Hulyo
Pinipili Ko ang Tama sa Pamamagitan ng Pamumuhay ayon sa mga Alituntunin ng Ebanghelyo
“Samakatwid, tayo ay magpakatapat sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon” (1 Nephi 3:16).
Awitin: “Ang Matalino at ang Hangal”
(AAP, 132) o isang awiting pinili ninyo mula sa Aklat ng mga Awit Pambata
Dagdagan ng ilang sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Bawat linggo, magplano ng mga paraan para (1) tukuyin ang doktrina, (2) maipaunawa ito sa mga bata, at (3) tulungan silang maipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”
Linggo 1: Ang pag-aayuno at panalangin ay magpapalakas ng aking patotoo.
Tukuyin ang doktrina (pagkakita sa isang pakay-aralin): Maghanda ng dalawang wordstrip: Pag-aayuno at Panalangin. Patayuin ang dalawang bata nang malapit sa isa’t isa, at bigyan ang bawat bata ng isa sa mga wordstrip. Palakarin ang isa pang bata sa pagitan nila. Pagkapitin nang mahigpit ang mga bisig ng dalawang bata, at pasubukan sa isa pang bata na lumakad na muli sa pagitan nila. Ituro kung gaano kalakas ang mga bata kapag magkakapit-bisig sila. Ipaliwanag na ang pag-aayuno at panalangin ay mas mabisa kapag sabay nating ginawa ang mga ito. Isulat sa pisara ang “Ang pag-aayuno at panalangin ay magpapalakas ng aking patotoo,” at ipaulit ito nang sabay-sabay sa mga bata.
Maghikayat ng pag-unawa (pakikinig sa mga banal na kasulatan at paglahok sa isang pakay-aralin): Sabihin sa mga bata na pakinggan ang mga bagay na ginawa ng mga anak ni Mosias para maging matatag sa ebanghelyo habang binabasa ninyo ang Alma 17:2–3. Sabihin sa mga bata na palakihin ang kanilang mga kalamnan tuwing may maririnig sila na nakatulong sa mga anak ni Mosias na maging matatag.
Simulan ang isang talakayan tungkol sa pag-aayuno sa pamamagitan ng pagtatanong ng ilang bagay tulad ng “Ano ang pag-aayuno?” “Bakit tayo dapat mag-ayuno?” “Kailan tayo dapat mag-ayuno?” at “Bakit tayo dapat manalangin kapag nag-aayuno tayo?” (tingnan sa Joseph B. Wirthlin, “Ang Batas ng Ayuno,” Liahona, Mayo 2001, 73–75). Pahawakin ang bawat batang nagdaragdag ng ideya sa talakayan sa isang dulo ng sinulid o pisi. Hawakan ninyo ang kabilang dulo ng bawat pisi. Sa pagtatapos ng talakayan, papuntahin ang mga batang nakahawak sa mga pisi sa gitna ng silid at ipapilipit sa kanila ang lahat ng kanilang pisi para makagawa ng isang matibay na tali. Ipaliwanag na bawat pising idinaragdag natin sa tali ay mas nagpapatibay sa tali. Ipaunawa sa mga bata na sa gayon ding paraan, tuwing nag-aayuno at nananalangin tayo nagdaragdag tayo ng lakas sa ating patotoo.
Linggo 2: Ang pagiging mabait ay paggawa at pagsasabi ng mabubuting bagay sa kapwa.
Tukuyin ang doktrina (pagbigkas ng isang talata sa banal na kasulatan): Isulat sa pisara ang “[Maging mabait] kayo sa isa’t isa” (Mga Taga Efeso 4:32) na may nakasulat na numero mula 1 hanggang 6 sa ilalim ng bawat salita. Iatas sa bawat bata ang isang numero mula 1 hanggang 6. Magsimula sa pagpapatayo sa lahat ng numero 1 at ipabigkas sa kanila ang “Maging” at saka sila paupuin kaagad. Pagkatapos ay patayuin ang mga numero 2 at ipabigkas sa kanila ang “mabait,” at paupuin sila kaagad. Ipagpatuloy ito sa natitirang mga salita. Ulitin nang ilang beses. Pagkatapos ay ipaulit nang sabay-sabay sa lahat ng bata ang buong parirala.
