Institute
Lesson 20 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang mga Pagpapala ng Kalayaang Panrelihiyon


“Lesson 20 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang mga Pagpapala ng Kalayaang Panrelihiyon,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 20 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 20 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Ang mga Pagpapala ng Kalayaang Panrelihiyon

Itinataas ni Kapitan Moroni ang Bandila ng Kalayaan (Si Kapitan Moroni at ang Bandila ng Kalayaan), ni Arnold Friberg

Gaano kahalaga ang kalayaang panrelihiyon sa iyo? Tulad ng nakasaad sa Church Newsroom site, “Ang kalayaang panrelihiyon ay isang pangunahing karapatang pantao na nagpoprotekta sa konsiyensya ng lahat ng tao. Tinutulutan tayo nito na mag-isip, magpahayag at kumilos ayon sa ating lubos na pinaniniwalaan. … Pinoprotektahan [nito] ang mga karapatan ng lahat ng grupo at indibiduwal, kabilang na ang pinakamahina, relihiyoso man o hindi” (“Religious Freedom,” newsroom.ChurchofJesusChrist.org).

Sa pagsasalita tungkol sa ating panahon, nagbabala si Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol, “[Si Satanas] ay matinding naninira, sumasalungat, at nagpapalaganap ng kalituhan tungkol sa kalayaan sa relihiyon—kung ano ito at kung bakit ito mahalaga sa ating espirituwal na buhay at kaligtasan” (“Pangangalaga sa Kalayaan, Pagprotekta sa Kalayaang Pangrelihiyon,” Liahona, Mayo 2015, 112). Habang nag-aaral ka upang makapaghanda para sa klase, pagnilayan kung ano ang maituturo sa atin ng Aklat ni Mormon tungkol sa kahalagahan ng kalayaang panrelihiyon at isipin kung ano ang maaari mong gawin upang maitaguyod, mapangalagaan, at maprotektahan ito.

Bahagi 1

Paano pinoprotektahan ng kalayaang panrelihiyon ang aking mga paniniwala at ang paraan kung paano ko ipinamumuhay ang mga ito?

Ang sumusunod na buod ay naglalahad ng ilan sa mga pangunahing karapatan na kabilang sa kalayaang panrelihiyon:

Ang kalayaang panrelihiyon ay sumasaklaw hindi lamang sa karapatang sumamba nang malaya kundi pati na rin sa karapatang magsalita at kumilos ayon sa mga paniniwalang panrelihiyon ng isang tao. …

Pinoprotektahan ng kalayaang panrelihiyon ang karapatan ng lahat ng tao na panatilihin ang kanilang mga paniniwalang panrelihiyon at hayagang ipahayag ang mga ito nang hindi nangangambang mausig o mapagkaitan ng pantay na karapatan bilang mamamayan. …

Hindi lamang ang mga indibiduwal ang pinoprotektahan ng kalayaang panrelihiyon kundi pati na rin ang mga organisasyong panrelihiyon na nagbibigay-daan upang maging relihiyoso o makadiyos ang mga tao. (“Religious Freedom: The Basics,” ChurchofJesusChrist.org)

Sa buong kasaysayan, ang pangunahing karapatang pantao na kumilos ayon sa ating mga paniniwala ay kadalasang tinututulan at hinahadlangan pa nga. Halimbawa, sa panahon ng paghahari ni Haring Mosias, naging matindi ang pang-uusig ng mga hindi naniniwala sa mga miyembro ng Simbahan (tingnan sa Mosias 27:1).

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang tala sa Mosias 27:1–4, at alamin kung paano nagtulungan ang mga lider ng simbahan at pamahalaan upang magkaroon ng kapayapaan sa mga tao.

Hindi lamang pinoprotektahan ng kalayaang panrelihiyon ang pagpapahayag ng paniniwala ng mga yaong relihiyoso, pinoprotektahan din nito ang mga karapatan ng mga yaong hindi relihiyoso o may ibang paniniwala. Ang isang halimbawa nito ay makikita sa kuwento tungkol kay Korihor. Nabuhay si Korihor sa panahon ng panunungkulan ng mga hukom, isang sistema ng pamahalaan na naglalayong pangalagaan at protektahan ang kalayaan ng mga tao mula sa masasamang hari (tingnan sa Mosias 29). Si Korihor ay nangaral “na hindi magkakaroon ng isang Cristo” (Alma 30:12). Sinabi niya na walang kasalanan at ang bawat tao ay umuunlad alinsunod sa sarili niyang katalinuhan. Ang mga turo ni Korihor ay umakay sa maraming tao palayo sa Panginoon. (Tingnan sa Alma 30:6, 12–18.)

