Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Marso: Itinuturo sa Akin ng mga Buhay na Propeta na Piliin ang Tama


Marso

Itinuturo sa Akin ng mga Buhay na Propeta na Piliin ang Tama

“O, pakatandaan, anak ko, at matuto ng karunungan sa iyong kabataan; oo, matuto sa iyong kabataan na sumunod sa mga kautusan ng Diyos” (Alma 37:35).

Awitin: “Ang Tama’y Ipaglaban”

(AAP, 81)

Dagdagan ng ilang sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Bawat linggo, magplano ng mga paraan para (1) tukuyin ang doktrina, (2) maipaunawa ito sa mga bata, at (3) tulungan silang maipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”

Linggo 1: Nangungusap ang Diyos sa pamamagitan ng mga buhay na propeta.

Tukuyin ang doktrina (panonood ng isang pagtatanghal at pagsasaulo ng isang talata sa banal na kasulatan): Papuntahin ang isang bata sa harapan ng klase. Sabihin sa ibang mga bata na sundin ang kanyang mga sasabihin. Magbulong ng mga simpleng tagubilin sa bata, tulad ng “Sabihin mo pumalakpak sila nang tatlong beses” o “Sabihin mo tumayo sila at magmartsa sa lugar.” Bigyan ng pagkakataon ang ilang bata na maging lider. Ipaliwanag na kahit hindi kayo narinig ng lahat na magbigay ng mga tagubilin, masusunod nila ang mga tagubilin dahil alam nila kung sino ang susundin. Itanong kung sino ang dapat nating sundin upang malaman ang nais ipagawa sa atin ng Ama sa Langit. Magpakita ng larawan ng kasalukuyang Pangulo ng Simbahan. Ipasabi nang sabay-sabay sa mga bata ang, “Nangungusap ang Diyos sa pamamagitan ng mga buhay na propeta.” Basahin ang Amos 3:7, at ipaliwanag ang anumang mga salitang hindi maunawaan ng mga bata. Tulungan ang mga bata na maisaulo ang banal na kasulatan (tingnan sa PWHDT, 226–27).

teacher whispering

Linggo 2: Ang Unang Panguluhan at ang Labindalawang Apostol ay mga propeta.

Tukuyin ang doktrina: Isulat sa pisara ang, “Ang Unang Panguluhan at ang Labindalawang Apostol ay mga propeta.” Sabihin sa mga bata na sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, pinamumunuan tayo ng Pangulo ng Simbahan, ng kanyang dalawang tagapayo sa Unang Panguluhan, at ng Labindalawang Apostol. Ipaliwanag na ang Unang Panguluhan at ang Labindalawang Apostol ay mga propeta.

Maghikayat ng pagsasabuhay (paglalaro ng pagtutugma): Magtipon ng mga larawan ng anim na miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa, at isulat ang mga pangalan nila sa magkakahiwalay na papel. Ilagay nang pataob sa pisara ang mga papel at larawan. Ipatihaya sa isang bata ang isang larawan, at ipatihaya sa isa pang bata ang isang papel na may pangalan. Kung hindi magkatugma ang larawan at pangalan, ibalik ang mga ito sa lugar at papiliin ang dalawa pang bata. Kung magkatugma ang mga papel, ibulong sa dalawang bata ang isang alituntunin ng ebanghelyo na itinuro ng pinuno sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya (tingnan sa pinakahuling isyu ng pangkalahatang kumperensya ng Ensign o Liahona), at ipasadula sa kanila ang isang paraan na maipamumuhay nila ang alituntunin. Pahulaan sa ibang mga bata ang ginagawa nila.

matching game

Linggo 3: Ang mga propeta at apostol ng Diyos ay nagsasalita sa atin sa pangkalahatang kumperensya.

