Agosto
Pinipili Kong Punuin ang Buhay Ko ng mga Bagay na Nag-aanyaya sa Espiritu
“Kung may anumang bagay na marangal, kaaya-aya, o magandang balita, o maipagkakapuri, hinahangad namin ang mga bagay na ito” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13).
Awitin: “Sinisikap Kong Tularan si Jesus”
(AAP, 40–41)
Dagdagan ng ilang sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Bawat linggo, magplano ng mga paraan para (1) tukuyin ang doktrina, (2) maipaunawa ito sa mga bata, at (3) tulungan silang maipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”
Linggo 1: Ang pagkakaroon ng mabubuting kaibigan ay tutulong sa akin na piliin ang tama.
Maghikayat ng pag-unawa at pagsasabuhay (pakikinig sa isang kuwento): Ikuwento ang sumusunod: “Dalawang batang lalaki ang nakakita ng isang sirang pares ng sapatos sa daan. Sa di-kalayuan nakikita nila ang isang lalaking nagtatrabaho sa bukid. Iminungkahi ng isa sa mga bata na itago nila ang sapatos at tingnan ang reaksyon ng lalaki pagkatapos.” Ipabahagi sa mga bata kung ano ang sasabihin nila sa batang ito. Pagkatapos ay ituloy ang kuwento: “Iminungkahi ng isa pang bata na sa halip na itago ang sapatos, dapat silang maglagay ng baryang pilak sa bawat isa, at iyon ang ginawa nila. Hindi naglaon at nagbalik ang lalaki. Nang makita niya ang mga barya, tuwang-tuwa siya sa pasasalamat kaya lumuhod siya at nanalangin para magpasalamat. Binanggit niya ang kanyang asawang maysakit, at ang kanyang mga anak, na walang makain, at ipinakiusap sa Panginoon na biyayaan kung sinuman ang tumulong sa kanya. Nakadama ang mga bata ng tila init sa kanilang mga puso at nagpasalamat na pinili nila ang tama” (tingnan sa Gordon B. Hinckley, sa Conference Report, Abr. 1993, 71; o Ensign, Mayo 1993, 54). Magpabahagi sa ilang bata ng mga panahon na natulungan sila ng mabubuting kaibigan na piliin ang tama.
Linggo 2: Dapat kong basahin, pakinggan, at tingnan ang mga bagay na nakasisiya sa Ama sa Langit.
Tukuyin ang doktrina (pagkakita sa isang pakay-aralin): Ipakita sa mga bata ang isang mangkok na puno ng prutas at isang mangkok na puno ng lupa. Itanong sa mga bata kung alin ang masarap kainin at bakit. Ipaliwanag na nais ng Ama sa Langit na punuin natin ang ating isipan ng mga bagay na makabubuti sa atin sa halip na mga bagay na makasasama. Ipasabi sa kanila ang, “Dapat kong basahin, pakinggan, at tingnan ang mga bagay na nakasisiya sa Ama sa Langit,” na gumagawa ng mga simpleng galaw sa kamay para sa basahin, pakinggan, at tingnan.
Maghikayat ng pag-unawa (pagtalakay sa doktrina): Sabihin sa mga bata na kung pipiliin natin ang mga hindi nakasisiya sa Ama sa Langit maaaring mawala sa atin ang isang bagay na napakahalaga. Sabihin sa kanila na pakinggan kung ano ang mahalagang bagay na iyon habang binabasa ninyo ang unang talata sa ilalim ng “Libangan at ang Media” mula sa Para sa Lakas ng mga Kabataan (tingnan din sa “Ang mga Pamantayan Ko sa Ebanghelyo”). Itanong sa mga bata kung narinig nila kung ano ang nawawala sa atin kung mali ang pinipili nating gawin (ang Espiritu). Hatiin ang mga bata sa tatlong grupo at pagsalit-salitin sila sa pagbisita sa tatlong istasyon: “Pagbabasa,” “Pakikinig,” at “Pagtingin.” Sa bawat istasyon sabihin sa mga bata na basahin, pakinggan, o tingnan ang isang bagay na nakasisiya sa Ama sa Langit. Talakayin kung ano ang pakiramdam nila kapag kanilang binabasa, pinakikinggan, at tinitingnan ang mga bagay na nakasisiya sa Diyos.
Mga linggo 3 at 4: Dapat kong gawin ang mga bagay sa araw ng Sabbath na makatutulong sa akin na manatiling malapit sa Ama sa Langit.
