Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Nobyembre: Mapipili Kong Maging Misyonero Ngayon


Nobyembre

Mapipili Kong Maging Misyonero Ngayon

“At sinabi niya sa kanila, Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal” (Marcos 16:15).

Dagdagan ng ilang sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Bawat linggo, magplano ng mga paraan para (1) tukuyin ang doktrina, (2) maipaunawa ito sa mga bata, at (3) tulungan silang maipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”

Linggo 1: Maaari akong maging misyonero sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba.

Maghikayat ng pag-unawa (pagdudula-dulaan): Basahin ang Mateo 25:34–40, at ipaliwanag na kapag pinaglilingkuran natin ang iba pinaglilingkuran din natin ang Ama sa Langit (tingnan sa Mosias 2:17) at ang paglilingkod na iyon ay magpapaligaya sa atin at tutulungan tayo na muling makapiling ang Diyos. Ipadula-dulaan sa ilang bata ang ilang paglilingkod, tulad ng pagbibigay ng pagkain sa isang nagugutom, pakikipagkaibigan sa isang taong nalulumbay, o pagbisita sa isang taong maysakit. Pahulaan sa ibang mga bata ang nangyayari sa bawat dula-dulaan. Magpakita ng larawan ng mga misyonero. Itanong kung paano naglilingkod ang mga misyonero sa Diyos. Ipaliwanag na kapag pinaglilingkuran natin ang iba nagiging mga misyonero din tayo.

Maghikayat ng pagsasabuhay (paglalaro): Gumawa ng isang game board na may landas na gawa sa anim na iba’t ibang kulay patungo sa isang larawan ni Jesus. Maghanda ng ruletang may anim na bahaging may kulay na katugma ng mga kulay sa game board. Sa bawat kulay isulat ang pangalan ng isang taong mapaglilingkuran ng mga bata, tulad ng isang magulang, isang kaibigan, at isang kapitbahay. Pumili ng isang batang mag-iikot ng ruleta at sabihin kung paano niya mapaglilingkuran ang taong ituturo nito. Pagkatapos ay ipalipat sa bata ang isang pato sa susunod na kuwadrado na tugma sa kulay na nasa ruleta. Ulitin sa iba pang mga bata hanggang makarating ang pato sa larawan ng Tagapagligtas. Ipaalala sa mga bata na kapag pinaglilingkuran natin ang iba pinaglilingkuran natin ang Diyos. Kantahin ang “Kung Tayo’y Tumutulong” (AAP, 108).

Larawan
game board
Larawan
games

Makikita ang game board at ruleta sa sharingtime.lds.org

Linggo 2: Maaari akong maging misyonero sa pamamagitan ng pagpapakita ng mabuting halimbawa.

Tukuyin ang doktrina (pagkakita sa isang pakay-aralin): Bago mag-Primary, magbuo ng isang istruktura gamit ang blocks, at takpan ito para hindi makita ng mga bata. (Kung walang makuhang blocks, maaari ninyong idrowing ang larawan sa pisara at takpan ng papel ang drowing.) Ilarawan ang nakatagong istruktura at kung paano ninyo ito binuo. Pagkatapos ay bigyan ng ilang blocks ang ilang bata at pasubukin silang magbuo ng isang istrukturang tugma sa binuo ninyo. Pagkatapos nila, alisan ng takip ang inyong istruktura, at pansinin ang mga kaibhan ng dalawa. Muling ipabuo sa mga bata ang kanilang istruktura habang nakatingin sila sa inyong halimbawa. Ipaliwanag na mas madali ang maraming bagay kapag tinularan ninyo ang isang halimbawa.

Larawan
building with blocks

Samantalahin ang mga pagkakataong hikayatin ang mga bata na mag-isip. Ang paghamon sa kanilang isipan sa mga tanong o sitwasyong angkop sa kanilang edad ay naghihikayat ng pagkatuto.

Larawan
Daniel Refusing the King’s Meat and Wine
Larawan
Three Men in the Fiery Furnace
Larawan
Daniel in the Lions’ Den

Maghikayat ng pag-unawa at pagsasabuhay (pakikinig sa mga kuwento at pagkanta ng mga awitin): Magdispley ng mga larawan at isalaysay nang maikli ang ilang kuwento sa mga banal na kasulatan kung saan ang mga kabataan ay mabubuting halimbawa (halimbawa, tumanggi si Daniel at ang kanyang mga kaibigan na inumin ang alak ng hari [tingnan sa Daniel 1:5–16]; Sadrach, Mesach, at Abed-nego [tingnan sa Daniel 3:4–29]; at si Daniel sa yungib ng mga leon [tingnan sa Daniel 6]). Magpakita ng larawan ng mga misyonero, at itanong sa mga bata kung paano naging mabubuting halimbawa ang mga misyonero. Ipaliwanag na kapag nagpakita tayo ng mabuting halimbawa, tayo ay nagiging mga misyonero dahil ang ating halimbawa ay makatutulong sa iba na naising makaalam pa tungkol kay Jesucristo. Magbahagi ng ilang pagkakataon na nakakita kayo ng mga bata sa inyong ward o branch na naging mabubuting halimbawa.

