Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Nobyembre: Ang Pagpipitagan ay Pagmamahal at Paggalang sa Diyos


Nobyembre

Ang Pagpipitagan ay Pagmamahal at Paggalang sa Diyos

“Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo” (Mateo 22:37).

Dagdagan ng sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Magplano ng mga paraan upang maipaalam ang doktrina sa mga bata at tulungan silang maunawaan at ipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”

Linggo 1: Ang pagpipitagan ay pagmamahal at paggalang sa Diyos.

Ipaalam ang doktrina: Magpakita ng larawan ng isang batang nagdarasal, at ipaliwanag na ang bata ay nagpapakita ng pagmamahal at paggalang sa Diyos. Sabihin sa mga bata na may iniisip kayong labindalawang-letrang salita na ang ibig sabihin ay pagmamahal at paggalang sa Diyos. Sumulat sa pisara ng labindalawang patlang, isa para sa bawat letra ng salita pagpipitagan, at pahulaan ang mga letra sa mga bata. Kapag nahulaan nila nang tama ang mga letra, isulat ang mga ito sa angkop na mga patlang. Maaari kayong magpatulong sa isang nakatatandang bata. Para sa nakababatang mga bata, ipakita ang larawan at itanong sa kanila kung paano nila nalaman na mapitagan ang bata. Ipasambit sa mga bata nang sabay-sabay ang, “Ang pagpipitagan ay pagmamahal at paggalang sa Diyos.”

Maghikayat ng pag-unawa: Ipabuklat sa mga bata ang kanilang mga banal na kasulatan at ipabasa ang Juan 14:15. (Kung naisaulo na ng mga bata ang talatang ito noong nakaraang taon, maaari ninyong ipabigkas sa kanila ito.) Itanong sa mga bata kung paano natin maipapakita ang ating pagmamahal kay Jesucristo. Kantahin ang “Paggalang ay Pagmamahal” (AAP, 12). Ipalagay sa mga bata ang kanilang kamay sa tapat ng kanilang puso tuwing maririnig nila ang salitang “paggalang” o “may galang.”

Maghikayat ng pagsasabuhay: Hatiin sa maliliit na grupo ang mga bata, at ipatalakay sa kanila ang mga paraan na maipapakita natin ang pagpipitagan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa isa sa sumusunod na mga sitwasyon: kapag nasa simbahan sila, kapag nagdarasal sila, at kapag nasa bahay sila o kasama ang mga kaibigan. Maaari ding magdrowing ang nakababatang mga bata ng mga larawan ng puwede nilang gawin. Ipabahagi sa ilan sa mga bata ang kanilang mga ideya sa buong grupo. Hikayatin silang ibahagi ang kanilang mga ideya sa kanilang pamilya sa bahay.

Linggo 2: Ang pagpipitagan sa sacrament ay nagpapaalala sa akin kay Jesucristo.

Maghikayat ng pag-unawa at pagsasabuhay: Paturuan ang mga bata sa bishop o branch president at ilang maytaglay ng Aaronic Priesthood tungkol sa sacrament. Kung maaari, puwede ninyo silang hilingang dalhin ang mga bata sa chapel at ituro sa kanila kung ano ang isinasagisag ng sacrament at ipakita sa kanila ang sacrament table, ang lugar na pinagluluhuran nila sa pag-aalay ng panalangin, at ang telang pantakip sa sacrament. Ipapaliwanag sa isa pang maytaglay ng Aaronic Priesthood kung ano ang ginagawa niya sa pagpapasa ng sacrament sa kongregasyon tuwing linggo at bakit ito isang sagradong pribilehiyo. Itanong sa mga bata kung ano ang ginagawa ng mga maytaglay ng priesthood na nagpapakita ng paggalang sa Diyos kapag binabasbasan nila ang sacrament (lumuluhod para manalangin, tinatakpan ng puting tela ang sacrament, nakadamit at kumikilos sa mapitagang paraan). Ipabahagi sa mga bata kung ano ang maaari nilang gawin para magpakita ng paggalang kay Jesucristo habang ipinapasa ang sacrament.

A Primary class gathered as a group at the sacrament table learning about the sacrament.

