“3. Pagkakaroon ng Katatagan ng Damdamin,” Pag-Adjust sa Buhay ng Service Missionary: Resource Booklet (2020)
“3. Pagkakaroon ng Katatagan ng Damdamin,” Pag-Adjust sa Buhay ng Service Missionary
3. Pagkakaroon ng Katatagan ng Damdamin
Ang matitinding emosyon o damdamin na gaya ng takot a pag-aalala ay nagsasabi sa atin na tayo ay dumaranas ng sobrang stress. Basahin ang “1. Pagkakaroon ng Katatagan Kapag May Stress” para sa pangkalahatang mga mungkahi sa pagharap sa mga emosyonal na pangangailangan. Bukod dito, ang mga mungkahi sa ibaba ay maaaring makatulong sa partikular na damdamin o emosyon. Kung ang iyong damdamin ay nagiging napakabigat o tumatagal sa loob ng mahabang panahon, kausapin ang iyong mga magulang o mga service mission leader tungkol sa paghingi ng tulong sa isang propesyonal.
A. Pag-Adjust sa Iyong Bagong Assignment o Tungkulin
-
Muling balikan ang mga dahilan mo sa pagmimisyon. Isipin ang iyong misyon bilang regalo ng pasasalamat na maiaalay mo sa Tagapagligtas. Ilista ang iyong mga pagpapala. Ipaalala sa iyong sarili ang sasabihin ng iyong mga lider o mahal sa buhay tungkol sa paglilingkod mo bilang missionary.
-
Magtiyaga. Karaniwang umaabot ng anim na linggo bago makapag-adjust sa bagong sitwasyon o kapaligiran. Huwag munang gumawa ng anumang desisyon, at bigyan ng panahon ang sarili na makapag-adjust. Huwag magmadali.
-
Magdispley ng mga larawan na nakahihikayat. Mag-post ng mga talata ng banal na kasulatan, sipi, o larawan na tumutulong sa iyo na maalaala ang iyong mga pinahahalagahan. Tutulungan ka ng mga ito na magpokus sa iyong paglilingkod at matwid na mga hangarin.
-
Rebyuhin ang nagpapasiglang mga talata at kuwento. Magtipon ng mga talata sa banal na kasulatan, sariling karanasan, quotation o sipi, at mga kuwento ng pamilya na nagpapalakas ng loob at nagpapasigla sa iyo. Kapag binabasa mo ang mga talata na nagbibigay-sigla sa iyo, isiping ihalili ang pangalan mo sa mga ito. Maaari mong gamitin ang pangalan mo sa mga talatang tulad nito: Mga Kawikaan 3:5–6; 2 Nephi 4:28–35; Mosias 24:13–14; Alma 36:3; Helaman 5:12; at Doktrina at mga Tipan bahagi 4, 6, at 31. (Tingnan din sa “Adversity,” sa True to the Faith [2004], 8–11.)
-
Rebyuhin ang iyong patriarchal blessing para mapatnubayan. Maghanap ng mga paraan para makatulong ang iyong mga talento at kakayahan sa gawain.
B. Paglaban sa Lungkot o Panghihina ng Loob
-
Huwag magpaliban. Ang pagpapaliban sa mga bagay-bagay ay maaaring humantong sa stress. Hatiin sa maliliit na bahagi ang malalaking gawain. Magsimula sa isang piraso ng gawain. Ipaalala sa sarili mo na, “Ang kailangan ko lang gawin ngayon mismo ay ” o “Gagawin ko lang ito nang ilang minuto at magpapahinga ako sandali kung gusto ko.”
-
Makinig sa mga angkop na musika o kumanta. Pumili ng musikang banayad at nakapapanatag kung ikaw ay balisa. Ang masigla at masayang musika ay maaaring makatulong sa iyo kung nalulungkot at nabibigatan ka. (Tiyaking hindi ka nagsusuot ng earbuds habang ikaw ay nasa iyong assignment maliban kung binigyan ka ng pahintulot.)
-
Hayaan ang mga bagay na hindi mo makontrol. Hindi mo makokontrol ang nakaraan o ang iba pang mga pagpipilian o personalidad. Hindi mo makokontrol ang ilan sa sarili mong mga limitasyon. Ituon ang iyong lakas sa mga bagay na may magagawa ka pa. Ipaubaya mo sa Panginoon ang hindi mo kayang gawin.
