Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Oktubre: Ang Panalangin ay Mapitagang Pag-uusap sa Pagitan Ko at ng Diyos


Oktubre

Ang Panalangin ay Mapitagang Pag-uusap sa Pagitan Ko at ng Diyos

“Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya” (Santiago 1:5).

Dagdagan ng sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Magplano ng mga paraan upang maipaalam ang doktrina sa mga bata at tulungan silang maunawaan at ipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”

Linggo 1: Maaari akong manalangin sa Ama sa Langit.

Ipaalam ang doktrina: Anyayahan ang isang magulang at bata na tumayo sa harap ng mga bata. Hilingin sa bata na tanungin ang kanyang magulang, at pasagutin ang magulang. Pagkatapos ay hilingin sa magulang na umalis sa silid at isara ang pintuan. Itanong sa mga bata kung paano sila nakikipag-usap sa kanilang mga magulang kapag hindi nila kasama ang mga ito (halimbawa, pagliham o pagtawag sa telepono). Ipaliwanag na ang Diyos ay ating Ama at tayo ay Kanyang mga anak; dahil hindi natin Siya kasama, binigyan Niya tayo ng paraan para makausap Siya. Itanong sa mga bata kung alam nila kung paano tayo nakikipag-usap sa Diyos. Pasunurin ang mga bata sa pagbigkas ninyo ng, “Maaari akong manalangin sa Ama sa Langit.”

Maghikayat ng pag-unawa: Ibahagi sa mga bata ang activity verse sa pahina 16 ng manwal sa nursery na Masdan ang Inyong mga Musmos. Gumawa ng kopya ng flip book sa pahina 19 ng manwal sa nursery, Masdan ang Inyong mga Musmos, para sa bawat bata. Pakulayan sa mga bata ang mga larawan. (Puwedeng sumulat ang nakatatandang mga bata sa mga flap ng ilang bagay na pinasasalamatan nila at ilang bagay na puwede nilang hilingin sa Ama sa Langit. Puwede ninyong ipabahagi sa kanila ang kanilang mga ideya sa buong Primary.)

A woman leading music in Primary.  A boy in a wheelchair is sitting in the foreground.

Ang pagpaplano ng mga aktibidad na kasali ang mga bata sa iba’t ibang paraan ay nagpapaibayo ng pag-unawa at pagsasabuhay. Halimbawa, sa aktibidad na ito ang mga bata ay titingin, kakanta, magkukulay, susulat, makikinig, at magbabahagi.

2016 Outline for Sharing Time/Children's Sacrament Meeting Program

Makukuha ang flip book sa sharingtime.lds.org

Maaari Akong Manalangin sa Ama sa Langit

Nagsisimula ako sa pagsasabing, “Ama namin sa Langit.”

Pinasasalamatan ko Siya para sa mga pagpapala.

Humihingi ako sa Kanya ng mga pagpapala.

Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Linggo 2: Tinuturuan ako ng mga banal na kasulatan kung paano at kailan dapat manalangin.

Ipaalam ang doktrina: Tulungang maisaulo ng mga bata ang sumusunod na pangungusap mula sa Alma 13:28: “Kayo ay magpakumbaba ng inyong sarili sa harapan ng Panginoon, at manawagan sa kanyang banal na pangalan, at magbantay at patuloy na manalangin.” Talakayin kung ano ang itinuturo ng banal na kasulatan kung paano at kailan tayo dapat manalangin.

Maghikayat ng pag-unawa: Tulungan ang mga bata na maunawaan na maaari tayong tahimik na manalangin sa Ama sa Langit sa ating puso kahit kailan, kahit saan at dapat natin Siyang pasalamatan para sa ating mga pagpapala at humingi ng tulong sa Kanya. Isulat sa pisara ang sumusunod na mga reperensya na banal na kasulatan: 3 Nephi 18:19; 3 Nephi 19:6–8; 3 Nephi 18:15. Isulat din sa pisara ang mga salitang paano at kailan. Ipabasa sa mga bata ang bawat banal na kasulatan at talakayin kung ano ang itinuturo nito tungkol sa kung paano at kailan tayo dapat manalangin. Ikuwento sina Alma at Amulek na tinuturuan ang mga Zoramita kung paano manalangin (tingnan sa Alma 31; 34:17–27; tingnan din sa Primarya 4, aralin 21). Maaari ninyong ipasadula sa ilang bata ang kuwento habang isinasalaysay ninyo ito.

