Mga Tagubilin para sa Oras ng Pagbabahagi at Pagtatanghal ng mga Bata sa Sacrament Meeting
Mahal naming mga Primary Presidency at Music Leader,
Ngayong taon may pagkakataon kayong ituro sa mga bata ang kahalagahan ng pagpili ng tama. Ang pagkatutong gumawa ng mabubuting pagpili ay mahalagang bahagi ng plano ng ating Ama sa Langit para sa atin at maghahatid ng maraming pagpapala. Hangaring anyayahan ang Espiritu ng Panginoon habang mapanalangin ninyong itinuturo ang mga araling kabilang sa outline na ito. Kapag ginawa ninyo ito, malalaman ng mga bata na makatatanggap sila ng tulong sa paggawa ng mga pasiya sa pamamagitan ng pagsunod sa halimbawa ni Jesucristo, pamumuhay ayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo, at pagsunod sa mga panghihikayat ng Espiritu Santo. Ang pagpili ng tama ay makatutulong sa mga bata na manatili sa landas pabalik sa ating Ama sa Langit.
Pinasasalamatan namin ang inyong tapat na paglilingkod habang minamahal at tinuturuan ninyo ang katangi-tanging mga bata sa inyong Primary. Ipinagdarasal namin kayo at alam namin na pagpapalain kayo ng Panginoon sa paglilingkod ninyo sa mahalagang tungkuling ito.
Ang Primary General Presidency
Mga Tagubilin para sa Oras ng Pagbabahagi
Pagtuturo ng Ebanghelyo
Gamitin ang buklet na ito sa paghahandang magturo ng 15-minutong aralin linggu-linggo sa oras ng pagbabahagi. Madaragdagan ninyo ang mga lingguhang aralin ng iba pang mga materyal na inaprubahan ng Simbahan, tulad ng Liahona. Tutulungan kayo ng sumusunod na mga gabay na planuhin at ilahad ang mga aralin.
Mahalin ang mga Tinuturuan Ninyo. Ipakita ang pagmamahal ninyo sa mga bata sa pamamagitan ng pag-alam sa kanilang mga pangalan at mga kinawiwilihan, talento, at pangangailangan.
Ituro ang Doktrina sa Pamamagitan ng Espiritu. Habang naghahanda kayo ng mga aralin, manalanging patnubayan kayo at sikaping palakasin ang inyong patotoo tungkol sa mga alituntuning ituturo ninyo. Tutulungan kayo nitong magturo sa pamamagitan ng Espiritu.
Maghikayat ng Pagkatuto. Ang buklet na ito ay ginawa para tulungan kayong malaman hindi lamang kung ano ang ituturo kundi maging kung paano magturo at maghikayat ng pagkatuto. Mas epektibo ninyong maituturo ang doktrina kapag ginawa ninyo ang sumusunod na tatlong bagay sa bawat aralin:
-
Tukuyin ang doktrina. Malinaw na ipabatid ang doktrinang matututuhan ng mga bata. Pag-isipan ang mga paraan para masabi ito at maipakita. (Para sa ilang halimbawa, tingnan ang mga aralin para sa ikatlong linggo ng Mayo at ikalawang linggo ng Agosto.)
-
Maghikayat ng pag-unawa. Tiyaking higit na maunawaan ng mga bata ang doktrina sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang pamamaraan sa pagtuturo na umaakit sa kanila na matuto, tulad ng pagkanta ng mga awitin, dula-dulaan, at pagbabasa ng mga banal na kasulatan.
-
Maghikayat ng pagsasabuhay. Bigyan ang mga bata ng mga pagkakataong ipamuhay ang doktrina. Pag-isipan kung paano sila magpapahayag ng damdamin o magtatakda ng mithiin na nauugnay sa doktrina.
Ang buklet na ito ay naglalaan ng kumpletong mga aralin para sa ilan sa mga linggo ng buong taon. May mga ideya, ngunit hindi kumpletong mga aralin, para sa iba pang mga linggo. Dagdagan ng ilang sarili ninyong ideya ang mga ideyang iyon. Makakakuha kayo ng mga ideya sa pamamagitan ng pagbabasa ng iba pang mga aralin sa buklet na ito. Kapag may ikalimang Linggo, gamitin ang oras na ito para repasuhin ang nakaraang mga aralin. Magagabayan kayo ng Espiritu sa pagpaplano at paghahanda ng mga aktibidad para sa mga aralin.
