Enero
Ang Kalayaan ay Kaloob na Pumili para sa Ating Sarili
“Anupa’t ang tao ay malaya[ng] … makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng dakilang Tagapamagitan ng lahat ng tao” (2 Nephi 2:27).
Awitin: “Bilang Anak ng Diyos”
(pahina 28 sa outline na ito)
Dagdagan ng ilang sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Bawat linggo, magplano ng mga paraan para (1) tukuyin ang doktrina, (2) maipaunawa ito sa mga bata, at (3) tulungan silang maipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”
Mga linggo 1 at 2: Ang kalayaan ay kaloob na pumili para sa ating sarili.
Tukuyin ang doktrina (maglaro ng hulaan): Sabihin sa mga bata na may iniisip kayong isang salita, at bigyan sila ng mga clue para mahulaan nila ang salita. Ipataas ang kanilang mga kamay kapag alam nila ang sagot. Maaaring ibilang sa mga clue ang mga sumusunod: Taglay natin ito bago tayo pumarito sa lupa. Ito ay isang kaloob mula sa ating Ama sa Langit. Mahalagang bahagi ito ng plano ng Ama sa Langit para sa atin. Gusto itong kunin ni Satanas mula sa atin. Ginagamit natin ito kapag pumipili tayo. Ito ay isang kaloob na hinahayaan tayong pumili para sa ating sarili. Nagsisimula ito sa letrang K. Kapag nahulaan ng mga bata ang sagot, sabay-sabay na sabihing, “Ang kalayaan ay kaloob na pumili para sa ating sarili.”
Maghikayat ng pag-unawa (pagkakita at pagtalakay sa isang pakay-aralin): Ipakita sa mga bata ang isang patpat na may nakasulat na salitang pagpili sa isang dulo at salitang mga bunga sa kabilang dulo. Ipaliwanag na ang bunga ay ang natural na nangyayari dahil sa pagpiling ginagawa natin; halimbawa, kung piliin nating magpraktis ng pagtugtog ng isang instrumentong musikal, huhusay tayo rito, at kung piliin nating humipo ng apoy, mapapaso tayo. Damputin ang patpat at ipakita sa mga bata na tuwing dadamputin ninyo ang patpat, nasa inyo kapwa ang pagpili at ang bunga ng pagpiling iyon. Ipabasa sa isang batang nakatatanda ang 2 Nephi 2:27. Sabihin sa iba pang mga bata na pakinggan kung ano ang mga bunga ng pagpili ng tama (kalayaan at buhay na walang hanggan) at kung ano ang mga bunga ng pagpili ng mali (pagkabihag at kalungkutan). Magdrowing sa pisara ng isang simpleng diagram na gaya ng ipinakita rito.
Ipaunawa sa mga bata na kapag pinili nating gumawa ng mabuti, humahantong ito sa kalayaan at kaligayahan, at kapag pinili nating gumawa ng mali, humahantong ito sa pagkabihag at kalungkutan.
Papuntahin ang dalawang bata sa harapan ng silid, at pahawakan sa bawat bata ang tig-isang dulo ng patpat. Sabihin sa batang nakahawak sa dulong may nakasulat na “pagpili” na magbigay ng isang halimbawa ng mabuting pagpili (halimbawa, magsalita ng maganda sa iba). Sabihin sa batang nasa kabilang dulo na magbahagi ng mga posibleng bunga ng pagpiling iyon (halimbawa, magkaroon ng nagtatagal na pagkakaibigan). Ulitin sa ilan pang mga bata.
Maghikayat ng pag-unawa (pag-aaral ng mga kuwento sa mga banal na kasulatan): Sa unang dalawang linggo ng buwan, magturo ng ilang kuwento mula sa mga banal na kasulatan na nagpapakita kung paano humahantong sa kalayaan at kaligayahan ang pagpili ng tama at kung paano humahantong sa pagkabihag at kalungkutan ang pagpili ng masama. Kabilang sa mga kuwento sa mga banal na kasulatan na magagamit ninyo ang tungkol sa Tagapagligtas at kay Satanas (tingnan sa Moises 4:1–4); sina Nephi at Laman at Lemuel (tingnan sa 1 Nephi 2–4, 7, 18); sina Sadrach, Mesach, at Abed-nego (tingnan sa Daniel 3); o sina Alma at Haring Noe (tingnan sa Mosias 17–19). Matapos ituro ang isang kuwento, pahawakan sa dalawang bata ang magkabilang dulo ng patpat na “pagpili at mga bunga.” Ipapaliwanag sa isang bata ang mga pagpiling ginawa ng mga tao sa kuwento at sa isa pang bata ang mga bunga ng mga pagpiling iyon.
