Aralin 6
Pagpapatatag ng Pagsasama ng Mag-asawa sa Pamamagitan ng Pananampalataya at Panalangin
Mga Ideya para sa Pagsasagawa
Sang-ayon sa inyong mga sariling pangangailangan at kalagayan, sundin ang isa o pareho sa mga mungkahing ito.
-
Pagpasiyahan ang isang bagay na magagawa ninyo upang mapatatag ang inyong pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
-
Magtakda ng oras bawat araw upang manalangin kasama ang inyong asawa.
Takdang Babasahin
Pag-aralan ang sumusunod na lathalain. Kung kayo ay may-asawa, basahin at talakayin ang lathalaing ito na kasama ang inyong asawa.
Pagkakaroon ng Kaligayahan sa Buhay
Elder Richard G. Scott
Ng Korum ng Labindalawa
Pagkakaiba-iba sa gitna ng Katatagan
Kamakailan ay tumayo ako sa hilagang dalampasigan ng isang magandang pulo sa Pasipiko na nakatitig sa karagatan sa bukang-liwayway. Humanga ako sa regular na paghampas ng mga dambuhalang alon sa dalampasigan. Ipinaaalala nito sa akin ang katatagan ng plano ng Panginoon, na may tiyak na walang hanggang batas, at ang katiyakan ng nananatiling katarungan at ang kagiliwan ng awa kapag natamo sa pamamagitan ng pagsunod. Napansin kong tumataas ang bawat alon sa iba’t ibang panig ng dako pa roon upang hanapin ang sariling landas nito patungong dalampasigan. Ilan ang humampas sa mga bato, na nag-iiwan ng ilug-ilugan ng mabula at maputing tubig. Ang iba’y humahampas sa dalampasigan sa kani-kanyang disenyo. Dumudulas ang mga ito pataas sa mamasa-masang buhangin na may kakatwang mabubulang gilid, at pagkatapos ay bumubula at umiikot pababa.
Naisip ko ang walang katapusang iba’t ibang pagkakataong inilaan ng Panginoon para sa atin. Napakalaya natin, napakaraming oportunidad na paunlarin ang kani-kanyang pagkatao at talino, kani-kanyang alaala, kani-kanyang naiambag. Yamang wala nang pagkakataon pang pagmasdan ang maringal na karagatan, sinikap kong ilarawan sa isipan ang maluwalhating tanawing lilikhain ng maningning na araw maya-maya. Habang mapitagan kong pinagmamasdan ang kagila-gilalas na tanawing ito, isang dungawan ang nabuo sa mga ulap; lumaganap ang maningning na silahis ng sumisikat na araw sa kalangitan, na binabago ang lahat ng kanyang liwanag, kanyang kulay, kanyang buhay. Tila ba nais ng Panginoon na magbahagi ng karagdagang biyaya, isang simbolo ng liwanag ng Kanyang mga aral na nagbibigay-ningning at pag-asa sa lahat ng masisinagan nito. Namumuo ang mga luha ng pasasalamat para sa napakagandang daigdig na ito na ating tinitirhan, para sa pambihirang kagandahang bukas-palad na ibinabahagi ng Ama sa Langit sa lahat ng nagnanais na makakita. Tunay ngang maganda ang buhay.
Pahalagahan ang Ganda ng Buhay
Nag-uukol ba kayo ng oras upang tuklasin sa bawat araw kung gaano ang maaring iganda ng inyong buhay? Gaano katagal na ba ninyo huling namasdan ang paglubog ng araw—ang hiwa-hiwalay na mga sinag nito na humahalik ng pamamaalam sa mga ulap, puno, burol, at kapatagan sa gabi, kung minsan ay mapanatag, kung minsan ay may iba’t ibang kulay at hugis?
Gayon din ang kababalaghan ng maaliwalas na gabi kung saan inilalantad ng Panginoon ang mga hiwaga ng Kanyang kalangitan—ang pagkutitap ng mga bituin, ang sinag ng buwan—upang pukawin ang ating imahinasyon sa Kanyang kadakilaan at kaluwalhatian?