-
Tanggapin ang katotohanan na ang ilang mga gawain ay nakakainip. Hindi buong buhay ay lubhang makabuluhan at nakakatuwa. Iwasang magdrama o gumawa ng di-magandang bagay, magdulot ng pinsala, o kaguluhan para solusyunan ang pagkabagot. Sa halip, pahalagahan at masiyahan sa mabuting bagay sa paligid mo. Humanap ng mga paraan para humusay at makapaglingkod.
-
Sanayin ang iyong utak na maging positibo. Magtuon sa positibong bagay sa paligid mo. Mag-ukol ng ilang minuto bawat gabi para isulat o ibahagi ang iyong sagot sa isa sa mga tanong na ito:
-
Ano ang isang masayang sorpresa sa araw na ito? Sino ang tumulong para mangyari iyon, at paano nila ito ginawa?
-
Paano ako tinulungan ng Diyos sa araw na ito?
-
Ano ang tatlong bagong bagay na pinasasalamatan ko ngayon?
-
Paano ko maaalala at pahahalagahan ang mga bagay na ito?
-
Sino ang tumulong sa akin ngayon, o sino ang tinulungan ko?
-
Kailan ako nakipagsapalaran sa araw na ito na nakatulong sa akin na lumago? Ano ang natutuhan ko mula rito? Paano ako matutulungan nito na mas bumuti pa sa hinaharap?
-
Kailan ako nagtagumpay sa isang bagay na mahirap ngayong araw? Paano ko ito ginawa? Paano ako magdiriwang?
-
-
Lawakan pa ang iyong pag-iisip. Maaaring baguhin ng pag-aalala at kalungkutan ang iyong mga pattern sa pag-iisip. Kung nadarama mong negatibo ang iyong damdamin, itanong sa sarili:
-
Mayroon bang sumusuporta sa katotohanan ng iniisip ko?
-
Mayroon bang isang bagay na gusto ng Tagapagligtas na isipin o madama ko?
-
Ang kaisipan bang ito ay may magagawa pa o wala na—itim ba o puti, mananalo ba o matatalo, totoo ba o hindi?
-
Makikinabang ba ako sa ganitong pananaw?
-
Ano ang pakiramdam ko sa kaisipang ito?
-
Ano ang alam ko tungkol sa sarili ko at sa iba na nagsasabi sa akin na hindi ito totoo?
-
Ano ang sasabihin ko sa matatalik kong kaibigan kung iisipin nila ang mga bagay na ito?
-
-
Maghanap ng mga bagay na magpapasaya sa iyo. Bagaman iginagalang ang dignidad ng iyong tungkulin, dapat marunong ka ring magbiro o sumakay sa biro. Namnamin ang kagandahan ng mundo, at pansinin ang kabaitan ng ibang tao. Masiyahan na nadarama mo ang Espiritu sa iyong buhay.
-
Gawin ang mga pangunahing bagay: pagdarasal, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at paglilingkod. Kapag nagbabasa ng mga banal na kasulatan, iwasang husgahan nang sobra ang iyong sarili. Magtuon sa mga bahagi na pinakaangkop sa iyo bilang tapat na lingkod ng Diyos.
-
Basahin ang Alma 26 at tuklasin ang ginawa ni Ammon nang siya ay pinanghinaan ng loob. Basahin din ang Doktrina at mga Tipan 127:2 at pansinin kung paano hindi hinayaan ni Joseph Smith na panghinaan siya ng loob. Huwag mag-alala tungkol sa pag-aalala, na maaaring humantong sa ganitong paulit-ulit na damdamin. Normal lang na may mga araw na pinanghihinaan ka ng loob, nakadarama ng stress, o malungkot. Kadalasan ay lumilipas ang ganitong damdamin.
-
Pag-ukulan ng pansin ang pag-ehersisyo at pagtulog. Ang ehersisyo ay lalong mahalaga sa pagharap sa takot at pag-aalala. Kahit hindi mo gustong mag-ehersisyo, makakatulong ito sa iyo na mas gumanda ang pakiramdam mo at maging mas malikhain. Simulan sa munting ehersisyo at unti-unti itong dagdagan. Ang pagtulog sa parehong oras sa bawat gabi at pagkakaroon ng sapat na tulog ay mahalaga rin.
