“Lesson 14 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagiging mga Kasangkapan sa mga Kamay ng Diyos,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)
“Lesson 14 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon
Lesson 14 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Pagiging mga Kasangkapan sa mga Kamay ng Diyos
Isipin kung ilang tao ang nakikita mo araw-araw na hindi kasalukuyang nakatatamasa ng mga pagpapala ng ebanghelyo ni Jesucristo. Paano maaaring magbago ang kanilang buhay kung malalaman nila ang tungkol sa plano ng Ama sa Langit para sa kanilang kaligayahan? Habang pinag-aaralan mo ang mga halimbawa ng mga missionary sa Aklat ni Mormon, mapanalanging isipin ang isang taong maaari mong bahagian ng ebanghelyo. Tandaan na kapag ibinabahagi mo ang ebanghelyo sa iba, nakikibahagi ka sa pagtitipon ng Israel.
Bahagi 1
Paanong ang pagpapalalim ng aking pagbabalik-loob ay nagpapatindi sa aking hangaring ibahagi ang ebanghelyo?
Ang apat na anak ni Mosias (sina Ammon, Aaron, Omner, at Himni) ay kasama ni Nakababatang Alma nang magpakita ang isang anghel at sabihan siya na magsisi. Lahat ng limang kabataan ay nakadama ng matinding kalungkutan dahil sa kanilang mga ginawa, nagsisi sa kanilang mga kasalanan, at nagbalik-loob sa Panginoon. Pagkatapos ng kanilang pagbabalik-loob, sila ay “naging mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos sa pagdadala ng marami sa kaalaman ng katotohanan, oo, sa kaalaman ng kanilang Manunubos” (Mosias 27:36).
Matapos ang maraming taong paglilingkod bilang missionary sa mga Lamanita, ganito ang sinabi ni Ammon sa kanyang mga kapatid: “At ito ang pagpapalang ipinagkaloob sa atin, na tayo ay gawing mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang maisagawa ang dakilang gawaing ito” ng kaligtasan (Alma 26:3).
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang sumusunod tungkol sa kung paano nakaiimpluwensya ang ating pagbabalik-loob sa ating hangaring ibahagi ang ebanghelyo:
Ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay hindi isang pasanin kundi isang kagalakan. Ang tinatawag nating “gawaing misyonero ng mga miyembro” ay hindi isang programa kundi pagpapakita ng pagmamahal at paglilingkod para tulungan ang mga nasa paligid natin. Ito rin ay isang pagkakataon para magpatotoo sa nadarama natin tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo ng ating Tagapagligtas. Itinuro ni Elder Ballard, “Ang isang napakahalagang katibayan ng ating pagbabalik-loob at ng nadarama natin tungkol sa ebanghelyo sa ating sariling buhay ay ang pagkukusa nating ibahagi ito sa iba” [M. Russell Ballard, “Panahon Na,” Liahona, Ene. 2001, 89]. (“Pagbabahagi ng Ipinanumbalik na Ebanghelyo,” Liahona, Nob. 2016, 60)
Bahagi 2
Paano ako magiging mas epektibong kasangkapan sa mga kamay ng Diyos?
Nakaharap ng mga anak ni Mosias at ng mga yaong sumama sa kanila ang “mababangis at matitigas at malulupit na tao” nang humayo sila upang turuan ang mga Lamanita (Alma 17:8, 14). Habang nagtuturo sila sa mga Lamanita, ang mga missionary na ito ay “labis na nagdusa, kapwa sa katawan at sa isipan, tulad ng gutom, uhaw at pagod, at gayon din sa labis na paghihirap ng espiritu” (Alma 17:5).
Bahagi 3
Paano ako matutulungan ng Espiritu na mas mapaglingkuran ang iba at maibahagi ang ebanghelyo?
Ang mga anak ni Mosias ay naging mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos, na nakatulong sa pagdadala ng maraming Lamanita sa Tagapagligtas. Si Ammon ay mag-isang naglakbay sa lupain ng Ismael at iginapos at dinala sa harapan ni Haring Lamoni. Tinanong ng hari si Ammon kung ano ang nais niya, at sinabi ni Ammon na nais niyang manirahan sa mga Lamanita, marahil sa buong buhay niya. Ikinalugod ito ng hari, at si Ammon ay naging isa sa kanyang mga tagapagsilbi. (Tingnan sa Alma 17:19–25.)
Isinugo si Ammon upang bantayan ang mga kawan ng hari. Nang tangkain ng mga magnanakaw na ikalat ang mga tupa, nahadlangan sila ni Ammon gamit ang kanyang tirador at espada. Nanggilalas ang mga magnanakaw sa kapangyarihan ni Ammon at nagsitakas sila. (Tingnan sa Alma 17:25, 33–38.)
Nang malaman ni Haring Lamoni na nagtagumpay si Ammon sa pagtatanggol ng kanyang mga kawan, siya ay nanggilalas at napaisip kung si Ammon ang “Dakilang Espiritu na siyang nagpapadala ng gayong mabibigat na kaparusahan sa mga taong ito” (Alma 18:2). Dahil “si Ammon [ay] puspos ng Espiritu ng Diyos” (talata 16), nahiwatigan niya ang mga iniisip ng hari, nasagot niya ang mga tanong nito, at nasimulan niyang ituro ang ebanghelyo rito (tingnan sa Alma 18:15–24).
Si Haring Lamoni ay naniwala sa mga salita ni Ammon at nagbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo. Tinuruan din ni Ammon ang asawa ni Lamoni at ang mga tagapagsilbi ng hari. Marami sa kanila ang naniwala sa mga turo ni Ammon at nagpatotoo na “ang kanilang mga puso ay nagbago” (Alma 19:33). Dahil si Ammon ay naging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos, “nagsimula ang gawain ng Panginoon sa [bahaging iyon ng] mga Lamanita” (Alma 19:36).
Bagama’t ang ating mga karanasan ay hindi kagila-gilalas tulad ng kay Ammon, makagagawa tayo ng kaibhan sa buhay ng iba kapag inihanda natin ang ating sarili na maging mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos.
Ipinaliwanag ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano natin maibabahagi ang ebanghelyo sa iba:
Saan man kayo naroon sa mundong ito, maraming pagkakataon upang ibahagi ang mabuting balita ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga taong nakikilala ninyo, kasamang nag-aaral, at kabahay o katrabaho at kasalamuha. …
Sa anumang paraan na tila likas at karaniwan sa inyo, ibahagi sa mga tao kung bakit mahalaga sa inyo si Jesucristo at ang Kanyang Simbahan. …
Ipagdasal na hindi lamang matagpuan ng mga missionary ang mga hinirang. Ipagdasal araw-araw nang buong puso na mahanap ang mga taong lalapit at titingin, lalapit at tutulong, at lalapit at lalagi. (“Gawaing Misyonero: Pagbabahagi ng Nasa Puso Mo,” Liahona, Mayo 2019, 15, 17)