Pagtuturo sa mga Batang May Kapansanan
Itinuro ng Tagapagligtas, “Lahat ng iyong mga anak ay tuturuan ng Panginoon; at malaki ang magiging kapayapaan ng iyong mga anak” (3 Nephi 22:13).
Mahalagang responsibilidad ng mga lider ng Primary na ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo sa lahat ng bata, pati na sa mga yaong may kapansanan. Primary ang lugar kung saan ang bawat bata ay dapat tanggapin, mahalin, pangalagaan, at isali. Sa kapaligirang ito ay mas madaling maunawaan ng lahat ng bata ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo at madama at makilala ang impluwensya ng Espiritu Santo.
Bawat bata ay mahalaga sa Diyos. Bawat isa ay nangangailangan ng pagmamahal, paggalang, at suporta.
Sumangguni sa iba habang sinisikap ninyong tugunan ang mga pangangailangan ng mga bata sa inyong Primary na may mga kapansanan.
-
Sumangguni sa mga magulang ng bata. Karaniwan ay mas kilala ng mga magulang ang kanilang anak kaysa sinuman. Maituturo nila sa inyo kung paano tugunan ang kanyang mga pangangailangan, haba ng atensyon, at mga paboritong paraan sa pag-aaral. Halimbawa, may ilang bata na nakikinig na mabuti sa musika, ang iba naman ay sa mga kuwento, larawan, mga banal na kasulatan, o paggalaw. Gumamit ng iba’t ibang pamamaraan sa pagtuturo, na tinitiyak na maisama ang mga paraan na higit na natututo ang bawat bata.
-
Sumangguni sa iba pang mga lider at guro sa Primary. Sama-samang manalangin at magsikap na makahanap ng mga paraan na matulungan ang bawat bata na matutuhan ang ebanghelyo ni Jesucristo at makadama ng pagmamahal.
-
Sumangguni sa ward council. Maaaring may mga ideya ang mga lider ng priesthood at iba pang auxiliary kung paano tutulungan ang mga batang may mga espesyal na pangangailangan. Sa isang ward, nag-alok ang high priests group na maglaan ng isang “lolo para sa Primary” linggu-linggo na kakausap sa isang batang lalaking autistic. (Ang pinakamainam, iisang tao lang ito bawat linggo.) Nakatulong ito sa batang lalaki na magtuon sa aralin at makadama ng pagmamahal.
Itinuro ni Elder M. Russell Ballard, “Malinaw, na ang mga pinagkatiwalaan na magkaroon ng mga espesyal na anak ay pinagkalooban ng sagrado, marangal na pangangasiwa, dahil tayo ang hinirang ng Diyos na palibutan ang mga bata ngayon ng pag-ibig at ng apoy ng pananampalataya at ng pag-unawa kung sino sila” (“Great Shall Be the Peace of Thy Children,” Ensign, Abr. 1994, 60).