Matuto—Maximum na Oras: 45 Minuto
Budget and Spending Checkpoint
-
Basahin:Repasuhin at i-update ang badyet mo. Ano ang epektibo? Anong mga kategorya ang kailangan mong i-adjust, kung mayroon? Maaari mo bang bawasan ang paggastos sa ilang kategorya para mas mabilis kang makaiimpok para sa iyong emergency fund, makalaya sa pagkakautang, o makaimpok para sa hinaharap? Ang isa sa mga ipinangako mong gawin sa linggong ito ay talakayin sa oras ng family council ang sumusunod na aktibidad.
-
Pag-isipang mabuti:Ano ang gagawin mo kung maharap ka sa kagipitan sa pera? Anong mga kagipitan sa pera ang naranasan mo noong araw?
-
Basahin:Sa Lumang Tipan, binalaan ni Jose si Faraon tungkol sa pitong taon ng kasaganaan, na susundan ng pitong taon ng taggutom. Agad-agad, humirang si Faraon ng mga opisyal na magtatabi ng sobrang pagkain sa panahon ng kasaganaan para mapaghandaan ang panahon ng kagutom (tingnan sa Genesis 41:1–37). Kahit hindi tayo palaging may malinaw na propesiya kung kailan darating ang panahon ng kasaganaan at kagutom, hinikayat na tayo ng mga propeta ngayon na maghanda para sa mga krisis, lalo na kapag walang problema.
Sa kabanatang ito, malalaman natin kung ano ang gagawin kapag naharap tayo sa kagipitan sa pera at kung paano maghanda para sa mga krisis bago pa ito dumating.
-
Talakayin:Anong mga uri ng mga kagipitan sa pera ang maaari mong maranasan? Isulat ang mga ideya ng grupo sa ibaba.
1. Alamin Kung Paano Babawasan ang mga Kagipitan sa Pera
-
Basahin:Tulad ng emergency o fire escape plan, kung sakaling magkaroon ng kagipitan sa pera dapat ay may plano ka nang gawin na simpleng sundin. Tungkol sa pagharap sa mga pagsubok, itinanong ni Elder Marvin J. Ashton, “Maaari ka bang umupo nang tahimik, repasuhin mo ang mga tunay na nangyari, at ilista mo ang lahat ng posibleng gawin? Matutukoy mo ba ang mga sanhi at malalaman ang mga remedyo? Ang tahimik na pagmumuni-muni ay makakalutas ng mga problema nang mas mabilis kaysa pagkataranta” (“Give with Wisdom That They May Receive with Dignity,” Ensign, Nob. 1981, 88). Ang pag-alam kung paano harapin ang mga kagipitan sa pera bago pa ito mangyari ay tutulutan kang maging emosyonal at pinansyal na makapaghanda kapag dumating ang kahirapan at makakatulong para maiwasan mo ang ilang krisis sa hinaharap. Ang pagharap sa kagipitan sa pera ay nangangailangan ng dalawang hakbang: suriin ang sitwasyon, at kumilos nang angkop.
-
Talakayin:Bakit mahalagang magpasiya ngayon kung paano mababawasan ang kagipitan sa pera? Paano ka natulungan ng Espiritu sa pagharap sa mga krisis noong araw?
Suriin ang Sitwasyon
-
Basahin:Para masuri ang potensyal na kagipitan sa pera, maaari mong itanong ang mga sumusunod:
-
Tapat ka ba sa pagbabayad ng iyong ikapu at mga handog? Namumuhay ka ba sa paraan na karapat-dapat ka sa mga pagpapala ng Diyos?
-
Ano ang inihanda mong mga pag-iingat sa oras ng emergency na tutulong sa iyo na harapin ang kasalukuyang hamon? Mayroon ka bang nakaimbak na pagkain at tubig? emegency fund? kaukulang insurance?
-
Saan ba nagkukulang ang iyong mga paghahanda para sa emergency?
-
Anong mga insurance policy ang mayroon ka na maaaring sumakop sa ilan o sa lahat ng hamong ito?
-
Hanggang kailan tatagal ang iyong emergency fund?
-
May puwang ba sa iyong badyet at plano sa pag-aalis ng utang para sa mga pansamantalang adjustment, kung kailangan?
-
-
Talakayin:Bakit mahalagang lubos na masuri ang sitwasyon bago ka kumilos?
