“Lesson 2 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtugon sa mga Propeta ng Panginoon,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)
“Lesson 2 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon
Lesson 2 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Pagtugon sa mga Propeta ng Panginoon
Marahil nakakita ka na ng iba’t ibang tugon o reaksyon ng mga tao sa mga mensaheng ipinahayag ng mga propeta. Iba’t iba rin ang tugon ng mga tao sa Aklat ni Mormon. Ano ang matututuhan natin mula sa mga tao at mga propeta sa Aklat ni Mormon tungkol sa pagtugon sa Panginoon at sa Kanyang mga mensahe? Sa iyong pag-aaral, pag-isipan kung paano ka maaaring tumugon nang may higit na pananampalataya at pagsunod sa salita ng Diyos na ipinahayag sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.
Bahagi 1
Paano naipadarama ng mga babala ng mga propeta ang pagmamahal ng Panginoon para sa akin?
Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan:
Dahil mabait ang Panginoon, tumatawag Siya ng mga tagapaglingkod para balaan ang mga tao sa panganib. Ang panawagang iyon na magbabala ay lalo pang pinag-igting at binigyang-halaga ng katotohanan na ang pinakamahahalagang babala ay tungkol sa mga panganib na hindi pa iniisip ng mga tao na totoo. (“Ating Iparinig ang Ating Tinig na Nagbababala,” Liahona, Ene. 2009, 3)
Tulad ng maraming propetang nauna sa kanya, si Lehi ay nanalangin para sa mga tao sa Jerusalem. Pagkatapos ay napuspos siya ng Espiritu at nakita niya si Jesucristo sa pangitain. Ipinakita ng Panginoon ang isang aklat kay Lehi at ipinabasa Niya ito sa kanya. (Tingnan sa 1 Nephi 1:5–12.)
Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang humihikayat na itaas ang tinig ng babala ay pag-ibig—pag-ibig sa Diyos at sa kapwa-tao. Ang magbabala ay ang magmalasakit. (“Ang Tinig ng Babala,” Liahona, Mayo 2017, 109)
Sa ating panahon, tumawag ang Panginoon ng 15 kalalakihan (ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol) bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Itinuro ni Elder Ulisses Soares ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa pagkakaroon ng mga propeta sa mundo:
Ang pagkakaroon ng mga propeta ay pagpapamalas ng pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak. [Ipinapakita] nila ang mga pangako at tunay na katangian ng Diyos at ni Jesucristo sa Kanilang mga tao. (“Ang mga Propeta ay Nagsasalita sa Pamamagitan ng Kapangyarihan ng Espiritu Santo,” Liahona, Mayo 2018, 99)
Itinuro rin ni Nephi na ang Tagapagligtas ang pinakamahalaga sa itinuturo at isinusulat ng mga propeta.
Bahagi 2
Paano ko malalaman na ang buhay na propeta ay kumakatawan sa Panginoon?
Isipin kung ano kaya ang pakiramdam kung isa ka sa mga anak ni Lehi nang sabihin niya sa kanila na nais ng Panginoon na lisanin nila ang kanilang tahanan at maglakbay sila sa ilang. Paano ka kaya tutugon sa mensaheng ito?
Ipinaliwanag ni Pangulong Eyring:
Sa pamilya ni Lehi, ang mga nanampalataya lamang at nakatanggap mismo ng nagpapatibay na paghahayag ang nakakita kapwa sa panganib at sa landas tungo sa kaligtasan. Sa mga taong walang pananampalataya, ang pagpunta sa ilang ay hindi lamang tila kahangalan kundi mapanganib [din]. (“Kaligtasan sa Payo,” Liahona, Hunyo 2008, 5)
Bahagi 3
Ano ang matututuhan ko mula sa paraan kung paano tumugon ang mga tao sa Aklat ni Mormon sa mga mensahe ng Panginoon na ipinahayag sa pamamagitan ng mga propeta?
Habang naglilingkod bilang Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency, itinuro ni Sister Carol F. McConkie ang sumusunod:
Maaari tayong magpasiya. Maaari nating pagpasiyahang balewalain, lapastanganin, yapakan, o maghimagsik laban sa mga salita ni Cristo na sinabi ng Kanyang inordenang mga tagapaglingkod. Ngunit itinuro ng Tagapagligtas na ang mga taong gagawa nito ay itatakwil mula sa Kanyang mga pinagtipanang tao [tingnan sa 3 Nephi 20:23]. …
… Nawa’y pagpasiyahan nating manindigan kasama ng mga propeta at mamuhay ayon sa kanilang mga salita hanggang sa tayo ay magkaisa sa pananampalataya, mapadalisay kay Cristo, at mapuno ng kaalaman tungkol sa Anak ng Diyos. (“Mamuhay Ayon sa mga Salita ng mga Propeta,” Liahona, Nob. 2014, 79)