Hinarap ni Korihor si Alma, ni Robert T. Barrett
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Alma 30:7–9, 11, at tukuyin kung bakit may karapatan si Korihor na ipahayag ang kanyang mga paniniwala.

Sa Alma 30:29–58, mababasa natin na dinala si Korihor sa propetang si Alma at sa punong hukom sa Zarahemla, at sinagot ni Alma ang mga turo ni Korihor sa pamamagitan ng pagpapatotoo tungkol kay Cristo. Tulad ng may karapatan si Korihor na ipahayag ang kanyang kawalang-paniniwala sa Diyos, may kalayaan din si Alma na magpatotoo na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay buhay. Piniling hindi maniwala kay Alma, si Korihor ay humingi ng palatandaan mula sa Diyos at napipi. Matapos ipahayag sa publiko ang kaganapang ito, ang mga yaong naniwala kay Korihor ay nakumbinsing mali siya at “silang lahat ay muling nagbalik-loob sa Panginoon” (talata 58).

Sa pagsasalita tungkol sa kahalagahan ng pagtatanggol sa kalayaang panrelihiyon para sa lahat ng tao, sinabi ni Propetang Joseph Smith:

si Propetang Joseph Smith

Handa rin akong mamatay sa pagtatanggol sa mga karapatan ng isang Presbyterian, Baptist, o isang mabuting tao ng ibang relihiyon [tulad ng isang miyembro ng Simbahan]; sapagkat ang mga alituntuning yuyurak sa mga karapatan ng mga Banal sa mga Huling Araw ay yuyurak sa mga karapatan ng mga Romano Katoliko, o ng iba pang relihiyon na maaaring hindi popular at napakahina para ipagtanggol ang kanilang sarili. (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 404)

Binigyang-diin din ni Joseph Smith ang kalayaang panrelihiyon bilang pangunahing turo ng Simbahan: “Inaangkin namin ang natatanging karapatang sambahin ang Pinakamakapangyarihang Diyos alinsunod sa mga atas ng aming sariling budhi, at pinahihintulutan ang lahat ng tao ng gayon ding karapatan, hayaan silang sumamba, kung paano, kung saan, kung anuman ang ibig nila” (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:11).

mga batang lalaking nagbabasa ng sagradong teksto ng relihiyong Budismo

Inilathala ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang sumusunod na pahayag tungkol sa payapang pagsisikap para sa kalayaang panrelihiyon:

Kung nililimitahan ng batas ang kalayaang panrelihiyon, naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw sa pagsunod sa batas habang naghahangad ng proteksyon para sa kanilang mga pangunahing karapatan sa pamamagitan ng mga legal na paraan na mayroon sa bawat nasasakupang lugar o bansa. (“Religious Freedom: The Basics,” ChurchofJesusChrist.org)

icon, talakayin

Talakayin upang Makapaghanda para sa Klase

Maaari kang makipag-usap sa isa o higit pang tao na iba ang relihiyon, at tanungin mo sila kung bakit mahalaga sa kanila ang kanilang relihiyon at kung nakaranas na sila ng pang-uusig dahil sa relihiyon. Dumating sa klase na handang ibahagi ang nalaman mo.

mga indibiduwal na nananalangin sa Kanlurang Pader sa Jerusalem

Bahagi 2

Ano ang maaari kong gawin upang maitaguyod o mapangalagaan ang kalayaang panrelihiyon?

Maaaring makatulong na mag-isip ng ilang halimbawa ng maaaring mangyari sa buhay kung walang kalayaang panrelihiyon. Isipin na kunwari ay nahaharap ka sa isa o higit pa sa mga sumusunod na sitwasyon kung saan walang kalayaang panrelihiyon:

  • Maaaring mawalan ka ng trabaho o posisyon sa pamumuno dahil sa pagpapahayag ng iyong mga paniniwalang panrelihiyon—kahit sa labas ng trabaho. …

  • Maaaring mapilitan kang itago ang iyong relihiyon o gumawa ng mga bagay na salungat sa iyong mga paniniwala. …

  • Maaaring pagtrabahuhin ka sa araw ng Sabbath o pistang panrelihiyon kahit handa naman ang iba na gawin ang trabaho mo. …

  • Maaaring kailanganing pag-aralan ng iyong mga anak na nasa mga pampublikong paaralan ang mga teoriya tungkol sa seksuwalidad at kasarian na salungat sa mga pangunahing turo ng Simbahan. …

  • Maaaring hindi ka makapag-ampon ng mga bata o maging foster parent dahil sa iyong mga paniniwalang panrelihiyon o pananaw tungkol sa pamilya.

