang minuto ngunit tunay pa rin iyon para sa kanila sa sandaling iyon.

Umiyak si Jesus, kahit paano, dahil sa pakikiramay.

Ang pagdamay ay kakayahang maunawaan at madama ang damdamin ng iba, at dahil isa ito sa mga katangian ni Cristo, ito ay isang bagay na dapat nating sikaping lahat na mas maunawaan, mapag-ibayo, at maipadama. Ang mga taong may empatiya ay may kakayahang mahalin at paglingkuran ang iba ayon sa kanilang pangangailangan. Sa ganitong paraan, ang pagkakaroon ng katangiang ito ay tumutulong sa atin sa pagsisikap nating “tumulong sa iba” bilang pagtulad sa Tagapagligtas at lumikha ng pagkakaisa at pagiging kabilang.1

Kaya ano ang matututuhan natin mula sa buhay at mga turo ni Jesus tungkol sa kung paano mas makiramay at magmahalan?

1. Tinukoy ni Jesus ang mga Taong Hindi Pinahahalagahan

Sa Kanyang buong ministeryo, si Jesus ay nagkaroon ng espesyal na kaugnayan sa mga taong hindi pansin ng lipunan: ang mga maralita, ang naghihirap, ang dayuhan, at ang iba pa na binabalewala o inaalipusta—“ang pinakamaliit sa mga ito,” batay sa pagbanggit Niya sa kanila sa Ebanghelyo ayon kay Mateo (Mateo 25:40). Ngunit hindi lamang Siya naglilingkod sa mga taong ito—nakita Niya ang Kanyang sarili sa kanila itinuturo sa Kanyang mga disipulo na sa paggawa ng mabuti sa mga taong iyon, “ay sa akin ninyo ginawa.”

Pag-isipan ninyo iyan sandali. Ang dakilang Lumikha ng sansinukob, na Anak ng Diyos, at Manunubos ng sangkatauhan, ang taong nagtataglay ng lahat ng dahilan sa mundo upang makita ang Kanyang sarili nang higit sa iba, ay nakikita ang Kanyang sarili sa mga taong lubos na mapagpakumbaba at mahihina.2

Pero bakit?

Bukod sa Kanyang pagmamahal para sa lahat ng tao, mahalagang alalahanin na ang mortal na si Jesus mismo ay hindi pinahalagahan. Siya ay isinilang na etnikong minorya sa Emperyo ng Roma at malamang na maralita. Noong bata pa Siya, napilitan Siyang tumakas patungo sa ibang bansa para magkanlong upang matakasan ang kamatayan (tingnan sa Mateo 2:1–15). Hindi Siya tinanggap ng ilan sa Kanyang mga tao, at sa huli ay naging biktima Siya ng pang-aaping may basbas ng pamahalaan (tingnan sa Marcos 15:15; Juan 1:11). Mula sa araw na Siya ay isinilang hanggang sa araw na Siya ay namatay, si Jesus ay isa sa “pinakamaliit sa mga ito” (Mateo 25:40).

Sa pagpapalagay na katulad Siya ng mga taong hindi pinahahalagahan, inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na isaalang-alang ang sarili nating kaugnayan sa mga tao ngayon na nakakaawa ang kalagayan, walang malapitan, o nilalayuan. Itinuring ba natin na nakahihigit tayo sa kanila? O nakikita ba natin sila na tulad ng pagtingin ni Jesus sa kanila, bilang bahagi ng ating sarili, bilang espirituwal na magkakapatid? Itinatanong ba natin sa ating sarili: paano kung ang kanilang kuwento ay ang ating kuwento?3 Nagdarasal ba tayo para maunawaan at mahalin sila? At pinaglilingkuran ba natin sila bilang pagpapakita ng pagmamahal sa ating Tagapagligtas, na nababanaag sa kanila?

2. Kumilos at Gumawa si Jesus

Ang tunay na pakikiramay ay mas madaling sabihin kaysa gawin, at para kay Jesus, ang pakikiramay ay dahil sa pagdurusa ng “mga pasakit at paghihirap at tukso … at ang mga sakit ng kanyang mga tao” upang malaman Niya “kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan” (Alma 7:11, 12). Sa madaling salita, marami sa mga paghihirap na nauugnay sa Kanyang buhay at Pagbabayad-sala ang nagbigay kakayahan sa Kanya para maunawaan tayo at ang ating mga paghihirap upang mas malaman Niya kung paano tayo pagagalingin.

Ngunit malaya ring nakipag-ugnayan si Jesus sa maraming nakasalamuha Niya, nakikinig sa kanila, nagtatanong sa kanila, at iginagalang sila, kahit binatikos Siya ng iba dahil dito. Dahil napakalayo natin sa kasaysayan noong nabuhay si Jesus sa mundo, maaaring mapalampas natin ang ilan sa mga paraan na hindi Niya sinunod ang mga kaugalian sa lipunan sa Kanyang panahon para matulungan ang iba.