Larawan
missionaries tracting

Ipakanta sa mga bata ang “Magliwanag” (AAP, 96). Habang sila ay kumakanta, sabihin sa kanila na pagpasa-pasahan ang isang araw na gawa sa papel. Tuwing hihinto ang tugtog, ipasabi sa batang may hawak ng araw kung paano siya magiging mabuting halimbawa (halimbawa, maging mabait, magsabi ng totoo, o yayain ang mga kaibigan sa Primary).

Pagawin ang bawat isa sa mga bata ng sarili nilang araw na gawa sa papel na may nakasulat na “Maaari Akong Maging Maliwanag na Halimbawa.” Ipataas sa mga bata ang kanilang araw na papel habang kinakanta nila ang “Tila Ba Ako’y Isang Tala” (AAP, 84), “Isang Sinag ng Araw” (AAP, 38–39), o “Magliwanag” (AAP, 96).

Linggo 3: Matuturuan ko ang aking mga kaibigan tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan.

Tukuyin ang doktrina (panonood ng pagtatanghal): Kamayan ang isa o mahigit pang mga bata at magdula-dulaan na iniimbitahan silang dumalo sa Primary at matuto tungkol kay Jesus. Pagbilinan ang mga tumanggap ng imbitasyon na imbitahan ang iba hanggang sa maimbitahan ang lahat ng bata. Ipaliwanag na nais ng Panginoon na lahat tayo ay maging misyonero sa pamamagitan ng pagtuturo sa ating mga kaibigan tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Simbahan.

Maghikayat ng pag-unawa (pakikinig sa isang kuwento): Ibahagi ang kuwento ni Pangulong Spencer W. Kimball tungkol sa isang batang lalaking Primary na isang mabuting misyonero: Tinanong ng isang lalaki sa tren ang bata tungkol sa Simbahang Mormon. Binigkas ng bata ang buong Saligan ng Pananampalataya. Hangang-hanga ang lalaki na alam ng batang ito ang pinaniniwalaan niya kaya nagtungo siya sa Salt Lake City para makaalam pa tungkol sa Simbahan (tingnan sa Conference Report, Okt. 1975, 117–19; o Ensign, Nob. 1975, 77–79). Ipaliwanag na ang pag-aaral ng mga Saligan ng Pananampalataya ay makatutulong sa atin na maging mga misyonero ngayon.

Maghikayat ng pagsasabuhay (pagrerepaso ng Mga Saligan ng Pananampalataya): Maghanda ng 13 piraso ng papel na may nakasulat na numero mula 1 hanggang 13 sa bawat isa. Hatiin ang mga bata sa mga grupo. Papiliin ang bawat grupo ng isang pirasong papel at magtulungan sila para malaman ang saligan ng pananampalatayang nauukol sa numerong iyon. Kapag handa na ang bawat grupo, ipabigkas ito sa kanila sa iba pang mga bata at kumuha ng isa pang papel pagkatapos. Magpatuloy habang may oras pa.

Linggo 4: Makapaghahanda ako ngayon na maglingkod sa full-time mission.

Tukuyin ang doktrina (pagkakita sa mga bagay na nauugnay sa gawaing misyonero): Maghanda ng maliit na bag o maletang naglalaman ng mga bagay na ginagamit ng mga full-time missionary, tulad ng sapatos na pangsimba, kurbata, at mga banal na kasulatan. Padukutin ang ilang bata ng mga bagay mula sa bag at ipakita ang mga ito sa iba pang mga bata. Itanong sa mga bata kung bakit hindi nagiging handa ang isang tao na maging misyonero sa pagkakaroon ng mga bagay na ito. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 84:62, at sabihin sa mga bata na pakinggan ang isa pang bagay na kailangan ng bawat misyonero (patotoo). Patotohanan ang kahalagahan ng pagtatamo ng personal na patotoo.

Larawan
suitcase activity

Magplano ng mga paraan para makuha ang pansin ng mga bata sa simula ng isang aktibidad. Halimbawa, sa aktibidad na ito magiging interesado ang mga bata habang inaantabayanan nila ang madudukot sa bag.

Maghikayat ng pag-unawa (pagtingin sa mga larawan at pagsagot sa mga tanong): Ipaunawa sa mga bata ang mahahalagang bahagi ng isang patotoo. Magdispley ng mga larawang sumasagisag sa ilan sa mga bahaging iyon (halimbawa, na mahal tayo ng Ama sa Langit, na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas, na si Joseph Smith ay propeta, na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tunay na Simbahan ng Panginoon, at na tayo ay pinamumunuan ng isang buhay na propeta). Magtanong ng ilang bagay tungkol sa bawat larawan, tulad ng: Ano o sino ito? Ano ang alam ninyo tungkol dito? Paano ninyo mapapalakas ang inyong patotoo tungkol dito? Magpabanggit sa mga bata ng mga taong mababahaginan nila ng kanilang patotoo. Magpatotoo na kapag ibinahagi ng mga bata ang nalalaman nila sa iba, lalago ang kanilang patotoo at maghahanda silang makapagmisyon.

Print