  • Bilang may-ari ng negosyo o propesyonal, maaaring mawalan ka ng lisensya o pagmultahin ka kung tatanggi kang magbigay ng mga serbisyo na salungat sa iyong mga paniniwalang panrelihiyon. (“Religious Freedom Matters: What’s at Risk,” Ensign, Hulyo 2017, 37)

Nakatala sa Aklat ni Mormon na sa ika-19 na taon ng panunungkulan ng mga hukom, isang masamang lalaki na nagngangalang Amalikeo ang nakipagsabwatan upang maging hari ng mga Nephita. Buong katusuhan niyang hinangad na wasakin ang Simbahan ng Panginoon at “ang saligan ng kalayaan na ibinigay ng Diyos sa kanila” (Alma 46:10). Hinibok ni Amalikeo ang maraming Nephita, at ang mga Nephitang ito ay umalis sa Simbahan upang sumunod sa kanya. (Tingnan sa Alma 46:1–10.)

Nang malaman ni Moroni, na punong kapitan ng mga hukbo ng mga Nephita, ang plano ni Amalikeo, nagalit siya at hinikayat niya ang mga tao na ipagtanggol ang kanilang mga karapatan, kabilang na ang kanilang kalayaang panrelihiyon (tingnan sa Alma 46:11–13, 19–20).

Magsilapit (Bandila ng Kalayaan), ni Walter Rane
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Alma 46:11–13, 19–20, at alamin kung ano ang ginawa ni Kapitan Moroni upang ipagtanggol ang mga tao laban sa mga banta sa kanilang mga kalayaan.

Ang mga tao ay nakiisa kay Moroni at nakipagtipan na lalabanan ang mga banta sa kanilang mga kalayaan (tingnan sa Alma 46:21–22). Sa pagsasalita tungkol sa ating responsibilidad na suportahan ang kalayaang panrelihiyon, itinuro ni Elder Hales:

Elder Robert D. Hales

Bilang mga disipulo ni Cristo, tayo ay may tungkulin na makipagtulungan sa mga katulad nating nananampalataya, na itaas ang ating mga tinig sa kung ano ang tama. …

… Responsibilidad nating pangalagaan ang banal na mga kalayaan at karapatang ito para sa ating sarili at sa ating mga inapo. Ano ang maaari nating gawin?

Una, tayo ay maaaring maging maalam. Alamin ang mga bagay na nangyayari sa inyong komunidad na maaaring magkaroon ng epekto sa kalayaan sa relihiyon.

Pangalawa, sa inyong sariling kakayahan, makiisa sa iba na may dedikasyon sa kalayaan sa relihiyon na tulad natin. Magtulungan upang mapangalagaan ang kalayaan sa relihiyon.

Pangatlo, mamuhay sa paraang kayo ay magiging mabuting halimbawa ng inyong pinaniniwalaan—sa salita at gawa. Ang uri ng pamumuhay ng ating relihiyon ay mas mahalaga kaysa sinasabi natin tungkol sa ating relihiyon.

Ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas ay papalapit na. Huwag tayong magpaliban sa dakilang layuning ito. Alalahanin si Kapitan Moroni, na itinaas ang bandila ng kalayaan [tingnan sa Alma 46:12]. … Tandaan natin ang isinagot ng mga tao: gamit ang kanilang kalayaang pumili, sila ay “sama-samang patakbong nagsidatingan” na may matibay na pangakong kikilos [Alma 46:21]. (“Pangangalaga sa Kalayaan, Pagprotekta sa Kalayaang Pangrelihiyon,” 113)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang maaari mong gawin upang maitaguyod at mapangalagaan ang kalayaang panrelihiyon sa lugar kung saan ka nakatira?

si Pangulong Russell M. Nelson na nakikipagkamay kay Pope Francis