Abril
Si Jesucristo ang Aking Tagapagligtas at Manunubos
Awiting pinili ninyo mula sa Aklat ng mga Awit Pambata
“Naniniwala kami na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3).
Dagdagan ng sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Magplano ng mga paraan upang maipaalam ang doktrina sa mga bata at tulungan silang maunawaan at ipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”
Linggo 1: Si Jesucristo ang pinili na maging Tagapagligtas natin.
Ipaalam ang doktrina: Isulat sa pisara ang “Si Jesucristo ang na maging Tagapagligtas natin.” Ikalat ang mga letrang p, i, n, i, l, at i sa buong silid. Hayaang ayusin ng mga bata ang mga letra para makumpleto ang pangungusap. Ipabasa sa kanila ang Moises 4:2 para matingnan kung tama ang kanilang sagot. Basahin nang sabay-sabay ang pangungusap sa pisara.
Maghikayat ng pag-unawa: Maghanda ng tatlong wordstrip na nakasulat ang isa sa sumusunod na mga tanong tungkol sa “Sa Langit Ako’y Nanirahan” (Liahona, Oktubre 2010 sa bawat wordstrip:
-
Sino ang naglahad ng plano sa lahat ng nasa langit bago tayo pumarito sa lupa?
-
Sino ang nagsabi ng, “Ama, kal’walhatia’y sa Inyo”?
-
Ano ang nagapi ni Jesus sa pagsunod sa plano ng Ama?
Ipakanta sa mga bata ang unang linya ng awitin at patayuin sila kapag kinakanta na nila ang sagot sa unang tanong. Pagkatapos ay talakayin ang ilan sa iba pang mga bagay na natutuhan nila mula sa linyang ito. Pag-isipang kantahing muli ang linya matapos ninyo itong talakayin. Pagkatapos ay ulitin ang aktibidad sa iba pang mga linya at tanong.
Linggo 2: Si Jesucristo ang perpektong halimbawa para sa akin.
Ipaalam ang doktrina: Pasunurin sa inyo ang mga bata sa paggawa ng ilang simpleng galaw, tulad ng pagpalakpak, pag-uunat ng inyong mga bisig sa inyong ulunan, o pagmamartsa sa kinatatayuan. Magpabanggit sa mga bata ng ilang bagay na natutuhan nila sa pagsunod sa halimbawa ng isang tao (halimbawa, paano ayusin ang higaan o laruin ang isang game). Isulat sa pisara ang “Si Jesucristo ang perpektong halimbawa para sa akin.” Magpatotoo na si Cristo ang tanging taong nabuhay sa lupa na nakapagpakita ng perpektong halimbawang susundan natin. Ipabasa sa mga bata ang pangungusap nang sabay-sabay.
Maghikayat ng pagsasabuhay: Idispley ang ilang larawan ni Jesus na minamahal at pinaglilingkuran ang iba. Isulat sa pisara ang “Minahal ni Jesus ang lahat” at “Pinaglingkuran ni Jesus ang lahat.” Magdrowing ng puso at kamay sa ilalim ng mga pariralang ito. Sabihin sa mga bata na dapat nating sundin ang halimbawa ni Jesus sa pagmamahal at paglilingkod sa iba. Bigyan ng papel ang bawat bata at magpadrowing sa kanila ng puso o ipabakat ang kanilang kamay. Pagkatapos ay pagsulatin o pagdrowingin sila ng isang bagay na magagawa nila para sundin ang halimbawa ni Jesus. Ipabahagi sa mga bata ang kanilang mga ideya sa Primary at ipalagay ang kanilang mga papel sa tabi ng mga larawan ni Jesus. Kantahin ang “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (AAP, 40–41).
Linggo 3: Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas.
Ipaalam ang doktrina: Igrupu-grupo ang mga bata at bigyan ang bawat grupo ng isang parirala mula sa ikatlong saligan ng pananampalataya. Patayuin ang bawat grupo, sa tamang pagkakasunud-sunod, at ipaulit sa kanila ang kanilang parirala. Pagkatapos ay patayuin ang buong Primary at ipaulit sa kanila ang buong saligan ng pananampalataya.
Maghikayat ng pag-unawa: Magpatotoo na ang isang paraan na inililigtas tayo ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay inililigtas tayo nito mula sa kasalanan. Magpakita ng isang malinaw na basong may tubig sa mga bata at ipaliwanag na kumakatawan ito sa isang taong walang kasalanan. Patakan ng kaunting food coloring ang tubig. Ituro na kumalat na ang food coloring sa tubig kaya hindi na ito malinis. Ipaliwanag na kapag nagkakasala tayo, nagiging marumi tayo, gaya ng tubig na ito. Pagkatapos ay dagdagan ng kaunting patak ng likidong pampaputi para luminis muli ang tubig. Ipaliwanag na kapag nagsisi tayo, nililinis tayo ng Pagbabayad-sala mula sa kasalanan at pinatatawad tayo. Magpakita ng larawan ni Cristo sa Getsemani. Ipabahagi sa mga bata ang nalalaman nila tungkol sa larawan. Patotohanan ang pagmamahal sa atin ni Jesucristo at ang Kanyang kahandaang bayaran ang ating mga kasalanan.
Maghikayat ng pagsasabuhay: Gamit ang ilan sa mga pamamaraan sa pagtuturo na ipinakita sa buklet na ito, ituro sa mga bata ang tungkol sa pagsisisi, na kinabibilangan ng damdaming malungkot, paghingi ng kapatawaran, pagtama sa ginawang mali, at hindi na pag-ulit sa mali (tingnan sa Primarya 3, 55–59).
Linggo 4: Si Jesucristo ay nabuhay na mag-uli, at gayon din ako.
Maghikayat ng pag-unawa: Gumamit ng mga larawan upang ikuwento nang maikli ang kamatayan ni Jesus (tingnan sa Mateo 27:33–60; Marcos 15:22–46; Lucas 23:33–53; Juan 19:17–42). Ipaisip sa mga bata kung ano kaya ang pakiramdam ng pamilya at mga kaibigan ni Jesus nang mamatay Siya. Maaga pa lang, hilingin sa ilang bata (o matanda) na magpunta sa Primary na handang magkuwento tungkol sa isa sa mga saksi sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo, katulad nina Maria Magdalena (tingnan sa Juan 20:11–18), Pedro at Juan (tingnan sa Juan 20:2–10), mga disipulo (tingnan sa Juan 20:19–22; Lucas 24:33–53), Tomas (tingnan sa Juan 20:24–29), at mga Nephita (tingnan sa 3 Nephi 11:8–17). Bigyan sila ng mga name tag na tumutukoy kung tungkol kanino ang ikinukuwento nila.