Pebrero
Kapag Pinipili Natin ang Tama, Tayo ay Pinagpapala
“Kung inyong susundin ang kanyang mga kautusan, kayo ay kanyang pagpapalain at pauunlarin” (Mosias 2:22).
Awitin: “Piliin ang Tama”
(Mga Himno, blg. 145)
Dagdagan ng ilang sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Bawat linggo, magplano ng mga paraan para (1) tukuyin ang doktrina, (2) maipaunawa ito sa mga bata, at (3) tulungan silang maipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”
Linggo 1: Si Noe ay pinagpala sa pagpili ng tama.
Tukuyin ang doktrina (paglalaro ng pagtutugma): Magdrowing sa pisara ng isang simpleng arka. Maghanda ng ilang set ng dalawang magkatulad na larawan ng mga hayop. Bigyan ng isang larawan ang bawat bata. Patayuin ang mga bata at ipagaya ang ingay ng hayop sa kanilang larawan at pakinggan ang iba na gayon din ang ginagawang tunog. Kapag nagkatagpu-tagpo ang mga batang magkakatugma ang mga larawan, patayuin sila nang magkakatabi hanggang maipares ang lahat ng hayop. Palapitin ang mga bata na magkakapares at ilagay ang kanilang hayop sa drowing na arka. Itanong sa mga bata, “Sinong propeta ang inutusan ng Panginoon na tipunin ang mga hayop sa arka?” Ituro na marahil ay mahirap tipunin ang napakaraming hayop sa arka, ngunit pinili ni Noe na sundin ang utos ng Panginoon.
Maghikayat ng pag-unawa (pagbabasa ng mga banal na kasulatan): Magpakita sa mga bata ng isang larawan ni Noe na nangangaral, at basahin ang Moises 8:20. Itanong sa mga bata kung bakit sa palagay nila hindi pinakinggan ng mga tao si Noe. Hatiin sa gitna ang pisara, at isulat ang sumusunod na mga tanong sa isang panig, na may hindi sunud-sunod na mga reperensya sa banal na kasulatan sa kabilang panig: Ano ang gagawin ng Panginoon para puksain ang masasama? (Genesis 6:17). Ano ang ipinagawa Niya kay Noe para iligtas ang pamilya nito? (Genesis 6:18). Ano ang ginawa ni Noe para piliin ang tama? (Genesis 7:5). Ipabasa sa mga bata ang mga banal na kasulatan at ipahanap kung alin ang sagot sa bawat tanong. Magpakita sa mga bata ng isang larawan ni Noe na binubuo ang arka. Ipaliwanag na kung minsan ay mahirap piliin ang tama. Itanong, “Paano pinagpala si Noe sa pagpili ng tama?” Hikayatin ang mga bata na ibahagi kung paano sila mapagpapala kapag pinili nila ang tama.
Linggo 2: Pinagpala ang mga disipulo ni Jesus sa pagpili ng tama.
Maghikayat ng pag-unawa (pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagkukulay, at paggamit ng mga puppet): Basahin sa mga bata ang sumusunod na mga salaysay kung paano pinili ng mga disipulo ni Jesus ang tama: Lucas 10:38–42 (Maria); Mateo 4:18–20 (Pedro at Andres); Mga Gawa 9:1–9, 17–20 (Pablo). Talakayin ang ilan sa mga pagpapalang tinanggap ng mga taong ito sa pagpili ng tama. Magdrowing ng ilang simpleng tau-tauhan para sa bawat bata (o gamitin ang mga drowing na tau-tauhan sa banal na kasulatan sa “Pahina ng Katuwaan,” Liahona, Ene. 2006, K13; at “Pahina ng Katuwaan,” Liahona, Peb. 2006, K11). Pakulayan sa mga bata ang mga drowing, ipagupit ang mga ito, at ipagawa itong mga puppet sa patpat o supot. Ipagamit sa mga bata ang kanilang mga puppet para muling isalaysay ang isa sa mga kuwento. Halimbawa: “Ang pangalan ko ay Pablo. Dati kong inuusig ang mga taong sumusunod kay Jesus. Nakita ko sa pangitain si Jesus. Inutusan ako ni Jesus na tumigil sa pang-uusig sa Kanya. Pinili kong sundin si Jesus at naging misyonero ako buong buhay ko.”
Maghikayat ng pag-unawa (pagrerepaso ng mga kuwento sa mga banal na kasulatan): Ipagamit sa mga bata ang kanilang mga puppet upang muling isalaysay ang mga kuwento sa kanilang pamilya sa bahay. Hikayatin silang ibahagi sa mga kapamilya kung paano pinili ng mga tauhan sa mga kuwento ang tama at paano sila pinagpala. Itanong sa mga bata kung paano nila mapipili ang tama sa loob ng susunod na linggo.
Linggo 3: Si Nephi ay pinagpala sa pagpili ng tama.
Maghikayat ng pag-unawa (paglahok sa mga pagsasadula): Ipasadula sa mga bata ang mga pagkakataon na sinunod ni Nephi ang kanyang ama at ang Panginoon (halimbawa, tingnan sa 1 Nephi 16:18–24, 30–32; 1 Nephi 17:8, 17–18, 48–53; 1 Nephi 18:9–21). Isiping ipagamit sa kanila ang mga simpleng costume at props (para sa impormasyon tungkol sa pagsasadula, tingnan sa PWHDT, 219–20). Sama-samang basahin ang sinabi ni Nephi sa 1 Nephi 17:3.
Maghikayat ng pagsasabuhay (pagkanta ng isang awitin): Ipakita ang patpat na “pagpili at mga bunga” na ginamit noong Enero, at ipabahagi sa mga bata ang naaalala nila tungkol sa mga pagpili at mga bunga. Sabihin sa kanila na ang maraming pagpapalang tinatanggap natin ay mga bunga ng ating mabubuting pagpili. Magpaisip sa mga bata ng mga paraan na matutularan nila si Nephi at makagagawa sila ng mabubuting pagpili. Ipakanta sa mga bata ang “Ang Katapangan ni Nephi” (AAP, 64–65) at ipasa sa paligid ang patpat na “pagpili at mga bunga” habang kumakanta sila. Itigil ang tugtog pamaya’t maya. Pagtigil ng tugtog, magpabahagi sa batang may hawak ng patpat ng isang mabuting pagpiling magagawa niya. Ipapasa sa bata ang patpat sa ibang bata, at magpabahagi sa kanya ng isang pagpapalang nagmumula sa paggawa ng mabuting pagpiling iyon. Ulitin kung may oras pa.
Linggo 4: Ang mga miyembro ng Simbahan ngayon ay pinagpapala sa pagpili ng tama.
Maghikayat ng pag-unawa (pagkukuwento): Ipakuwento sa ilang magulang o lolo o lola ng mga bata sa inyong Primary kung paano nila pinili o ng kanilang mga ninuno ang tama. Maaaring ibilang dito ang mga kuwento kung paano nila piniling sumapi sa Simbahan. Bago simulan ang bawat kuwento, sabihin sa mga bata na pakinggan ang mga paraan ng pagpili ng tama ng mga miyembro ng Simbahan at paano sila pinagpala sa paggawa nito. Pagkatapos ng bawat kuwento, ipasabi sa mga bata kung paano pinagpala ang mga miyembro sa pagpili ng tama. Isiping pagdrowingin ang mga bata ng mga larawan tungkol sa mga kuwentong narinig nila at pagkatapos ay ipabahagi ang kanilang mga larawan sa ibang mga tao sa Primary at sa bahay.