Maghikayat ng pag-unawa at pagsasabuhay (paglalaro): Isulat sa magkakahiwalay na papel ang isang pangungusap na buod ng pinakahuling mga mensahe sa kumperensya mula sa mga miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa. Ilagay sa pisara ang mga ito kasama ang mga larawan ng mga pinuno. Talakayin ang bawat mensahe. Palabasin ng silid ang isang grupo ng mga bata. Alisin ang isa sa mga mensahe sa pisara. Pabalikin ang mga bata at sama-samang magpasiya kung aling mensahe ang nawawala. Papiliin ang mga bata ng isang awitin sa Primary na nauukol sa mensahe, at sabay-sabay itong kantahin. Magpamungkahi sa mga bata ng mga paraan na maipamumuhay nila ang mensahe. Ulitin sa iba pang mga mensahe.

teacher at board

Iakma ang inyong mga aktibidad sa edad at kakayahan ng mga batang inyong tinuturuan. Sa aktibidad sa linggo 3, maaari ninyong gamitin ang mga larawan bukod pa sa nakasulat na mga mensahe.

Linggo 4: Pinagpapala ako kapag pinipili kong sundin ang propeta.

Tukuyin ang doktrina (pagkanta ng isang awitin): Kantahin ang ikasiyam na talata at ang koro ng “Propeta’y Sundin” (AAP, 58–59). Sabihin sa mga bata na pakinggan ang mga dahilan kaya natin sinusunod ang propeta. Ipasabi sa mga bata nang sabay-sabay, “Pinagpapala ako kapag pinipili kong sundin ang propeta.”

Maghikayat ng pag-unawa (pagsasadula ng mga kuwento sa banal na kasulatan): Ikuwento sa mga bata ang tungkol kay Elijah at ang balo ng Sarepta (tingnan sa I Mga Hari 17:8–16), at isadula ninyo ito ng mga bata. Halimbawa: “Sinabi ng Panginoon sa propetang si Elijah na magpunta sa lungsod na tinatawag na Sarepta (lumakad sa lugar). Pagdating niya sa lungsod, nakita niya ang isang babaeng namumulot ng mga patpat (magkunwaring namumulot ng mga patpat). Humingi ng inumin si Elijah sa babae (magkunwaring binibigyan ng inumin ang isang tao) at isang tinapay. Sinabi ng babae kay Elijah na kakaunti lang ang harina at langis nito para gumawa ng tinapay para sa kanyang anak na lalaki (umiling). Sinabi ni Elijah dito na gumawa muna ng ilang tinapay para sa kanya at bibigyan siya ng Diyos ng mas maraming harina at langis. Sinunod ng babae si Elijah (magkunwaring nagmamasa ng tinapay). May sapat siyang harina at langis para gumawa ng tinapay sa loob ng maraming araw (magkunwaring kumakain).” Ulitin ang aktibidad sa mga kuwento tungkol kay Moises at sa ahas na tanso (tingnan sa Mga Bilang 21:5–9) at tungkol kay Nephi at sa mga laminang tanso (tingnan sa 1 Nephi 3–4; 5:21–22). Ipabahagi sa mga bata kung paano pinagpala ang mga tao sa mga kuwento dahil sinunod nila ang payo ng propeta.

Elijah and the widow of Zarephath
Moses and the Brass Serpent
Nephi

Maghikayat ng pagsasabuhay (pagtalakay sa mga turo ng propeta): Itanong sa mga bata, “Sino ang propeta natin ngayon?” Magpakita ng larawan ng kasalukuyang Pangulo ng Simbahan. Ipaliwanag na siya ay tinawag ng Diyos. Ipatalakay sa mga bata sa maliliit na grupo kung paano nila siya masusunod. Ipabahagi sa ilang bata mula sa bawat grupo ang kanilang mga ideya. Papiliin ang mga bata ng isang paraan na masusunod nila ang propeta sa buong linggo. Lumikha ng isang paalala na maiuuwi at maibabahagi nila sa kanilang pamilya. Ipaalala sa mga bata na maririnig nila ang mga salita ng propeta sa pangkalahatang kumperensya, at hikayatin silang manood o makinig sa kumperensya kasama ang kanilang pamilya. Sa linggong kasunod ng pangkalahatang kumperensya, ipabahagi sa ilan sa mga bata ang mga karanasan nila nang makinig sila sa propeta at sundin nila ang kanyang mga turo.

small groups with pictures

Mas maraming batang nakalalahok kapag hinati-hati sila sa mga grupo. Makapagbubuo kayo ng mga grupo sa maraming paraan. Halimbawa, masasabi ninyo sa mga bata na magtulungan bilang mga grupo ng klase, o maipapares ninyo ang mga batang nakatatanda sa mga batang nakababata. Dapat pamahalaan ng isang nasa hustong gulang ang bawat grupo.