-
Kausapin ang isang kapamilya, kaibigan, o service mission leader. Ibahagi ang damdamin mo sa isang taong nagmamalasakit sa iyo. Gaganda ang pakiramdam mo kapag nauunawaan mo na may isang taong nakakaalam at nagmamalasakit sa iyo. Ikaw ay magkakaroon ng bagong pananaw. Ang taong ito ay maaaring makinig lamang o mayroong mga mungkahi na maaari mong subukan.
-
Makipag-usap sa isang propesyonal. Ang kalungkutan mo ba ay tumatagal nang higit sa dalawang linggo? Nakahahadlang ba ito sa buhay mo? Ang professional counselor ay kadalasang makatutulong. Kung minsan ang paulit-ulit na kalungkutan ay sanhi ng karamdamang tulad ng thyroid disease o diabetes. Ang mga ito ay kailangang gamutin ng isang doktor. Kung minsan ang gamot sa depresyon ay makatutulong sa iyo para gumanda ang pakiramdam mo.
-
Humingi ng tulong kung pakiramdam mo ay gusto mong magpakamatay. Iniisip mo ba paminsan-minsan kung sulit ang mabuhay? Naiisip mo bang saktan ang iyong sarili kahit paano? Iniisip mo ba kung minsan na mas mabuti kung patay ka? Ang mga kaisipang tulad nito ay karaniwan. Kung ang mga kaisipang ito ay nakababahala sa iyo at tumatagal nang ilang araw, huwag maghintay. Sabihin sa isang tao ang tungkol dito at humingi ng tulong. Gawin ito lalo na kung nagsisimula ka nang magplano na tapusin ang iyong buhay.
C. Labanan ang Pagiging Mapamintas sa Sarili
-
Magpokus sa ginagawa mong tama, at iwasang ikumpara ang iyong sarili sa iba. Ang mga taong may mga napakataas na inaasahan sa kanilang sarili ay maaaring masyadong magtuon sa kanilang mga kahinaan at kabiguan. Pagkatapos, sa halip na magpakahusay, maaari silang mawalan ng pag-asa. Kapag nagbabasa ng mga banal na kasulatan, magtuon sa mga bagay na pinakaangkop sa iyo. Ikaw ay minamahal na lingkod ng Diyos. Hanapin ang mga katibayan ng pasensya, biyaya, pag-asa, at awa ng Diyos. Ibinibigay Niya ang mga pagpapalang ito sa mga taong nagmamahal sa Kanya at hangad na paglingkuran Siya.
-
Kausapin nang positibo ang iyong sarili. Tingnan sa “Labanan ang Negatibong Naiisip Mo.”
-
Unawain na lahat ng ginagawa mo ay hindi maaaring laging higit sa karaniwan. Gusto mong magsikap nang husto para humusay, at maaaring napakahusay mo sa ilang bagay. Ngunit hindi ka maaaring maging above average o higit sa karaniwan sa lahat ng ginagawa mo. Ganito lamang talaga ito at hindi ito dapat ikabahala.
-
Purihin ang sarili mo kapag may nagagawa kang mabuti. Purihin ang sarili mo sa paggawa ng isang bagay na hindi mo nagagawa nang mabuti o hindi ka nasisiyahang gawin. Tandaan na kahit hindi mo perpektong nagawa ang mga bagay na iyon, ginawa mo pa rin ito. Habang lalo kang humuhusay sa paggawa ng mga bagay na ito, makikita mo na nasisiyahan sa mga ito. Ngunit para marating ang puntong iyan ay kailangan ng oras at praktis, suporta, at karanasan.
-
Magpraktis na mapanatag. Ilayo ang iyong pansin sa mga ideya na nasa iyong isipan, at magsanay na mapanatag. Aminin na naiisip mong pintasan ang sarili mo. Pero hindi ipinakikita ng mga kaisipang ito kung sino ka talaga. (Tingnan din sa “Positibong Pagtugon sa Stress.”)
-
Isa o dalawa lamang na malalaking mithiin ang isagawa sa isang pagkakataon. Iwasang sikaping pagbutihin pa ang maraming bagay sa iyong buhay nang minsanan. Maaaring mahirap ito at humantong sa damdamin ng kabiguan.
