Institute
Lesson 24 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Kapangyarihang Magligtas ng Panginoon


“Lesson 24 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Kapangyarihang Magligtas ng Panginoon,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 24 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 24 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

dalagitang nananalangin

Ang Kapangyarihang Magligtas ng Panginoon

Kapag nahaharap ka sa isang pagsubok, tinatanong mo ba ang iyong sarili, “Bakit nangyayari ito sa akin?” o “Bakit hindi na lamang alisin ng Panginoon ang pagsubok na ito sa akin?” Mula sa Aklat ni Mormon, maaari tayong matuto ng mahahalagang aral tungkol sa mga sanhi ng ating mga pagsubok at kung paano tayo mapagpapala kapag humingi tayo ng tulong sa Tagapagligtas. Habang nag-aaral ka upang makapaghanda para sa klase, isipin kung paano mo mapalalalim ang iyong tiwala sa walang-hanggang pagmamahal, kapangyarihan, at karunungan ni Jesucristo habang sinusuportahan o inililigtas ka Niya mula sa mga pagsubok na kinakaharap mo.

Bahagi 1

Bakit ako nakararanas ng mga pagsubok, kahit ginagawa ko naman ang tama?

Inilarawan sa Aklat ni Mormon na iba’t iba ang sanhi ng mga pagsubok. Ang ilang pagsubok ay dahil sa kasalanan. Halimbawa, si Zisrom ay inapoy ng lagnat at nagkaroon ng karamdaman dahil nakonsiyensya siya sa sarili niyang mga kasalanan (tingnan sa Alma 15:3). Ang mga Nephita at Lamanita ay nakaranas ng maraming taon ng digmaan dahil sa masasamang pagpili ni Amalikeo (tingnan sa Alma 46:9–10). Gayunman, hindi lahat ng pagsubok ay dahil sa kasamaan. Ang mga pamilya nina Lehi at Ismael ay nakaranas ng maraming paghihirap na likas na bahagi ng paglalakbay sa ilang (tingnan sa 1 Nephi 16:9–17:4).

Ipinahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa mga pagsubok:

Elder Robert D. Hales

Sa buhay, madalas nagsisilbing guro ang sakit at paghihirap, ngunit layunin ng mga [aral na] ito na magdalisay at magbasbas at magpalakas sa atin, hindi upang wasakin tayo. (“Nagdudulot ng Kapayapaan at Galak ang Manampalataya sa Gitna ng mga Pagsubok,” Liahona, Mayo 2003, 17).

Nagbibinyag si Alma sa mga Tubig ng Mormon, ni Arnold Friberg

Ang pahayag ni Elder Hales ay makikita sa karanasan ni Alma at ng kanyang mga tao. Sila ay naniwala sa mga babala ng propetang si Abinadi. Matapos magbalik-loob sa Panginoon at mabinyagan ni Alma, ang mga tao ay napilitang magtungo sa ilang dahil sa hukbo ng masamang si Haring Noe. Matapos ang walong araw na paglalakbay, nakarating sila sa isang bagong lupain na tinawag nilang Helam. Dito ay ipinamuhay nila ang ebanghelyo at “dumami sila at labis na umunlad” (Mosias 23:20). Gayunman, ang kanilang kapayapaan ay nagambala kalaunan ng isang hukbo ng mga Lamanita na nakatagpo at nang-alipin sa kanila. (Tingnan sa Mosias 17–1823.)

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Mosias 23:21–24, at maghanap ng mga dahilan kung bakit tinutulutan ng Panginoon na makaranas ng mga pagsubok maging ang mabubuti.

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Sa anong mga paraan makatutulong ang pagsisikap na maunawaan ang walang-hanggang pananaw ng Panginoon tungkol sa mga pagsubok upang maiba ang ating pananaw tungkol sa mga sarili nating pagsubok?

Bahagi 2

Bakit mahalaga para sa akin na magtiwala sa takdang panahon ng Panginoon kapag nakararanas ako ng mga pagsubok?

Matapos sundin ni Alma at ng kanyang mga tao ang panawagan ni Abinadi na magsisi at tumakas patungo sa ilang, hindi tinanggap ni Haring Noe at ng mga nalalabi niyang tao ang propeta at hindi sila nagsisi. Dahil sa kanilang mga kasalanan, sila ay nadaig ng mga Lamanita at naalipin. Sa paghahari ni Haring Limhi, na anak ni Noe, ang mga Lamanita ay nagpataw ng malaking buwis at nagpahirap sa mga tao nang labis-labis. Nabigo nang tatlong beses ang mga tao ni Limhi sa pagtatangkang iligtas ang kanilang mga sarili mula sa pagkaalipin, at maraming tao ang namatay sa mga pagtatangkang ito. (Tingnan sa Mosias 12:2; 19:1–21:12.) Sa huli, sila ay humingi ng tulong sa Panginoon.

Ang Pagbabalik, ni David Hoeft
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Mosias 21:13–16, at alamin kung paano pinagpala ng Panginoon ang mga tao ni Limhi nang humingi sila ng tulong sa Kanya.

