Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Oktubre: Ang mga Pagpapala ng Priesthood ay Para sa Lahat


Oktubre

Ang mga Pagpapala ng Priesthood ay Para sa Lahat

“At gayon din lahat sila na tumanggap ng pagkasaserdoteng ito ay tinanggap ako, wika ng Panginoon” (D at T 84:35).

Dagdagan ng ilang sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Bawat linggo, magplano ng mga paraan para (1) tukuyin ang doktrina, (2) maipaunawa ito sa mga bata, at (3) tulungan silang maipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”

Linggo 1: Ang karapat-dapat na mga binatilyo ay tumatanggap ng priesthood kapag sila ay 12 taong gulang.

Tukuyin ang doktrina (pagtingin sa isang larawan): Magpakita sa mga bata ng isang larawan ni Jesucristo na pinasisimulan ang sakramento. Ipaliwanag na ibinigay ni Cristo ang sakramento sa Kanyang mga Apostol at disipulo sa Aklat ni Mormon, at hiniling Niya sa kanila na patuloy na magbasbas at magpasa ng sakramento kapag wala na Siya. Sama-samang basahin ang 3 Nephi 18:5–6. Itanong sa mga bata ang tulad ng: Sino ang nagbabasbas ng sakramento sa ating panahon? Sino ang nagpapasa ng sakramento? Anong kapangyarihan ang kailangang taglayin ng isang tao para makapagbasbas at makapagpasa ng sakramento?

Maghikayat ng pag-unawa (pagtalakay sa doktrina): Ipaliwanag na ang priesthood ay kapangyarihan ng Diyos na paglingkuran at pagpalain ang mga tao sa lupa. Sa mga huling araw itinuro sa atin ni Cristo na sinumang lalaki ay maaaring magkaroon ng priesthood basta’t matugunan niya ang dalawang kinakailangang bagay. Ang una ay nasa edad na siya. Patayuin ang mga bata kapag narinig nilang binanggit ninyo ang edad na maaari nang tumanggap ng priesthood ang isang batang lalaki. Magbilang nang dahan-dahan mula isa hanggang labindalawa. Sabihin sa mga bata na ang isa pang kailangan ay karapat-dapat ang bata. Ipaliwanag ang kahulugan ng maging karapat-dapat, at ipaliwanag na maaaring gamitin ng mga batang lalaki at babae ang “Ang mga Pamantayan Ko sa Ebanghelyo” para malaman nila kung paano mamuhay nang marapat.

Maghikayat ng pagsasabuhay (paglahok sa isang pisikal na aktibidad): Hatiin ang mga bata sa mga grupo. Atasan ng isang pamantayan mula sa “Ang mga Pamantayan Ko sa Ebanghelyo” ang bawat grupo. Magpaisip sa bawat grupo ng isang simpleng aksyon na kumakatawan sa kanilang pamantayan. Sambitin ang ilang salitang tutukoy sa isang pamantayan, at patayuin ang inatasang grupo at sabihan na ipakita nila ang kanilang aksyon. Magpatuloy hanggang matapos ang lahat ng grupo. Ipaliwanag na ang pagsunod sa mga pamantayang ito ay tumutulong sa mga batang lalaki na manatiling karapat-dapat na magtaglay ng priesthood at tumanggap ng mga ordenansa ng priesthood at sa mga batang babae na manatiling karapat-dapat na tumanggap ng mga ordenansa ng priesthood, tulad ng binyag at mga ordenansa sa templo.

Linggo 2: Tinatanggap natin ang mga ordenansa ng kaligtasan sa pamamagitan ng priesthood.

children under umbrella

Ang mga pakay-aralin ay magagamit upang makawili, maituon ang pansin ng mga bata, o mapasimulan ang isang alituntunin ng ebanghelyo.

Tukuyin ang doktrina (pagkakita sa isang pakay-aralin): Pahawakan sa isang bata ang isang bukas na payong. Pasukubin ang ilang bata rito. Ihambing ang payong sa priesthood. Ituro na kung umuulan, lahat ng batang nakasukob sa payong ay pagpapalaing hindi mabasa, hindi lamang ang mayhawak nito. Gayon din, naglaan ang Diyos, sa pamamagitan ng Kanyang priesthood, ng paraan para mapagpala ang lahat ng Kanyang anak. Sa pamamagitan ng priesthood tinatanggap natin ang mga ordenansa ng kaligtasan na nagtutulot sa atin na makabalik at muling makapiling ang Diyos.

