Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Abril: Itinuturo sa Akin ni Jesucristo na Piliin ang Tama


Abril

Itinuturo sa Akin ni Jesucristo na Piliin ang Tama

“Sapagka’t kayo’y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin naman ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo” (Juan 13:15).

Awitin: Awiting inyong pinili tungkol kay Jesucristo mula sa Aklat ng mga Awit Pambata

Dagdagan ng ilang sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Bawat linggo, magplano ng mga paraan para (1) tukuyin ang doktrina, (2) maipaunawa ito sa mga bata, at (3) tulungan silang maipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”

Linggo 1: Si Jesucristo ang perpektong halimbawa para sa akin.

Maghikayat ng pag-unawa (pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pagdodrowing ng mga larawan): Sa isang malaking papel isulat ang pariralang, “Si Jesucristo ang perpektong halimbawa para sa akin.” Gupitin ang papel sa apat na simpleng bahagi ng puzzle. Isulat ang isa sa sumusunod na mga pangungusap sa likod ng bawat bahagi ng puzzle:

  • Ipinakita Niya sa atin kung paano mabinyagan (tingnan sa Mateo 3:13–17).

  • Nagpakita Siya ng pagmamahal sa kapwa (tingnan sa Marcos 10:13–16).

  • Pinatawad Niya ang mga nanakit sa Kanya (tingnan sa Lucas 23:34).

  • Ipinakita Niya sa atin kung paano manalangin (tingnan sa Mateo 6:5–13).

children holding up pictures

Kapag nagtuturo ng mga alituntunin ng ebanghelyo, tulungan ang mga bata na makakita ng mga paraan na maipamuhay ang mga ito.

Kantahin ang “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (AAP, 40–41). Ipapaliwanag sa mga bata ang itinuturo ng awitin. Magpakita ng isang larawan ni Cristo, at sabihin sa mga bata na tinuruan Niya tayo ng maraming bagay sa pamamagitan ng Kanyang perpektong halimbawa. Hatiin ang mga bata sa apat na grupo, at bigyan ang bawat grupo ng isang bahagi ng puzzle at ilang papel na walang sulat. Ipabasa sa kanila nang sabay-sabay ang banal na kasulatan at pagkatapos ay pagdrowingin sila ng mga larawan kung paano nila masusundan ang halimbawa ni Cristo. Ipapaliwanag sa bawat grupo ang kanilang banal na kasulatan at mga larawan at ipalagay sa pisara ang kanilang bahagi ng puzzle. Kapag nabuo na ang puzzle, ulitin nang sabay-sabay, “Si Jesucristo ang perpektong halimbawa para sa akin.”

Mga linggo 2 at 3: Itinuro sa akin ni Jesucristo ang tamang paraan ng pamumuhay.

Tukuyin ang doktrina (pagkanta ng isang awitin): Kantahin ang “Piliin ang Tamang Landas” (AAP, 82–83), at sabihin sa kalahati ng mga bata na pakinggan kung paano tayo liligaya at sa kalahati pa na pakinggan kung ano ang tutulong at gagabay sa atin sa landas. Talakayin kung ano ang natutuhan ng mga bata sa awitin.

Maghikayat ng pag-unawa (paglalaro ng hulaan at pagbabasa ng mga banal na kasulatan): Maghanda ng mga wordstrip na naglalaman ng sumusunod na mga salita at reperensya sa banal na kasulatan: nangagugutom (Mateo 5:6); lumiwanag (Mateo 5:16); ibigin (Mateo 5:44); at manalangin (Mateo 6:6). Magpakita ng larawan ng Sermon sa Bundok. Ipaliwanag na si Jesus ay umakyat sa isang bundok upang turuan ang Kanyang mga disipulo; ang mga bagay na itinuro Niya ay tinatawag ngayong Sermon sa Bundok. Ipakita ang isa sa mga wordstrip sa kalahati ng mga bata, at ipaakto sa kanila ang salita para hulaan ng ibang mga bata. Basahin nang sabay-sabay ang nauukol na banal na kasulatan, at ipaunawa sa mga bata ang itinuro ni Cristo at kung paano natin masusundan ang Kanyang halimbawa. Ulitin sa iba pang mga salita at banal na kasulatan.