Tukuyin ang doktrina (pagsasaulo ng isang talata sa banal na kasulatan): Sabihin sa mga bata na bibigyan ninyo sila ng ilang clue para matuklasan ang isang mahalagang mensahe. Isulat sa pisara ang unang letra ng bawat salita sa Exodo 20:8 (A M A A N S U I). Ipaliwanag na ang mga letrang ito ang mga unang letra ng bawat salita sa mensahe. Ibigay ang susunod na clue sa pamamagitan ng pagpapakita ng larawan ni Moises at ng Sampung Utos. Pagkatapos ay ipahanap sa mga bata ang Exodo 20:8 at basahin ito nang sabay-sabay. Ipatuklas sa mga bata ang koneksyon sa pagitan ng mga letra sa pisara at ng talata. Tulungan ang mga bata na maisaulo ang talata sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga letra sa pisara habang inuulit nila ang banal na kasulatan nang ilang beses.
Maghikayat ng pag-unawa (pagtalakay at pagkukulay): Hatiin ang mga bata sa apat na grupo. Atasan ang bawat grupo ng isang talatang babasahin mula sa bahaging “Paggalang sa Araw ng Sabbath” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Ipatalakay ang talata sa kanila sa kanilang mga grupo at saka nila ibahagi sa iba pang mga bata ang natutuhan nila. Bigyan ng isang papel ang bawat bata, at pagdrowingin sila ng ilang mabubuting bagay na magagawa sa araw ng Sabbath. Ipabahagi sa ilang bata ang kanilang mga drowing sa ibang mga bata sa Primary. Hikayatin silang ibahagi sa kanilang pamilya sa tahanan ang natutuhan nila.
Maghikayat ng pag-unawa (paggawa ng isang aktibidad sa banal na kasulatan): Bago mag-Primary, maghanda ng isang basket na puno ng mga papel na kumakatawan sa mana na gagamitin sa aktibidad na ito. Isulat sa pisara ang sumusunod na mga tanong:
-
Anong pagkain ang inilaan ng Panginoon para sa mga Israelita sa ilang?
-
Gaano karami ang dapat nilang kunin araw-araw?
-
Ano ang dapat nilang gawin sa ikaanim na araw?
-
Ano ang naiba sa araw ng Sabbath?
Sabihin sa mga bata na pakinggan ang mga sagot habang ikinukuwento ninyo ang pagpulot ng mana ng mga Israelita (tingnan sa Exodo 16:11–31). Patayuin sila kapag narinig nila ang sagot sa isa sa mga tanong. Ipakuwentong muli sa isang bata ang bahagi ng kuwento na sumasagot sa tanong. Pagkatapos ay ituloy ang kuwento. Kapag natapos kayo, kausapin ang mga bata kung bakit ayaw ng Panginoon na mamulot ng mana ang mga Israelita sa araw ng Sabbath. Papikitin ang mga bata at pagkunwariin silang natutulog. Mabilis na ikalat ang “mana” sa buong silid. Pagmulatin ang mga bata at papulutin ng kanilang bahagi ng mana (isa o dalawang piraso). Ipabalik sa mga bata ang mana sa basket. Habang ginagawa ito ng bawat bata, magpabahagi sa kanya ng isang angkop na paraan para mapanatiling banal ang araw ng Sabbath.
Mga tulong para sa music leader
Para matulungan ang mga bata na matutuhan ang “Sinisikap Kong Tularan si Jesus” (AAP, 40–41), isaalang-alang ang sumusunod:
-
Kantahin ang awitin sa mga bata. Ipabilang sa kanilang daliri kung ilang beses ninyo kinanta ang salitang sinisikap. Muling kantahin ang awitin, at hilingin sa mga bata na pumalakpak sa ritmo habang kumakanta kayo.
-
Magdispley ng mga simpleng larawang may mahahalagang salita mula sa bawat parirala ng awitin sa paligid ng silid ng Primary (tulad ng tularan, magmahal, salita at kilos, maiisip, at dinggin), na iniiwang bakante ang dingding sa harapan ng silid. Hilingin sa mga bata na makinig kapag nagsimula kayong kantahin ang awitin. Ipaturo sa kanila ang isang larawan na inaakala nilang tugma sa mga salitang kinakanta ninyo. Ipalipat ito sa isang bata sa dingding sa harapan. Ipakanta sa lahat ang halos buong kanta. Patuloy na kumanta at ulitin ang aktibidad para sa bawat larawan. Pagkatapos ay ilang beses na ipakanta sa mga bata ang buong awitin. Magpatotoo nang kaunti tungkol sa kahalagahan ng pagsisikap na tularan si Jesus.