Nakahahalinang pagmasdan ang isang binhing itinanim sa matabang lupa na tumutubo, nag-iipon ng lakas, at nagpapasibol ng maliit at tila walang kabuluhang usbong. Dahan-dahan itong nagsisimulang lumaki at nagkaroon ng sarili nitong katangian,ayon sa proseso ng paglago na inilaan ng Panginoon. Sa pag-aalaga ay tiyak na mararating nito ang itinakdang kahihinatnan nito: isang liryo, na pinutungan ng halina at ganda; isang tanim na humahalimuyak sa bango; isang milokoton; isang abokado;o isang magandang bulaklak na may kakaibang uri, kulay, at bango.
Kailan ninyo huling namasdan ang pag-usbong ng isang maliit na buko ng rosas? Bawat araw ay nagkakaroon ito ng bago at kahanga-hangang katangian, mas malaking pangako ng kagandahan hanggang sa ito’y maging isang maringal na rosas.
Isa kayo sa pinakamarangal na nilikha ng Diyos. Layunin Niya ang maging maluwalhati ang kagandahan ng inyong buhay anuman ang inyong kalagayan. Habang kayo ay mapagpasalamat at masunurin, maaari kayong maging katulad ng nilalayon ng Diyos para sa inyo.
Nakasalalay sa Tiwala sa Diyos ang Kagalakan sa Buhay
Ang kalungkutan, kabiguan, at matinding hamon ay mga pangyayari sa buhay, hindi ang buhay mismo. Hindi ko minamaliit ang hirap na dulot ng ilan sa mga pangyayaring ito. Maaaring tumagal ang mga ito nang mahabang panahon, ngunit hindi ninyo dapat hayaang uminog dito ang lahat ng ginagawa ninyo. Binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Lehi upang ipahayag ang pangunahing katotohanan, “Ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan.”1 Iyan ay isang pahayag na may kundisyon: “upang sila ay magkaroon ng kagalakan.” Walang kundisyon ito para sa Panginoon. Ang layunin Niya ay ang makatagpo ng kagalakan ang bawat isa sa atin. Walang kundisyon ito hangga’t sinusunod ninyo ang mga kautusan, sumasampalataya sa Panginoon, at ginagawa ang mga bagay na kinakailangan upang magkaroon ng kagalakan sa mundo.
Nakasalalay ang kagalakan ninyo sa buhay sa tiwala ninyo sa Ama sa Langit at sa Kanyang banal na Anak, sa paniniwala ninyo na ang kanilang plano ng kaligayahan ay tunay na magbibigay sa inyo ng kagalakan. Ang pagninilay-nilay sa kanilang mga doktrina ay magdudulot sa inyo ng mga kagandahan ng mundong ito at payayamanin ang mga kaugnayan ninyo sa iba. Aakayin kayo nito sa nakaaaliw, nakapagpapalakas na mga karanasang nagmumula sa pagdalangin sa Ama sa Langit at sa mga kasagutang ibinibigay Niya bilang kapalit.
Pananaw at Tiyaga
Ang batong inilapit nang husto sa mata ay parang isang napakalaking hadlang. Itapon ito sa lupa, at makikita ang tunay nitong laki. Gayundin, kailangang tingnan ang mga problema o pagsubok sa ating buhay sa pananaw ng doktrina ng banal na kasulatan. Kung hindi ay madali nitong madadaig ang ating pananaw, mahihigop ang ating lakas, at pagkakaitan tayo ng galak at gandang nilalayon ng Panginoon na matanggap natin dito sa lupa. Ilan sa mga tao ang parang mga batong itinapon sa isang dagat ng mga problema. Nalulunod sila rito. Maging isang tapon. Kapag inilulubog sa problema ay lumaban upang malayang makalutang para makapaglingkod na muli nang may kagalakan.
Narito kayo sa lupa para sa isang banal na layunin. Hindi upang malibang nang walang katapusan o palagiang maghangad ng kasiyahan. Narito kayo upang subukan, upang patunayan ang inyong sarili na karapat-dapat kayo na makatanggap ng mga karagdagang pagpapalang inilalaan ng Diyos para sa inyo.2 Kailangan din nito ang nakapagpapanatag na epekto ng tiyaga.3 ang ilan sa mga pagpapala ay matatamo sa buhay na ito; ang iba ay darating sa kabilang buhay.
