Pebrero
Itinuturo ng mga Banal na Kasulatan ang Plano ng Ama sa Langit
Awit: “Susundin Ko ang Plano ng Diyos”
(AAP, 86–87)
“Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).
Dagdagan ng sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Magplano ng mga paraan upang maipaalam ang doktrina sa mga bata at tulungan silang maunawaan at ipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”
Linggo 1: May plano ang Ama sa Langit para sa akin.
Ipaalam ang doktrina: Ipakita sa mga bata ang larawan ng isang bahay. Ipaliwanag na kailangan ng mga tagapagtayo ang plano ng bahay bago nila ito maitayo. Itanong, “Bakit mahalagang gawin at sundin ang mga plano?” Ipakita ang mga banal na kasulatan, at sabihin sa mga bata na makikita natin ang plano ng Ama sa Langit para sa atin sa mga banal na kasulatan. Isulat sa pisara ang “May plano ang Ama sa Langit para sa akin.” Basahin nang sabay-sabay ang pangungusap.
Maghikayat ng pag-unawa: Isulat sa pisara ang sumusunod na mga tanong:
-
Sino ako?
-
Saan ako nanggaling?
-
Bakit ako narito?
-
Ano ang mangyayari sa akin pagkamatay ko?
Bigyan ng isang papel ang bawat bata na may nakasulat na isa sa sumusunod na mga salita: sino, saan, bakit o ano. Basahin nang sabay-sabay ang unang tanong na nasa pisara, at patayuin ang lahat ng batang may hawak ng salitang sino. Kantahin ang “Ako ay Anak ng Diyos” (AAP, 2–3), at itanong sa mga batang nakatayo kung paano nila sasagutin ang tanong. Ulitin ang bawat tanong, gamit ang sumusunod na mga awit: saan: “Sa Langit Ako’y Nanirahan” (Liahona, Oktubre 2010); bakit: “Susundin Ko ang Plano ng Diyos” (AAP, 86–87); ano: “Si Jesus Ba ay Nagbangon?” (AAP, 45). Magpatotoo na ang plano ng Ama sa Langit ay magpapasaya sa atin.
Linggo 2: Nilikha ni Jesucristo ang daigdig para sa akin.
Maghikayat ng pag-unawa: Makipagpalitan ng kuru-kuro sa mga bata tungkol sa mga bagay na ginagawa nila na may kaayusan sa kanila, tulad ng pagtatali ng sintas ng sapatos o paghahandang matulog. Ipaliwanag na sa mga banal na kasulatan nalaman natin na nilikha ni Jesus ang daigdig na may tiyak na kaayusan. Hatiin ang mga bata sa anim na grupo at bigyan ang bawat grupo ng reperensya na banal na kasulatan na nagpapaliwanag sa isang araw ng Paglikha (tingnan sa Moises 2). Ipadrowing sa bawat grupo ang mga larawan ng kanilang araw ng Paglikha. Hayaang ipakita nila ang kanilang mga larawan sa iba pang mga bata at sabihin kung ano ang nalikha sa araw na iyon. Ipalagay sa mga bata ang mga larawan sa pisara sa tamang pagkakasunud-sunod.
Maghikayat ng pagsasabuhay: Itanong sa mga bata, “Ano ang isang bagay na nilikha ni Jesus na mahalaga sa inyo?” Bigyan ng kaunting masa na may asin ang bawat bata (tingnan sa PWHDT, 219, para sa resipe ng masa na may asin). Ipagamit sa mga bata ang dough para makalikha ng isang bagay na mahalaga sa kanila. (Kung walang makuhang masa na may asin, puwedeng idrowing na lang ng mga bata ang larawan nito.) Ipabahagi sa mga bata sa kanilang grupo sa klase kung ano ang nagawa o naidrowing nila at bakit ito mahalaga sa kanila. Kantahin ang “Ako ay Mahal ng Ama sa Langit” (AAP, 16–17).
Linggo 3: Ang mga pamilya ay mahalaga sa plano ng Ama sa Langit.
