Institute
Lesson 18 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagiging Katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo


“Lesson 18 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagiging Katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 18 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 18 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pagiging Katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo

Larawan
dalagitang nakatingin sa kalangitan

Sa panahon ng Kanyang ministeryo sa mga Nephita at Lamanita, itinanong ni Jesus sa Kanyang labindalawang disipulo, “Maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo?” (3 Nephi 27:27). Kung itatanong ito sa iyo ng Panginoon, paano ka tutugon? Paano mo maaabot ang iyong buong potensyal? Habang naghahanda ka para sa klase, isipin kung paano makatutulong sa iyo ang mga turo ng Tagapagligtas upang masagot ang mga tanong na ito. Pumili ng isang partikular na bagay na maaari mong gawin upang maging higit na katulad Niya.

Bahagi 1

Talaga bang maaari akong maging perpekto na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo?

Mababasa natin sa Bagong Tipan ang tungkol sa pagbibigay ni Jesus ng Sermon sa Bundok, na kinapapalooban ng mga turo na siyang makatutulong sa Kanyang mga disipulo na maging perpekto (tingnan sa Mateo 5–7). Pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, si Jesus ay nagpakita sa lupaing Masagana at nagbigay ng gayon ding sermon (tingnan sa 3 Nephi 12–14).

Sa simula ng Kanyang mensahe sa mga tao, nagpatotoo si Jesus na pagpapalain ang mga yaong “makikinig sa mga salita” ng Kanyang piniling labindalawang disipulo (3 Nephi 12:1). Itinuro Niya ang mga Lubos na Pagpapala, ipinahayag Niya na natupad na Niya ang batas ni Moises, at ibinigay Niya ang mas mataas na batas ng ebanghelyo.

Larawan
Ang Pagdalaw ng Tagapagligtas sa mga Tao sa Amerika, ni Glen S. Hopkinson
Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang 3 Nephi 12:19–20, 46–48, at alamin kung ano ang maaari nating kahinatnan kapag lumapit tayo kay Cristo at nagsikap tayo na sundin ang Kanyang mas mataas na batas.

Maaaring magulumihanan o malula ang ilang tao sa utos ng Tagapagligtas na maging perpekto. Maaaring makatulong na malaman na sa mga banal na kasulatan, ang salitang perpekto o ganap ay maaaring mangahulugang “husto, buo, at lubos na umunlad; lubos na matwid” at “ang mga tunay na tagasunod ni Cristo ay maaaring maging ganap sa pamamagitan ng kanyang biyaya at Pagbabayad-sala” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ganap,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Moroni 10:32–33, at alamin kung paanong ang ating pagsisikap at ang biyaya ng Panginoon ay kapwa kailangan sa pagiging perpekto.

Larawan
Naalis ang Pasanin, ni Anne Marie Oborn

Ang isang kahulugan ng biyaya ay ito: “Ang salitang biyaya, ayon sa pagkakagamit sa mga banal na kasulatan, ay karaniwang tumutukoy sa nagbibigay-kakayahang kapangyarihan at espirituwal na pagpapagaling na inihahandog sa pamamagitan ng awa at pagmamahal ni Jesucristo. … Upang matanggap ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihang ito, kailangan nating sundin ang ebanghelyo ni Jesucristo. … Nangako ang Panginoon na kung tayo ay magpapakumbaba sa Kanyang harapan at mananampalataya sa Kanya, tutulungan tayo ng Kanyang biyaya na madaig ang lahat ng sarili nating kahinaan (tingnan sa Eter 12:27)” (“Biyaya,” Mga Paksa ng Ebanghelyo, topics.ChurchofJesusChrist.org).

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

Ang tanging pag-asa natin upang tunay na maging sakdal ay tanggapin ito bilang kaloob ng langit—hindi natin ito “matatamo sa sariling sikap.” Kaya nga, ang biyaya ni Cristo ay hindi lamang nag-aalok sa atin ng kaligtasan mula sa kalungkutan at kasalanan at kamatayan kundi maging ng kaligtasan mula sa ating patuloy na panlalait sa sarili. …

… Kung magsusumigasig tayo, sa isang dako ng kawalang-hanggan ang ating kadalisayan ay magiging ganap at lubos. …

… Pinatototohanan ko na sa oras na ito at sa bawat oras ay nakaunat ang Kanyang mga kamay na may pilat ng bakas ng pako at ipinagkakaloob sa atin ang biyaya ring iyon, hindi tayo pinababayaan hanggang sa makauwi tayo nang ligtas sa bisig ng ating mga Magulang sa Langit. (“Kayo Nga’y Mangagpakasakdal—Sa Wakas,” Liahona, Nob. 2017, 41, 42)

Larawan
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang kahalagahan sa iyo na alam mo na ipinagkakaloob sa iyo ni Jesucristo ang Kanyang biyaya at naghanda Siya ng daan upang maging katulad ka Niya at ng Kanyang Ama?

Bahagi 2

Ano ang maaari kong gawin upang maging higit na katulad ni Jesucristo?

Habang patuloy na nagtuturo si Jesus sa mga Nephita, nagbahagi Siya ng mahahalagang alituntunin kung paano mamuhay ayon sa mas mataas na batas ng Kanyang ebanghelyo. Sinabi ni Pangulong Harold B. Lee:

Larawan
Pangulong Harold B. Lee

Si Cristo ay pumarito sa mundo hindi lamang upang gawin ang pagbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sangkatauhan kundi upang ipakita sa mundo ang halimbawa ng pamantayan ng pagiging perpekto ng batas ng Diyos at ng pagsunod sa Ama. Sa kanyang Sermon sa Bundok ay ibinigay sa atin ng Guro ang isang tila paghahayag ng kanyang sariling pagkatao, na perpekto, … at sa paggawa ng gayon ay binigyan tayo ng huwaran para sa ating sariling buhay. (Decisions for Successful Living [1973], 55–56)

Larawan
Jesucristo, ni Harry Anderson
Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Ang pagsisikap na mamuhay ayon sa mga turong ito ay tutulong sa bawat isa sa atin na maging perpekto na katulad ng Tagapagligtas kalaunan. Rebyuhin nang pahapyaw ang sumusunod na listahan ng mga paksang tinalakay sa 3 Nephi 12–14, at pumili ng isa o dalawang katangian na nais mong pagbutihin sa iyong sarili.

Pagkatapos pumili ng iyong paksa o mga paksa, pag-aralang mabuti at pagnilayan ang mga kaugnay na scripture passage. Upang mapalalim ang iyong pagkaunawa sa paksa, maaari mong tingnan ang mga cross-reference para sa mga talatang pinag-aaralan mo.

Larawan
icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Tumukoy ng isa o higit pang alituntunin na itinuro sa scripture passage o mga scripture passage na binasa mo na makatutulong sa iyo na maging higit na katulad ng Tagapagligtas. Isulat ang iyong mga impresyon habang pinag-iisipan mo ang mga sumusunod na tanong:

  • Paano maaaring makatulong sa akin ang pagsunod sa alituntunin sa scripture passage na ito upang maging higit na katulad ni Jesucristo?

  • Paano naging halimbawa si Jesucristo ng pagsunod sa alituntuning ito?

  • Paano napagpala ng alituntuning ito ang aking buhay o ang buhay ng iba?

  • Ano ang maaari kong gawin upang mas maipamuhay ang alituntuning ito?

Print