Nais ng Diyos na kayo ay personal na lumago at umunlad. Nag-iibayo ang pag-unlad na iyon kapag kusa ninyo Siyang pinahihintulutang akayin kayo sa bawat karanasang kinakaharap ninyo, gustuhin man ninyo ito sa simula o hindi. Kapag nagtitiwala kayo sa Panginoon, kapag kusa ninyong hinahayaang matuon ang inyong puso at isipan sa Kanyang kalooban, kapag hinihiling ninyo ang patnubay ng Espiritu sa pagsunod sa Kanyang kalooban, nakatitiyak kayo ng pinakadakilang kaligayahan sa landas ng buhay at ng lubos na nakasisiyang katuparan mula sa karanasang ito sa buhay. Kung nag-aalinlangan kayo sa lahat ng ipinagagawa sa inyo, o nagmamaktol sa bawat mahirap na hamon, lalo ninyong pinahihirapan ang Panginoon na pagpalain kayo.4
Ang inyong pagpili, ang karapatang gumawa ng mga pagpili, ay hindi ibinigay upang makuha ninyo ang inyong ninanais. Inilaan ang dakilang kaloob na ito upang piliin ninyo kung ano ang ninanais ng Ama sa Langit para sa inyo. Sa gayo’y maaakay Niya kayo upang maging katulad ng nilalayon Niyang kahinatnan ninyo.5 Humahantong ang landas na iyon sa maluwalhating kagalakan at kaligayahan.
Mamuhay nang may Kagalakan sa gitna ng Paghihirap
Matuto mula sa mga taong nagbibigay-inspirasyon na tinanggap nang payapa ang kanilang mga hamon at namuhay nang may galak sa kabila ng paghihirap. Isang magandang babae na may malalang karamdaman na nagdudulot ng kamatayan ang lagi nang nakatatagpo ng kaligayahan sa buhay. Naunawaan niya ang plano ng kaligayahan, tumanggap ng mga ordenansa sa templo, at ginagawa ang lahat ng makakaya niya upang maging karapat-dapat sa mga ipinangakong pagpapala. Nakatala sa pansarili niyang talaarawan:
“Isa itong napakagandang araw sa taglagas. Dinampot ko ang sulat at naupo sa duyan. Tuwang-tuwa ako at panatag sa mainit na sikat ng araw, sa mabangong amoy ng kalikasan at sa mga punong nakapaligid sa akin. Naupo lang ako roon at nagalak sa katotohanang buhay pa rin ako sa magandang daigdig na ito. … Napakabuti ng Panginoon sa akin. Lubos ko siyang pinasasalamatan na narito pa rin ako at napakabuti ng pakiramdam. Napakasaya ko kung kaya gusto ko lang sumigaw at sumayaw sa paligid ng magandang tahanang ito habang sinisikatan ng araw ang malalaking bintana. Gustung-gusto kong mabuhay.”
Isang magiting na ina na buong tapang na lumalaban sa isang nakapanghihinang karamdaman ang gumugol nang di-mabilang na oras sa matiyagang pagkumpleto ng isang malaki at napakahirap na likhang-sining na tahi sa kamay. Isa itong regalo para sa mag-asawang dumaranas ng mga pagsubok. Para sa mag-asawa isa itong walang katumbas na yaman, isang palagiang paalala sa kanila ng mahahalagang bunga ng matatag na pagsisikap sa gitna ng hirap, isang walang-maliw na mensahe ng pag-asa na ibinuklod sa mga bigkis ng dalisay na pagmamahal at kusang-loob na sakripisyo.
Makatagpo ng Kagalakan sa Kung Anuman ang Mayroon Kayo
Tinuturuan tayo ng mga bata kung paano makatagpo ng kagalakan maging sa kalagayan na puno ng hamon. Hindi pa natututuhan ng mga bata ang masiphayo sa pamamagitan ng pagtutuon ng isipan nila sa mga bagay na wala sila. Nakakatagpo sila ng galak sa kung ano man ang mayroon sila. Naaalala ko ang isang batang naglalaro sa pampang ng ilog. Nagtali siya ng pamingwit sa mga dulo ng dalawang itinapong lata ng malamig na inumin. Itinapon niya ang isang lata, at pinuno ito ng tubig. Hihilahin niya ang isang lata, at bibitawan ito pagkatapos. Hihilahing pataas ng bigat ng unang lata ang ikalawang lata habang bumabagsak ito. Tumawa siya at sumayaw sa tuwa.