-
Magtiwala kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Ang ating mga limitasyon at kakulangan ay hindi kasalanan. Karaniwan ay hindi hadlang sa atin ang mga ito sa pagiging malinis at karapat-dapat sa Espiritu. Si Jesucristo ay nagdusa upang tayo ay mapalakas, mabigyang-sigla, at mapatawad. Ang kapangyarihan ng Tagapagligtas ay tumutulong sa atin na madaig ang ating mga kahinaan at kasalanan.
-
Irekord ang nagbibigay-inspirasyong mga bagay sa isang notebook o planner. Maaari mong irekord ang:
-
Paboritong mga talata sa banal na kasulatan.
-
Mga mithiing gusto mong matupad.
-
Personal na mga kuwento o mga kuwento ng pamilya tungkol sa pagbangon mula sa mga kabiguan o paghihirap.
-
-
Makinig sa Banal na Espiritu, huwag sa bagay na negatibo. Kung may naiisip ka na nakapanliliit o mapanlait, ang mga ito ay hindi mula sa Panginoon. Gayundin ang mga kaisipan na mapanghamak, galit, mapangutya, o mapamintas. Ang pagrereklamo at pagtawag ng kung anu-anong pangalan ay hindi rin mula sa Panginoon. Kung nagkakaroon ka ng gayong mga kaisipan, subukang isulat ang lahat ng ito. Pagkatapos ay punit-punitin ang papel. O muling isulat ang mga naiisip mo nang paisa-isa para magsaad ang mga ito ng tunay at positibong ideya. Idagdag ang makatotohanan at magiliw na pahayag tungkol sa nadarama ng Panginoon sa iyo. Sabihin nang malakas: “Si Cristo ang aking Tagapamagitan. Mahal Niya ako sa tuwina at naniniwala sa akin.”
-
Humingi ng mabuting payo. Magpatulong sa inyong mga service mission leader at sa iba na malaman kung sapat na ang iyong pagsisikap. Tanungin sila kung sobra ang iyong pagsisikap. Tanggapin ang kanilang payo. Maraming taong mapamintas sa sarili ang hindi makita ang pagkakaiba sa pagitan ng pagsisikap sa abot-kaya at sobrang pagsisikap.
D. Paglaban sa Damdamin ng Pagkabalisa o Kakulangan ng Kakayahan
-
Masiyahan sa pagiging baguhan kapag bago ka pa lang sa isang bagay. Hindi ka inaasahang maging eksperto kapag pinag-aaralan mo pa lang ang isang bagay. Sapat na ang maging mausisa, interesado, mapagpakumbaba, at handang sumubok. Masiyahan na may bagong natututuhan!
-
Masayang gawin ang makakaya mo, at magtiwala na Diyos ang magpupuno sa pagkukulang. Kung minsan nadarama ng mga missionary na wala silang silbi o nahihiya kapag tila mas matagumpay ang iba kaysa sa kanila. Tinutukso tayo ni Satanas na pagdudahan ang ating sarili o ikumpara ang ating sarili sa iba. Tandaan na ito ay gawain ng Diyos, at pinipili Niya ang mahihina at simple para gawin ito. Ikaw ay pinili Niya! Magtiwala sa Kanya, dahil nagtitiwala Siya sa iyo.
-
Isipin ang tagumpay. Ang pag-aalala tungkol sa mga bagay na maaaring maging mali ay maaaring maging paraan ng pag-iisip mo ng kabiguan. Sa halip na mag-alala, subukang isipin ang mga positibong resulta. Huwag mag-alala sa maaaring mangyari. Sa halip, planuhing makamit ang tagumpay. Kung hindi mangyari ang mga bagay na iyong inaasahan, isipin na natututo ka mula sa kabiguan. Isipin mo ang sarili mo na patuloy na sumusulong.
-
Ipamuhay pa rin ang iyong mga pinahahalagahan. Hindi mo kailangang alisin ang mga problema o pangamba. Maaari ka pa ring mamuhay nang maligaya. Maaari mong piliing ipamuhay ang iyong mga pinahahalagahan kahit may pag-aalala at takot. Hindi mo makokontrol ang lahat. Ngunit mag-isip ng isa o dalawang bagay na magagawa mo para maipamuhay ang mga pinahahalagahan mo. Magplano kung paano mo mapaglilingkuran ang iba o maipapakita ang iyong lakas-ng-loob sa isang sitwasyong ipinag-aalala mo.
