Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Mga Tagubilin para sa Oras ng Pagbabahagi at Pagtatanghal ng mga Bata sa Sacrament Meeting


Mga Tagubilin para sa Oras ng Pagbabahagi at Pagtatanghal ng mga Bata sa Sacrament Meeting

Mahal naming mga Primary Presidency at Music Leader,

Ang mga banal na kasulatan ay salita ng Diyos. Habang mapanalangin ninyong binabasa ang mga banal na kasulatan at ipinamumuhay ang mga alituntuning itinuro dito at sa outline na ito, magiging espirituwal na handa kayong magturo ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga bata sa inyong Primary. Magagamit din ninyo ang mga banal na kasulatan upang matulungan ang mga bata na maunawaan ang mga alituntunin ng ebanghelyong ituturo ninyo ngayong taon, tulad ng plano ng Ama sa Langit, misyon ni Jesucristo, tungkulin ng mga propeta, Panunumbalik ng Simbahan, at mga pagpapala ng templo. Matutulungan kayo ng mga banal na kasulatan na maanyayahan ang Espiritu sa inyong Primary at makalikha ng isang kapaligiran na madarama ng mga bata ang impluwensya ng Espiritu Santo. Ang impluwensyang iyan ay makakatulong sa bawat batang Primary na masabing, “Alam ko na ang mga banal na kasulatan ay totoo.”

Salamat sa inyong tapat na paglilingkod. Ipinagdarasal namin kayo at tiwala kami sa inyong kakayahang mahalin ang mga bata at maituro sa kanila ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Ang Primary General Presidency

Mga Tagubilin para sa Oras ng Pagbabahagi

Pagtuturo ng Ebanghelyo

Gamitin ang buklet na ito sa paghahandang magturo ng 15-minutong aralin linggu-linggo sa oras ng pagbabahagi. Madaragdagan ninyo ang mga lingguhang aralin ng iba pang mga materyal na inaprubahan ng Simbahan, tulad ng Liahona. Tutulungan kayo ng sumusunod na mga patnubay na planuhin at ilahad ang mga aralin.

Mahalin ang mga Tinuturuan Ninyo. Ipakita ang pagmamahal ninyo sa mga bata sa pag-alam sa kanilang mga pangalan at mga kinawiwilihan, talento, at pangangailangan.

Ituro ang Doktrina sa Pamamagitan ng Espiritu. Habang naghahanda kayo ng mga aralin, manalanging patnubayan kayo at sikaping palakasin ang inyong patotoo tungkol sa mga alituntuning ituturo ninyo. Tutulungan kayo nitong magturo sa pamamagitan ng Espiritu.

Maghikayat ng Masigasig na Pag-aaral. Ang buklet na ito ay ginawa para tulungan kayong malaman hindi lamang kung ano ang ituturo kundi maging kung paano magturo at maghikayat ng masigasig na pag-aaral. Mas epektibo ninyong maituturo ang doktrina kapag ginawa ninyo ang sumusunod na tatlong bagay sa bawat aralin:

  1. Ipaalam ang doktrina. Malinaw na ipaalam ang doktrinang pag-aaralan ng mga bata. Pag-isipan ang mga paraan na masabi ito at maipakita. (Para sa ilang halimbawa, tingnan ang mga aralin para sa unang linggo ng Marso at unang linggo ng Hulyo.)

  2. Maghikayat ng pag-unawa. Tiyaking higit na mauunawaan ng mga bata ang doktrina sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang pamamaraan sa pagtuturo na umaakit sa kanila na matuto, tulad ng pagkanta ng mga awitin, dula-dulaan, at pagbabasa ng mga banal na kasulatan.

  3. Maghikayat ng pagsasabuhay. Bigyan ng mga pagkakataon ang mga bata na maipamuhay ang doktrina. Pag-isipan kung paano sila magpapahayag ng damdamin tungkol sa o magtatakda ng mithiing nauugnay sa doktrina.

Ang buklet na ito ay naglalaan ng kumpletong mga aralin para sa ilan sa mga linggo ng buong taon. May mga ideya, ngunit hindi kumpletong mga aralin, para sa iba pang mga linggo. Dagdagan ng ilang sarili ninyong ideya ang mga ideyang iyon. Makakakuha kayo ng mga ideya sa pagbabasa ng iba pang mga aralin sa buklet na ito. Kapag may ikalimang Linggo, gamitin ang oras na ito para balik-aralan ang nakaraang mga aralin. Magagabayan kayo ng Espiritu sa pagpaplano at paghahanda ng mga aktibidad para sa mga aralin.

