Agosto
Ang Aking Katawan ay Templo ng Diyos
Awit: “Ang Diyos sa Akin ay Nagbigay ng Templo”
(AAP, 73)
“Hindi baga ninyo nalalaman na kayo’y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo? … Ang templo ng Dios ay banal, na ang templong ito ay kayo” (I Mga Taga Corinto 3:16–17).
Dagdagan ng sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Magplano ng mga paraan upang maipaalam ang doktrina sa mga bata at tulungan silang maunawaan at ipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”
Linggo 1: Ang aking katawan ay isang templo.
Ipaalam ang doktrina: Bago mag-Primary, isulat sa pisara ang pariralang “Kayo’y templo ng Dios” (I Mga Taga Corinto 3:16). Magpakita sa mga bata ng mga larawan ng mga templo at itanong sa kanila kung bakit napakaespesyal ng templo (ito ang bahay ng Panginoon, malinis, alagang-alaga, at isang lugar na pupuntahan ng Espiritu Santo). Isulat sa pisara ang kanilang mga tugon. Ipaliwanag na ang ating katawan, tulad ng mga templo, ay sagrado at kailangang tratuhin nang may paggalang sa sarili at ng iba.
Maghikayat ng pag-unawa at pagsasabuhay: Kopyahin ang larawan sa pahina 47 ng manwal ng nursery, Masdan ang Inyong mga Musmos. Gupitin ang mga bilog sa larawan, at ilagay ang mga ito sa isang lalagyan. Papiliin ng isa sa mga bilog ang isang bata. Itanong sa mga bata kung paano ipinaaalala sa kanila ng larawan na tratuhin ang kanilang katawan na parang mga templo. Bigyan ng kopya ng larawan ang bawat bata, at pakulayan ito sa kanila. Pasulatin ang nakatatandang mga bata ng isang bagay sa ilalim ng bawat bilog na gagawin nila sa linggong ito upang matrato ang kanilang katawan na parang mga templo. Ipauwi sa mga bata ang kanilang mga larawan para ituro sa kanilang pamilya kung paano nila matatrato ang kanilang katawan na parang mga templo.
Maghikayat ng pagsasabuhay: Idispley ang isang kopya ng “Mga Pamantayan Ko sa Ebanghelyo.” Ipatukoy sa mga bata kung aling mga pamantayan ng ebanghelyo ang nagtuturo sa kanila kung paano tratuhin ang kanilang katawan na parang mga templo. Pabalingin ang mga bata sa kanilang katabi at pagbahaginin sila ng isang paraan na tinatrato nila ang kanilang katawan na parang isang templo. Pagkatapos ay magpaisip sa kanila ng isang paraan na magpapahusay sa kanila. Ipabahagi sa ilang bata ang kanilang mga ideya sa lahat.
Linggo 2: Ang pananamit nang disente ay nagpapakita ng paggalang sa Ama sa Langit at sa aking sarili.
Ipaalam ang doktrina: Ipabuklat sa mga bata ang I Mga Taga Corinto 3:16 at sabay-sabay ninyong basahin nang malakas ang banal na kasulatan. Sabihin sa mga bata na isa sa mga paraan na matatrato natin ang ating katawan na parang mga templo ay sa pananamit nang disente. Idispley ang “Mga Pamantayan Ko sa Ebanghelyo,” at ipabasa nang malakas sa mga bata ang pamantayang nagsasabing, “Mananamit ako nang disente para magpakita ng paggalang sa Ama sa Langit at sa aking sarili.”
Maghikayat ng pag-unawa: Talakayin kung ano ang ibig sabihin ng pananamit nang disente (tingnan sa bahaging “Pananamit at Kaanyuan” ng Para sa Lakas ng mga Kabataan). Maghanda ng ilang poster na may nakasulat sa bandang itaas na “Mananamit ako nang disente sa pamamagitan ng ….” Igrupu-grupo ang mga bata, at ipasulat sa bawat grupo ang kanilang tapat na pangakong manamit nang disente o magpadrowing ng larawan nila na nakadamit nang disente sa isa sa mga poster. Idispley ang mga poster sa silid ng Primary.