-
Huwag mong subukang kontrolin ang hindi mo kayang kontrolin. Sa pagsisikap na kontrolin ang mga bagay na hindi mo makokontrol ay lalo mo lamang nadarama na wala kang kontrol. Ang paggawa nito ay nagdaragdag sa iyong pag-aalala. Ituon ang iyong lakas sa mga bagay na may magagawa ka pa.
-
Itanong, “Ano ang pinakamasamang bagay na maaaring mangyari?” Kadalasan ay natutuklasan ng mga tao na ang naiisip nilang pinakamasamang posibleng mangyari ay isang bagay na makakaya nilang pagtiisan. Pagkatapos ay maaari na silang magpatuloy sa buhay. Anuman ang mangyari, matutulungan ka ng Tagapagligtas na madaig ito, kaya hindi ka gaanong matatakot.
-
Subukang magdahan-dahan kung nakagawian mo nang magmadali palagi. Kung ikaw ay mas kalmado, maaari kang maging mas mahusay at mas masaya na rin. Kailangan mong sanayin ang sarili mo na magdahan-dahan. Kailangan mo ng isang paraan para paalalahanan ang sarili mo na gawin ito. Magpaskil ng isang mensahe sa iyong salamin o dingding. Maglagay ng alarm sa iyong telepono. O manalangin tuwing umaga para humingi ng tulong na maalaala na huwag magmadali o magbagal. Makalipas ang ilang linggo, i-evaluate ang iyong progreso.
-
Huwag mag-alala tungkol sa pag-aalala. Ang mga pag-aalala ay normal na bahagi ng bawat buhay. Ang pag-aalala tungkol sa iyong mga takot o pangamba ay hindi makakatulong. Hindi kanais-nais ang pag-aalala, pero lilipas ito. Kapag nag-aalala ka, tahimik na maupo at hayaang maapektuhan ka nito. Kadalasan, hindi magtatagal ay kusang mababawasan ang mga ito.
-
Huwag matakot sa mga kabiguan kapag gumagawa ka ng mahihirap na bagay. Para magkaroon ng makabuluhang buhay, kailangan mong makipagsapalaran kahit paano. Kung minsan, kailangan mong gawin ang bagay na hindi mo alam. Ang mga bagay na pinakamahalaga ay maaaring mahirap, ngunit maaaring matutuhan ang mga ito sa pamamagitan ng pagsasanay. Huwag hayaang pigilan ka ng takot sa paggawa ng mahihirap na bagay. At sikaping huwag tingnan ang mga kamalasan o problema bilang mga kabiguan. Ang takot at mga kamalasan ay maaaring mangahulugan na ginagawa mo ang mahihirap na bagay at nagiging matapang ka.
-
Magtabi ng listahan ng mga kuwento. Tandaan, itala, at ibahagi ang mga kuwento. Ang mga kuwentong ito ay maaaring mula sa buhay mo o sa buhay ng mga taong hinahangaan mo. Dapat isalaysay ng mga kuwentong ito kung paano nagpapatuloy sa buhay ang mga tao kapag mahirap o nakakatakot ang mga nangyayari sa buhay nila. Dapat ikuwento ng mga ito kung paano ka o ang ibang tao ay tumugon sa mga problema o pangamba sa mga paraang hinahangaan mo. Kadalasan ay maliliit at simpleng bagay ang nagagawa ng mga tao para manatiling matatag at matapang.
-
Tanggapin ang mga bagay na hindi malinaw. Kung minsan ayaw ng mga tao na mabuhay sa kalabuan o kawalang-katiyakan. Mas gugustuhin nilang mabigo kaysa makipagsapalaran nang hindi nalalaman na magtatagumpay sila. Hindi mo malalaman ngayon kung ipamumuhay mo ba nang lubusan ang iyong mga mithiin at pinahahalagahan. Hindi mo kayang alamin kung ano ang mga problemang maaaring makaharap mo balang-araw. Ngunit maaari kang magpasiya ngayon na mamuhay nang buong tapang, mapagpasalamat, mahabagin, at mapagpakumbaba. Sa ngayon maaari kang mamuhay nang naaayon sa iyong mga mithiin at pangarap. Iyan lang ang kayang gawin nating lahat, at sapat na ito. Sikaping huwag magambala sa mga tukso ng kawalang-pag-asa at pag-aalala. Magtuon sa ngayon at dito.
