“Lesson 23 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagsunod sa mga Kautusan ng Diyos,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)
“Lesson 23 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon
Lesson 23 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Pagsunod sa mga Kautusan ng Diyos
Sa unit na ito, magkakaroon ka ng pagkakataong pag-isipan kung paano mo pag-iibayuhin ang iyong tiwala sa Diyos. Ang pagkatutong sundin nang buong puso ang Kanyang mga kautusan ay isang mahalagang bahagi ng pagtitiwala sa Diyos. Gaano kahalaga para sa iyo ang pagsunod sa mga utos ng Diyos? Mayroon bang isang partikular na kautusan na nahihirapan kang sundin? Habang pinag-aaralan mo ang Aklat ni Mormon upang makapaghanda para sa klase, pagnilayan ang layunin ng mga kautusan ng Diyos at ang mga pagpapalang maaari mong matanggap habang sinisikap mong tularan ang halimbawa ng pagsunod ng Tagapagligtas.
Bahagi 1
Ano ang maaari kong matutuhan tungkol sa pagsunod mula kay Jesucristo?
Mula sa Bagong Tipan, nalaman natin na pumunta si Jesucristo kay Juan Bautista upang magpabinyag nang sa gayon ay kanilang “matupad ang buong katuwiran” (Mateo 3:13–17). Tulad ng nakatala sa Aklat ni Mormon, ipinaliwanag ni Nephi kung bakit si Jesucristo, na walang kasalanan, ay nagpabinyag (tingnan sa 2 Nephi 31:6–7).
Nang magpakita si Jesucristo sa mga Nephita sa lupaing Masagana, binigyang-diin Niya ang kahalagahan ng pagsunod sa mga kautusan ng Kanyang Ama. Ipinahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Sa lahat ng mensaheng maaaring magmula sa balumbon ng kawalang-hanggan, ano ang ipinahayag [ng Tagapagligtas]? Nakinig ang matatapat na Nephita nang ipahayag niya: “Ako ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan; at ako ay uminom sa mapait na sarong ibinigay ng Ama sa akin, at niluwalhati ang Ama sa pagdadala ko ng mga kasalanan ng sanlibutan, na kung saan aking binata ang kalooban ng Ama sa lahat ng bagay magbuhat pa sa simula” [3 Nephi 11:11]. Limampung salita. Ang pinakadiwa ng kanyang misyon sa mundo. Pagsunod at katapatan sa kalooban ng Ama, gaano man kapait ang saro o kasakit ang kabayaran. (Christ and the New Covenant [1997], 251)
Noong malapit nang matapos ang Kanyang ministeryo sa mga Nephita, ipinahayag ng Panginoon, “Ako ay pumarito sa daigdig upang gawin ang kalooban ng aking Ama, sapagkat isinugo ako ng aking Ama” (3 Nephi 27:13).
Bahagi 2
Sa anong mga paraan ako maaaring mapagpala sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos?
Hindi nagtagal matapos lisanin ni Lehi at ng kanyang pamilya ang Jerusalem patungo sa ilang, nagsimulang bumulung-bulong sina Laman at Lemuel laban sa kanilang ama. Nagdadalamhati dahil sa katigasan ng kanilang mga puso, nanalangin si Nephi para sa kanyang mga kapatid. Bilang tugon sa kanyang pagsamo, tinuruan ng Panginoon si Nephi ng isang mahalagang katotohanan tungkol sa pagsunod. (Tingnan sa 1 Nephi 2:11–12, 18–21.)
Sa pagsasalita tungkol sa pangako sa banal na kasulatang ito, itinuro ni Bishop Gérald Caussé, Presiding Bishop:
Ang pangakong ito ay mahalaga sa kuwento at mga turo ng Aklat ni Mormon. Lumilitaw ito sa 18 iba’t ibang talata, at sa pito sa 15 aklat nito. Kahit na ang mga pagpapala ng kaunlaran na binanggit sa mga talatang ito ay espirituwal, kasama rin dito ang kakayahan ng mga tao ng Diyos na magtamasa ng pag-unlad sa ekonomiya at maging self-reliant sa temporal. (“Ang mga Espirituwal na Pundasyon ng Financial Self-Reliance ng Simbahan,” Liahona, Agosto 2018, 10)
Noong malapit nang magwakas ang buhay ni Haring Benjamin, tinipon niya ang kanyang mga tao upang magbigay ng isang sermon sa huling pagkakataon. Bilang bahagi ng kanyang sermon, itinuro niya na tayong lahat ay “hindi kapaki-pakinabang na mga tagapaglingkod” at may walang hanggang pagkakautang sa Diyos (Mosias 2:20–21). Sa konteksto ng ating pagkakautang, itinuro ni Haring Benjamin kung bakit iniuutos sa atin ng Diyos na sundin ang Kanyang mga kautusan.
