“Lesson 28 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Lumapit kay Cristo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)
“Lesson 28 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon
Lesson 28 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Lumapit Kay Cristo
Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang pag-aaral ng Aklat ni Mormon ay lubos na kapaki-pakinabang kapag nagtuon ang tao sa pangunahing layunin nito—ang magpatotoo tungkol kay Jesucristo. Kung ikukumpara, lahat ng iba pa ay pumapangalawa lamang sa kahalagahan” (“A Testimony of the Book of Mormon,” Ensign, Nob. 1999, 69). Paano nakatulong ang pag-aaral mo ng Aklat ni Mormon para mas mapalapit ka kay Jesucristo? Sa iyong pag-aaral, tanungin ang iyong sarili kung ano ang magagawa mo para mas lubos na makalapit sa Kanya.
Bahagi 1
Anong kapangyarihan ang maaaring ipagkakaloob sa akin kung itatayo ko ang aking saligan kay Jesucristo?
Pagsapit ng 30 BC ang mga Nephita ay “nahulog sa kalagayan ng kawalang-paniniwala at kakila-kilabot na kasamaan” at “nahihinog na para sa pagkalipol” (Helaman 4:25; 5:2). Nanlumo dahil sa kasamaan ng mga tao, si Nephi ay nagbitiw sa katungkulan sa hukumang-luklukan at, kasama ang kanyang kapatid na si Lehi, ay inilaan ang kanyang buong buhay sa pangangaral ng ebanghelyo (tingnan sa Helaman 5:4). Bago sila umalis papunta sa misyon, naalala nila ang mahalagang payo na natanggap nila mula sa kanilang amang si Helaman.
Habang naglilingkod sa Relief Society General Presidency, itinuro ni Sister Sheri L. Dew kung bakit si Jesucristo ang ating nag-iisang tunay na saligan:
Dahil naiwang nag-iisa sa kanyang sarili, ang likas na tao ay matutukso kalaunan ni Satanas (tingnan sa Mosias 3:19), na iniiwan ang kanyang nabihag sa sandaling natukso na niya sila na umalis sa makipot at makitid na landas. Ngunit ang Tagapagligtas ay ginagabayan ang lahat ng yaong sumusunod sa Kanya hanggang makabalik sila sa tahanan sa langit. …
Alam ng Panginoon ang daan dahil Siya ang daan at ang tanging nag-iisang pag-asa natin para makayanan ang mga pagsubok sa buhay at espirituwal na makaligtas. Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, matatamo natin ang lahat ng kapangyarihan, kapayapaan, liwanag, at lakas na kailangan natin para maharap ang mga hamon ng buhay—mula sa sarili nating mga pagkakamali at kasalanan hanggang sa mga pagsubok na hindi natin kontrolado ngunit nasasaktan pa rin tayo.
… Nangako Siya na kung itatayo natin ang ating buhay sa Kanya, ang diyablo ay hindi magkakaroon ng kapangyarihan sa atin [tingnan sa Helaman 5:12]. At Siya ay nangako na hindi Niya tayo iiwan o pababayaan [tingnan sa Mga Hebreo 13:5]. Talagang wala Siyang kapantay sa mundong ito. Hindi mapapantayan ang Kanyang katapatan, kapangyarihan, o pagmamahal. Siya lamang ang ating pag-asa. (“Our Only Chance,” Ensign, Mayo 1999, 66–67)
Bahagi 2
Ano ang maaari kong gawin para makalapit kay Jesucristo?
Sa huling kabanata ng Aklat ni Mormon, inaanyayahan ni Moroni ang lahat ng tao na lumapit kay Jesucristo.
Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung ano ang ibig sabihin ng “lumapit kay Cristo” (Moroni 10:30, 32):
Ang paglapit kay Cristo ay isang daglat, isang paraan ng pagpapaliwanag ng plano ng kaligtasan sa tatlong salita. Ang ibig sabihin nito ay matamo ang mga bunga ng Kanyang Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli—na buhay na walang hanggan sa huli. Ang buhay na walang hanggan ay nakasalalay sa paggamit ng ating kalayaang moral, ngunit posible lamang ito sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo. Ang ibig sabihin ng lumapit sa Kanya ay gawin ang kailangan para matamo natin ang biyayang iyon—ang nagpapatawad, nagpapabanal, nagpapabago, tumutubos na kapangyarihan ng Kanyang walang-hanggan at nagbabayad-salang sakripisyo. (“Bakit Natin Ibinabahagi ang Ebanghelyo,” Liahona, Ago. 2014, 37)
Ipinaliwanag ni President Tad R. Callister, na naglingkod bilang Sunday School General President, ang biyaya ng Panginoon sa ganitong paraan:
Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, ang Tagapagligtas ay mayroong mga nakapagbibigay-kakayahang kapangyarihan, na kung minsan ay tinatawag na biyaya, [tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Biyaya,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org], na makatutulong sa atin na madaig ang ating mga kahinaan at pagiging hindi perpekto at sa gayon ay matulungan tayo sa ating pagsisikap na maging mas katulad Niya.
Tulad ng itinuro ni Moroni: “Oo, lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, … upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo” [Moroni 10:32]. Tila may hindi bababa sa dalawang daluyan o paraan para magkaroon tayo ng nagbibigay-kakayahan na mga kapangyarihang iyon na nakadadalisay—nagpeperpekto—sa atin.
Una, ang mga nakapagliligtas na ordenansa. … Kung minsan, maaaring naiisip natin na ang mga ordenansa ay isang listahan—kailangan para sa kadakilaan; ngunit sa katotohanan ang bawat isa ay nagbibigay ng banal na kapangyarihan na tumutulong sa atin na maging mas katulad ni Cristo. …
Ang ikalawang daluyan para sa mga kapangyarihang nakapagbibigay-kakayahan na ito ay ang mga kaloob ng Espiritu. Dahil sa Pagbabayad-sala ni Cristo, tayo ay marapat na tumanggap ng kaloob na Espiritu Santo at ng mga kalakip na espirituwal na kaloob nito. Ang mga kaloob na ito ay mga katangian ng pagiging banal; kung gayon, sa tuwing nagkakaroon tayo ng isang kaloob ng Espiritu, tayo ay nagiging mas katulad ng Diyos. (“Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Liahona, Mayo 2019, 87)
Bahagi 3
Paano ako inilapit ng Aklat ni Mormon kay Jesucristo at paano ako tinulungan nito na manatiling tapat sa Kanya?
Nang paikliin ni Moroni ang talaan ng mga Jaredita na ngayon ay bahagi na ng Aklat ni Mormon, ipinahayag niya ang kanyang pag-aalala na baka “kukutyain ng mga [taong babasa nito sa hinaharap] ang mga bagay na ito, dahil sa aming kahinaan sa pagsusulat” (Eter 12:23). Pinanatag ng Panginoon si Moroni sa pagsasabing, “Ang aking biyaya ay sapat para sa maaamo, na hindi sila magsasamantala sa inyong kahinaan” (Eter 12:26). Pagkatapos ay nanalangin si Moroni para sa mga Gentil, nagpatotoo na nakita niya si Jesus, at nagbigay ng mahalagang paanyaya sa lahat ng magbabasa ng Aklat ni Mormon (tingnan sa Eter 12:36–41).