Paano Gamitin ang Musika sa Primary
Ang layunin ng musika sa Primary ay ituro sa mga bata ang ebanghelyo ni Jesucristo at tulungan silang matutong ipamuhay ito. Ang mga awitin sa Primary ay mas nagpapasaya sa pag-aaral, tumutulong sa mga bata na matutuhan at maalala ang mga katotohanan ng ebanghelyo, at nag-aanyaya ng Espiritu sa Primary.
Ang sumusunod ay mga pamamaraang makatutulong sa inyo na maituro sa mga bata ang ebanghelyo sa pamamagitan ng musika. Ang mga halimbawa ay makatutulong sa inyo sa mga awiting iminungkahi sa outline na ito. Tingnan ang mga bahaging “Paano Gamitin ang Musika sa Primary” sa 2010 at 2011 outline para sa karagdagang mga ideya.
Pagtuturo ng Ebanghelyo sa pamamagitan ng Musika
Ang ilan sa pinakamagagandang araling itinuro sa Primary ay itinuro sa pamamagitan ng musika. “Ang musika ay magpapalago sa pag-unawa ng mga bata tungkol sa mga alituntunin ng ebanghelyo at magpapalakas sa kanilang patotoo” (PWHDT, 229). Isiping magtanong tungkol sa isang awitin para maipaunawa sa mga bata ang kahulugan nito. Halimbawa, itinuturo ng “Piliin ang Tama” (Mga Himno, blg. 145) na hindi tayo nag-iisa sa paggawa ng mga desisyon sa buhay; gagabayan tayo ng Banal na Espiritu sa paggawa ng mga tamang pagpili. Idrowing sa pisara ang outline ng tatlong kalasag na PAT at isulat ang sumusunod na mga tanong sa loob nito: “Sino ang gagabay sa akin na piliin ang tama?” “Kailan magliliwanag sa akin ang tulong?” at “Ano ang ipinangako kapag pinili ko ang tama?” Ituro ang unang kalasag, sama-samang basahin ang tanong, at sabihin sa mga bata na makinig habang kinakanta ninyo ang awitin at tumayo pagkatapos kapag narinig nila ang sagot. Ipakanta sa kanila nang ilang beses ang sagot kasabay ninyo. Makatutulong ito para maitugma nila ang mga salita sa himig. Ulitin sa iba pang mga tanong. Talakayin ang mga parirala o salitang maaaring mahirap maunawaan ng mga bata. Kantahin ang buong awitin, at ipaalala sa mga bata na kapag kinakanta nila ito, pinatototohanan nila na tutulungan tayo ng Banal na Espiritu kung tayo ay makikinig at gagawa ng mga tamang pagpili.
Ilahok ang Lahat ng Bata sa mga Aktibidad na Musikal
Ang mga bata na may iba’t ibang edad at kakayahan ay tumutugon sa musika at nagagalak na lumahok sa mga aktibidad na musikal. Ang mga ritmo ng mga awitin ay nagpapaalala sa mga bata ng kanilang kinakanta at ang mensahe ng mga salita. Habang kinakanta ninyo ang “Ang Tama’y Ipaglaban” (AAP, 81), isiping baguhin ang bilis at lakas ng pagkanta. Isiping ituro ang mga katagang pangmusika tulad ng legato (marahan at banayad) at staccato (mabilis at paudlut-udlot) at pagpapakanta ng awitin sa mga bata sa dalawang paraang ito.
Gustung-gusto ring makilahok ng mga bata sa paggalaw, tulad ng pagpalakpak ayon sa tugtog o paggalaw ng kamay ayon sa mga titik ng awitin. Sa awiting “Ang Matalino at ang Hangal” (AAP, 132), makatutulong ang mga paggalaw ng kamay para makatuon ang mga bata sa mga titik ng awitin. Magagamit din ninyo ang mga galaw sa pagkanta ng “Ang Katapangan ni Nephi” (AAP, 64–65). Halimbawa, pagkunwariin ang mga bata na may hawak silang kalasag sa isang bisig kapag kinanta nila ang “Gagawin,” magkunwaring mayhawak silang espada sa bandang ulunan kapag kinanta nila ang “susundin, utos ng Diyos sa ‘kin,” at magmartsa sa lugar kapag kinanta nila ang “Magbibigay s’ya ng daan; upang ito’y tupdin.” Pag-isipin ang mga bata ng sarili nilang angkop na mga galaw para sa anumang awitin (maaaring hindi angkop ang ilang galaw sa pagtatanghal sa sacrament meeting).
Repasuhin ang mga Awitin upang Mapatibay ang mga Alituntunin ng Ebanghelyo
Kapag nagturo kayo ng isang awitin, kakailanganin ninyo itong ulit-ulitin para matutuhan ito ng mga bata. Kakailanganin din ninyong repasuhin ang mga awitin sa buong taon upang manatili ito sa isipan ng mga bata. Matapos ituro ang awitin, repasuhin at kantahin ito sa iba’t ibang masasayang paraan. Patuloy na kantahin ang mga awitin kahit tapos na ang pagtatanghal sa sacrament meeting para maalala ito ng mga bata. Isiping isulat ang mga awiting nais ninyong repasuhin ng mga bata tungkol sa iba’t ibang bagay (halimbawa, mga bulaklak sa garapon, isdang papel sa lawa, mga balahibo sa pabo, mga dahon sa puno, o mga pusong nakadikit sa buong silid). Papiliin ng paisa-isang bagay ang mga bata at pagkatapos ay kantahin ang awitin. Ang sumusunod ay ilang karagdagang ideya kung paano repasuhin ang mga awitin (makikita ang mga visual sa sharingtime.lds.org):
-
Singing Cube: Gumawa ng isang cube na may nakasulat na iba’t ibang galaw sa bawat panig. Sabihin sa sa isang bata na pagulungin ang cube upang malaman kung anong galaw ang gagawin nila habang sila ay kumakanta.
-
Mga Babae ang Kakanta/Mga Lalaki ang Kakanta: Gumawa ng larawan ng isang lalaki at larawan ng isang babae, at idikit o iteyp ang mga ito sa magkahiwalay na patpat. Habang nirerepaso ang awitin, pagpalitin ang mga larawan para ipakita kung sino ang dapat kumanta. Pananatilihin nitong lumalahok nang aktibo ang mga bata.
-
Mga Puppet na Kumakanta: Kopyahin at gupitin ang isa sa mga larawan sa pahina 63 ng manwal ng nursery na, Masdan ang Inyong mga Musmos, para kulayan ng bawat bata. Idikit o iteyp ang bawat larawan sa isang supot na papel para makagawa ng mga puppet. Pakantahin ang mga bata kasama ang kanilang puppet.
-
Pag-itsa sa Basket: Pag-itsahin ng isang beanbag o nilukot na papel sa basket ang isa sa mga bata. Kung maibuslo niya ito sa unang pag-itsa, ipakantang minsan sa mga bata ang talata; kung dalawang beses siya nag-itsa, ipakanta nang dalawang beses sa kanila ang talata, at kung anu-ano pa.