Makipagtulungan sa music leader sa paghahanda ng inyong mga aralin. Ang pagkanta ng mga awitin ay magpapatibay sa mga doktrinang inyong itinuturo. Paminsan-minsan maaari kayong magpatulong sa mga guro at sa kanilang mga klase sa mga bahagi ng pagtuturo ng ebanghelyo.
Iminumungkahi sa ilang aralin na anyayahang makilahok ang mga panauhing tagapagsalita sa Primary. Dapat kayong humingi ng pahintulot sa inyong bishop o branch president bago anyayahang makilahok ang mga taong ito.
Nakalakip sa mga aralin ang ilang tip sa pagtuturo na tutulong sa inyo na mapahusay ang kakayahan ninyong magturo. Kasama rin sa mga aralin ang mga larawang magpapakita sa inyo kung ano ang hitsura ng aktibidad. Kahit mahalagang magkaroon ng mga kasanayan sa pagtuturo, sarili ninyong espirituwal na paghahanda at patotoo ang mag-aanyaya sa Espiritu na pagtibayin ang mga doktrinang ito sa puso ng mga bata.
Oras ng Kantahan
Ang musika sa Primary ay dapat maghikayat ng pagpipitagan, magturo ng ebanghelyo, at ipadama sa mga bata ang impluwensya ng Espiritu Santo at ang galak na nagmumula sa pagkanta. Isang 20-minutong yugto ng oras ng pagbabahagi ang dapat ilaan sa pagkanta at pagtuturo ng musika. Titiyakin nito na may sapat na oras kayong magturo ng bagong kanta at tulungan ang mga bata na masiyahan sa pagkanta.
Kasama sa buklet na ito ang isang bagong awiting pag-aaralan ng mga bata ngayong taon (tingnan sa pahina 28). May isang bahagi rin dito na pinamagatang “Paano Gamitin ang Musika sa Primary” (tingnan sa mga pahina 26–27) at karagdagang mga ideya sa pagtuturo ng mga awitin sa mga bata (tingnan sa mga pahina 9, 17).
Mga Gabay sa Pagtatanghal sa Sacrament Meeting
Sa pamamahala ng bishop o branch president, ang pagtatanghal ng mga bata sa sacrament meeting ay karaniwang ibinibigay sa ikaapat na kwarter ng taon. Kausapin ang tagapayo sa bishopric o branch presidency na namamahala sa Primary sa mga unang buwan ng taon para talakayin ang mga paunang plano. Hingin ang kanyang pahintulot kapag tapos na ang mga plano.
Planuhing maitanghal ng mga bata ang programa ayon sa mga buwanang tema sa oras ng pagbabahagi. Sa buong taon, itala ang mga pananalita at personal na karanasan ng mga bata na posibleng magamit sa pagtatanghal. Habang nagpaplano kayong ipabahagi sa mga bata ang natutuhan nila sa tema ngayong taon, mag-isip ng mga paraan na matutulungan nilang magtuon ang kongregasyon sa mga doktrina ng ebanghelyong itinuturo nila. Maaaring tapusin ng isang miyembro ng bishopric ang miting sa maikling pananalita.
Habang inihahanda ninyo ang pagtatanghal, tandaan ang sumusunod na mga tuntunin:
-
Hindi dapat magamit sa mga praktis ang oras ng klase o pamilya kung hindi kailangan.
-
Ang mga visual, costume, at media presentation ay hindi angkop sa sacrament meeting.
Mga Sangguniang Ginamit sa Buklet na Ito
Ang sumusunod na mga daglat ay ginamit sa buong buklet:
AAPAklat ng mga Awit Pambata
PWHDTPagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin
Maraming aralin ang may mga mungkahi sa paggamit ng mga larawan. Makikita ninyo ang mga larawan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, Pakete ng mga Larawan ng Sining ng Ebanghelyo, mga pakete ng mga larawan sa manwal ng Primary, at mga magasin ng Simbahan at online sa images.lds.org.