Disyembre
Tinuturuan Ako ng mga Banal na Kasulatan tungkol sa Pagsilang at Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas
“Sapagka’t ang Anak ng tao ay pariritong nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama na kasama ang kaniyang mga anghel; at kung magkagayo’y bibigyan ang bawa’t tao ayon sa kaniyang mga gawa” (Mateo 16:27).
Dagdagan ng sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Magplano ng mga paraan upang maipaalam ang doktrina sa mga bata at tulungan silang maunawaan at ipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”
Linggo 1: Ipinropesiya ng mga propeta ang pagsilang ni Jesucristo.
Maghikayat ng pag-unawa: Hatiin sa limang grupo ang mga bata. Bigyan ang bawat grupo ng isa sa sumusunod na mga banal na kasulatan at ilang props o simpleng costume na kakatawan sa nauukol na propeta: Isaias 7:14; 9:6 (Isaias); 1 Nephi 11:14–21 (Nephi); Mosias 3:5, 8 (Haring Benjamin); Alma 7:9–10 (Alma); Helaman 14:2–6 (Samuel). Ipabasa at ipatalakay sa bawat grupo kung ano ang sinabi ng propeta tungkol sa pagsilang ni Cristo. Ipagamit ang props o costume sa isang bata mula sa bawat grupo para katawanin ang propeta at sabihin sa iba pang mga bata kung sino ang propetang kinakatawan niya at basahin o sabihin kung ano ang sinabi ng propetang iyan tungkol sa pagsilang ni Jesus. Kantahin ang “Isinugo, Kanyang Anak” (AAP, 20–21).
Linggo 2: Isinilang si Jesucristo.
Maghikayat ng pag-unawa: Kantahin nang sabay-sabay ang unang linya ng “Awit ng Kapanganakan” (AAP, 32–33). Hatiin ang mga bata sa apat na grupo, at atasan ang bawat grupo ng isa sa natitirang mga linya (2–5). Pagdrowingin ang mga bata ng mga larawang magagamit sa kanilang linya. Kantahin ang buong awitin, at ipataas sa mga bata ang kanilang mga larawan kapag bahagi na nila ang kakantahin.
Linggo 3: Si Jesucristo ay babalik sa mundo balang-araw.
Ipaalam ang doktrina: Isulat sa maliliit na wordstrip ang bawat isa sa sumusunod na mga parirala: Sapagka’t ang, Anak ng tao, ay pariritong, nasa kaluwalhatian, ng kaniyang Ama. (Makukuha ang mga wordstrips sa sharingtime.lds.org.) Idispley sa pisara ang mga wordstrip nang hindi sunud-sunod, at magpatulong sa mga bata na isaayos ang mga iyon. (Maaari kayong gumawa ng ilang set ng mga wordstrip na pagtutulung-tulungan ng mga bata sa mga grupo.) Kapag naayos na ng mga bata sa tamang pagkakasunud-sunod ang mga parirala, ipasuri sa kanila ang kanilang sagot sa pagbasa sa Mateo 16:27.
Maghikayat ng pag-unawa: Papuntahin sa harapan ng klase ang apat na bata at ipataas ang mga larawan ni Samuel ang Lamanita, ng pagsilang ni Jesus, ni Jesus habang nagtuturo, at ng Ikalawang Pagparito. Talakayin sa mga bata ang bawat larawan. Patayuin nang hindi sunud-sunod ang mga batang may hawak ng mga larawan. Ipasabi sa Primary kung saan pupunta ang mga bata para mapagsunud-sunod ang mga larawan ayon sa pangyayari.
Maghikayat ng pagsasabuhay: Magdrowing ng linya sa gitna ng pisara. Sa itaas ng pisara isulat ang “Si Jesucristo ay babalik sa mundo balang-araw.” Sa kalahati ng pisara isulat ang sumusunod na mga tanong: Sa isa pang kalahati isulat nang hindi sunud-sunod ang mga reperensya na mga banal na kasulatan.
-
Ano ang ilang kamangha-manghang bagay na mangyayari kapag muling pumarito si Cristo? (Joseph Smith—Mateo 1:33, 36–37)
-
Kailan muling paparito ang Tagapagligtas? (Joseph Smith—Mateo 1:38–40)
-
Bakit tayo dapat maghanda para sa Ikalawang Pagparito? (D at T 38:30)
-
Gaano katagal mananatili ang Tagapagligtas sa mundo? (D at T 29:11)
Sabihin sa mga bata na makipagtulungan sa kanilang guro na maitugma ang mga tanong sa mga sagot. Sama-sama ninyong talakayin ang mga sagot. (Tingnan din sa Tapat sa Pananampalataya [2006], 33–35.) Itanong sa mga bata kung paano sila makapaghahanda para sa Ikalawang Pagparito.
Linggo 4: Upang makapaghanda para sa Ikalawang Pagparito, susundin ko si Jesucristo.
Maghikayat ng pag-unawa: Sabihin sa mga bata na madalas magturo si Jesus gamit ang mga talinghaga, mga pamilyar na bagay at sitwasyon para magturo ng mga espirituwal na katotohanan. Isalaysay nang maikli ang kuwento ng sampung dalaga (tingnan sa Mateo 25:1–13; tingnan din sa “Ang Talinghaga ng Sampung Dalaga,” Liahona, Mar. 2009, 20–21). Ipaliwanag na inihahambing sa isang kasal ang Ikalawang pagparito ni Jesucristo sa talinghagang ito. Ipasadula sa ilang bata ang talinghaga. Itanong sa mga batang gumaganap sa papel ng matatalinong dalaga kung ano ang pakiramdam ng malaman na sila ay handa, at talakayin ang kahalagahan ng paghahanda para sa muling pagparito ng Tagapagligtas.
Maghikayat ng pagsasabuhay: Magdrowing ng isang ilawan sa pisara. Talakayin kung paano naging parang paglalagay ng langis sa ating ilawan ang pagsunod kay Jesucristo sa pamamagitan ng paggawa ng mabubuting bagay araw-araw. Magpabanggit sa mga bata ng ilang paraan na masusunod nila si Jesucristo, tulad ng paglilingkod sa iba, pagbabayad ng ikapu, at pagdarasal. Ipaliwanag na ito ang mga bagay na kailangan nilang gawin mismo; hindi ito magagawa ng ibang tao para sa kanila. Bigyan ang bawat bata ng isang papel na hugis ng malaking patak ng langis. Ipasulat sa kanila (o sa kanilang mga guro) ang “Upang makapaghanda para sa Ikalawang Pagparito, susundin ko si Jesucristo sa pamamagitan ng ” sa kanilang papel. Papunan sa mga bata ang patlang o magpadrowing ng larawan ng isang bagay na magagawa nila upang makapaghanda para sa Ikalawang Pagparito. Hikayatin ang mga bata na iuwi ang kanilang papel at ibahagi sa kanilang pamilya ang kanilang natutuhan.