Setyembre
Ang Ebanghelyo ay Ipapangaral sa Buong Daigdig
“Ang ebanghelyong ito ay ipangangaral sa lahat ng bansa, at lahi, at wika, at tao” (D at T 133:37).
Dagdagan ng sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Magplano ng mga paraan upang maipaalam ang doktrina sa mga bata at tulungan silang maunawaan at ipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”
Linggo 1: Itinuturo ng mga banal na kasulatan na ang ebanghelyo ay ipapangaral sa buong daigdig.
Ipaalam ang doktrina: Ipabasa nang malakas sa isang nakatatandang bata ang Doktrina at mga Tipan 133:37. Sabihin sa mga bata na itinuturo ng mga misyonero ang ebanghelyo sa maraming pook ng mundo, sa maraming iba’t ibang wika. Ipabasa muli nang sabay-sabay sa mga bata ang banal na kasulatan.
Maghikayat ng pag-unawa: Ipakita sa mga bata ang isang mapa ng mundo o magdrowing ng simpleng mapa sa pisara. Ipabahagi sa kanila ang mga lugar kung saan nagmisyon ang mga taong kakilala nila. Markahan sa mapa ang mga lugar na ito. Ipabahagi sa mga bata kung saan nila gustong maglingkod, at pamarkahan sa kanila ang mga lugar na iyon sa mapa. Ipaliwanag na ang mga tawag sa misyon ay nagmumula sa Panginoon sa pamamagitan ng propeta at ang mga misyonero ay naglilingkod saanman sila tawagin ng Panginoon. Tulungan ang mga bata na magsanay sa pagbigkas ng pangalan ng Simbahan sa ilang iba’t ibang wika. Talakayin sa mga bata na may ilang lugar kung saan hindi pa pinapayagang magturo ang mga misyonero. Ipaliwanag na hiniling sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson na “idalangin ang pagbubukas ng mga lugar na iyon, upang maibahagi natin sa [lahat] ang kagalakang hatid ng ebanghelyo” (sa Conference Report, Okt. 2008, 4; o Liahona, Nob. 2008, 6).
Maghikayat ng pagsasabuhay: Pasulatin ng maikling liham ang mga bata sa isang misyonerong nagmula sa inyong ward o sa mga misyonerong naglilingkod sa inyong lugar. Iabot ang mga liham sa ward mission leader para maipadala sa mga misyonero.
Linggo 2: Pinagpapala ng gawaing misyonero ang lahat ng tao.
Maghikayat ng pag-unawa: Anyayahan ang isang nakauwi nang misyonero na pumunta sa Primary at ikuwento sa mga bata ang ilan sa mga pagpapalang natanggap niya mula sa paggawa ng gawaing misyonero. Magpabahagi sa iba (mga bagong binyag, mga bata, o pamilya) ng isang karanasan nila sa misyon o isang halimbawa kung paano pinagpala ng gawaing misyonero ang kanilang buhay. Ipakanta sa mga bata ang “Katotohanan Niya’y Dadalhin Natin sa Mundo” (AAP, 92–93) sa mga panauhin.
Linggo 3: Makapaghahanda na ako ngayon para maglingkod sa misyon.
Maghikayat ng pag-unawa: Ipakita ang larawan ni Ammon at sabihin sa mga bata na isa siyang magaling na misyonero na nagturo ng ebanghelyo sa mga Lamanita. Ipaliwanag na naghanda siyang maglingkod bilang misyonero bago pa siya nagtungo sa kanyang misyon. Basahin (o ipabasa sa isang nakatatandang bata) nang malakas ang Alma 17:2–3. Hilingin sa iba pang mga bata na makinig at itaas ang kanilang kamay kapag narinig nila ang mga paraan ng paghahanda ni Ammon na maging misyonero. Ipasulat sa isang bata ang kanilang mga sagot sa pisara. Sabihin sa mga bata na magagawa rin nila ang mga bagay na ito sa paghahanda nila na maging misyonero. Kantahin ang “Sana Ako’y Makapagmisyon” (AAP, 91). Habang kumakanta sila, ipa-pantomime sa mga bata ang mga galaw na maaaring gawin ng mga misyonero, tulad ng pagkatok sa mga pintuan, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, o pagbibisikleta.
Maghikayat ng pagsasabuhay: Sabihin sa mga bata na may mga bagay na magagawa nila ngayon para makapaghandang maging misyonero, tulad ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagkakaroon ng patotoo, pagsunod sa mga utos, pagbabayad ng ikapu, at pag-iimpok ng pera. Bigyan ng isang tithing slip ang bawat bata, at ipakita sa kanila kung paano ito pupunan. Tulungang maghanda ang mga bata ng espesyal na lugar kung saan nila mailalagay ang kanilang perang pang-ikapu at perang iimpukin para sa kanilang misyon. Maaaring isa itong kahon, maliit na garapon o lata, o sobreng may hiwa-hiwalay na espasyo para sa ikapu at mga impok.
Linggo 4: Maaari akong maging misyonero ngayon.
Maghikayat ng pag-unawa: Isulat sa pisara ang sumusunod na pangungusap: “Maaari akong maging misyonero ngayon sa pamamagitan ng .” Magpaisip sa mga bata ng mga bagay na magagawa nila para maging misyonero ngayon. Ipabahagi ang kanilang mga ideya sa isang taong katabi nila sa upuan. Ipasulat sa ilang bata ang kanilang mga tugon sa pisara.
Maghikayat ng pag-unawa: Ipabahagi sa isang nakatatandang bata ang kuwento ng Unang Pangitain, at ipabahagi sa ibang bata ang kanyang damdamin tungkol sa Aklat ni Mormon. (Sabihan nang maaga ang mga bata para marami silang panahong makapaghanda.) Hikayatin ang lahat ng bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang kuwento ng Unang Pangitain o ang kanilang damdamin tungkol sa Aklat ni Mormon.
Maghikayat ng pagsasabuhay: Magpaisip ng isang galaw sa mga bata na nagpapakita kung paano tayo magiging misyonero at paano natin maipamumuhay ang ebanghelyo ngayon. Pumili ng isang batang pupunta sa harapan ng klase at magbabahagi ng kanyang galaw sa ibang mga bata sa Primary. Ulitin sa ibang mga bata kung may oras pa.