Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Disyembre: Si Jesucristo ang Anak ng Diyos


Disyembre

Si Jesucristo ang Anak ng Diyos

“Masdan, ako si Jesucristo, ang Anak ng Diyos. Ako ang buhay at ang ilaw ng sanlibutan” (D at T 11:28).

Dagdagan ng ilang sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Bawat linggo, magplano ng mga paraan para (1) tukuyin ang doktrina, (2) maipaunawa ito sa mga bata, at (3) tulungan silang maipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”

Linggo 1: Isinugo ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak sa lupa.

Tukuyin ang doktrina (pag-uulit sa isang activity verse): Ulitin nang ilang beses sa mga bata ang sumusunod na activity verse:

Isinugo ng Ama sa Langit ang Kanyang Anak sa lupa.

Pumarito Siya bilang isang sanggol. (pagsalikupin ang mga braso)

Lumaki Siyang katulad natin. (yumukod mula sa baywang at dahan-dahang dumiretso)

Dahil mahal Niya tayo, (mga kamay sa dibdib) namatay Siya para sa atin. (umupo)

Dahil Siya ay nabuhay na mag-uli, mabubuhay tayong muli! (muling tumayo)

Ipaliwanag na sa mga banal na kasulatan, sinasabi sa atin ni Jesus na Siya ang Anak ng Diyos. Sama-samang basahin nang malakas ang Doktrina at mga Tipan 11:28. (Maaari ninyong imbitahan ang mga batang nakababata na sabihin lang na “ang Anak ng Diyos” kapag binasa ninyo ang bahaging iyon ng talata.)

children participating

Ang pagtutulot sa mga bata na makilahok sa pagkukuwento ay magpapanatili sa kanilang pansin at paglahok.

Maghikayat ng pag-unawa (pagdodrowing at pakikinig sa isang kuwento): Pagdrowingin ang bawat bata ng isang tagpo o isang tao mula sa kuwento ng pagsilang ni Jesucristo (halimbawa, si Maria, si Jose, o ang mga pastol). Muling isalaysay ang kuwento mula sa Lucas 2:4–17 at Mateo 2:1–12. Ipataas sa mga bata ang kanilang mga larawan sa tamang panahon sa kuwento. Maaari kayong kumanta ng mga awiting Pamasko mula sa Aklat ng mga Awit Pambata sa aktibidad na ito (tingnan sa mga pahina 20, 22, 24–26, 28, 30, 32). Para sa mga mungkahi tungkol sa paggamit ng musika sa pagtuturo, tingnan sa PWHDT, 227–31.

drawing of stable
drawing of stars
drawing of family in stable

Linggo 2: Lumaki si Jesus sa karunungan at pangangatawan at sa pagbibigay-lugod sa Diyos at sa tao.

Tukuyin ang doktrina (pagkanta ng isang awitin at pagsasaulo ng isang talata sa banal na kasulatan): Magdispley ng mga larawan na nagpapakita ng paglaki ni Cristo mula sa pagiging sanggol hanggang sa maging bata hanggang sa maging matanda. Samang-samang kantahin ang “Minsa’y Naging Musmos si Cristo” (AAP, 34), at ipapaliwanag sa mga bata kung ano ang itinuturo ng awitin tungkol kay Jesus. Tulungan ang mga bata na isaulo ang Lucas 2:52 sa pamamagitan ng paggamit ng mga simpleng aksyon para kumatawan sa mga paraan ng paglaki ni Jesus: sa karunungan (ituro ang ulo), sa pangangatawan (palakihin ang mga kalamnan), at sa pagbibigay-lugod sa Diyos (pagsalikupin ang mga braso) at sa tao (kumaway sa isang kaibigan).

Maghikayat ng pagsasabuhay (pagbabasa ng mga banal na kasulatan at paglahok sa mga aktibidad): Hatiin ang silid sa apat na lugar, at ilagay ang isa sa sumusunod na mga karatula sa bawat lugar: Lumaki si Jesus sa karunungan—D at T 88:118; lumaki si Jesus sa pangangatawan—D at T 89:20; lumaki si Jesus sa pagbibigay-lugod sa Diyos—D at T 88:63; lumaki si Jesus sa pagbibigay-lugod sa tao—Mga Kawikaan 18:24. Maghanda ng simpleng aktibidad para sa bawat lugar, tulad ng mga tanong na angkop sa edad tungkol sa Ama sa Langit at sa Kanyang mga utos (“karunungan”), isang medida para itala ang tangkad ng bawat bata at papel para pagdrowingan ng mga larawan ng masusustansyang pagkain (“pangangatawan”), at mga kuwento mula sa Friend o Liahona tungkol sa patotoo at pagkakaibigan (“sa pagbibigay-lugod sa Diyos” at “sa pagbibigay-lugod sa tao”). Ipaliwanag na lahat tayo ay lumalaki sa gayon ding mga paraan na katulad ni Jesus—“sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao” (Lucas 2:52). Hatiin ang mga bata sa apat na grupo, at sabihin sa isang adult na akayin ang bawat grupo sa isa sa mga karatula, kung saan babasahin nila nang sabay-sabay ang banal na kasulatan at lalahok sila sa aktibidad. Magpatugtog ng marahang musika kapag oras na para lumipat ang mga bata sa ibang karatula.

measuring activity

Si Jesus ay lumaki sa pangangatawan

Si Jesus ay lumaki sa pagbibigay-lugod sa Diyos

Sa aktibidad na ito, makauugnay ang mga bata kay Jesucristo sa pagkaunawa na lumaki Siyang tulad nila.