Noong ang mga tao ni Limhi ay tunay na nagpakumbaba ng kanilang mga sarili at naghintay sa Panginoon, natagpuan sila ng isang grupo ng mga naghahanap na isinugo ni Haring Mosias. Si Haring Limhi at ang grupo ng mga naghahanap ay nakipagsanggunian sa mga tao tungkol sa paraan kung paano sila makatatakas mula sa pagkaalipin. Sa itinakdang gabi, binigyan nila ng labis-labis na alak ang mga Lamanita, na nalasing at nakatulog. Pagkatapos, ang mga tao ni Limhi ay tumakas patungo sa ilang at ligtas na nakarating sa Zarahemla. (Tingnan sa Mosias 21:23–22:14.)

Si Limhi at ang Kanyang mga Tao ay Tumakas patungo sa Zarahemla, ni Steven Lloyd Neal

Tulad ng nakasaad sa talang ito, ang Panginoon ay may mga sariling layunin at takdang panahon para sa pagliligtas sa mga tao ni Limhi.

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan:

Pangulong Dallin H. Oaks

Ang unang alituntunin ng ebanghelyo ay pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Ang ibig sabihin ng pananampalataya ay pagtitiwala—pagtitiwala sa kalooban ng Diyos, sa paraan Niya ng paggawa ng mga bagay-bagay, at sa Kanyang sariling panahon. Hindi natin dapat ipilit ang ating panahon sa Kanya. Gaya ng sabi ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang isyu sa atin ay ang magtiwala sa Diyos nang sapat para magtiwala rin sa Kanyang tiyempo. Kung tunay tayong maniniwala na iniisip Niya ang ating kapakanan, hindi ba natin tutulutang mangyari ang Kanyang plano ayon sa alam Niyang pinakamainam na paraan?” [Even As I Am (1982), 93.] (“Tiyempo,” Liahona, Okt. 2003, 12)

icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Gamit ang natutuhan mo mula sa karanasan ng mga tao ni Limhi, magsulat ng mga alituntunin kung paano sinusuportahan o inililigtas ng Panginoon ang mga yaong bumabaling sa Kanya sa panahon ng kanilang mga pagsubok. Maghandang ibahagi ang mga alituntuning ito sa klase.

Bahagi 3

Paano ako makatatanggap ng lakas mula sa Panginoon habang tinitiis ko ang aking mga pagsubok?

Isang hukbo ng mga Lamanita ang tumugis sa mga tao ni Limhi ngunit nangaligaw sila. Natagpuan nila kalaunan ang masasamang saserdote ni Noe, na nakiisa sa hukbo ng mga Lamanita. Habang naglalakbay sa ilang, natagpuan nila ang mabubuting tao ni Alma at inalipin nila ang mga ito. Si Amulon, na isa sa masasamang saserdote ni Noe, ay hinirang ng hari ng mga Lamanita na mamahala sa mga tao ni Alma. Si Amulon ay nagtalaga ng mga tagapagbantay sa mga tao at nagbantang papatayin ang sinumang makitang nananalangin. (Tingnan sa Mosias 22:15–16; 23:25–24:1; 24:8–11.)

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Mosias 24:10–16, at alamin kung paano tinulungan ng Panginoon ang mga tao ni Alma sa kanilang paghihirap. Maaari kang maglaan ng isang minuto upang pagnilayan kung paano ka Niya pinanatag at hinikayat sa gitna ng iyong mga pagsubok at paghihirap.

Ang mga tao ni Alma ay nanampalataya at nagtiis, at sa huli ay iniligtas sila ng Panginoon. “Itinulot [Niya] na dumating ang isang mahimbing na pagkakatulog sa mga Lamanita” (Mosias 24:19), na nagtulot kay Alma at sa kanyang mga tao na makatakas patungo sa lupain ng Zarahemla. (Tingnan sa Mosias 24:17–25.)

Ganito ang itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa karanasang ito:

Elder David A. Bednar

Ang mga hamon at paghihirap ay hindi inalis kaagad sa mga tao. Ngunit si Alma at ang kanyang mga alagad ay pinalakas, at ang nag-ibayong kakayahan nila ay nagpagaan sa kanilang mga pasanin. …

Ang kakaibang mga pasanin sa buhay ng bawat isa sa atin ay tumutulong sa atin na umasa sa kabutihan, awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas (tingnan sa 2 Nephi 2:8). Pinatototohanan at ipinapangako ko na tutulungan tayo ng Tagapagligtas na mabata ang ating mga pasanin nang may kagaanan (tingnan sa Mosias 24:15). Kapag pinasan natin ang Kanyang pamatok sa pamamagitan ng mga sagradong tipan at tinanggap [natin] ang [Kanyang] nagpapalakas na kapangyarihan … sa ating buhay, mag-iibayo ang hangarin nating makaunawa at mamuhay ayon sa Kanyang kalooban. Ipagdarasal din natin na magkaroon tayo ng lakas na matuto mula sa [ating sitwasyon o baguhin] o tanggapin ang ating sitwasyon sa halip na patuloy na ipagdasal na baguhin ng Diyos ang ating sitwasyon ayon sa ating kalooban. (“Mabata Nila ang Kanilang mga Pasanin nang May Kagaanan,” Liahona, Mayo 2014, 89, 90)

Pagharap sa Tagapagligtas, ni Jen Tolman
icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Pagnilayan ang iba’t ibang paraan kung paano pinalakas ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang kakayahan mong mabata ang iyong mga pasanin. Maaari kang manalangin upang maipahayag ang iyong pasasalamat para sa Kanilang tulong.