Maghikayat ng pagsasabuhay (pakikinig sa isang kuwento): Maglagay ng isang larawan ni Jesucristo sa pisara. Magdrowing ng mga baitang na patungo sa larawan. Gumuhit ng pigura ng isang tao sa isang papel, at ilagay ito sa pinakaibaba ng mga baitang. Magkuwento nang maikli tungkol sa mga pagpiling magagawa ng isang bata sa loob ng isang araw. Para sa bawat pagpili, sabihin sa mga bata na ipakita kung ito ay mabuti o masamang pagpili sa pamamagitan ng pagtayo kapag mabuti ang pinili at pag-upo kapag masama ang pinili. Halimbawa: “Inagawan ni Jane ng laruan ang kanyang bunsong kapatid na lalaki, at nagsimula itong umiyak. Nang tanungin ng kanyang ina si Jane kung bakit ito umiiyak, hindi raw niya alam.” Para sa bawat mabuting pagpili, isulong ang pigurang patpat nang isang hakbang palapit kay Jesus. Ituloy ang kuwento sa iba pang mga pagpili hanggang sa makarating ang pigurang patpat sa Tagapagligtas. Talakayin kung paano tayo lumiligaya at mas napapalapit sa Panginoon sa mabubuting pagpili.
Linggo 3: Sa buhay bago tayo isinilang, pinili kong sundin ang plano ng Diyos.
Maghikayat ng pag-unawa (pagkanta ng mga awitin): Talakayin nang kaunti ang sumusunod na mga konsepto, pagkatapos ay awitin ninyo ng mga bata ang kaukulang mga awitin: Bago ako isinilang sa langit ako nanirahan (“Sa Langit Ako’y Nanirahan” [Liahona, Okt. 2010, 4]). Pinili kong pumarito sa lupa at tumanggap ng katawan (“Ako ay Anak ng Diyos” [AAP, 2–3]; “Ang Diyos sa Akin ay Nagbigay ng Templo” [AAP, 73]). Ako ay mabibinyagan at tatanggap ng kaloob na Espiritu Santo (“Sa Aking Pagkabinyag” [AAP, 53]; “Ang Espiritu Santo” [AAP, 56]). Makapaghahanda akong pumunta sa templo (“Templo’y Ibig Makita” [AAP, 99]; “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan” [AAP, 98]). Ako ay mabubuhay na mag-uli (“Isinugo, Kanyang Anak” [AAP, 20–21]).
Linggo 4: Nilikha ni Jesucristo ang daigdig bilang lugar kung saan ako matututong pumili ng tama.
Tukuyin ang doktrina (pagkakita at pagtalakay sa isang pakay-aralin): Magpakita sa mga bata ng isang lalagyan na mayroong iba’t ibang kulay ng krayola. Magpakita sa kanila ng pangalawang lalagyan na mayroong iisang kulay lamang. Itanong sa mga bata: “Kung kukulayan ninyo ang isang larawan, alin sa mga lalagyang ito ng krayola ang gagamitin ninyo? Bakit?” Ipaliwanag na ang pagkakaroon ng iba’t ibang pagpipilian ay isang pagpapala. Magpatotoo na mahal tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at nais Nila tayong gumawa ng mga tamang pagpili.
Maghikayat ng pag-unawa (pagkukulay): Pakulayan sa mga bata ang isang kopya ng paglalarawan sa pahina 35 ng manwal sa nursery na, Masdan ang Inyong mga Musmos, o pagdrowingin sila ng katulad na mga larawan na gayon din ang mga caption. Talakayin kung sino ang lumikha ng mga bagay na nasa drowing at kung bakit nilikha ang mga ito. Ituro sa mga bata na inaasahan tayo ng Ama sa Langit na pangalagaan ang mundong ito na nilikha ng Kanyang Anak para sa atin. Magpabahagi sa mga bata ng mga paraan na mapipili nilang pangalagaan ang daigdig at ang mga nilikhang naroon. Ipauwi sa mga bata ang kanilang drowing at ipasabi sa kanilang mga magulang na gawin itong aklat.