Kapag nag-anyaya kayo ng mga panauhing tagapagsalita sa Primary, paalalahanan sila na simplihan lang ang kanilang mensahe para maunawaan ito ng mga bata. Lahat ng panauhing tagapagsalita ay dapat aprubahan ng bishopric.

Linggo 3: Maaari akong magpakita ng pagpipitagan sa mga sagradong lugar at bagay.

Ipaalam ang doktrina: Isulat sa pisara ang “Maaari akong magpakita ng pagpipitagan sa mga sagradong lugar at bagay,” at hilingin sa isang bata na basahin ito sa buong Primary. Papikitin ang mga bata at ipataas ang kanilang kamay kung naririnig nila kapag naglaglag kayo ng barya o butones. Sabihin sa mga bata na ang gusali ng simbahan ay isang sagradong lugar at ang pag-upo nang tahimik at pakikinig nang husto ay isang paraan na maipapakita natin ang ating pagpipitagan. Magpabahagi sa mga bata ng ilang iba pang bagay na magagawa nila sa mga gusali ng simbahan na nagpapakita ng pagpipitagan.

Maghikayat ng pag-unawa: Idispley ang isang larawan ni Moises at ang nagliliyab na palumpong, at isalaysay ang nangyari na matatagpuan sa Exodo 3:1–10. Basahin nang malakas ang talata 5 at sabihin sa mga bata na pakinggan kung bakit inutusan ng Panginoon si Moises na hubarin ang kanyang sapin sa paa. Ipaliwanag na hindi natin kailangang maghubad ng sapatos para maging mapitagan, ngunit maraming bagay tayong magagawa na makapagpapakita ng pagpipitagan sa mga sagradong lugar at bagay.

Maghikayat ng pagsasabuhay: Idispley ang ilan sa sumusunod na mga larawan: isang templo o gusali ng simbahan, isang tahanan, isang pamilya, isang taong nagdarasal, isang bata, mga banal na kasulatan, isang grupo ng mga bata, isang klase sa Primary, at ang sacrament. Takpan ng isang malaking tela ang lahat ng larawan at alisin ang isang larawan. Alisin ang tela at sabihin sa mga bata na sabihin sa inyo kung aling larawan ang nawawala. Ipakita ang nawawalang larawan at magpabahagi sa mga bata ng isang paraan na maipapakita nila ang pagpipitagan o paggalang sa lugar o bagay na nasa larawan. Ulitin sa iba pang mga larawan.

A teacher and children standing in front of a group of children.  They are lowering a blanket to reveal pictures on the bulletin board.

Ano ang gagawin ng mga bata para matuto? Ang pagtatanong nito habang inihahanda ninyo ang mga aktibidad ay tutulong sa mga bata na matuto sa pamamagitan ng pagsali. Halimbawa, ang ikatlong aktibidad sa linggo 3 ay nagtutulot sa lahat ng bata na makasali sa pagtalakay, pagtingin sa mga larawan, at pagbabahagi ng mga ideya.

Linggo 4: Ang pagpipitagan sa Diyos ay tumutulong sa akin na igalang at mahalin ang iba.

Maghikayat ng pag-unawa: Kantahin ang sumusunod na mga awitin. Pagkatapos ng bawat awitin, talakayin ang kaakibat na mga tanong.

  • “Paggalang ay Pagmamahal” (AAP, 12). Ulitin ang linyang nagsasabing, “Ang paggalang ko’y nasa kilos at wika.” Itanong: Ano ang ilang salita o pariralang nagpapakita ng paggalang sa Ama sa Langit o sa iba? Ano ang ilang bagay na magagawa natin na magpapakita ng paggalang sa iba?

  • “Sa Akin Nagmumula ang Kabaitan” (AAP, 83). Itanong: Ano ang ilang paraan na makapagpapakita tayo ng kabaitan sa ating mga kaibigan?

  • “Palaging Sasamahan Ka” (AAP, 78–79). Itanong: Sino ang ilan sa mga taong nangangailangan ng ating kabaitan? Paano tayo makakapagpakita ng kabaitan sa kanila?