“Lesson 1 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)
“Lesson 1 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon
Lesson 1 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo
Pagbati mula sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang mga katotohanan ng Aklat ni Mormon ay may kapangyarihan na pagalingin, panatagin, ipanumbalik, tulungan, palakasin, aluin, at pasayahin ang ating kaluluwa” (“Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?” Liahona, Nob. 2017, 62). Habang pinag-aaralan at ipinamumuhay mo ang mga katotohanang tinatalakay sa kursong ito, mararanasan mo ang katotohanan ng mga salita ni Pangulong Nelson. Lalakas ang iyong patotoo sa Aklat ni Mormon at ang iyong pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, at ikaw ay magiging higit na katulad Nila.
Paalala: Ang materyal na ito sa paghahanda ay magbibigay sa iyo ng pundasyon para sa iyong karanasan sa klase. Ang pag-aaral ng materyal sa paghahanda para sa bawat lesson bago ang klase ay tutulong sa iyo na magkaroon ng mas malalim at mas makabuluhang karanasan sa pag-aaral.
Bahagi 1
Paano mapapabuti ng pag-aaral ng Aklat ni Mormon ang aking buhay?
Sa simula ng Panunumbalik ng ebanghelyo, ipinahayag ni Propetang Joseph Smith:
Sinabi ko sa mga kapatid na ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat. (Pambungad sa Aklat ni Mormon, talata 6)
Simula nang mailathala ang Aklat ni Mormon, napakaraming tao na ang nakatuklas sa katotohanan ng pahayag na ito.
Si Elder Peter M. Johnson ng Pitumpu ay nagbahagi ng isang halimbawa kung paano pinagpala ng Aklat ni Mormon ang kanyang buhay noong siya ay bata pa:
Noong sinimulan ko ang pagkuha ng aking doctoral degree, pinanghinaan ako ng loob. Apat na estudyante lang ang tinanggap sa programa noong taong iyon, at napakatatalino ng ibang mga estudyante. Mas matataas ang nakuha nilang marka sa mga pagsusulit at mas marami silang karanasan sa trabaho at mas magaganda ang posisyon nila sa mga kumpanya, at kitang-kita ang kumpiyansa nila sa kanilang mga kakayahan. Pagkatapos ng aking unang dalawang linggo sa programa, pinanghinaan ako ng loob at napuno ako ng pag-aalinlangan, halos lamunin ako nito.
Napagdesisyunan ko na kung tatapusin ko ang apat na taong programang ito, kailangan kong tapusing basahin ang buong Aklat ni Mormon bawat semestre. Sa pagbabasa ko araw-araw, natanggap ko ang pahayag ng Tagapagligtas na ang Espiritu Santo ang magtuturo sa akin ng lahat ng mga bagay at magpapaalaala ng lahat [tingnan sa Juan 14:26]. Pinagtibay nito kung sino ako bilang anak ng Diyos, ipinaalala nito sa akin na hindi ko dapat ikumpara ang aking sarili sa iba, at binigyan ako nito ng kumpiyansa sa aking banal na tungkulin na magtagumpay. … Basahin at pag-aralan ang Aklat ni Mormon araw-araw, araw-araw, araw-araw. (“Kapangyarihang Madaig ang Kaaway,” Liahona, Nob. 2019, 111–112)
Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson na “dapat gawin nating sentro ng pag-aaral ang Aklat ni Mormon [dahil] isinulat ito para sa ating panahon” (“The Keystone of Our Religion,” Ensign, Ene. 1992, 5). Habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Nelson, maaari mong markahan kung paano mapagpapala ng Aklat ni Mormon ang ating buhay, lalo na sa ating panahon.
Mahal kong mga kapatid, pinatototohanan ko na ang Aklat ni Mormon ay tunay na salita ng Diyos. Nilalaman nito ang mga sagot sa pinakamahahalagang tanong sa buhay. Itinuturo nito ang doktrina ni Cristo. Pinalalawak at ipinaliliwanag nito ang maraming “malilinaw at mahahalagang” [tingnan sa 1 Nephi 13:29–33] katotohanan na nawala sa paglipas ng mga siglo at maraming pagsasalin ng Biblia.