boy with hands as if praying
april wordstrips

Makikita ang mga wordstrip sa sharingtime.lds.org

Maghikayat ng pagsasabuhay (pagtalakay sa mga pinag-aaralang sitwasyon): Sa apat na papel isulat ang sumusunod na mga turo ni Jesus: (1) Nangagugutom at nangauuhaw sa katuwiran, (2) Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw, (3) Ibigin ang inyong mga kaaway, (4) Manalangin sa Ama sa Langit. (Isiping gamitin ang mga larawang nagpapaliwanag sa mga turong ito para sa mga batang nakababata.) Idispley ang mga papel sa iba’t ibang lugar ng silid. Maghanda ng mga pinag-aaralang sitwasyon (tingnan sa PWHDT, 214–15) na nagpapaunawa sa mga bata kung paano isabuhay ang mga turong ito. Halimbawa, “May isang bata sa paaralan na nanunukso sa inyo at kung anu-ano ang itinatawag sa inyo. Ano ang gagawin ninyo?” Repasuhin ang mga banal na kasulatan mula sa larong hulaan n a ipinaliwanag sa itaas, at ituro na ang mga papel na nakadispley sa paligid ng silid ay nauukol sa mga banal na kasulatang iyon. Basahin ang isang pinag-aaralang sitwasyon sa mga bata, at patayuin sila at paharapin sa papel na may turong makatutulong sa kanila na piliin ang tama. Ipabahagi sa ilang bata kung ano ang pipiliin nilang gawin.

Linggo 4: Nadarama ko ang pagmamahal ng aking Tagapagligtas kapag sinisikap kong tularan si Jesucristo.

Maghikayat ng pag-unawa (pagkanta ng isang awitin at pagpili): Kantahin ang “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo” (AAP, 42–43). Isulat ang ilang pinag-aaralang sitwasyon na naglalarawan kung paano masusunod ng isang bata ang isa sa mga turo ni Cristo. Magsama rin ng isang reperensya sa banal na kasulatan kung saan matatagpuan ang turong iyon. Nasa ibaba ang ilang halimbawa.

Sinabihan na ni Sara ang nakababata niyang kapatid na huwag gamitin ang kanyang mga krayola, ngunit ginamit pa rin nito ang mga iyon. Para matularan si Jesus, si Sara ay maaaring:

  1. Magalit sa kanyang kapatid.

  2. Itago ang kanyang mga krayola.

  3. Patawarin ang kanyang kapatid.

    Mateo 18:21–22.

Si John ay nakikipaglaro ng soccer sa kanyang mga kaibigan, at napansin niya ang isa pang bata na nakatayong mag-isa at nanonood sa laro. Para matularan si Jesus, si John ay maaaring:

  1. Pagtawanan ang bata dahil nag-iisa ito.

  2. Huwag pansinin ang bata at patuloy na makipaglaro sa kanyang mga kaibigan.

  3. Yayain ang bata na makipaglaro ng soccer sa kanila.

    Juan 13:34.

Ipabasa sa isang bata ang isa sa mga pinag-aaralang sitwasyon. Pagkatapos ay ipabasa sa kanya nang paisa-isa ang mga sagot. Patayuin ang iba pang mga bata kapag narinig nila ang sagot na sumusunod sa halimbawa ni Jesus. Ipabasa nang malakas sa ilang bata ang banal na kasulatan, at talakayin ang itinuro ni Jesus. Talakayin kung paano maipadarama sa atin ng pagsunod sa halimbawa ni Jesus sa mga sitwasyong ito ang pag-ibig ng Tagapagligtas. Ulitin sa bawat pinag-aaralang sitwasyon.

girls reading scriptures

Pabasahin nang malakas ang mga bata mula sa mga banal na kasulatan. Alamin ang kakayahan ng bawat bata, at tulungan ang bawat isa na tagumpay na makalahok.

Maghikayat ng pagsasabuhay: Ipagawa sa mga bata ang nais ipagawa sa kanila ni Jesus sa buong linggong ito. Sabihin sa kanila na sa susunod na linggo ay ipapabahagi ninyo sa ilan sa kanila ang kanilang ginawa at kung paano nila nadama ang pag-ibig ng Tagapagligtas.

Mga tulong para sa music leader

teacher holding up three fingers

Para matulungan ang mga bata na matutuhan ang isang bagong awitin, isipin ang sumusunod:

  • Pahudyatin ang mga bata kapag kinanta nila ang isang partikular na salita o bilangin sa kanilang mga daliri kung ilang beses nila kinanta ang isang salita. Halimbawa, kantahin ang “Isinugo, Kanyang Anak” (AAP, 20–21), at ipabilang sa kanilang mga daliri kung ilang beses nila kinanta ang mga salitang “Kanyang Anak.”

  • Pumili ng isang larawan at isang salitang kumakatawan sa bawat parirala sa isang awitin, at ilagay ang mga ito sa isang papel. Halimbawa, kapag kinanta ninyo ang “Isinugo, Kanyang Anak” (AAP, 20–21), ilarawan ang pariralang “Paano mailalahad ng Diyos ang pag-ibig?” na may larawan ng isang puso at ng salitang pag-ibig. Para sa pariralang “Sinugo ang kanyang Anak, banal at payapa,” ipakita ang isang larawan ng pagsilang ni Jesus at ang salitang payapa. Mailalahok ninyo ang mga bata sa pamamagitan ng pagpapahawak sa kanila ng mga larawan habang sila ay kumakanta.