Paano Gamitin ang Musika sa Primary
Ang layunin ng musika sa Primary ay ituro sa mga bata ang ebanghelyo ni Jesucristo at tulungan silang matutong ipamuhay ito. Ang mga awitin sa Primary ay mas nagpapasaya sa pag-aaral, tumutulong sa mga bata na matuto at maalala ang mga katotohanan ng ebanghelyo, at nag-aanyaya ng Espiritu.
Ang sumusunod ay mga kasanayang puwede ninyong gamitin sa pagtuturo ng isang awitin sa mga bata. Ang mga halimbawa ay makakatulong sa inyo sa mga awiting iminungkahi sa outline na ito. Tingnan sa bahaging “Paano Gamitin ang Musika sa Primary” sa 2015 outline para sa karagdagang mga ideya.
Kunin ang Atensyon ng mga Bata
Bago kayo magsimulang kumanta, tiyaking nakatuon sa inyo ang pansin ng mga bata. Makukuha ninyo ang kanilang atensyon sa paggamit ng mga visual aid tulad ng mga larawan, mga simpleng bagay, o ang mga bata mismo. Puwede rin ninyong palitan na lang ang tono ng inyong boses. Ang mga aktibidad sa pagkuha ng atensyon ay dapat iklian at humantong sa awitin. Halimbawa:
-
Bago kantahin ang “Templo’y Ibig Makita” (AAP, 99), ipataas ang kamay ng mga bata kung nakakita na sila ng templo. Ipaisip sa kanila kung ano ang pakiramdam nila kapag nakikita nila ang templo habang kumakanta sila.
-
Maaaring ang mga bata ang pinakamainam ninyong visual aid. Pagamitin sila ng simpleng props tulad ng mga kurbata o banal na kasulatan upang katawanin ang mga misyonero habang kinakanta nila ang “Katotohanan Niya’y Dadalhin Natin sa Mundo” (AAP, 92–93).
Ituon ang Pakikinig ng mga Bata
Ang paghiling sa mga bata na pakinggan ang sagot sa isang tanong ay nakakatulong sa kanila na matutuhan ang mga salita at mensahe ng awitin. Puwede ninyo silang hilingan na pakinggan ang mga sagot sa mga tanong na tulad ng “sino?” “ano?” “saan?” “kailan?” o “bakit?” Puwede rin ninyong hilingin sa mga bata na pakinggan ang mga pangunahing salita o magkatunog na mga salita o bilangin sa kanilang daliri kung ilang beses nila kinanta ang isang partikular na salita.
Habang itinuturo ninyo ang “Kung Makikinig nang Taimtim” (pahina 28 sa buklet na ito), isulat sa pisara ang isa sa sumusunod na mga tanong: “Saan ko maririnig ang tinig ng Tagapagligtas?” “Sino ang nagtuturo sa atin kung paano mamuhay nang matwid?” “Sino ang nangungusap nang tahimik sa atin?” Sabihin sa mga bata na pakinggan ang sagot habang kumakanta sila at humudyat (sa pamamagitan ng paghalukipkip, pagtayo, o paghipo sa kanilang tainga) kapag kinanta nila ang sagot. Kantahin ninyo ng mga bata ang sagot nang ilang beses. Isulat sa pisara ang isa pang tanong at ulitin ito.
Isali ang mga Bata
Isali ang mga bata sa iba’t ibang paraan habang kumakanta kayo. Halimbawa:
-
Magpaisip sa mga bata ng mga simpleng galaw sa kamay na makakatulong sa kanila na maalala ang mga salita at mensahe ng isang awitin (tingnan sa “Mga tulong para sa music leader” sa pahina 7).
-
Pagkunwariing mga misyonero ang mga bata habang kinakanta nila ang “Katotohanan Niya’y Dadalhin Natin sa Mundo.” Pagmartsahin sila sa kinatatayuan nila o sa paligid ng silid at pahawakan ang kanilang mga banal na kasulatan habang kumakanta sila.
-
Bago kantahin ang “Kung Makikinig nang Taos,” bigyan ng pusong papel ang bawat bata at pasulatan sa kanila ng “Makinig” ang harapan nito at “Dinggin” ang likuran. Ipaliwanag na ang mga salitang ito ay inulit nang ilang beses sa awitin. Ipaharap sa mga bata ang tamang panig ng puso kapag kinanta nila ang salitang iyon.
Kumanta, Kumanta, Kumanta
Lalong higit na natututuhan ng mga bata ang mga awitin kapag naririnig at kinakanta nila ito nang paulit-ulit.
Repasuhin at kantahin ang mga awitin sa iba’t ibang masasayang paraan. Halimbawa:
-
Anyayahan ang mga bata na pag-aralan ang himig ng isang bagong awitin sa pakikinig dito o paghimig nito sa oras ng prelude.
-
Para makantang muli ang “Susundin Ko ang Plano ng Diyos” (AAP, 86–87), gumawa ng ilang karatula sa daan. Sulatan ng ibang salita mula sa awitin ang bawat karatula. Ipakita ang isang karatula, at sabihin sa mga bata na kapag kinanta nila ang awitin huwag nilang bigkasin ang salitang iyon. Ulitin sa iba pang mga karatula.
-
Gumawa ng cube na yari sa papel o cardboard, at sa bawat panig ng cube sumulat ng ibang paraan sa pagkanta (halimbawa, ipalakpak ang himig, igalaw ang mga kamay, kumanta nang mahina, mga batang lalaki ang kakanta, mga batang babae ang kakanta, o ihimig ito). Sa isa pang cube isulat ang mga pamagat ng ilang awitin sa Primary na pinag-aaralan ng mga bata. Ipagulong sa isang bata ang unang cube para malaman kung paano nila kakantahin ang awitin, at ipagulong sa ibang bata ang isa pang cube para malaman kung aling awitin ang kakantahin nila.