2022
Paghahanap ng Kanlungan sa Gitna ng mga Pinsalang Dulot ng Kalikasan
Agosto 2022


Digital Lamang

Paghahanap ng Kanlungan sa Gitna ng mga Pinsalang Dulot ng Kalikasan

Sa pagtugon sa matitinding pinsalang dulot ng kalikasan sa kanilang sariling bansa, naipakita ng mga Banal sa mga Huling Araw kung paano maaaring magbigay ng kapayapaan ang pag-asa kay Jesucristo sa mga nakaliligalig na panahon.

Mga binahang bahay at iba pang gusali sa Indonesia

Ipinropesiya ng Tagapagligtas na sa mga huling araw ay “magkakaroon ng taggutom[, at mga salot,] at mga lindol sa iba’t ibang dako” (Mateo 24:7). Nakikita natin na lalong natutupad ang propesiyang ito sa ating paligid bawat taon sa mga pinsalang dulot ng kalikasan na nangyayari sa iba’t ibang panig ng mundo.

Maraming matatapat na miyembro ng Simbahan ang sinubok ng mga epekto ng mga mapanirang puwersa ng kalikasan. Subalit ang kanilang katatagan at pananampalataya ay kapwa nakapagpapakumbaba at nagbibigay-inspirasyon habang sila ay “naghihintay sa Panginoon” (Isaias 40:31) at nagtitiwala sa Kanyang mga ipinangakong pagpapala.

Sa pagtugon sa matitinding pinsalang dulot ng kalikasan sa kanilang sariling bansa, naipakita ng mga Banal sa mga Huling Araw kung paano maaaring magbigay ng kapayapaan ang pag-asa kay Jesucristo sa mga nakaliligalig na panahon.

Paghihintay nang May Pananampalataya

Noong Nobyembre 2020, sinalanta ng mga Bagyong Eta at Iota ang ilang bansa sa Central America. Napakatindi ng pinsalang idinulot ng mga unos. Bilang Area President ng Central America Area, nakatanggap si Elder Brian K. Taylor ng Pitumpu ng isang di-malilimutang text message mula sa isang stake president sa Honduras. Ang pamilya ng stake president ay nanirahan sa isang pansamantalang kanlungan matapos silang mapilitang umalis sa kanilang bahay dahil sa unos; sabi niya sa text: “Patuloy kaming sumasampalataya at umaasa na magiging mas matatag kami dahil sa karanasang ito: mas mapagpakumbaba, mas matulungin — at handang magpasakop sa anumang itinuturing ng Panginoon na makabubuti.”1

Madaling panghinaan ng loob at mawalan ng pag-asa sa makabagong “araw ng kaguluhan” (Nahum 1:7). Ngunit hindi tayo nag-iisa sa ating mga paghihirap at pagdurusa. Ang tugon ng Ama sa Langit sa desperadong pagsamo ni Joseph Smith mula sa kailaliman ng Piitan sa Liberty ay angkop din sa bawat isa sa atin: “Kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang; At muli, kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas” (Doktrina at mga Tipan 121:7–8).

Ipinangako sa atin ng Panginoon na itatama Niya ang mga bagay-bagay kung titiisin natin ang ating mga paghihirap nang may pananampalataya. Itinuro na ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Kaya habang sama-sama tayong nagsisikap at naghihintay para sa mga sagot sa ilan sa ating mga panalangin, ibinibigay ko sa inyo ang aking pangako bilang apostol na ang mga ito ay dinirinig at sinasagot, bagaman maaaring hindi sa panahon o paraang nais natin. Ngunit ang mga ito ay palaging sinasagot sa panahon at paraang dapat sagutin ang mga ito ng isang magulang na nakaaalam ng lahat at mahabagin magpakailanman.”2

Salamat sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit, maaalala natin na “[kapag walang kapayapaan sa mundo,] may kapayapaan tayo kay Cristo.”3

Paglilingkod sa Iba

Bilang stake Relief Society president sa Japan, nakipagtulungan si Sister Junko Yoshida sa mga miyembro ng kanyang stake Relief Society upang mangalap ng 1,000 tuwalya para sa mga residenteng naapektuhan ng matinding pagbaha noong mga unang araw ng Hulyo 2020. Sabi ni Sister Yoshida: “Gusto kong tulungan ang mga tao. … Agad akong [kumilos]. … [Kami ay] nakakalap ng mga 1,000 tuwalya at basahan sa loob lamang ng maikling panahon na apat na araw.”4

Naipakita ang gayon ding paglilingkod na katulad ng kay Cristo noong Disyembre 2021, nang wasakin ng matitinding buhawi ang gitnang-kanlurang Estados Unidos, kung saan marami ang nawalan ng tirahan at libu-libong tao ang nawalan ng kuryente. Sa halip na hayaang pahinain sila ng pagkawasak ng kanilang mga tahanan, kumilos kaagad ang mga miyembro sa mga estadong naapektuhan upang paglingkuran at tulungan ang kanilang mga komunidad. Sinabi ni Kevin D. Releford, isang stake president sa Hendersonville, Tennessee, na siya ay “hangang-hanga sa mahabaging paglilingkod na katulad ng kay Cristo na naipakita ng ating mga miyembro sa isa’t isa, sa kanilang mga kapitbahay. … Tinulungan ng mga miyembro [ang kanilang mga kapitbahay] at siniguro nilang ang mga ito ay may matutuluyan at makatatanggap ng suportang kailangan.”5

Itinuro ni Elder Moisés Villanueva ng Pitumpu: “Ipinakita ni Jesucristo [sa atin] na sa mga panahon ng pagsubok at pagdurusa, maaari nating makita ang paghihirap ng iba. Dahil nahahabag tayo, maaari natin silang tulungan at palakasin. Habang ginagawa natin ito, napalalakas din tayo ng ating paglilingkod na tulad ng kay Cristo. Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: ‘Ang pinakamabisang lunas para sa pag-aalala na alam ko ay pagtatrabaho. Ang pinakamabisang lunas sa kawalan ng pag-asa ay paglilingkod. Ang pinakamabisang lunas sa kapaguran ay ang hamon na tulungan ang isang taong mas pagod.’”6

Paghahanap ng Kapayapaan

Ang mga kuwentong ito ay mahahalagang halimbawa kung paanong ang pagsentro ng ating mga buhay sa Tagapagligtas ay hindi lamang makatutulong sa atin na makasumpong ng kapayapaan sa mga nakaliligalig na panahon kundi makapagtutulot din sa atin na magbigay ng kapayapaan sa iba.

Sabi ng Tagapagligtas, “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, o matakot man” (Juan 14:27).

Alam ni Jesucristo, ang Prinsipe ng Kapayapaan, ang ating sitwasyon. Maaari tayong magtiwala na pagagaanin Niya ang ating mga pasanin (tingnan sa Mateo 11:28–30). Literal man o matalinghaga ang mga unos na kinakaharap natin sa buhay na ito, “mabibigyan kayo ng Tagapagligtas ng proteksyon at kapayapaan na gagabay sa inyo sa huli tungo sa kaligtasan at kanlungan mula sa mga unos ng buhay.”7