Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance
Resources


Resources

Ang Envelope System

Ang cash envelope system ay simple: matapos sumahod, ilagay mo kaagad ang halaga ng perang inilaan mo para gugulin sa bawat kategorya ng badyet sa sarili nitong sobre.

Halimbawa, ipagpalagay natin na nagbadyet ka ng 400 para sa kategoryang “groceries” sa buwang ito. Kapag natanggap mo ang sahod mo para sa buwang ito o para sa susunod na ilang linggo, ideposito ang halagang iyon (sa cash) sa isang sobre na may tatak na “Groceries.” Walang pera—at ang ibig sabihin nito ay walang pera—na lumalabas sa sobreng iyon maliban sa panggastos sa pagkain. Kung mamamalengke ka at nalaman mo na naiwan mo ang sobre sa bahay, umuwi ka at kunin mo ang sobre! Itala (sa simpleng notebook) ang lahat ng gastusin, para marepaso mo ito kalaunan sa oras ng inyong family council para maalala mo kung saan napupunta ang pera mo.

Sa isa pang sobre, ilagay ang nakabadyet na halaga para sa iyong mga pamasahe. Kukunin mo sa ikalawang sobreng ito kapag angkop ang bahaging kailangan para sa mga gastusing iyon, at imo-monitor mo ang bawat gastusin sa iyong notebook.

Hatiin ang bawat isa sa mga kategorya ng badyet mo nang ganito: pambayad sa upa o mortgage sa isang sobre; utilities sa isa pa; ikapu at mga handog-ayuno sa isa pa; medical; insurance; at marami pang iba—bawat isa sa sarili nitong sobre.

Tuwing suweldo mo, ideposito ang angkop na bahagi ng buwanang nakabadyet na halaga sa bawat sobre para ang kabuuang halagang nakalagay sa bawat sobre bawat buwan ay ang halagang itinalaga mo sa iyong nakasulat na badyet.

Huwag gumastos nang higit sa binadyet mo. Kapag wala nang laman ang sobre, tapos ka na! Kung kailangan mo pang gumastos sa kategoryang iyon, kailangan mo itong kunin sa isa pang sobre. Para sa unang ilang buwan kailangan mong mag-adjust. Sa loob ng panahong iyon dapat ay may mas tumpak na ideya ka na kung sapat ang unang badyet na ginawa mo—malalaman mo ang tunay na karaniwang gastusin makalipas ang ilang buwan.

Ginagamit ng ilan ang envelope system para sa lahat ng bagay. Ginagamit naman ng iba ang cash-only system para sa mga kategorya na malamang na matukso silang gastusan nang sobra, o hindi madaling i-monitor o kontrolin, tulad ng pagkain, restawran, paglilibang, gasolina, at damit. Anumang matira ay dapat mapunta sa iyong pinansyal na prayoridad.

Bumalik sa pahina 77.

Mga Digital System

Kung natutukso kang gumastos nang higit kaysa nararapat kapag nakakita ka ng ekstrang pera, maaaring ang paggamit ng debit card ang pinakamainam mong opsiyon. Tulad ng cash envelope method, ang debit card ay kumukuha ng pera na nasa bank account mo na.

Sa paggamit ng debit card, napakahalagang i-monitor ang iyong mga gastusin dahil, hindi tulad ng cash-envelope system, walang mga limitasyon ang paggamit ng debit card sa mga kategorya ng badyet. Maaari mong irekord ang iyong mga gastusin gamit ang bolpen at papel o sa isang mobile phone o computer application.

Maraming magagamit na financial management apps para sa mga cell phone o iba pang mga mobile device. Ang apps na ito ay maaaring mag-store at mag-organisa ng impormasyon para sa iyo, at sa gayon ay maa-access mo ito sa iyong computer sa bahay o maging sa iba pang mga device.

Gumugol ng ilang oras sa linggong ito sa pagsasaliksik sa pinakamainam na apps na makukuha sa iyong wika at rehiyon, gamit ang katagang “money management,” “personal finance tools,” o “budgeting apps” sa pagsasaliksik. Marami sa mga ito ang libre o mura lang.

Tandaan, para mapanatiling protektado ang iyong impormasyon, i-access lamang ang iyong personal na pinansyal na impormasyon sa sarili mong mga device, hindi mula sa mga pampublikong computer.

Bumalik sa pahina 78.

Mga Tala

Mga Tala