Maghikayat ng pagsasabuhay: Ipabahagi sa ilang bata kung ano ang pakiramdam nila kapag nagdarasal sila. Magpamungkahi sa mga bata ng ilang awitin sa Primary na nagtuturo tungkol sa panalangin. Kantahin ang ilan sa mga awitin, at magpamungkahi sa mga bata ng mga simpleng galaw na panghalili sa isa o dalawang salita sa bawat awitin. Halimbawa, sa halip na kantahin ang mga salitang “manalangin” o “panalangin,” puwede silang humalukipkip.

Linggo 3 at 4: Pinakikinggan at sinasagot ng Ama sa Langit ang aking mga panalangin.

Ipaalam ang doktrina: Ipabasa sa mga bata ang 3 Nephi 14:7 at Santiago 1:5. Ipahanap sa kanila kung ano ang itinuturo ng mga banal na kasulatan tungkol sa panalangin. Sabay-sabay na basahin nang malakas ang mga banal na kasulatan, at ipabahagi sa mga bata ang natutuhan nila. Ipasabi sa mga bata ang “Pinakikinggan at sinasagot ng Ama sa Langit ang aking mga panalangin” na kasabay ninyo.

Maghikayat ng pag-unawa at pagsasabuhay: Igrupu-grupo ang mga bata, at hayaan silang maghalinhinan sa pagbisita sa sumusunod na mga istasyon (tingnan sa PWHDT, 235). Sa bawat istasyon, ipapaliwanag sa isang guro ang isang paraan na sinasagot ng Ama sa Langit ang ating mga dalangin at ipabahagi sa mga bata kung paano nasagot ang kanilang mga dalangin. Maaari kayong magplano ng dalawa sa mga istasyon para sa isang linggo at dalawa pang istasyon para sa susunod na linggo.

  • Istasyon 1: Kung minsan sinasagot ang mga dalangin sa pamamagitan ng mga kaisipan o ideyang pumapasok sa ating puso’t isipan (tingnan sa D at T 8:2). Magbahagi ng isang karanasan na nangyari ito sa buhay ninyo, o ikuwento si Enos (tingnan sa Enos 1:4–5, 10; tingnan din sa Masdan ang Inyong mga Musmos, 17).

  • Istasyon 2: Maaaring gamitin ng Ama sa Langit ang iba para sagutin ang mga dalangin. Magbahagi ng isang karanasan na nasagot ng ibang tao ang inyong mga dalangin, o ikuwento ang tungkol kay Pangulong Thomas S. Monson na sinagot ang dalangin nina Ben at Emily Fullmer (tingnan sa Conference Report, Okt. 2003, 63; o Liahona, Nob. 2003, 58–59).

  • Istasyon 3: Ang mga sagot sa panalangin ay maaaring magmula sa mga salita ni Cristo, na matatagpuan sa mga banal na kasulatan (tingnan sa 2 Nephi 32:3). Magbahagi ng isang karanasan na nasagot ang isang panalangin ninyo nang basahin ninyo ang inyong mga banal na kasulatan.

  • Istasyon 4: Ang mga sagot sa panalangin ay maaaring magmula sa mga turo ng mga propeta sa mga huling araw (tingnan sa D at T 1:38). Ipakita sa mga bata ang isyu ng Liahona, at sabihin sa kanila na matatagpuan nila ang mga turo ng mga propeta sa mga magasin ng Simbahan. Magbahagi ng isang karanasan na nasagot ang isang panalangin ninyo nang makinig kayo sa pangkalahatang kumperensya o magbasa ng mga salita ng mga propeta sa mga huling araw.

Primary children gathered in groups in a large room.  They are each being taught by a different teacher.

Ang mga istasyon ay mga lugar kung saan sumasali ang maliliit na grupo ng mga bata sa iba’t ibang karanasan sa pagkatuto (tingnan sa PWHDT, 235). Sa malalaking Primary, mapapasimple ang mga istasyon sa pagpapalipat-lipat ng mga guro sa mga grupo ng mga bata.