Mayo
Pinipili Ko ang Tama Kapag Ako ay Nagpabinyag at Nagpakumpirmang Miyembro ng Simbahan
“Mangagsisi kayo, at mangagbautismo ang bawa’t isa sa inyo sa pangalan ni Jesucristo sa ikapagpapatawad ng inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo” (Mga Gawa 2:38).
Awitin: “Sa Aking Pagkabinyag”
(AAP, 53)
Dagdagan ng ilang sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Bawat linggo, magplano ng mga paraan para (1) tukuyin ang doktrina, (2) maipaunawa ito sa mga bata, at (3) tulungan silang maipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”
Linggo 1: Kapag ako ay nagsisi, mapapatawad ako.
Maghikayat ng pag-unawa (paglahok sa isang pakay-aralin): Bigyan ng isang maliit na bato ang bawat bata. Ipalagay sa mga bata ang bato sa kanilang sapatos, at patayuin sila at palakarin. Itanong sa mga bata kung ano ang pakiramdam ng lumakad na may bato sa kanilang sapatos. Itanong kung paano naging katulad ng bato ang kasalanan. (Hindi maganda sa pakiramdam; pinalulungkot tayo nito.) Ipaalis sa kanila ang bato, at itanong kung paano naging katulad ng pag-aalis ng bato sa ating sapatos ang pagsisisi at pagtanggap ng kapatawaran ng Ama sa Langit. Ipaliwanag na dahil kay Jesucristo, tayo ay maaaring magsisi at mapatawad sa ating mga kasalanan. Magpatotoo na ang pagsisisi ay magandang pagpapala mula sa Ama sa Langit at nagpapaligaya sa atin.
Linggo 2: Kapag ako ay nagpabinyag at nagpakumpirma, sinusunod ko ang halimbawa ni Jesus.
Maghikayat ng pag-unawa (paglalaro ng pag-alaala at pagbabasa ng mga banal na kasulatan): Idispley ang mga larawan ni Juan Bautista na binibinyagan si Jesus at ng isang batang binibinyagan. Patingnan sa mga bata ang mga larawan sa loob ng 20 segundo. Pagkatapos ay takpan ang mga larawan at ipabanggit sa mga bata ang maraming bagay na nakita nilang magkatulad sa dalawang larawan hangga’t kaya nila. Maaari ninyong ilista ang kanilang mga sagot sa pisara.
Ipabasa sa mga bata ang Doktrina at mga Tipan 20:72–74 para tuklasin kung sino ang maaaring magbinyag sa isang tao at paano dapat isagawa ang pagbibinyag. Ipabahagi sa mga bata ang natuklasan nila. Bigyang-diin na ang taong nagsasagawa ng binyag ay kailangang may awtoridad ng priesthood at ang taong binibinyagan ay dapat ilubog, o lubos na ilubog sa tubig. Muling ipakita ang dalawang larawan. Ituro na kapwa si Jesus at ang bata ay binibinyagan sa pamamagitan ng paglulubog, ng isang taong may awtoridad ng priesthood.
Maghikayat ng pagsasabuhay (pagkukulay at pagkanta ng isang awitin): Gumawa ng kopya ng pahina 111 sa manwal ng nursery na, Masdan ang Inyong mga Musmos, para kulayan ng bawat bata. Kantahin ang “Pagbibinyag” (AAP, 54–55), at hikayatin ang mga bata na magpabinyag tulad ni Jesus. Ipakuwento sa isang batang nabinyagan kamakailan ang kanyang binyag sa ibang mga bata.
Linggo 3: Matutulungan ako ng Espiritu Santo.
Tukuyin ang doktrina (pagkakita sa isang pakay-aralin): Patayuin ang isang bata sa may pintuan. Piringan ang bata, at pasubukan sa kanya na hanapin ang kanyang silya at umupo nang walang tulong. Ulitin ang aktibidad, ngunit sa pagkakataong ito ay pagabayan sa isa pang bata ang batang nakapiring sa pamamagitan ng paghawak sa kanyang braso at paggabay sa kanya sa daan. Talakayin sa mga bata kung bakit mas madaling mahanap ng bata ang silya sa pangalawang pagkakataon. Ipaliwanag na matutulungan tayo ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng patnubay sa buhay. Ipasabi sa mga bata ang, “Matutulungan ako ng Espiritu Santo.”
Maghikayat ng pag-unawa (pagkanta ng isang awitin at paglalaro ng pagtutugma): Isulat sa pisara ang salitang tulong. Kantahin ang “Ang Espiritu Santo” (AAP, 56), at ipabilang sa mga bata ang mga bagay na binanggit sa awitin na ginagawa ng Espiritu Santo para tulungan tayo.
Bago mag-Primary, maghanda ng 10 papel na may nakadrowing na kalasag na PAT sa harapan. Sa likod ng bawat papel, isulat ang isa sa sumusunod na 5 pariralang nagpapaliwanag kung paano tayo tinutulungan ng Espiritu Santo: ang Espiritu Santo ay inaaliw tayo, ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo kay Jesucristo, ang Espiritu Santo ay nagtuturo sa atin, ang Espiritu Santo ay nagsasabi sa atin kung ano ang gagawin at hindi gagawin, at ang Espiritu Santo ay tumutulong sa atin na gumawa ng mabuti (bawat parirala ay nasa dalawang magkaibang papel). Ilagay ang mga papel sa pisara nang hindi sunud-sunod na nakaharap ang mga kalasag na PAT sa mga bata. Ipatihaya sa isang bata ang isa sa mga papel. Basahin nang sabay-sabay ang mga salitang nasa likod. Pumili ng isa pang batang magtitihaya ng isa pang papel at susubukang magtugma. Basahin nang sabay-sabay ang mga salitang nasa likod. Kung magkatugma ang mga papel, alisin ang mga ito sa pisara. Kung hindi sila magkatugma, muling itaob ang mga ito. Ulitin hanggang mapagtugma-tugma ang lahat.
Maghikayat ng pagsasabuhay (pagtalakay sa mga banal na kasulatan): Hatiin ang mga bata sa mga grupo. Bigyan ang bawat grupo ng isa sa sumusunod na mga reperensya sa banal na kasulatan: Juan 14:26; Juan 15:26; 2 Nephi 32:5; D at T 11:12. Ipabasa sa bawat grupo ang kanilang talata at ipatalakay ang kahulugan nito. Ipabahagi sa mga bata at kanilang mga guro ang mga halimbawa kung paano nila nadama ang impluwensya ng Espiritu Santo.
Linggo 4: Kapag tumatanggap ako ng sakramento pinaninibago ko ang aking mga tipan sa binyag.
Maghikayat ng pag-unawa (pagtalakay ng mga tipan at pagbabasa ng mga banal na kasulatan): Ipaliwanag na ang tipan ay isang sagradong pangako sa pagitan natin at ng Ama sa Langit; nangangako tayong gawin ang ilang bagay, at kapag ginawa natin, nangangako Siyang pagpalain tayo. Ipaalala sa mga bata na nakikipagtipan tayo sa Ama sa Langit kapag nabinyagan tayo, at ipaliwanag na pinaninibago natin ang tipang iyan kapag tumatanggap tayo ng sakramento. Gumawa ng mga wordstrip na may mga parirala mula sa mga panalangin sa sakramento na nagpapaliwanag kung ano ang ipinapangako natin kapag tumatanggap tayo ng sakramento at kung ano ang ipinapangako sa atin ng Ama sa Langit (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79). Bigyan ng mga wordstrip ang ilang bata, at patayuin sila nang sunud-sunod habang binabasa ninyo nang malakas ang mga banal na kasulatan.