Ang Aklat ni Mormon ay nagbibigay ng ganap at lubos na mapaniniwalaang kaalaman tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo na matatagpuan sa buong aklat. … Ang buong kapangyarihan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay nasa Aklat ni Mormon. Tapos.
Ang Aklat ni Mormon ay kapwa nililinaw ang mga turo ng Guro at inilalantad ang mga taktika ng kaaway. Ang Aklat ni Mormon ay nagtuturo ng totoong doktrina para ituwid ang mga maling tradisyon ng mga relihiyon—tulad ng maling kaugalian ng pagbibinyag sa mga sanggol. Ang Aklat ni Mormon ay nagbibigay ng layunin sa buhay sa paghikayat sa atin na pagnilayan ang potensyal na magkaroon ng buhay na walang hanggan at “walang katapusang kaligayahan” [Mosias 2:41; tingnan din sa Alma 28:12]. Pinabubulaanan ng Aklat ni Mormon ang mga maling paniniwala na may kaligayahan sa kasamaan at ang kabutihan ng bawat isa lamang ang kailangan upang makabalik sa piling ng Diyos. Lubusan nitong inaalis ang mga maling konsepto na ang paghahayag ay nagwakas sa Biblia at ang kalangitan ay nakapinid ngayon. (“Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?” Liahona, Nob. 2017, 62)
Bahagi 2
Paano mapapalakas ng pag-aaral ng Aklat ni Mormon ang aking patotoo kay Jesucristo?
Sa isang pangitain, nalaman ng propetang si Nephi na ang pangunahing layunin ng Aklat ni Mormon (at ng iba pang mga banal na kasulatan sa mga huling araw) ay magpatotoo na si Jesucristo “ang Anak ng Amang Walang Hanggan, at ang Tagapagligtas ng sanlibutan; at na ang lahat ng tao ay kinakailangang lumapit sa kanya, o sila ay hindi maaaring maligtas” (1 Nephi 13:40).
Sa buong buhay niya, masigasig na gumawa si Nephi “upang hikayatin ang [kanyang] mga anak, at ang [kanya ring] mga kapatid, na maniwala kay Cristo” (2 Nephi 25:23). Sa pagtatapos ng kanyang talaan, nagbigay siya ng huling patotoo tungkol sa kapangyarihan ng Aklat ni Mormon na madala ang lahat ng tao kay Cristo.
Sinabi ni Pangulong Benson na hindi tinatanggap ng maraming tao sa iba’t ibang dako ng mundo ang kabanalan ni Jesucristo. Ipinaliwanag niya:
Pinag-aalinlanganan nila ang Kanyang mahimalang pagsilang, ang Kanyang perpektong buhay, at ang katotohanan ng Kanyang maluwalhating pagkabuhay na mag-uli. Itinuturo nang malinaw at di-mapag-aalinlanganan ng Aklat ni Mormon ang tungkol sa katotohanan ng lahat ng iyon. Nagbibigay [rin] ito ng pinakakumpletong paliwanag tungkol sa doktrina ng Pagbabayad-sala. Tunay ngang ang banal at inspiradong aklat na ito ay saligang bato sa pagpapatotoo sa mundo na si Jesus ang Cristo. … Ang patotoo [ng Aklat ni Mormon] tungkol sa Panginoon ay malinaw, walang bahid-dungis, at puno ng kapangyarihan. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 152)
Bahagi 3
Paano ko epektibong magagamit ang materyal na ito sa paghahanda para mas mapaganda ang aking karanasan sa klaseng ito?
Nang magpakita si Jesucristo sa mga Nephita sa lupaing Masagana, binigyan Niya ang bawat tao ng pagkakataong mahipo ang mga sugat sa Kanyang mga kamay at mga paa at pagkatapos ay itinuro Niya ang Kanyang doktrina sa mga tao. Ipinahayag Niya na ang mga yaong naniniwala sa Kanya at ipinamumuhay ang Kanyang mga turo ay tatanggap ng malalaking pagpapala sa buhay na ito at ibabangon sa huling araw (tingnan sa 3 Nephi 11:29–40; 15:1).
Nang handa nang umalis ang Tagapagligtas sa pagtatapos ng araw, tiningnan Niya ang mga tao at nagbigay Siya ng mahalagang payo kung paano maghahanda para sa ituturo Niya sa kanila sa susunod na araw.