Maghikayat ng pag-unawa (pakikinig sa isang kuwento at pagkanta ng isang awitin): Isalaysay sa mga bata ang isang kuwento ng kabaitan, tulad ng “Pagtatanggol kay Caleb” (Liahona, Mar. 2009, K8–K9). Ipataas ang dalawang hinlalaki nila kapag nakarinig sila ng kabaitan sa kuwento at ibaba ang dalawang hinlalaki kapag nakarinig sila ng kasamaan. Kantahin ang “Sa Akin Nagmumula ang Kabaitan” (AAP, 83). Patayuin ang mga bata kapag kinanta nila kung kanino tayo dapat maging mabait. Muling kantahin ang awitin, at ipaturo ang dalawang hinlalaki nila sa kanilang sarili kapag kinanta nila ang, “Ang kabaitan sa ‘kin nagmumula.”
Maghikayat ng pagsasabuhay (pagbabahagi ng mga paraan upang maging mabait): Tukuyin ang ilang tao sa buhay ng mga bata (tulad ng ama, ina, kapatid na babae, kapatid na lalaki, lolo, kaibigan, o guro) sa isang wordstrip, larawan, o simpleng prop (tulad ng kurbata para sa ama o tungkod para sa lolo). Bigyan ng mga bagay ang ilang bata, at papuntahin sila sa harapan ng silid. Magpabahagi sa bawat bata ng isang magandang bagay na masasabi o magagawa nila para sa taong kumakatawan sa bagay na hawak nila. Pagkatapos ay ipapasa sa kanila ang mga wordstrip, larawan, o props sa ibang mga bata. Ulitin kung may oras pa.
Linggo 3: Ang pagpipitagan ay matinding paggalang at pagmamahal sa Diyos.
Tukuyin ang doktrina (pagkanta ng isang awitin): Maghanda ng ilang kuwintas na tali na may pusong papel na nakakabit sa bawat isa. Isulat ang isang mahalagang salita o parirala mula sa “Paggalang ay Pagmamahal” (AAP, 12) sa bawat puso (halimbawa, tahimik na pag-upo, pag-iisip, pagdama, at iba pa). Ipasuot sa ilang bata ang mga kuwintas. Kantahin ang “Paggalang ay Pagmamahal,” at palakarin nang mapitagan sa harapan ng silid ang mga batang may suot na kuwintas kapag kinanta ang salitang nakasulat sa kanilang puso. Patayuin nang sunud-sunod ang mga batang may suot na kuwintas, at muling kantahin ang awitin.
Maghikayat ng pagsasabuhay (pagtalakay sa pagpipitagan): Maghanda ng mga wordstrip o magdrowing ng mga simpleng larawan ng mga mata, kamay, paa, tainga, bibig, at isipan. Hatiin ang mga bata sa mga grupo, at papiliin ang bawat grupo ng isa o dalawa sa mga wordstrip o larawan. Magpabahagi sa bawat grupo (sa salita at sa galaw) ng ilang paraan na maaaring maging mapitagan ang bahaging ito ng kanilang katawan sa pamamagitan ng pagpapakita ng paggalang at pagmamahal sa Diyos.
Linggo 4: Ang pagiging tapat ay pagsasabi ng totoo anuman ang mga bunga nito.
Maghikayat ng pag-unawa (pagtalakay sa mga bunga): Maghanda ng ilang pinag-aaralang sitwasyon (tingnan sa PWHDT, 214–15) kung saan ang mga bata ay nahaharap sa pagpili kung sila ay magtatapat o magsisinungaling. Halimbawa, “Sinuntok mo ang kapatid mo, at itinanong ng iyong ina kung bakit siya umiiyak.” Itanong, “Ano ang mga ibubunga ng pagiging tapat?” Itanong, “Ano ang mga ibubunga ng pagiging sinungaling?” Tulungan ang mga bata na matuklasan na ang mga agarang bunga ng pagiging tapat ay maaaring mahirap ngunit ang mga bunga sa katagalan ay hahantong sa kapayapaan at kaligayahan.
Maghikayat ng pagsasabuhay (paglikha ng isang rima [rhyme]): Pagawin ng isang-linyang parirala o rima ang bawat klase (sa tulong ng kanilang mga guro) tungkol sa pagiging tapat. Halimbawa, “Ang pagsasabi nang tapat, pagsasama nang maluwat!” Ipabahagi sa bawat klase ang kanilang parirala sa iba pang mga bata. Hikayatin silang ulitin ang parirala tuwing natutukso silang magsinungaling.