-
Maglingkod. Habang naglilingkod sa iba, hindi mo gaanong maiisip ang tungkol sa iyong sarili at ikaw ay magiging mas masaya.
E. Paglaban sa Nadaramang Madaling Pagkainis o Pagkagalit
-
Bigyan ng panahon ang iyong utak o isipan na daigin ang iyong emosyon. Kaya ng iyong utak na mangatwiran at makagawa ng mabubuting paghatol. Kung ikaw ay galit o naiinis, umiwas sa sitwasyon sa loob ng ilang minuto. Huminga nang malalim, at hayaang makapag-isip ang iyong utak at makapangatwiran. Maaari kang magbilang hanggang 10, mag-ehersisyo, lumabas, o pumili ng mga ideyang makatutulong. Maaari kang makinig sa nakapapanatag na musika, magnilay-nilay, o manalangin.
-
Huwag pasiklabin ang galit mo. Maaari mong piliing ituring ang iba na mapanganib, hindi makatarungan, o walang-galang. Kung gayon, mas malamang na magalit ka. Sa halip, tingnan kung may maiisip kang mas maunawaing paliwanag sa ikinikilos nila. Marahil sila ay pagod, hindi nasabihan, walang katiyakan, o nagsisikap na maging matulungin. Piliing huwag pasiklabin ang galit.
-
Sikaping unawain ang ibang tao. Alamin ang iniisip at nadarama ng iba. Magtanong sa mga tao, at pakinggan silang mabuti at sa kalmadong paraan. Sabihin sa isa pang tao ang inaakala mong narinig mo. Itanong kung tama ang iyong pagkakaunawa. Kung hindi, subukang muli.
-
Paglabanan ang tendensiya na sisihin o ipahiya ang iba o ang sarili mo. Kung may mali, sikaping alamin kung ano ang problema. Magpatulong sa iba na lutasin ang problema, kahit sino pa ang may kasalanan. Sikaping huwag paratangan ang sinuman na siya ang naging sanhi ng problema.
-
Maging handang humingi ng paumanhin at magtanong kung ano ang magagawa mo para maitama ang mga bagay. Ang paghingi ng paumanhin ay tanda ng espirituwal na kalakasan, hindi ng kahinaan. Kapag may ginawa kang mali, panagutan ito. Itanong kung paano mo ito maitatama o maiiwasan ang problema sa hinaharap. Magpakita ng pagdamay sa damdamin ng taong iyon.
-
Maging handang tawanan ang sarili. Ang pagtatawa sa sarili ay tutulong sa iyo na mas makayanan ang mga kabiguan mo sa buhay. Ang nagpapasiglang pagbibiro ay makatutulong para bumuti ang ating mga saloobin, relasyon, at kalusugan. Bagaman hindi angkop na magtawa sa lahat ng oras, lahat ay maaaring makinabang sa pagtawa pa. Kapag nagsimula ka nang magalit, subukang pagtawanan ang iyong sarili at ang iyong galit. Ang pagtawa sa sarili ay maaaring mabuting gamot sa galit!
-
Paglingkuran ang mga taong kinagagalitan mo. Sundin ang payo ng Tagapagligtas na “ibigin ninyo ang inyong mga kaaway.” Sabi Niya, “Pagpalain ninyo sila na sumusumpa sa inyo, gawan ninyo ng mabuti sila na napopoot sa inyo, at ipanalangin ninyo sila na may masamang hangarin sa paggamit sa inyo at umuusig sa inyo” (3 Nephi 12:44). Paano mo mapaglilingkuran o ipagdarasal ang isang taong kinagagalitan mo?
-
Pangalagaang mabuti ang iyong sarili. Sikaping kumain nang maayos, matulog nang sapat, mag-ehersisyo, at manalangin. Ang paggawa ng mga bagay na ito ay makakatulong sa iyo na magkaroon ng emosyonal na mga resource upang harapin ang pagkasiphayo.
-
Gumawa ng bagong kuwento. Mag-isip ng pinaka-bukas-palad na paliwanag kung bakit gayon ang ikinikilos ng ibang tao. Isulat ito.
