Hunyo
Pinipili Ko ang Tama sa Pamamagitan ng Pamumuhay ayon sa mga Alituntunin ng Ebanghelyo
“Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila” (1 Nephi 3:7).
Awitin: “Ang Katapangan ni Nephi”
(AAP, 64–65)
Dagdagan ng ilang sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Bawat linggo, magplano ng mga paraan para (1) tukuyin ang doktrina, (2) maipaunawa ito sa mga bata, at (3) tulungan silang maipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”
Linggo 1: Nananalangin ako sa Ama sa Langit para sa lakas na gawin ang tama.
Maghikayat ng pag-unawa (pagtalakay sa panalangin): Magpakita sa mga bata ng isang telepono o isa pang gamit sa komunikasyon. Talakayin kung paano ito ginagamit. Itanong sa mga bata kung paano natin makakaugnayan ang Ama sa Langit. Ipaliwanag na tulad ng pagpindot natin sa numero ng telepono para makausap ang isang tao, maaari tayong manalangin upang makipag-ugnayan sa Ama sa Langit; mahihilingan natin Siya ng lakas na gawin ang tama. Bigyan ang bawat klase ng isang larawan ng ibang uri ng panalangin (halimbawa, personal na panalangin, panalangin ng pamilya, pagbabasbas sa pagkain, o panalangin sa klase). Sabihin sa bawat klase na ipakita ang kanilang larawan sa iba pang mga bata at ipasabi sa kanila kung anong klaseng panalangin ang ipinakita at kailan, saan, at bakit iniaalay ang ganitong klase ng panalangin.
Maghikayat ng pagsasabuhay (paglalaro): Butasan nang maliit ang dulo ng dalawang latang aluminyo na walang laman, at pagdugtungin ng pisi ang mga lata. Hatakin nang husto ang pisi, at tahimik na pagsalit-salitin ang mga bata sa pagsasalita sa isang lata ng isang bagay na maipagdarasal nila sa Ama sa Langit sa pagsisikap nilang gawin ang tama (halimbawa, magsabi ng totoo, maging mapitagan, o maging mabait). Sabihin sa isa pang bata na makinig sa kabilang lata. Magbahagi (o magpabahagi sa isang bata) ng isang karanasan na nabigyan kayo ng Ama sa Langit ng lakas na gawin ang tama. Magpatotoo na pinakikinggan at sinasagot ng Ama sa Langit ang ating mga dalangin at bibigyan tayo ng lakas na gawin ang tama.
Linggo 2: Kapag nagbayad ako ng ikapu, pagpapalain ako ng Ama sa Langit.
Tukuyin ang doktrina at maghikayat ng pag-unawa (panonood ng isang pagtatanghal): Ipaliwanag na ang ikapu ay pagbibigay sa Panginoon ng ikasampung bahagi ng perang kinita ninyo sa pamamagitan ng Kanyang Simbahan. Magpakita ng 10 barya sa mga bata. Tanungin sila kung ilan sa mga barya ang dapat ibigay sa ikapu. Magpakita ng isang sobre ng ikapu at donation slip, at ipaliwanag na nagbabayad tayo ng ikapu sa pamamagitan ng pagsulat sa donation slip, paglalagay nito sa sobre kasama ang ating ikapu, at pagbibigay nito sa bishop o sa isa sa kanyang mga tagapayo.
Maghikayat ng pagsasabuhay (paglalaro at pakikinig sa mga patotoo): Magdispley ng mga larawan at bagay na kumakatawan sa mga pagpapalang nagmumula sa pagbabayad ng ikapu, tulad ng mga templo, meetinghouse, himnaryo, Aklat ng mga Awit Pambata, manwal sa Primary, at mga banal na kasulatan. Sabihin sa mga bata na dahil sa pondo ng ikapu mailalaan ng Simbahan ang mga bagay na ito. Takpan ang mga larawan at bagay. Alisin ang isa o dalawa rito. Alisin ang takip at pahulaan sa mga bata ang nawawala. Ulitin nang ilang beses. Ipaliwanag na may iba pang mga pagpapalang nagmumula sa pagbabayad ng ikapu na hindi nakikita (tingnan sa 3 Nephi 24:10). Magpakuwento sa isa o dalawang nasa hustong gulang tungkol sa mga pagpapalang natanggap nila mula sa pagbabayad ng ikapu.
