Hulyo
Ang Templo ay Bahay ng Diyos
Awit: “Templo’y Ibig Makita”
(AAP, 99)
“Ang mga banal na ordenansa at tipan na makukuha sa mga banal na templo ang nagbibigay ng pagkakataon sa mga taong makabalik sa kinaroroonan ng Diyos at upang ang mga mag-anak ay magkasama-sama sa walang hanggan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” talata 3).
Dagdagan ng sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Magplano ng mga paraan upang maipaalam ang doktrina sa mga bata at tulungan silang maunawaan at ipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”
Linggo 1: Iniutos ng Diyos sa Kanyang mga tao na magtayo ng mga templo.
Ipaalam ang doktrina: Idispley ang larawan ng isang templo at isulat sa pisara ang “Ang templo ay .” Ipakanta sa mga bata ang unang linya ng “Templo’y Ibig Makita” (AAP,99). Sabihin sa kanila na humudyat kapag kinanta nila ang pariralang kumukumpleto sa pangungusap sa pisara sa pamamagitan ng paghalukipkip. Itanong sa kanila kung ano ang templo (bahay ng Diyos). Tulungan ang mga bata na hanapin ang “Templo, Bahay ng Panginoon” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (mga pahina 246–47). Tulungan silang humanap ng mga pahayag na nagpapaliwanag na ang templo ay literal na bahay ng Panginoon at na noon pa man ay iniutos na ng Diyos sa Kanyang mga tao na magtayo ng mga templo.
Maghikayat ng pag-unawa: Maghanda ng mga clue tungkol sa mga templong itinayo nina Moises (tingnan sa Exodo 25:1–2, 8–9), Nephi (tingnan sa 2 Nephi 5:16), at Joseph Smith (tingnan sa D at T 124:31) at ng mga sumusunod sa kanila. Halimbawa: “Ang aming templo ay tinatawag na tabernakulo, at inililipat namin ito tuwing maglalakbay kami” (Moises) o “Nagtayo kami ng templo matapos naming lisanin ang Jerusalem at tawirin ang dagat” (Nephi). Pumili ng tatlong batang kakatawan sa mga propetang ito, at ipabasa sa kanila ang kanilang mga clue sa Primary. Pahulaan sa ibang mga bata kung sino ang kinakatawan ng bawat bata. Matapos nilang mahulaan ito nang tama, ipakita ang larawan ng propeta o templong itinayo niya at ng kanyang mga tao.
Maghikayat ng pagsasabuhay: Ipakita ang larawan ng templong pinakamalapit sa tirahan ninyo. Talakayin ang sumusunod na mga tanong: Sa palagay ninyo, bakit iniutos ng Diyos na magtayo tayo ng mga templo? Ano ang magagawa ninyo para makapaghanda sa pagpunta sa templo balang-araw?
Linggo 2: Ang mga pamilya ay pinagpapala sa pamamagitan ng mga sagradong ordenansa sa templo.
Ipaalam ang doktrina: Ipabasa sa isang nakatatandang bata ang huling dalawang pangungusap mula sa talata 3 ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” sa Primary. Ilagay ang bawat isa sa sumusunod na mga salita at parirala sa magkakahiwalay na piraso ng papel: Ang templo ay, isang banal na lugar, kung saan tayo, ibinubuklod, nang sama-sama. Ilagay sa pisara ang mga ito nang hindi sunud-sunod. Ipalipat sa isang bata ang isang piraso ng papel sa tamang lugar. Magpatuloy hanggang sa maayos na mapagsunud-sunod ang mga salita. Kantahin ang ikalawang linya ng “Templo’y Ibig Makita,” at hilingin sa kalahati ng mga bata na pakinggan ang dalawang bagay na ginagawa natin sa templo (mangangakong susunod) at ang isa pang kalahati na pakinggan ang isang katotohanang natutuhan nila (pamilya’y walang hanggan). Tulungan ang mga bata na maunawaan na kapag nabuklod sila sa kanilang pamilya sa templo ay maaari silang magkasama-sama magpakailanman.
Maghikayat ng pagsasabuhay: Ipabahagi sa isang pamilya o ilang bata kung ano ang pakiramdam nila kapag bumibisita sila sa bakuran ng templo o paano sila napagpala dahil sa mga ordenansa sa templo at pagbubuklod. Ipadrowing sa mga bata ang larawan ng kanilang pamilya sa labas ng templo.
Linggo 3: Ang mga pioneer ay nagsumikap at nagsakripisyo para makapagtayo ng mga templo.
Maghikayat ng pag-unawa: Magtipon ng impormasyon tungkol sa pagtatayo ng Kirtland Temple at Salt Lake Temple at, kung maaari, ng templong pinakamalapit sa tirahan ninyo. (Tingnan sa Primarya 5, mga aralin 25 at 44 o sa LDS.org para sa impormasyon tungkol sa Kirtland Temple at Salt Lake Temple.) Papuntahin ang ilang adult sa Primary at ipabahagi ang impormasyon sa mga bata. Igrupu-grupo ang mga bata, at hayaang maghalinhinan ang mga grupo sa pakikipag-usap sa bawat adult. Ipakanta sa mga bata ang “Templo’y Ibig Makita” habang lumilipat sila sa ibang panauhing tagapagsalita.
Linggo 4: Maaari akong maghandang maging karapat-dapat na makapunta sa templo.
Maghikayat ng pag-unawa at pagsasabuhay: Idispley ang “Mga Pamantayan Ko sa Ebanghelyo” at ipaliwanag na ang pagsunod sa mga pamantayang ito ay makakatulong sa atin na maging karapat-dapat na makapunta sa templo. Hatiin sa mga grupo ang mga bata. Ipatalakay sa guro sa bawat grupo ang mga pamantayang makakatulong sa mga bata na maghandang makapunta sa templo at magpatotoo kung paano nakatulong sa kanya ang pamumuhay ayon sa mga pamantayan. Papiliin ang bawat grupo ng isa sa mga pamantayan ng ebanghelyo at pagkatapos ay isulat o idrowing ang kanilang tapat na pangakong sundin ang pamantayang iyon. Anyayahan ang bishop o branch president sa Primary, at hayaang ibahagi sa kanya ng bawat grupo ang kanilang tapat na pangako. Anyayahan ang bishop o branch president na ibahagi ang kanyang patotoo tungkol sa kahalagahan ng mga templo.