Linggo 3: Si Jesucristo ang liwanag at buhay ng mundo.

Tukuyin ang doktrina (paggawa ng isang aktibidad batay sa banal na kasulatan): Ilagay ang mga larawan ng pagsilang at kamatayan ni Cristo sa magkabilang panig ng silid. Sabihin sa mga bata na babasahin ninyo ang ilang talata tungkol sa mga palatandaan ng pagsilang ni Jesus o mga palatandaan ng Kanyang kamatayan. Paharapin ang mga bata sa larawang tumutugma sa mga talatang binabasa ninyo. (Kung kakaunti ang bata sa inyong Primary, maaari ninyong palakarin ang mga bata papunta sa mga larawan.) Basahin ang 3 Nephi 1:15, 19, 21; 8:20, 22–23. Talakayin kung paano naghatid ng liwanag si Jesucristo sa mundo. Patakpan sa mga bata ang kanilang mga mata at ipalarawan sa kanilang isipan ang ilang hamon na maaari nilang kaharapin kung mabubuhay sila na walang liwanag. Ihambing ang mga hamong ito sa mga kakaharapin natin kung wala tayong ebanghelyo ni Jesucristo. Basahin ang Juan 8:12, at sabihin sa mga bata na pakinggan kung ano ang dapat gawin para hindi tayo lumakad sa kadiliman.

Maghikayat ng pag-unawa (paglalaro ng hulaan): Ipaliwanag na maraming simbolong tutulong sa atin na maalala na si Jesus ang liwanag ng mundo; ang ilan sa mga simbolo ay ginagamit tuwing Pasko. Ilagay ang ilan sa mga simbolong ito (tulad ng mga kandila, bituing papel, o mga ilaw) sa isang bag. Padukutin ang isang bata sa bag, pahawakan sa kanya ang isa sa mga bagay nang hindi ito tinitingnan, pahulaan kung ano ito, at pagkatapos ay ipakita niya ito sa ibang mga bata. Magpabahagi sa bata ng isang bagay na ginawa ni Jesucristo upang makapaghatid ng liwanag sa ating buhay. Ulitin sa iba pang mga bagay.

Maghikayat ng pagsasabuhay (pagdodrowing ng isang larawan): Bigyan ng isang araw na gawa sa papel ang bawat bata. Pasulatin o pagdrowingin sila ng larawan ng isang paraan na masusundan nila ang liwanag ni Jesucristo. Hikayatin silang ipakita ang kanilang papel sa kanilang pamilya.

sunshine

Makikita ang drowing ng araw sa sharingtime.lds.org

Linggo 4: Nakita at pinatotohanan ni Joseph Smith si Jesucristo.

Maghikayat ng pag-unawa (pagbubukas ng mga regalo): Ibalot ang isang larawan ng Unang Pangitain bilang regalo. Ipaliwanag na maraming taong nagreregalo para ipagdiwang ang mga kaarawan. Itanong kung kaninong kaarawan ang ipinagdiriwang natin tuwing Pasko. Ipaliwanag na isa pang importanteng tao ang may kaarawan sa Disyembre. Pabuksan ang regalo sa isang bata upang matuklasan kung sino ang taong iyon. Sabihin sa mga bata na Disyembre 23 ang kaarawan ni Joseph Smith. Talakayin ang Unang Pangitain, at ipaliwanag na binigyan tayo ng mahahalagang regalo dahil nakita at pinatotohanan ni Joseph Smith si Jesucristo. Sa pisara isulat ang, “Binigyan tayo ng mga regalo dahil nakita at pinatotohanan ni Joseph Smith si Jesucristo.” Maghanda ng apat na malalaking papel, na nasusulatan ng isa sa sumusunod na mga regalo ang bawat isa: “Nasa atin ang Aklat ni Mormon.” “Nasa atin ang tunay na Simbahan sa lupa ngayon.” “Nasa atin ang priesthood.” “Alam natin na nakikinig at sumasagot ang Ama sa Langit sa mga dalangin.”

gifts we have been given chalkboard
gifts we have been given

Makikita ang mga wordstrip sa sharingtime.lds.org

Hatiin ang mga bata sa apat na grupo. Bigyan ng isa sa mga papel ang bawat grupo, at pagdrowingin sila ng isang larawan ng regalong iyon. Ipabigay ang kanilang larawan sa isa pang grupo bilang regalo. Sabihin sa bawat grupo na ipakita at ipaliwanag ang kanilang regalo sa ibang mga bata at ilagay ang larawan sa pisara.

Maghikayat ng pagsasabuhay (pagpapatotoo tungkol kay Jesucristo): Papikitin ang mga bata at ipaisip ang isang taong mababahaginan nila ng regalo ng ebanghelyo. Sabihin na matutularan nila si Joseph Smith at mapatototohanan si Jesucristo.