Institute
Lesson 25 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Panalangin at Personal na Paghahayag


“Lesson 25 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Panalangin at Personal na Paghahayag,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 25 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 25 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Panalangin at Personal na Paghahayag

Larawan
babaeng nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Ipinangako ni Jesucristo, “Ang bawat humihingi ay tumatanggap, at siya na naghahanap ay makasusumpong; at sa kanya na kumakatok, siya ay pagbubuksan” (3 Nephi 14:8). Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa pangakong ito: “Ang walang pagbabagong alok na ito na magbigay ng personal na paghahayag ay ipinaaabot sa lahat ng Kanyang mga anak. Parang mahirap itong paniwalaan. Pero totoo ito!” (“Magsihingi, Magsihanap, Magsituktok,” Liahona, Nob. 2009, 81). Sa pag-aaral mo ng materyal na ito, isipin ang bisa ng iyong mga panalangin at kung ano ang magagawa mo para mapalakas ang iyong kakayahang tumanggap ng personal na paghahayag.

Bahagi 1

Ano ang maaari kong gawin para maging mas makabuluhang bahagi ng aking buhay ang panalangin?

Nang pamunuan nina Alma at Amulek ang isang grupo ng mga missionary para tulungan ang mga Zoramita na makabalik sa paniniwala sa Simbahan at sa ebanghelyo, nagulat sila nang makita nila kung paano sumamba at manalangin ang mga Zoramita sa kanilang mga sinagoga. Habang nakatayo sa ibabaw ng isang entablado na tinatawag nilang Ramiumptum, naghahalinhinan ang mga tao sa pagbigkas ng isang nakasulat na panalangin, na ipinapahayag na hindi magkakaroon ng Cristo at na pinili sila ng Diyos na maligtas. Matapos sumamba, ang mga Zoramita ay nagsisiuwi sa kanilang mga tahanan, “hindi na muling nangungusap pa hinggil sa kanilang Diyos” hanggang sa bumalik sila sa susunod na linggo. (Tingnan sa Alma 31:12–24.) Kalaunan, nagawang maituro nina Alma at Amulek ang ebanghelyo, pati ang tunay na kahulugan at layunin ng panalangin, sa isang grupo ng mga mapagpakumbabang Zoramita (tingnan sa Alma 32–34).

Larawan
Zoramita na nagdarasal sa Ramiumptum
Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Alma 34:17–28, at tukuyin ang mga alituntuning itinuro ni Amulek sa mga Zoramita tungkol sa panalangin.

Larawan
icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Pumili ng isa o dalawang talata mula sa Alma 34:17–28, at muling isulat ang talata o mga talata na para bang nagsasalita si Amulek sa wikang gamit ngayon sa isang taong kaedad mo. Halimbawa, isipin ang payo na manalangin “para sa mga kawan ng inyong mga bukid” (talata 25), at gamitin ang ideyang iyan sa mga kalagayan sa ating panahon ngayon. Maghandang ibahagi sa klase ang mga talatang binago mo. Isipin kung paano mo maipamumuhay ang mga turo ni Amulek para lalo pang maging taos-puso at madalas ang iyong pagdarasal.

Bahagi 2

Ano ang magagawa ko para makatanggap ng personal na paghahayag?

Sa mga unang bahagi ng Aklat ni Mormon, isinulat ni Nephi ang pagnanais niyang maunawaan at makita mismo ang panaginip ng kanyang ama tungkol sa punungkahoy ng buhay at ang iba pang mga turo nito (tingnan sa 1 Nephi 10:17).

Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang 1 Nephi 10:17–19, at alamin kung ano ang matututuhan natin kay Nephi tungkol sa pagtatamo ng personal na paghahayag. (Paalala: “Ang mga hiwaga ng Diyos ay mga espirituwal na katotohanang nalalaman lamang sa pamamagitan ng paghahayag” [Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Hiwaga ng Diyos, Mga,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org].) Halimbawa, isang hiwaga ng Diyos ang naihahayag sa atin kapag nakatatanggap tayo ng patunay mula sa Espiritu Santo na totoo ang Aklat ni Mormon.

