Enero
Ang mga Banal na Kasulatan ay Salita ng Diyos
Awit: “Kung Makikinig nang Taos”
(pahina 28 sa outline na ito)
“Magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:3).
Dagdagan ng sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Magplano ng mga paraan upang maipaalam ang doktrina sa mga bata at tulungan silang maunawaan at ipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”
Linggo 1: Ang mga banal na kasulatan ay salita ng Diyos.
Ipaalam ang doktrina: Magdala ng iba’t ibang aklat (tulad ng cookbook, storybook, at schoolbook) sa Primary, at anyayahan ang ilang bata na ipakita ang mga aklat na ito at ang mga banal na kasulatan sa Primary. Ipatalakay sa mga bata ang mga pagkakatulad at pagkakaiba ng mga aklat, pati na ang mga may-akda nito. Ituro na ang mga banal na kasulatan ay kakaiba dahil isinulat ang mga ito ng mga propeta ng Diyos at ang mga ito ay salita ng Diyos.
Maghikayat ng pag-unawa: Sabihin sa mga bata na may ginagamit tayong apat na aklat ng banal na kasulatan sa Simbahan: ang Biblia, ang Aklat ni Mormon, ang Doktrina at mga Tipan, at ang Mahalagang Perlas. Ipaliwanag na tinatawag natin ang mga ito na “mga pamantayang banal na kasulatan.” Turuan ang mga bata ng tungkol sa bawat aklat. Isama ang ilan sa mga kuwento o turong matatagpuan sa bawat aklat. Maglaro ng pagtutugma (tingnan sa PWHDT, 223) ng mga pangalan ng mga pamantayang banal na kasulatan at mga larawang kumakatawan sa isang kuwento o turong matatagpuan sa bawat aklat.
Maghikayat ng pagsasabuhay: Ipabahagi sa ilang bata ang paborito nilang banal na kasulatan o kuwento sa banal na kasulatan. Hikayatin silang ibahagi ang natutuhan nila mula sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Magpatotoo tungkol sa mga banal na kasulatan.
Linggo 2: Dapat tayong magpakabusog sa mga salita ni Cristo.
Maghikayat ng pag-unawa at pagsasabuhay: Ipaliwanag na ang Panginoon ay gumagamit ng mga salitang nagsasaad ng kilos upang ilarawan kung paano natin dapat pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Idispley ang sumusunod na mga salita at parirala sa mga poster sa paligid ng silid: magpakabusog (tingnan sa 2 Nephi 32:3); papagyamanin (tingnan sa D at T 84:85); masigasig na saliksikin (tingnan sa Mosias 1:7); mahigpit na kakapit (tingnan sa 1 Nephi 15:24). Magplano ng malikhaing mga paraan para mapasimulan at maipaliwanag ang mga ideyang ito sa mga bata. Halimbawa, puwede ninyong anyayahan ang mga bata na ipakita ang pagkakaiba ng tumikim-tikim sa magpakabusog sa pagkain at pagkatapos ay talakayin kung paano ito nauugnay sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Puwede rin ninyong itanong sa mga bata kung bakit sila “hahawak nang mahigpit” sa kamay ng kanilang magulang sa isang palengkeng maraming tao at pagkatapos ay ipaliwanag kung paano sila makakahawak nang mahigpit sa mga banal na kasulatan at bakit kasinghalaga iyan ng paghawak nang mahigpit sa kamay ng kanilang magulang.
Maghikayat ng pagsasabuhay: Hamunin ang mga bata at guro na magkaroon ng regular na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ipaliwanag na bawat linggo, maisusulat ng mga batang nakabasa na o nakinig sa mga banal na kasulatan ang kanilang pangalan sa isang pirasong papel at maidaragdag ito sa kadenang papel. Sabihin sa kanila na habang nadaragdagan ang kadena, nadaragdagan din ang kanilang kaalaman tungkol sa mga banal na kasulatan. Pag-isipang itago ang kadena sa isang kahon ng “kayamanan” (puwede ring gamitin ang kahong ito para ituro kung ano ang kahulugan ng “papagyamanin” sa aktibidad sa itaas). Hikayatin ang mga bata na ibahagi ang kanilang mithiing pag-aralan ang mga banal na kasulatan sa kanilang mga pamilya.
Linggo 3: Ang mga salita ni Cristo ay magsasabi sa atin ng lahat ng bagay na dapat nating gawin.
Maghikayat ng pag-unawa: Piringan ang isang bata. Pahawakan sa isa pang bata ang isang larawan ni Jesucristo sa isang lugar sa silid ng Primary. Pasubukan sa nakapiring na bata na hanapin ang larawan nang walang tulong. Ulitin ang aktibidad, ngunit sa pagkakataong ito ipahawak sa dalawang bata ang isang patpat, lubid, o tali na kumakatawan sa gabay na bakal mula sa nakapiring na bata papunta sa larawan ni Cristo. Pasundan sa bata ang lubid papunta sa larawan. Itanong: “Paano naging katulad ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan ang paghawak sa lubid?” (Tingnan sa 1 Nephi 15:23–25.) Ituro sa mga bata ang koro sa “Ang Bakal na Gabay” (Mga Himno, blg. 174). Magbahagi ng ilang halimbawa mula sa inyong buhay nang turuan kayo ng mga banal na kasulatan kung ano ang dapat ninyong gawin. Ipaliwanag kung paano kayo natulungan ng pagsunod sa mga turo sa mga banal na kasulatan na mas mapalapit sa Tagapagligtas.
Linggo 4: Malalaman ko na ang mga banal na kasulatan ay totoo.
Maghikayat ng pag-unawa: Magdala ng isa o mahigit pang mga bagay na mapag-aaralan ng mga bata sa pamamagitan ng paggamit ng ilan sa lima nilang pandamdam. Halimbawa, puwede kayong magdala ng isang prutas o bulaklak, o magpatugtog ng ilang musika. Bigyan ng pagkakataon ang ilang bata na makita, maamoy, mahipo, matikman, o marinig ang dinala ninyo. (Pag-isipang gawin ang aktibidad na ito sa maliliit na grupo para magkaroon ng pagkakataong makasali ang bawat bata.) Ipamalas na puwede rin nating makita, mahipo, maamoy, at marinig ang mga banal na kasulatan, ngunit para magkaroon ng patotoo tungkol sa mga ito kailangan nating tumanggap ng patotoo sa pamamagitan ng Espiritu. Ipakanta sa mga bata ang “Babasahin, Uunawain at Mananalangin” (AAP, 66). Hilingin sa kanila na pakinggan, habang kumakanta, ang tatlong bagay na magagawa natin para maanyayahan ang Espiritu na patotohanan na ang mga banal na kasulatan ay totoo. Ipagalaw sa mga bata ang kanilang mga kamay para sa mga salitang babasahin, uunawain, at mananalangin. Kantahin itong muli, gamit ang mga galaw kapalit ng mga salitang ito.
Maghikayat ng pagsasabuhay: Idispley ang isang larawan ni Moroni, at basahin ang Moroni 10:4–5. Ipabahagi sa ilang bata ang damdamin nila tungkol sa mga banal na kasulatan. Puwede rin nilang ibahagi ang ginagawa nila para makapagbasa ng mga banal na kasulatan sa tahanan. (Hilingan nang maaga ang ilang bata para may panahon silang maghanda.) Hikayatin ang mga bata na magbahagi ng kanilang mga patotoo tungkol sa mga banal na kasulatan sa kanilang mga magulang sa tahanan.