Halimbawa, hinipo Niya ang mga ketongin at iba pang mga taong maysakit, na itinuturing na marumi batay sa mga rituwal ayon sa batas ni Moises (tingnan sa Mga Bilang 5:1–4; Mateo 8:2–3). Naglingkod din siya sa mga kilalang makasalanan, sa mga taong may masamang reputasyon, at sa mga Gentil, na maituturing noon ng ilan na hindi angkop (tingnan sa Marcos 2:15–17; Juan 4:5–26). Si Jesus ay nakikipag-ugnayan sa mga taong itinuturing ng iba na dapat ay nakahiwalay sa lipunan, kahit hindi ito popular.

magkakaibigan na nag-uusap

Tulad ng Tagapagligtas, maaari din tayong gumawa ng mga pagsisikap na mas makilala ang iba. Halimbawa,

  • maaari natin silang pakinggan sa layon na maunawaan sa halip na husgahan o sagutin;

  • maiiwasan natin ang tendensiyang balewalain, maging depensibo, o pintasan ang mga taong hindi natin makasundo; at

  • matiyagang makipagtulungan sa mga tao ayon sa kanilang antas sa halip na asahang makapantay sila sa atin.

Natuklasan ko na kapag mas alam ko ang tungkol sa mga pananaw at karanasan ng iba, nadaragdagan ang aking habag, lalo kong nauunawaan ang mga kumplikadong isyu, at nagiging mas mahusay sa paglilingkod at pagmamahal. Mahirap hindi mahalin ang isang tao kapag alam mo ang kanilang kuwento.

3. Minahal ni Jesus ang mga Tao Ayon sa Kailangan Nilang Pagmamahal

Sa huli, ipinapakita ng buhay ni Jesus na ang pagdamay ay lubos na naipapakita sa pagmamahal sa iba sa paraan na kailangan silang mahalin. Tulad ng itinuro ni Nephi, ang Tagapagligtas ay “hindi … gumagawa ng anumang bagay maliban na lamang kung para sa kapakanan ng sanlibutan; sapagkat mahal niya ang sanlibutan” (2 Nephi 26:24).

Kung minsan ang Kanyang pagmamahal ay naipapakita sa Kanyang pag-aalok ng pisikal na paggaling, panghihikayat, pagkastigo, o pagpapatawad. Sa ibang pagkakataon ay nakidalamhati Siya sa mga nagdadalamhati o nakibahagi sa kanilang kagalakan. Sa huli, inialay ni Cristo ang Kanyang buhay para sa atin “noong tayo’y mga makasalanan pa” (Mga Taga Roma 5:8), na nagpapakita na ang Kanyang sakdal na pag-ibig ay patuloy pa rin kahit marami tayong kakulangan.

Ang pagsisikap na magmahal na tulad ng Tagapagligtas ay maaaring mahirap kung minsan. Kaya paano natin mamahalin ang iba sa paraang kailangan silang mahalin?

Maaari ba nating piliing magmahal, na para bang may switch lang na pipindutin?

Posible ba talagang mahalin ang kapitbahay o dayuhan tulad ng isang kapamilya o ng ating sarili?

Paano naman ang mga taong hindi natin kasundo o hindi kayang pakibagayan, o mga taong lagi tayong nakikipagtalo?

Sa mga banal na kasulatan, ang pag-ibig na tulad ng kay Cristo ay madalas banggitin bilang isang bagay na “puspos” sa isang tao; sa madaling salita, ito ay isang bagay na ibinuhos ng Diyos sa kaluluwa (tingnan sa Mosias 2:4; 4:12; Alma 38:12; Moroni 7:48). Ibig sabihin nito, ang pag-ibig na tulad ng kay Cristo ay hindi malilinang kung wala ang tulong ng Diyos—ito ay espirituwal na kaloob na dumarating at lumalago kapag tayo ay “nananalangin sa Ama nang buong lakas ng puso” (Moroni 7:48).

Ang Pagdamay ay Nagdudulot ng Pagkakaisa

Kapag naglilingkod tayo nang may pagdamay at pagmamahal, nadaragdagan ang kakayahan nating makalikha ng pagkakaisa at pagiging kabilang at madala ang iba kay Cristo. Ito ay dahil nakikita natin ang iba gamit ang mga mata ng Diyos at nakadarama sa pamamagitan ng Kanyang puso. Nakikita rin natin ang ating paglilingkod hindi bilang pagtulong natin na iangat ang iba sa ating antas kundi bilang pagtulong upang yakapin ang isang kapwa anak ng Diyos. Sa paggawa nito, tumutulong tayo na maisakatuparan ang panalangin ni Cristo na ang Kanyang mga tagasunod ay “maging isa; gaya mo, Ama, na nasa akin at ako’y sa iyo, sana sila’y manatili sa atin” (Juan 17:21).