Mga Tatay sa mga Huling Araw
Basbas ng Isang Ama para sa Aming Nag-aagaw-Buhay na Sanggol
Ang aming bagong-silang na anak ay hindi mabubuhay nang matagal, ngunit alam namin na maaaring magpatuloy ang aming ugnayan sa kanya magpakailanman.
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Maraming taon na ang nakararaan, masayang hinintay ng aking pamilya ang pagsilang ng aming anak na si Randolph “Ray” Gibson. Ngunit nag-alala kami nang husto noong lumabas ang resulta ng routine ultrasound.
Nasuri si Ray na may hypoplastic left heart syndrome (HLHS), isang kundisyon kung saan hindi nabuo nang maayos ang kaliwang bahagi ng puso. Hindi makadaloy ang dugo upang gumana ang puso, at kadalasa’y nakamamatay ito para sa sanggol.
Habang ipinoproseso ng aming pamilya ang pagsusuring ito, ang aming mga kaibigan at kapamilya ay nag-alay ng mga panalangin, nag-ayuno, at nagbuhos ng pagmamahal at pagmamalasakit para sa amin. Patuloy kaming umasa. Gayunpaman, ang follow-up test ay naghatid ng mas nakapanlulumong balita: malalang-malala ang HLHS ni Ray.
Tinalakay sa amin ng mahahabaging propesyonal sa medisina ang aming mga opsiyon. Hindi namin isinaalang-alang ang desisyong wakasan ang pagbubuntis. Ngunit kinailangan naming timbangin ang hangaring mabuhay ang aming anak—gaano man kaliit ang pag-asa—laban sa sakit na daranasin niya sa mga pagtatangkang ayusin ang kanyang puso. Ang mga pagsisikap na panatilihing buhay si Ray ay malamang na humantong sa habambuhay na pagdurusa at kamatayan sa napakabatang edad.
Kami ng asawa kong si Kati ay mapanalanging gumawa ng isang napakahirap na desisyon. Sasalubungin namin ang aming anak sa mundong ito, pananatilihin namin siyang komportable, at hahayaan namin siyang mamatay nang payapa. Ang aming katapatan sa ebanghelyo ni Jesucristo at ang aming paniniwala sa plano ng kaligtasan ay nakatulong sa amin na gawin ang pagpiling ito. Hindi madaling panoorin ang paglaki ng aming anak sa sinapupunan, batid na mamamatay siya pagkatapos isilang. Nag-alala rin kami kung paano kakayanin ng aming dalawang taong gulang na anak na makita ang kanyang kapatid na sanggol at pagkatapos ay dumalo sa burol nito pagkaraan ng isang linggo.
Napalakas kami ng pahayag ng Panginoon na “ang maliliit na bata ay banal, pinabanal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Jesucristo” (Doktrina at mga Tipan 74:7).
Mapatototohanan namin ni Kati na ang taon kung kailan hinintay namin ang pagdating ni Ray ay nakatulong sa amin na maunawaan ang tunay na kahulugan ng isang mag-asawang pumipisan sa isa’t isa (tingnan sa Genesis 2:24 at Doktrina at mga Tipan 42:22). Umasa at sumuporta kami sa isa’t isa, tinutulutan ang aming pagmamahal at tiwala na tulungan kaming magtiis. Ibinuhos namin ang nilalaman ng aming mga puso sa Diyos, na humihingi ng lakas na magpatuloy at pagpapalang malampasan ng aming pamilya ang pagsubok na ito. Mas tumatag ang aming pagsasama bilang mag-asawa.
Bago isinilang si Ray, nalaman namin na suhi siya. Nag-alala ang mga doktor na baka hindi niya kayanin ang hirap ng normal na pagsilang, kaya nagsagawa sila ng C-section delivery. Ilang minuto pagkatapos ng pagsilang, ako, kasama ang aking bishop at ilang iba pa, ay nagbigay ng basbas ng priesthood kay Ray sa labas ng operating room. Sa magulo at malungkot na sitwasyong ito, ako ay nagsambit ng ilang pangungusap at nagtapos “sa pangalan ni Jesucristo, amen.” Pagkatapos ay nilinisan, ibinalot, at dinala si Ray sa kanyang pamilya sa silid sa ospital.
Upang mapanatag, sinubukan kong alalahanin ang mga salitang sinambit sa basbas, ngunit hindi ko magawa.
Nabuhay si Ray sa loob ng 24 na oras at 16 na minuto. Ang silid sa ospital ay napuno ng mga kapamilya at kaibigan sa buong maghapon, kinakarga at binabalot si Ray sa pagmamahal. Ito ay isang kakaibang karanasan—ang tanging araw na makakasama namin ang aming anak. Pinahalagahan ko ang pagkarga sa kanya, paghalik sa kanya, at pagpapalit ng kanyang lampin.
Kinaumagahan, namatay ang aming anak. Kinarga at binalot namin siya sa matinding pagmamahal sa kanyang mga huling sandali.
Pagkaraan ng isang linggo, gustung-gusto kong maalala ang basbas. Napakaraming nangyari. Tumagal lamang ang basbas nang ilang minuto, ngunit hindi ko maalala ang mga salitang sinambit ko noong umagang iyon.
Ako ay lumuhod at humingi ng himala, bagama’t hindi ko alam kung may darating nga. Pagkatapos ng panalangin, kumuha ako ng lapis, at pagkatapos ay pumasok sa aking isipan ang mga salitang sinambit sa basbas.
Pinatibay ng karanasang ito ang aking pananalig na manipis ang tabing sa pagitan ng buhay at ng kabilang-buhay at na maaari tayong manatiling nakaugnay sa mga kapamilyang hindi na natin kasama.
Nakasaksi ako ng isang himala. Alam ko na malaki ang naging papel ng aking anak sa himalang iyon.
Pinapanatag pa rin kaming mag-asawa ng pangakong matatagpuan sa Roma 8:18: “Itinuturing ko na ang pagtitiis sa panahong kasalukuyan ay hindi karapat-dapat maihambing sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin.”