Sa pagsasalita tungkol sa layunin ng mga kautusan ng Diyos, itinuro ni President Jean B. Bingham, Relief Society General President:
Bakit tayo binibigyan ng Diyos ng mga kautusan? Ito ba ay upang pahirapan tayo, payukuin na parang alipin Niya? Ito ba ay upang tanggalin ang anumang pagkakataon na magsaya sa mundong ito? Hindi, ang kabaligtaran nito ang totoo: Binibigyan tayo ng Diyos ng mga kautusan dahil mahal Niya tayo. Nais Niya tayong iligtas mula sa kapighatian, kalungkutan, at paninimdim. Alam Niya na ang tanging paraan upang tunay na lumigaya sa buhay na ito at maranasan ang walang-hanggang kagalakan sa daigdig na darating ay tularan ang halimbawa ng pagsunod ni Jesucristo sa mga batas ng Diyos. (“Obedience Brings Blessings” [mensaheng ibinigay sa Brigham Young University–Hawaii commencement, Abr. 21, 2018], speeches.byuh.edu)
Bahagi 3
Ano ang maaari kong matutuhan tungkol sa pagsunod mula sa mga kabataang mandirigma?
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang tapat na pagsunod sa mga utos ng Diyos ay mahalaga sa pagtanggap ng Espiritu Santo.” Pagkatapos ay binanggit niya ang mga kabataang mandirigma bilang halimbawa ng pagsunod at nagwika siya na “dapat tayong magsikap na makatulad [nila]” (“Tanggapin ang Espiritu Santo,” Liahona, Nob. 2010, 96, 97).
Ang mga kabataang mandirigma ay mga anak ng mga Lamanita na nagbalik-loob sa Panginoon matapos silang turuan ng mga anak ni Mosias. Ang mga Lamanitang ito ay tinawag na mga tao ni Ammon o mga Anti-Nephi-Lehi. Pagkatapos ng kanilang pagbabalik-loob, ang mga Anti-Nephi-Lehi ay nangako sa Diyos na hindi na nila kailanman gagamitin ang kanilang mga sandata ng digmaan. (Tingnan sa Alma 23:4–7, 16–17.) Kalaunan, pinili ng kanilang mga kabataang anak na lalaki, na hindi pumasok sa tipang ito, na sumama sa hukbo ng mga Nephita at ipagtanggol ang kanilang bansa. Ninais ng mga kabataang mandirigma na si Helaman ang maging lider nila. Sila ay nakipaglaban sa ilang digmaan laban sa mga Lamanita. Bagama’t marami sa kanila ang nasugatan, himala na wala ni isa sa kanila ang nasawi sa digmaan. (Tingnan sa Alma 53:10–19; 57:22–25; 58:39.)
Sa pagsasalita sa mga magulang tungkol sa pagtuturo sa kanilang mga anak ng kahalagahan ng pagsunod, ibinigay ni Pangulong Russell M. Nelson ang sumusunod na payo:
Ituro ang pananampalatayang sundin ang lahat ng utos ng Diyos, batid na ibinigay ang mga ito upang pagpalain ang Kanyang mga anak at dulutan sila ng kagalakan [tingnan sa 2 Nephi 2:25]. Balaan sila na may makakaharap silang mga tao na namimili kung aling mga utos ang susundin at binabalewala ang ibang mga utos na pinili nilang labagin. Ang tawag ko [r]ito ay estilo ng turu-turo sa pagsunod. Hindi uubra ang ganitong pagpili. Hahantong ito sa kalungkutan. Sa paghahandang humarap sa Diyos, sinusunod ng isang tao ang lahat ng Kanyang utos. Kailangan ng pananampalataya para masunod ang mga ito, at ang pagsunod sa Kanyang mga utos ay magpapalakas sa pananampalatayang iyon. (“Harapin ang Kinabukasan nang may Pananampalataya,” Liahona, Mayo 2011, 35)
Kung minsan, maaaring mahirapan tayo habang sinisikap nating sundin nang lubusan ang lahat ng kautusan ng Diyos. Upang matulungan tayong maunawaan kung paano madaragdagan ng Tagapagligtas ang kakayahan nating maging masunurin, itinuro ni Elder Bednar:
Mga kapatid, mahalaga para sa ating lahat na alalahanin na ang pag-unlad tungo sa mas mataas at mas espirituwal na antas ng pagsunod ay hindi lamang tungkol sa pagkakaroon ng mas matinding determinasyon, mas matinding kasigasigan, at mas matinding hangarin; sa halip, naisasagawa ito sa pamamagitan ng nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo. (“In a State of Happiness (Mormon 7:7)” [debosyonal sa Brigham Young University–Idaho, Ene. 6, 2004], byui.edu)