Kumilos
-
Basahin:Depende sa uri at kalubhaan ng iyong kagipitan sa pera, may iba’t ibang mga hakbang na maaari mong gawin para tulungan kang malampasan ang mga hamon sa iyo ukol sa pera. Bagama’t ang mga pagkilos na ito ay hindi makatuturan sa lahat ng sitwasyon, ang sumusunod na mga hakbang ay dapat magbigay sa iyo ng ideya kung ano ang maaaring gawin kung sakaling magkaroon ng kagipitan sa pera.
Tawagan ang Iyong Insurance Company
-
Basahin:Maaaring kasali sa ilang kagipitan sa pera ang emergency ukol sa kalusugan, aksidente sa sasakyan, pagpapakumpuni ng bahay, o pagkatanggal sa trabaho. Sa gayong mga sitwasyon, bago ka mataranta o gumawa ng ibang hakbang, tawagan ang iyong insurance provider para suriin ang coverage mo. Ang pagtatanong sa kanila tungkol sa coverage ay hindi nangangahulugan na nagpa-file ka ng claim. Pero kung sakop ang iyong sitwasyon, dapat kang magkaroon ng ideya kung ano ang magiging katayuan ng iyong personal na mga gastusin.
-
Talakayin:Anong mga kagipitan sa pera ang marapat itawag sa iyong insurance company?
Gamitin ang Iyong Emergency Fund
-
Basahin:Ang layunin ng iyong emergency fund ay para tulungan kang malampasan ang mga kagipitan sa pera. Huwag makonsensyang gamitin ito sa ganitong mga sitwasyon. Maaari mong gamitin ang iyong emergency fund para sa anumang pangangailangan mo—mula sa mga gastusin sa buhay hanggang sa insurance deductibles. Maging matalino sa paggamit nito para sa mga tamang bagay sa tamang pagkakataon. Lagyang muli ang iyong emergency fund sa lalong madaling panahon kung kailangan mong gamitin ang pera mula rito.
Unahing Bayaran ang Iyong Pinakamahalagang mga Gastusin at Bayarin
-
Basahin:Suriing mabuti ang lahat ng iyong mga gastusin at bayarin at magpasiya kung alin ang kailangang unahin at alin ang maaaring ipagpaliban sa loob ng maikling panahon nang walang malaking multa. Maaari mong kailanganing tawagan ang mga naniningil sa iyo para malaman kung nagbibigay sila ng palugit sa panahon ng pansamantalang kahirapan, mga opsiyon sa pagbabayad nang walang interes, o pagpapalawig ng takdang-petsa ng pagbabayad. Maging matalino tungkol sa mga gastusing uunahin mo, at saliksikin ang masasamang epekto ng pagpapaliban sa pagbabayad ng iba pang mga bayarin bago gawin ito. Maaari mong kailanganing bawasan ang di-kailangang mga gastusin sa ngayon, kung maaari. Magtuon sa pagkain, tirahan, utilities, at transportasyong kailangan bago bayaran ang iba pang mga gastusin.
-
Talakayin:Bakit magiging napakahalaga na unahing bayaran ang mga gastusing kalilista lang?
Tawagan ang Creditors Mo
-
Basahin:Sa napakatinding kalagayan, maaaring matalinong tawagan ang creditors mo at ipaliwanag ang kasalukuyan mong sitwasyon. Depende sa krisis, maaari mong hilingin sa kanila na:
-
Pansamantalang ipagpaliban o bawasan ang pagbabayad.
-
Ipaabot o tuluyang baguhin ang mga tuntunin ng loan.
Bagama’t maaaring ito lang ang opsiyon sa matitinding sitwasyon, dapat mong malaman na ang pagpapaliban ng pagbabayad o pagbabago ng mga tuntunin ng iyong loan ay maaaring pagsimulan ng dagdag na fee at lalong lumaki ang loan kalaunan.
-
Tukuyin ang Iba pang Resources na Makakatulong
-
Basahin:Responsibilidad nating maglaan para sa ating sarili at sa ating pamilya. Gayunman, maaaring may mga panahon na kailangan tayong pansamantalang umasa sa iba. Habang naghahanap ka ng iba pang resources, maging maingat na umasa sa matagalang tulong—ang gayong pag-asa ay magpapabagal sa iyong espirituwal at temporal na progreso. Tulad ng mababasa natin sa kabanata 2, itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball na may apat na bahagdan ng temporal na tulong na mababalingan natin:
-
Sarili: Dapat mo munang gawin ang lahat ng magagawa mo para matustusan ang iyong pamilya at mabawasan ang agarang panganib.