baptism puzzle

Maghikayat ng pag-unawa (pagbubuo ng mga puzzle): Isulat sa magkakahiwalay na papel ang bawat isa sa mga sumusunod: binyag, kumpirmasyon, ordinasyon sa priesthood (para sa mga lalaki), endowment sa templo, at pagbubuklod sa templo. Gupitin ang bawat piraso ng papel para makabuo ng isang puzzle. Ipaliwanag nang kaunti sa mga bata kung ano ang isang ordenansa (isang sagradong seremonya o gawain na may mga espirituwal na kahulugan), at sabihin sa mga bata na kailangan natin ang ilang ordenansa ng priesthood para muling makapiling ang Ama sa Langit. Magdrowing ng limang baitang sa pisara, at ilagay ang larawan ni Jesucristo sa pinakaitaas na baitang. Hatiin ang mga bata sa limang grupo at bigyan ang bawat grupo ng tig-iisang puzzle na ginawa ninyo. Ipabuo sa kanila ang kanilang puzzle at ipabahagi pagkatapos kung ano ang alam nila tungkol sa ordenansa sa iba pang mga bata sa Primary. Ipapaskil sa mga grupo ang nabuo nilang mga puzzle sa tamang pagkakasunud-sunod sa mga baitang sa pisara.

steps to salvation
chalk words

Linggo 3: Maaari akong tumanggap ng nagpapalakas na kapangyarihan sa pamamagitan ng mga basbas ng priesthood.

Tukuyin ang doktrina (pagtalakay sa doktrina): Sabihin sa mga bata na itaas ang kanilang kamay at tingnan ito. Itanong sa kanila kung paano nakatutulong ang kanilang mga kamay sa kanilang paglalaro, paggawa, at paghahandang magsimba. Ipasadula sa kanila nang walang salita ang bawat sagot. Pagkatapos ay itanong kung paano magagamit ng mga tao ang kanilang mga kamay para tulungan ang iba. Ipaliwanag na magagamit ng mga maytaglay ng priesthood ang kanilang mga kamay para magbigay ng mga basbas na tutulong at magpapalakas sa atin.

Maghikayat ng pag-unawa at pagsasabuhay (pagtingin sa mga larawan at pagbabahagi ng mga karanasan): Ipaskil ang mga larawan ng sakramento, binyag, kumpirmasyon, pagbabasbas sa isang sanggol, at pangangalaga sa maysakit sa paligid ng silid, at ipaliwanag kung ano ang nangyayari sa bawat larawan. Ipabakat sa mga bata ang dalawang kamay nila sa isang pirasong papel at ipagupit ang mga ito. Ipasulat ang kanilang pangalan sa harap ng bawat binakat na kamay. Ipateyp ang isa sa kanilang mga kamay na papel malapit sa larawang nagpapakita ng isang pagbabasbas o ordenansang natanggap nila mula sa mga kamay ng isang maytaglay ng priesthood. Pumili ng ilang kamay, at ipabahagi sa mga batang iyon ang kanilang damdamin tungkol sa kung paano sila nabasbasan at napalakas ng priesthood. Ikuwento ang pagbabasbas ni Jesus sa mga bata mula sa 3 Nephi 17:11–25. Maglagay ng larawan ni Jesus kasama ang mga bata sa harap ng silid, at ipateyp sa bawat bata ang pangalawa nilang kamay na papel malapit sa larawan. Ipaliwanag na ang mga maytaglay ng priesthood ay may kapangyarihang kumilos sa pangalan ni Jesucristo; maaari nila tayong basbasan tulad ng gagawin ni Jesus kung Siya ay narito.

hand tracing

Ang pagtulong sa mga bata na aktibong makalahok sa aralin ay makatutulong na maisaisip nila ang doktrinang itinuturo.

Linggo 4: Makapupunta ako sa templo upang tumanggap ng mga ordenansa para sa aking mga ninuno kapag nasa edad na ako.

Tukuyin ang doktrina at maghikayat ng pag-unawa (pagkukulay): Ipaalala sa mga bata na kailangan nating tumanggap ng ilang ordenansa ng priesthood bago tayo makabalik sa piling ng ating Ama sa Langit. Ipabanggit sa kanila ang ilan sa mga ordenansang iyon. Ipaliwanag na maraming taong namatay nang walang pagkakataong tumanggap ng mga ordenansang ito, at kailangan nila ang tulong natin. Ikuwento sa mga bata ang isa sa inyong mga ninunong namatay bago natanggap ang mga ordenansang ito. Bigyan ang bawat bata ng isang simpleng hugis ng tao na ginupit mula sa papel. Ipadrowing sa kanila ang kanilang sarili mismo sa harap ng papel at ang isang larawan ng ninunong ikinuwento ninyo sa kanila sa likod ng papel. (Kung kilala ng mga bata ang isa sa mga ninuno nilang namatay nang hindi natatanggap ang mga ordenansa ng priesthood, maaari nilang idrowing ang taong iyon.) Ipaulit sa kanila ang tema para sa linggong ito habang hawak nila ang kanilang taong papel sa kanilang harapan. Hilingin sa kanila na ipakita ang larawan nila kapag sinambit nila ang salitang “Ako” at ang larawan ng ninuno kapag sinambit nila ang salitang “mga ninuno.”