Napalilibutan tayo ng mga simple at nakapagpapasiglang karanasan. Mga nakapagpapababa sila ng tensyon at nakapag-aangat ng espiritu. Huwag ninyong ituon ang isipan sa bagay na wala kayo o nawala sa inyo. Ipinangako ng Panginoon sa masusunurin na ibabahagi Niya ang lahat ng Kanyang pag-aari sa kanila. Maaaring may mga kakulangan kayo rito sa temporal, ngunit sa susunod na buhay, kung mapatutunayan ninyong karapat-dapat kayo sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay, lubos na mapapasainyo ang pagpapala.
Hanapin ninyo ang mga kahaliling pagpapala sa buhay ninyo kung, sa karunungan ng Panginoon, ipinagkakait Niya sa inyo ang isang bagay na ninanais ninyo nang lubos. Sa mga bulag o bingi, pinatatalas Niya ang ibang pakiramdam. Sa mga maysakit, nagbibigay Siya ng tiyaga, pang-unawa, at ibayong pagpapahalaga sa kabaitan ng iba. Sa pagkawala ng isang mahal sa buhay, pinatitibay Niya ang bigkis ng pagmamahalan, pinayayaman ang mga gunita, at pinagdiringas ang pag-asa sa pagkikitang muli sa hinaharap. Makakatuklas kayo ng mga kahaliling pagpapala kapag kusang-loob ninyong tatanggapin ang kalooban ng Panginoon at sasampalataya sa Kanya.6
Sa mga naghihirap na tao ni Alma, sinabi ng Panginoon:
“Pagagaanin ko rin ang mga pasanin…na maging kayo ay hindi madarama ang mga ito sa inyong likod…; at ito ay gagawin ko upang kayo ay tumayong mga saksi para sa akin magmula ngayon, at upang inyong malaman nang may katiyakan na ako, ang Panginoong Diyos, ay dumadalaw sa aking mga tao sa kanilang mga paghihirap.
“At…ang mga pasanin…ay pinagaan; oo, pinalakas sila ng Panginoon upang mabata nila ang kanilang mga pasanin nang may kagaanan, at nagpasailalim nang may kagalakan at nang may pagtitiis sa lahat ng kalooban ng Panginoon.”7
Ang Pagiging Malikhain ay Makatutulong sa Inyo Upang Masiyahan sa Buhay
Tangkaing maging malikhain para sa galak na dulot nito. Nang pumanaw ang kanilang mararangal na asawa, natutong magpinta sina Sister Camilla Kimball, Amelia McConkie, at Helen Richards. Hindi lang sila nag-iwan ng mga pamana ng sining, kundi hindi na tulad ng dati ang tingin nila sa isang paglubog ng araw, sa isang mukha, o sa isang puno. Nakikita na nila ngayon ang mga tagong kulay at hugis at nagagalak sa masaganang kagandahang nakapaligid sa kanila.
Pumili ng anumang tulad ng musika, pagsasayaw, paglililok, o pagtula. Ang pagiging malikhain ay makatutulong sa inyo upang masiyahan sa buhay. Nagbubunga ito ng diwa ng pasasalamat. Nagpapaunlad ito ng nakatagong talento, naghahasa ng kakayahan ninyong mangatwiran, kumilos, at makatagpo ng layunin sa buhay. Pinapawi nito ang kalungkutan at kasawian. Nagbibigay ito ng pagpapanibago, kasiglahan, at pananabik sa buhay.
Paglilingkod: Isang Susi sa Kaligayahan
Ang kusang-loob na paglilingkod sa iba ay isang susi sa tumatagal na kaligayahan. Sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Pinagmamasdan tayo ng Diyos, at sinusubaybayan niya tayo. Ngunit kadalasan ay tinutugunan niya ang ating mga pangangailangan sa pamamagitan ng ibang tao. Kung gayon, mahalagang paglingkuran natin ang isa’t isa.”8
May kilala akong isang babaing galak na galak sa kaligayahan. Tuwing umaga humihiling siya sa kanyang Ama sa Langit na gabayan siya sa sinumang matutulungan niya. Ang taimtim na dalanging iyon ay laging sinasagot sa tuwina. Napagaan ang pasanin ng marami at napasigla ang kanilang buhay. Patuloy siyang pinagpala sa pagiging kasangkapang pinamahalaan ng Panginoon.