Larawan
si Nephi na nagdarasal

Habang pinagninilayan ni Nephi ang mga itinuro ni Lehi, siya ay “napasa-Espiritu … ng Panginoon,” at tumanggap mismo ng pangitain (1 Nephi 11:1). Sa pangitaing ito, tumanggap si Nephi ng karagdagang kaalaman tungkol sa panaginip ng kanyang ama hinggil sa punungkahoy ng buhay, mortal na ministeryo ng Tagapagligtas, ang hinaharap ng kanyang mga inapo, at ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw (tingnan sa 1 Nephi 11–14).

Larawan
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang pananalig at paniniwala ni Nephi tungkol sa Diyos na nagpalakas sa kanyang kakayahang tumanggap ng personal na paghahayag?

Matapos maranasan ang paghahayag na ito, si Nephi ay bumalik sa tolda ng kanyang Ama at nakita ang kanyang mga kapatid na “nagtatalu-talo … sa isa’t isa hinggil sa mga bagay na sinabi [ni Lehi] sa kanila” (1 Nephi 15:2).

Larawan
ang mga kapatid ni Nephi na nagtatalu-talo
Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang 1 Nephi 15:3–4, 8–11, at isipin kung bakit nahirapan sina Laman at Lemuel na maunawaan ang mga turo ni Lehi.

Larawan
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Anong bagay o mga bagay ang itinanong mo sa Panginoon, at ano ang naranasan mo? May mga problema o tanong ka ba na sasabihin mo sana sa Panginoon sa panalangin pero hindi mo ginawa? Kung gayon, ano ang humahadlang sa iyo na ipagdasal ang tungkol sa mga ito?

Kalaunan sa Aklat ni Mormon, mababasa natin ang tungkol sa isang abugado na nagngangalang Zisrom na nagtangkang pabulaanan ang mga turo nina Alma at Amulek. Matapos mahuli ni Amulek si Zisrom sa kanyang mga kasinungalingan, si Zisrom ay naging mapagpakumbaba at nagsimulang magtanong nang taos-puso kay Alma tungkol sa ebanghelyo. Itinuro ni Alma kay Zisrom na ang mga hiwaga ng Diyos, o paghahayag, ay maibibigay lamang sa mga taong mapagpakumbaba at tapat. (Tingnan sa Alma 11:21–13:31.)

Larawan
nangangaral si Alma sa maraming tao
Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang Alma 12:9–10, at pag-isipan kung paano nagpapalakas o nagpapahina ang kasalukuyan mong pag-uugali at ginagawa sa iyong kakayahang tumanggap ng paghahayag.

Sa pagtalakay sa magagawa natin upang mapalakas ang ating kakayahang tumanggap ng paghahayag, itinuro ni Pangulong Nelson:

Larawan
Pangulong Russell M. Nelson

Humanap ng tahimik na lugar na palagi ninyong mapupuntahan. Magpakumbaba sa harapan ng Diyos. Ibuhos ang inyong puso sa inyong Ama sa Langit. Humiling sa Kanya ng kasagutan at kapanatagan.

Ipanalangin sa pangalan ni Jesucristo ang inyong mga alalahanin, ang inyong mga takot, mga kahinaan—oo, ang pinakainaasam ng inyong puso. At makinig! Isulat ang mga naiisip ninyo. Itala ang inyong nadama at isagawa ang mga bagay na ipinahiwatig sa inyong gawin. Habang inuulit ninyo ang prosesong ito araw-araw, buwan-buwan, taun-taon, kayo ay “uunlad sa alituntunin ng paghahayag” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 153). …

Walang makapagbubukas ng kalangitan nang higit sa magagawa ng pinagsama-samang kadalisayan, lubos na pagsunod, masigasig na paghahanap, araw-araw na pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo sa Aklat ni Mormon [tingnan sa 2 Nephi 32:3], at pag-uukol palagi ng oras para sa templo at gawain sa family history. …

… Nakikiusap ako sa inyo na dagdagan ang inyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag. (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 95, 96)

Larawan
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang ginawa mo noon na lubos na nakatulong sa iyo na tumanggap ng paghahayag? Anong mga karagdagang hakbang ang magagawa mo para mapalakas ang iyong kakayahang tumanggap ng paghahayag?

Print