Linggo 3: Ang pamumuhay ayon sa Word of Wisdom ay nagpapakita ng paggalang sa aking katawan.
Maghikayat ng pag-unawa: Sa isang panig ng pisara isulat ang “Mga Kautusan” at ang sumusunod na reperensya na banal na kasulatan: D at T 89:7–9, 12, 14, 16. Sa kabilang panig, isulat ang “Mga Pangako” at ang sumusunod na reperensya: D at T 89:18–21. Ipabasa sa kalahati ng mga bata ang unang set ng mga banal na kasulatan at hanapin ang mga utos na ibinigay sa atin ng Panginoon sa Word of Wisdom. Ipabasa sa ibang mga bata ang natitirang mga banal na kasulatan at hanapin ang mga pagpapalang ipinangako Niya sa atin kung susunod tayo. Talakayin ang ibig sabihin ng mga kautusan at pagpapala.
Maghikayat ng pagsasabuhay: Ipasabi sa isang bata ang, “Maipamumuhay ko ang Word of Wisdom sa pamamagitan ng ” at punan ang patlang ng isang bagay na gagawin niya para maipamuhay ang Word of Wisdom. Pagkatapos ay ipaulit sa isa pang bata ang parirala at ang tugon ng unang bata at pagkatapos ay idagdag ang kanyang sariling tugon. Ipaulit sa ikatlong bata ang parirala at ang mga tugon ng dalawang bata at pagkatapos ay magdagdag ng isa pang tugon. Ulitin kung may oras pa, na nagdaragdag ang bawat bata ng isang tugon.
Ang Word of Wisdom | |
---|---|
Mga Kautusan |
Mga Pangako |
Linggo 4: Pinapanatiling malinis ng pagbabasa, panonood, at pakikinig sa mabubuting bagay ang aking isipan.
Ipaalam ang doktrina: Ipakita sa mga bata ang dalawang baso, ang isa ay may maruming tubig at ang isa ay may malinis na tubig. Itanong sa mga bata kung alin ang mas gugustuhin nilang inumin at bakit. Sabihin sa mga bata na ang ating isipan ay parang mga baso, at malilinis at mabubuting bagay lamang ang dapat nating ilagay rito. Isulat sa pisara ang sumusunod na pangungusap, at sabay-sabay ninyong basahin ito ng mga bata: “Pinapanatiling malinis ng pagbabasa, panonood, at pakikinig sa mabubuting bagay ang aking isipan.” Pag-isipang turuan ang mga bata ng mga simpleng galaw ng kamay para maipaalala sa kanila ang pangungusap. Halimbawa, para sa salitang pagbabasa, ilahad ang inyong mga kamay na parang may hawak kayong aklat; para sa salitang panonood, ituro ang inyong mata; para sa pakikinig, ilagay ang inyong kamay sa palibot ng inyong tainga; at para sa isipan, ituro ang inyong noo. Ulitin ang pangungusap nang ilang beses, na hinahalinhan ng mga galaw ang mga salita.
Maghikayat ng pag-unawa: Ipakita sa mga bata ang larawan ni Jesucristo na may kasamang mga bata, at patingnan ito sa kanila nang ilang sandali. Takpan ang larawan at hilingin sa mga bata na sabihin sa inyo ang mga detalyeng naaalala nila tungkol dito. Tulungan ang mga bata na maunawaan na naaalala natin ang mga bagay na ating nakikita. Ipaliwanag na kapag pinuno natin ang ating isipan ng mabubuting bagay, mabubuting bagay rin ang iniisip natin. Muling ipakita ang larawan, at pakantahin ang mga bata ng “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo” (AAP, 42–43). Ipabahagi sa mga bata kung ano ang naramdaman nila sa awitin. Ipaliwanag na ang pakikinig sa mabuting musika ay nagpapadama sa atin ng Espiritu at pinapanatiling malinis ang ating isipan.