Ang Paghihirap ay Maaaring Gawing Pag-unlad
Batid kong bawat paghihirap na kinakaharap natin sa buhay, maging ang mga yaong dulot ng sarili nating kapabayaan o kaya’y ng paglabag, ay maaaring gawin ng Panginoon na karanasan sa pag-unlad, isang mabisang hagdan paakyat.9 Hindi sa inirerekomenda ko ang paglabag bilang landas sa pag-unlad. Ito ay masakit, mahirap, at napakawalang-katuturan. Mas matalino at mas madaliang sumulong sa katwiran. Ngunit sa pamamagitan ng angkop na pagsisisi, pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, at pagsunod sa Kanyang mga kautusan, maging ang pagkabigong dulot ng paglabag ay maaaring maging isang pagbalik sa kaligayahan.
Gumawa ng listahan ng mga bagay na magagawa ninyo para lumigaya, tulad ng:
-
Pagnilay-nilayan ang mga banal na kasulatan upang maunawaan ang plano ng kaligayahan.
-
Manalangin nang may pananampalataya kay Jesucristo.
-
Mahalin at paglingkuran ang iba.
-
Tumanggap ng mga ordenansa sa templo. Bumalik upang basbasan ang iba.
-
Makinig sa propeta at sundin ang kanyang payo.
-
Pasalamatan ang anumang mayroon kayo.
-
Ngumiti nang mas madalas.
Magdudulot ng mga susi ng kasiyahan at kagalakan ang inyong listahan.
Ang Hamon ay Pansamantala Ngunit ang Kaligayahan ay Walang Hanggan
Inulit-ulit ng isang bantog na awit sa Brazil ang isang kasinungalingang pinaniniwalaan ng marami: Walang katapusan ang kalungkutan, ngunit nagwawakas ang kaligayahan. Nasaksihan ko na sa pananampalataya sa Tagapagligtas at pagsunod sa Kanyang mga turo, walang katapusan ang kaligayahan, ngunit nagwawakas ang kalungkutan.
Gaano man kahirap ang kinakaharap ninyo o ng mahal ninyo sa buhay, hindi ito dapat mangingibabaw sa inyong buhay at doon uminog ang lahat ng inyong kinawiwilihan. Ang mga hamon ay mga karanasan sa pag-unlad, mga pansamantalang tagpong gagampanan sa kabila ng isang kaiga-igayang buhay. Huwag kayong pasasaklaw sa isang pangyayari na hindi na kayo makapag-isip ng iba pa o maalagaan ang inyong sarili o iba pang umaasa sa inyo. Tandaan, tulad ng pagpapagaling ng katawan, ang paghilom ng ilang espirituwal at emosyonal na hamon ay nangangailangan ng panahon.
Sinabi ng Panginoon, “Maging matiisin sa mga paghihirap, sapagkat ikaw ay magdaranas ng marami; subalit tiisin ang mga ito, sapagkat masdan, ako ay makakasama mo maging sa katapusan ng iyong mga araw.”10 Kung matiyaga kayo, mauunawaan ninyo ang kahulugan ng pahayag na “Ako ay makakasama mo.” Nagdadala ng kapayapaan at galak ang pag-ibig ng Diyos.
Nagbibigay ng walang hanggang kahulugan sa buhay ang inyong pananampalataya kay Jesucristo. Tandaan na kayo ay naglalakbay patungo sa kadakilaan. Minsan ay may mga karanasan kayo na mas nagpapaligaya kaysa sa iba, ngunit may layunin ang lahat ng ito sa Panginoon.11
Bilang saksi ng Tagapagligtas, hinihikayat ko kayong patawarin ang sinumang sa palagay ninyo ay nagkasala sa inyo. Kung may paglabag, pagsisihan ito, upang mapagaling kayo ng Panginoon.
Pasalamatan ang inyong Ama sa Langit at ang Kanyang Minamahal na Anak para sa plano ng kaligayahan at sa mga alituntunin ng ebanghelyo kung saan ito nakasalig. Magpasalamat sa mga ordenansa at tipang inilaan nila. Taimtim kong pinatototohanan na may kapangyarihan silang putungan ng kapayapaan at kagalakan ang inyong buhay, upang bigyan ito ng layunin at kahulugan. Malalaman ninyo na pansamantala lamang ang kalungkutan at kabiguan. Walang hanggan ang kaligayahan dahil kay Jesucristo. Taimtim akong sumasaksi na Siya ay buhay, na minamahal Niya kayo, at tutulungan Niya kayo.
Mula sa talumpati ni Elder Scott sa pangkalahatang komperensiya ng Simbahan noong Abril 1996 (tingnan sa Conference Report, Abr. 1996, 31–35; o Ensign, Mayo 1996, 24–26).