Makipagtulungan sa music leader sa paghahanda ng inyong mga aralin. Ang pagkanta ng mga awitin ay tutulong na mapagtibay ang mga doktrinang inyong itinuturo. Paminsan-minsan maaari kayong magpatulong sa mga guro at kanilang mga klase sa mga bahagi ng pagtuturo ng ebanghelyo.

May ilang aralin na nagmumungkahing mag-anyaya ng mga panauhing tagapagsalita na makikilahok sa Primary. Dapat kayong humingi ng pahintulot sa inyong bishop o branch president bago anyayahang makilahok ang mga taong ito.

Nakalakip sa mga aralin ang ilang tip sa pagtuturo na tutulong sa inyo na mapaunlad ang kakayahan ninyong magturo. Kasama rin sa mga aralin ang mga larawang tutulong upang makita ninyo kung ano ang hitsura ng aktibidad. Kahit mahalagang paunlarin ang mga kasanayan sa pagtuturo, ang sarili ninyong espirituwal na paghahanda at patotoo ang mag-aanyaya sa Espiritu na pagtibayin ang mga doktrinang ito sa puso ng mga bata.

Oras ng Kantahan

Ang musika sa Primary ay dapat maghikayat ng pagpipitagan, magturo ng ebanghelyo, at tumulong na madama ng mga bata ang impluwensya ng Espiritu Santo at ang galak na nagmumula sa pagkanta. Isang 20-minutong yugto ng oras ng pagbabahagi ang dapat ilaan sa pagkanta at pagtuturo ng musika. Titiyakin nito na may sapat na oras kayo na magturo ng bagong kanta at matulungan ang mga bata na masiyahan sa pagkanta.

Kasama sa buklet na ito ang isang bagong kanta na pag-aaralan ng mga bata ngayong taon (tingnan sa pahina 28). May isang bahagi rin dito na pinamagatang “Paano Gamitin ang Musika sa Primary” (tingnan sa mga pahina 26–27) at mga karagdagang ideya sa pagtuturo ng mga kanta sa mga bata (tingnan sa pahina 7).

Mga Patnubay sa Pagtatanghal sa Sacrament Meeting

Sa pamamahala ng bishop o branch president, ang pagtatanghal ng mga bata sa sacrament meeting ay ibinibigay sa ikaapat na kwarter ng taon. Kausapin ang tagapayo sa bishopric o branch presidency na namamahala sa Primary sa mga unang buwan ng taon para talakayin ang mga paunang plano. Hingin ang kanyang pahintulot kapag tapos na ang mga plano.

Planuhing maitanghal ng mga bata ang programa ayon sa mga buwanang tema sa oras ng pagbabahagi. Sa buong taon, itala ang mga pananalita at personal na karanasan ng mga bata na posibleng magamit sa pagtatanghal. Habang nagpaplano kayong ipabahagi sa mga bata ang natutuhan nila tungkol sa temang ito ng taon, mag-isip ng mga paraan na matutulungan nilang magtuon ang kongregasyon sa mga doktrina ng ebanghelyong itinuturo nila. Maaaring tapusin ng isang miyembro ng bishopric ang miting sa maikling pananalita.

Habang inihahanda ninyo ang pagtatanghal, tandaan ang sumusunod na mga patnubay:

  • Hindi dapat magamit sa mga praktis ang oras ng klase o pamilya kung hindi kailangan.

  • Ang mga visual, costume, at media presentation ay hindi angkop sa sacrament meeting.

Primary children and teachers sitting together as a group in the chapel.

Ang mga awiting ginamit sa pagtatanghal ay puwedeng kantahin ng malalaki o maliliit na grupo, nang solo o dueto, ng isang pamilya, o may saliw na stringed instrument. Tiyaking alam na alam ng mga bata ang mga titik at makakanta ito nang may damdamin.

Mga Sangguniang Ginamit sa Buklet na Ito

Ang sumusunod na mga daglat ay ginamit sa buong buklet:

AAPAklat ng mga Awit Pambata

PWHDTPagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin

Maraming aralin ang may mga mungkahi sa paggamit ng mga larawan. Makikita ninyo ang mga larawan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, sa Pakete ng mga Larawan ng Sining ng Ebanghelyo, sa pakete ng mga larawan sa mga manwal ng Primary, at sa mga magasin ng Simbahan at online sa images.lds.org.

Kurikulum para sa 2016

Pangkalahatang Kurikulum

Nursery: Masdan ang Inyong mga Musmos; Sunbeams: Primarya 1; PAT 4–7: Primarya 2; Valiant 8–11: Primarya 4

Pangunahing Kurikulum

Sunbeams: Primarya 1; PAT 4–7: Primarya 2; Valiant 8–11: Primarya 4