-
Magpatawad. Pag-aralan ang Mateo 18:23–35. Kung mayroon, panoorin ang video na “Forgive Every One Their Trespasses: The Parable of the Unmerciful Servant” (ChurchofJesusChrist.org). Pag-isipan kung paano angkop sa iyo ang mensahe ng talinghaga.
F. Paglaban sa Damdamin ng Kawalan ng Motibasyon
-
Magtuon sa iyong mga kakayahan. Anong magagandang ugali, mga talento, karanasan, at kaloob ang dala mo sa iyong paglilingkod? Gumawa ng listahan ng mga paraan na magagamit mo ang isa sa iyong mga kakayahan sa malikhaing mga paraan sa linggong ito. Kung nahihirapan kang makita ang iyong mga kakayahan, magpatulong sa iba.
-
Maghinay-hinay lang. Ilista ang mga bagay na kailangan mong gawin. Pagkatapos ay iorganisa ang mga ito sa iyong kalendaryo. Paalalahanan ang sarili, “Ang gagawin ko lang sa oras na ito ay .”
-
Gawin itong masaya! Magtakda ng nakatutuwang mga mithiin para matulungan ka sa paglilingkod mo bilang missionary. Gumawa ng isang laro na hango sa pagkakamit mo ng iyong mga mithiin. Maging malikhain at batiin ang iyong sarili kapag nagtagumpay ka.
-
Huwag pahirapan ang sarili sa napakaraming personal na mithiin na agad nais maisakatuparan. Magtakda muna ng isa o dalawang personal na mithiin (gaya ng pagiging mas masayahin o hindi gaanong magulo). Huwag asahang maging perpekto. Magplano kung ano ang gagawin mo para masunod ang iyong iskedyul kapag hindi maganda ang araw mo. Madalas na paalalahanan ang sarili kung bakit gusto mong magbago.
-
Ibahagi ang iyong mga plano sa iyong mga magulang o sa mga lider. Matutulungan ka nila at makapagbibigay sila ng magagandang ideya.
-
Tantuin na kapag nahikayat ka ay kikilos ka. Ang pagsisimula ang kadalasang pinakamahirap na bahagi. Sabihin sa sarili mo, “Gawin mo lang ito nang 10 minuto.” At magsimula ka na. Kadalasan ay mas mahihikayat ka.
G. Pagkontrol sa Sekswal o Romantikong Damdamin
-
Matuto ng self-mastery o pagpigil sa sarili. Ang kaisipan at damdaming sekswal at romantiko ay normal at bigay ng Diyos. Ngunit kailangang kontrolado natin sa tamang paraan ang ating mga iniisip, relasyon, at pag-uugali. Kung gagawin mo ito bilang missionary, ikaw ay lalakas at magkakaroon ng malalaking pagpapala. Mapanalanging pag-aralan ang I Corinto 9:24–27; Mosias 3:19; Alma 38:12; at Doktrina at mga Tipan 121:45. Hanapin ang “Kabutihan” at “Kalinisang-puri” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Ilista ang mga pagpapala at kabutihan na darating sa iyo sa pagkakaroon mo ng mga katangiang ito.
-
Baguhin ang iniisip. Sikaping huwag maging abala sa sekswal o romantikong kaisipan at damdamin. Gambalain ang iyong sarili, at makibahagi sa ibang bagay. Sikaping magrelaks. Kumanta ng mga himno. Magsaulo ng mga talata sa banal na kasulatan at bigkasin ang mga ito. Magtuon sa mga bagay na ipinagpapasalamat mo. Isaisip ang mga plano para sa araw na ito. Mag-ehersisyo. Pagtuunang muli ang iyong gawain. Maging masaya at maging malikhain.
-
Umiwas sa tukso. Umiwas sa mga lugar, sitwasyon, usapan, o mga tao na maglalapit sa iyo sa tukso. Kung nakakita ka ng mahahalay na larawan o nakaisip ng ganitong mga ideya, huwag itong pansinin. Baguhin at ituon ang iyong kaisipan sa iba pang mga bagay. Lumayo sa sitwasyon sa lalong madaling panahon.
