“Lesson 26 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagkatapos ng Pagsubok sa Inyong Pananampalataya,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)
“Lesson 26 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon
Lesson 26 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Pagkatapos ng Pagsubok sa Inyong Pananampalataya
Humingi ka na ba ng himala sa iyong panalangin? Naghahanap ka ba ng mas malalim na espirituwal na patunay tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo? Mayroon ka bang inaasam na anumang bagay na matatanggap mula sa Panginoon sa iyong buhay ngayon? Pag-isipan ang mga inaasam at hangaring ito sa pag-aaral mo pa ng tungkol sa pananampalataya at kung paano itinuro sa atin ng Aklat ni Mormon na gamitin ito.
Bahagi 1
Paano makatutulong sa akin ang pananampalataya kay Jesucristo na matuto at umunlad habang kinakaharap ko ang mga pagsubok?
Sa Aklat ni Eter, itinala ni Moroni na nang lumaganap ang mga digmaan, paghihimagsik, at kasamaan sa lipunan ng mga Jaredita, isinugo ng Panginoon si Propetang Eter upang magpahayag ng pananampalataya, pagsisisi, at pag-asa sa mga tao.
Dahil mahal tayo ng Panginoon at nais Niya tayong umunlad, binibigyan Niya tayo ng mga pagkakataong subukan ang ating pananampalataya sa Kanya. Sinabi ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Sa tuwing susubukan ninyo ang inyong pananampalataya—ibig sabihin, kumikilos nang marapat sa isang impresyon—tatanggapin ninyo ang nagpapatibay na patunay ng Espiritu. Kapag kumilos kayo ayon sa inyong pagkaunawa [na] hindi kayo tiyak sa gagawin, na nagpapakita ng pananampalataya, kayo ay aakayin sa mga solusyong hindi ninyo matatamo sa ibang paraan. (“Ang Nagpapabagong Kapangyarihan ng Pananampalataya at Pagkatao,” Liahona, Nob. 2010, 44)
Isipin ang mga pagkakataon sa buhay mo na kumilos ka nang may pananampalataya sa Panginoon at pagkatapos ay tumanggap ng espirituwal na patunay. Ipinaliwanag minsan ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano nakatulong sa kanyang espirituwal na pag-unlad ang pananatiling tapat sa panahon ng pagsubok:
Bagaman nahirapan ako noon, nagpapasalamat ako ngayon na walang agarang solusyon sa aking problema noon. Ang katotohanan na halos araw-araw akong napilitang humingi ng tulong sa Diyos sa napakatagal na panahon ay talagang nagturo sa akin kung paano manalangin at masagot ang mga dalangin at naturuan ako sa napakapraktikal na paraan na manampalataya sa Diyos. Nakilala ko ang aking Tagapagligtas at aking Ama sa Langit sa paraan at sa antas na hindi sana nangyari sa ibang paraan o mas matagal ko sanang nakamit. … Natuto akong magtiwala sa Panginoon nang buong-puso. Natuto akong sumunod sa Kanya sa araw-araw. (“Umasa sa Diyos sa Bawat Araw,” Liahona, Peb. 2015, 4)
Bahagi 2
Sa anong mga paraan ako mapagpapala at mapapalakas ng pagsampalataya kay Jesucristo?
Tulad ng nakatala sa Eter 12:7–22, nagbigay si Moroni ng mga halimbawa ng mga taong nanampalataya at biniyayaan ng mga himala, paghahayag, kaligtasan, pagbabalik-loob, at mga pangako. Sa pagsasalita tungkol sa kapatid ni Jared, na pinakilos ang bundok ng Zerin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Panginoon, sinabi ni Moroni, “At kung siya ay walang pananampalataya hindi sana ito natinag; samakatwid [ang Panginoon] ay gumagawa matapos magkaroon ng pananampalataya ang mga tao” (Eter 12:30).