-
Pamilya: Kung hindi mo mismo matugunan ang mga pangunahing pinansyal na pangangailangan matapos mong gawin ang lahat ng makakaya mo, dapat kang magpatulong sa malalapit o malalayong kamag-anak kung kailangan para sa pansamantalang pinansyal na tulong, ito man ay para sa bahay, pagkain, o iba pang mga pangangailangan.
-
Simbahan: Matapos gawin ang lahat ng makakaya mo at matapos humingi ng tulong sa pamilya, maaaring kailangan mong kausapin ang iyong mga lider ng Simbahan (bishop, branch president, o Relief Society president) upang masiyasat ang iba pang mga opsiyon. Tandaan na ang iyong mga lider ng Simbahan ay buong talinong tinuruan na tulungan ang mga tao para mabuhay kapag kailangan, hindi tustusan ang uri ng pamumuhay.
-
Komunidad: Maaaring may iba’t ibang programa sa pagsuporta ang komunidad o pamahalaan para sa iyo na makakapag-alok ng tulong sa pamamagitan ng financial o employment counseling, housing assistance, nutritional support para sa kalusugan ng sanggol at ng ina, at iba pa. Tandaan na ang mga programang ito ay dinisenyo upang maglaan ng panandaliang tulong. Huwag umasa nang matagal sa mga ito.
-
-
Talakayin:Bakit tayo dapat humingi ng tulong sa ating pamilya bago tayo humingi ng tulong sa Simbahan at komunidad? Ano ang resources na natukoy ng inyong grupo sa inyong lugar na makakatulong sa pagharap sa mga krisis?
2. Dagdagan ang Iyong mga Paghahanda para sa Emergency
-
Basahin:Dapat ay mayroon ka nang nabuo o nagbubuo ka na ng isang-buwang emergency fund. Hindi dapat magtapos doon ang iyong mga paghahanda! Sikaping makalaya sa utang at pagkatapos ay magbuo ng tatlo- hanggang anim-na-buwang emergency fund at kumuha ng insurance para maprotektahan ang iyong kita.
Bumuo ng Tatlo- Hanggang Anim-na-Buwang Emergency Fund
-
Basahin:Kapag nabayaran mo na ang lahat ng consumer debt mo, ang susunod na hakbang ay palaguin ang iyong isang-buwang emergency fund at gawin itong tatlo- hanggang anim-na-buwang emergency fund. Tandaang itago ang pera para sa iyong emergency fund sa isang ligtas na lugar na maa-access mo nang walang multa. Palaguin ang pondong ito nang mabilis hangga’t kaya ninyo para maging mas handa ka para sa mga kagipitan sa pera. Ang isa sa mga ipinangako mong gawin sa linggong ito ay i-evaluate ang iyong emergency fund at patuloy na bayaran ang iyong mga consumer debt.
Kumuha ng Angkop na Income Insurance
Paunawa: Ang impormasyong ito ay maaaring hindi angkop sa inyong rehiyon o lugar.
-
Basahin:Isa sa pinakamahalaga mong assets ang iyong kinikita. Humanap ng disability at life insurance policies na may magandang reputasyon sa inyong lugar, at kumuha ng sapat na coverage sa lalong madaling panahon.
Talakayin sa Inyong Family Council ang Paghahanda para sa mga Kagipitan sa Pera
-
Basahin:Ang isa sa mga ipinangako mong gawin sa linggong ito ay talakayin ang mga sagot mo sa “Budget and Spending Checkpoint” (tingnan sa pahina 147) at ang iyong mga paghahanda para sa mga kagipitan sa pera. Talakayin ang mga emergency na maaaring mangyari sa inyong pamilya, kung paano kayo makakapaghanda para dito, anong insurance ang kailangan mong kunin para maprotektahan ang iyong sarili, at ang mga planong tawagan ang mga naniningil at creditors kung sakaling kailanganin ito. Maaari mong gamitin ang “Sample Family Council Discussion” outline sa ibaba. Tandaan, kung wala ka pang asawa, maaaring magsama ng isang roommate, kaibigan, kapamilya, o mentor sa iyong family council.