-
Magpatuloy nang may pag-asa at pananampalataya. Kung nahihirapan kang kontrolin ang damdaming sekswal, mahal ka pa rin ng Diyos. Huwag talikuran ang iyong ugnayan sa Kanya dahil pakiramdam mo ay hindi ka karapat-dapat. Bagama’t maaaring mahirapan ka na kontrolin ang mga damdaming ito, hindi ka Niya tatalikuran. Nauunawaan Niya ang pinagdaraanan mo. Pinahahalagahan Niya ang iyong pagsisikap na labanan ang tukso, matuto mula sa mga pagkakamali, at magsisi. Hingin ang payo ng iyong service mission leader, at patuloy na sikaping malampasan ang mga hamong ito.
-
Huwag masyadong magpagutom, malungkot, mapagod, mabagot, o ma-stress. Lahat ng bagay na ito ay lalong magpapahirap para mapaglabanan mo ang tukso. Magmiryenda. Itigil sandali ang ginagawa mo, o pansamantalang gumawa ng ibang bagay. Magkaroon ng magandang pakikipag-usap, o gawin ang progressive relaxation exercises (tingnan sa Progressive Relaxation Exercise).
-
Panatilihing ligtas ang iyong sarili. Unawain ang mga patakaran at tuntunin tungkol sa pakikisalamuha sa iba na angkop sa iyo. Kung nadarama mong naaakit ka sa seksuwal na paraan sa isang tao, kontakin ang bishop o stake president at hingin ang kanyang payo.
-
Mag-ayuno at manalangin para makaunawa at mapalakas. Kapag ikaw ay nag-aayuno, hindi mo pinapansin ang iyong normal at wastong pagkagutom sa pagkain. Ginagawa mo ito sa loob ng ilang oras upang magkaroon ng espirituwal na lakas. Ang pag-aayuno ay maaaring makapagbigay ng mga kasanayan tulad ng pagpipigil sa sarili at pagiging sensitibo sa Espiritu (tingnan sa Isaias 58:6). Matututo kang makiramay sa mga nagugutom. Makakatulong ang mga kasanayang ito para makontrol ang iyong normal na sekswal o romantikong damdamin bilang missionary sa angkop na mga paraan. Hindi inaalis ng pag-aayuno ang damdaming sekswal. Ngunit ang buwanang pag-aayuno ay makakatulong sa iyo na magkaroon ng lakas at kamalayan sa sarili. Mahihikayat ka nitong pamahalaan nang angkop ang mga damdaming ito.
H. Pamamahala sa mga Pagbabago at Transisyon
-
Kilalanin ang inyong sarili. Ang mga pagbabago at transisyon ay mas mahirap para sa ilang tao kaysa sa iba. Kung napakahirap para sa iyo ang magbago, ipaalam sa mga tao kung paano sila makakatulong.
-
Isipin ang iba pang mga transisyon na naranasan mo. Ano ang natutuhan mo? Ano ang nakatulong sa iyo na makayanan ang ibang pagkakataon? Kilalanin ang iyong mga tagumpay at kakayahan. Alin sa mga bagay na iyon ang makakatulong ngayon? Ano pa ang maaari mong subukang gawin?
-
Isulat ang mga dahilan. Isulat ang alam mo kung bakit kailangan ang pagbabagong ito. Palaging balikan ang listahan. Ang pag-unawa sa mga dahilan ng pagbabago ay makakatulong sa iyo na hindi gaanong makadama ng pagkabigo.
-
Tandaan ang hindi nagbago. Gumawa ng listahan ng nagbago at ng hindi nagbago. Sikaping habaan ang pangalawang listahan sa abot-kaya mo.
-
Gumawa ng plano. Lumikha ng isang plano kung paano tutulungan ang iyong sarili na pamahalaan ang pagbabago. Isulat ang mga hakbang ng iyong plano. Kausapin din ang iba na nakakikilala sa iyo nang mabuti. Masusuportahan ka nila habang ginagawa mo ang iyong plano.
-
Isipin kung paano ka mas mapapanatag. Gumawa ng listahan ng mga bagay na maaari mong gawin para mas mapanatag. Basahin ang mga ito bago, sa oras, at matapos ang pagbabago.
-
Maghinay-hinay lang. Kapag ikaw ay nahaharap sa isang malaking transisyon, tandaan ito: hindi mo kailangang malaman ang lahat ng bagay nang sabay-sabay. Ano ang unang desisyong kailangang gawin? Ano kaya ang unang hakbang? Ang susunod na hakbang?