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
Ang pananampalataya kay Jesucristo ay nagtutulak sa atin na gawin ang mga bagay na kung tutuusin ay hindi natin gagawin. Ang pananampalatayang naggaganyak sa atin na kumilos ay nagbibigay-daan upang higit tayong makahugot ng lakas sa Kanya. (“Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2017, 41)
Itinuro ni Elder L. Whitney Clayton ng Panguluhan ng Pitumpu ang sumusunod tungkol sa pamumuhay nang may pananampalataya:
Hinihiling sa atin ng Diyos na magtiis kasama Niya—na magtiwala at sumunod sa Kanya. Isinasamo Niya sa atin na “huwag magtalu-talo dahil sa hindi ninyo nakikita.” Sinabi Niya sa atin na hindi tayo dapat umasa na masasagot agad tayo o malulutas agad ang mga problema natin. Magiging mabuti ang lahat kapag naging matatag tayo sa panahon ng “pagsubok [sa ating] pananampalataya,” mahirap mang tiisin ang pagsubok na iyon o mabagal man ang pagdating ng sagot [tingnan sa Eter 12:6]. Hindi ko tinutukoy ang tungkol sa “bulag na pagsunod” [tingnan sa Boyd K. Packer, “Agency and Control,” Ensign, Mayo 1983, 66–68] kundi ang tungkol sa lubos na pagtitiwala sa perpektong pagmamahal at perpektong panahon na itinakda ng Panginoon. (“Gawin Ninyo ang Anomang sa Inyo’y Kaniyang Sabihin,” Liahona, Mayo 2017, 99)
Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase
Ano ang maaaring ipagawa sa iyo ng Panginoon na mangangailangan ng pagkilos mo nang may pananampalataya? Paano mo maipapakita ang pagtitiwala mo sa Kanya habang nagpapatuloy ka sa iyong buhay?
Bahagi 3
Ano ang kailangan kong gawin para magkaroon ako ng patotoo o mapalakas ko aking sariling patotoo sa Aklat ni Mormon?
Matapos mawasak ang sibilisasyon ng mga Nephita, si Moroni ay naiwang mag-isa upang tapusin ang Aklat ni Mormon. Bago tinatakan ang talaan, nagbigay siya ng ilang payo at panghihikayat. Hinikayat niya ang mga mambabasa sa hinaharap na pag-aralan ang Aklat ni Mormon nang may pananampalataya upang sila mismo ay makatanggap ng patunay mula sa Espiritu Santo na ito ay totoo.
Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase
Basahin ang paanyaya ni Moroni sa Moroni 10:3–5, at markahan kung paano tayo sasampalataya kay Jesucristo at paano natin malalaman na totoo ang Aklat ni Mormon.
Habang naglilingkod bilang miyembro ng Korum ng Pitumpu, ipinaliwanag ni Elder Gene R. Cook kung paanong pagpapakita ng pananampalataya ang pagtanggap sa paanyaya ni Moroni:
Pansinin ang espesyal na paraan kung paano tayo tumatanggap ng mga sagot mula sa Diyos: dapat tayong “mag[tanong] nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo” [Moroni 10:4]. Isipin muli ang mga salitang “may pananampalataya kay Cristo.” Ito ay nagpapakita ng mahalagang kalagayan ng pag-iisip. Ang ibig sabihin ng may pananampalataya kay Cristo ay tinatanggap natin na may Diyos; tinatanggap na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Anak na si Jesucristo, sasagutin ng Diyos ang ating panalangin; at naniniwalang ipapakita ng Diyos ang katotohanan sa atin. Gumagawa tayo sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Cristo. Kumikilos tayo! Bagama’t maaaring maliit ang ating pananampalataya, ginagawa natin ang itinuro ni Alma: tayo ay “gagamit ng kahit bahagyang pananampalataya, oo, kahit na wala [tayong] higit na nais kundi ang maniwala [na tutulungan tayo ng Diyos], hayaan na ang pagnanais na ito ay umiral sa [atin]” (Alma 32:27). (“Moroni’s Promise,” Ensign, Abr. 1994, 14)
Isulat ang Iyong mga Naisip
Isipin kung paano sinusunod ng paanyaya at pangako ni Moroni ang huwaran ng pagtanggap ng patunay matapos manampalataya (tingnan sa Eter 12:6). Ano ang karanasan mo sa pagtanggap ng patunay ng katotohanan ng Aklat ni Mormon? Ano ang gagawin mo para magkaroon ng sariling patotoo sa Aklat ni Mormon o mapalalim ang patotoong nasa iyo na?