Linggo 3: Sinusunod ko ang Word of Wisdom sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng anumang nakabubuti at pag-iwas sa anumang nakasasama.
Maghikayat ng pag-unawa (pagbabasa ng mga banal na kasulatan at paglalaro): Sama-samang basahin ang I Mga Taga Corinto 3:16–17. Ipabahagi sa mga bata ang kahulugan ng talatang ito sa kanila. Ipaliwanag na nais ng ating Ama sa Langit na pangalagaan natin ang ating katawan. Maglagay ng mga larawan ng iba’t ibang pagkain, inumin, at iba pang bagay na mabuti o masama sa katawan (tulad ng mga prutas, gulay, tinapay, alak, at tabako) sa isang lalagyan. Gumawa ng kopya ng pahina 43 sa manwal sa nursery, at gupit-gupitin ito para sa puzzle. Pagsalit-salitin ang mga bata sa pagkuha ng mga larawan mula sa lalagyan. Kung ang nasa larawan ay mabuti para sa atin, ipalagay sa bata ang isang bahagi ng puzzle sa pisara. Kung masama iyon, alisin ang isang bahagi ng puzzle. Patuloy na maglaro hanggang mabuo ang puzzle (kakailanganin ninyo ng mas maraming mabubuting bagay sa lalagyan kaysa masasama). Ipabahagi sa isang nasa hustong gulang o isang bata ang ilan sa mga pagpapalang natanggap niya sa pagsunod sa Word of Wisdom (tingnan sa D at T 89:18–21).
Linggo 4: Kapag nanamit ako nang disente, iginagalang ko ang aking katawan bilang kaloob ng Diyos.
Tukuyin ang doktrina (pagtingin sa larawan at pagbabasa ng mga banal na kasulatan): Isulat sa pisara ang sumusunod: “Ang aking ay isang .” Ipakita ang larawan ng isang templo. Itanong, “Bakit napakaespesyal ng mga templo?” Ipabuklat sa mga bata ang I Mga Taga Corinto 6:19. Ipahanap sa kanila ang sinasabi roon tungkol sa kanilang katawan habang binabasa nila nang malakas ang talata kasama kayo. Itanong sa mga bata kung anong mga salita ang bubuo sa pangungusap sa pisara (katawan, templo). Patayuin ang mga bata at ipabasa sa kanila nang sabay-sabay ang pangungusap.
Maghikayat ng pag-unawa at pagsasabuhay (pagkanta ng isang awitin at pagtalakay): Sabihin sa mga bata na ang ating katawan ay mga templong maaaring panahanan ng Banal na Espiritu. Kantahin ang unang talata ng “Ang Diyos sa Akin ay Nagbigay ng Templo” (AAP, 73). Ipabahagi sa mga bata kung paano nais ng Ama sa Langit na manamit tayo at bakit. Ipaliwanag na laging pinapayuhan ng mga propeta ng Diyos ang Kanyang mga anak na manamit nang disente. Sabihin sa mga bata na pakinggan kung anong mga bahagi ng kanilang katawan ang dapat takpan habang binabasa ninyo ang bahaging “Pananamit at Kaanyuan” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Magpaisip sa mga bata ng isang paraan na makapananamit sila nang disente. Itsahan ng isang malambot na bagay ang isang bata at ipabahagi sa batang iyon ang kanyang ideya. Ipaitsa ang initsa ninyo sa batang iyon sa isa pang bata, na magbabahagi ng kanyang ideya. Ipagpatuloy sa iba pang mga bata.