Ipaalam ang doktrina: Isulat sa pisara ang mga sumusunod: “Ang mga pamilya ay mahalaga sa plano ng Ama sa Langit.” Talakayin kung ano ang ibig sabihin ng pangungusap na ito. Burahin ang pangungusap. Sambitin ang unang dalawang salita, at ipaulit ang mga ito sa mga bata. Pagkatapos ay sambitin ang unang apat na salita, at ipaulit ang mga ito sa mga bata. Magpatuloy hanggang sa maulit ng mga bata ang buong pangungusap.
Maghikayat ng pag-unawa: Hilingan nang maaga ang ilang bata na kumatawan sa mga pamilya mula sa mga banal na kasulatan. Magbigay ng ilang clue tungkol sa bawat pamilya (halimbawa, Adan at Eva: “Ang aming pamilya ang pinakaunang pamilya sa daigdig”; Abraham at Sara: “Napakatanda na namin bago kami nagkaanak”; at Lehi at Saria: “Tinawid namin ang karagatan upang makarating sa lupang pangako”), at ibigay ang mga clue na ito sa mga bata. Maglaan ng mga simpleng costume, kung maaari. Palapitin ang mga batang gumaganap sa mga pamilya sa banal na kasulatan sa harapan ng klase, nang paisa-isang grupo. Ipabasa sa kanila ang kanilang mga clue at pahulaan sa iba pang mga batang Primary kung sino ang kanilang kinakatawan. Matapos matukoy ang bawat pamilya, ipakita sa mga bata kung saan nila malalaman ang tungkol sa pamilyang ito sa mga banal na kasulatan. Sabihin sa mga bata kung paano sinunod ng bawat pamilya ang plano ng Ama sa Langit para sa kanila.
Maghikayat ng pagsasabuhay: Magpaisip sa mga bata ng magagandang katangiang taglay ng kanilang pamilya. Ipabahagi sa kanila ang mga katangiang ito sa isa’t isa sa mga grupo o sa buong Primary.
Linggo 4: Susundin ko ang plano ng Diyos.
Maghikayat ng pag-unawa: Idispley ang ilang butil o maliliit na bato at isang garapong walang laman na may nakadrowing na mukhang nakangiti. Sabihin sa mga bata na ang plano ng Ama sa Langit ay nagbibigay sa atin ng kalayaang piliin ang tama o mali. Ipaliwanag na ang mabubuting pagpili ay humahantong sa kalayaan at kaligayahan, samantalang ang masasamang pagpili ay humahantong sa pagkabihag at kalungkutan (tingnan sa 2 Nephi 2:27). Itanong sa mga bata, “Anong mga utos ang sinusunod ninyo kapag sinusunod ninyo ang plano ng Diyos?” Bigyan ng isang butil ang bawat batang sasagot sa katanungan. Isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Ipabahagi sa bawat batang may butil kung paano hahantong sa kaligayahan ang pagsunod sa utos na binanggit niya. Pagkatapos ay ipalagay sa bata ang kanyang butil sa garapon. Magpatotoo na mapupuno natin ng kaligayahan ang ating buhay kung pipiliin nating sundin ang plano ng Diyos.
Maghikayat ng pagsasabuhay: Maghanda ng malaking piraso ng papel na hugis-bandera para sa bawat klase. Isulat sa bawat bandera ang “Susundin ko ang plano ng Diyos sa pamamagitan ng …” Ipaliwanag na ang plano ng Ama sa Langit ay nagbibigay sa atin ng kalayaang piliin ang tama o mali, at ang pinipili nating gawin araw-araw ay mahalaga sa ating kaligayahan. Ipadrowing sa buong klase o ipasulat sa kanilang bandera ang mga bagay na magagawa nila upang sundin ang plano ng Ama sa Langit, at palagdaan ito sa kanila. Ipabahagi sa bawat klase ang idinrowing o isinulat nila sa kanilang bandera. Pagmartsahin ang mga bata sa paligid ng silid habang hawak ang kanilang mga bandera at kumakanta ng “Ako’y Magiging Magiting” (AAP, 85). Idispley ang mga bandera sa silid ng Primary.