“Lesson 9 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pananampalataya kay Jesucristo,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)
“Lesson 9 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon
Lesson 9 Materyal sa Paghahanda para sa Klase
Pananampalataya kay Jesucristo
Nakadama ka na ba ng matinding hangaring magpakabuti at magbago upang ikaw ay maging higit na katulad ng Tagapagligtas? Itinuro ni Brother Brian K. Ashton, dating Pangalawang Tagapayo sa Sunday School General Presidency, “Ang doktrina ni Cristo ang nagtutulot sa atin na magkaroon ng espirituwal na lakas na magtataas sa atin mula sa kasalukuyan nating espirituwal na kalagayan sa isang kalagayang maaari tayong maging perpektong tulad ng Tagapagligtas” (“Ang Doktrina ni Cristo,” Liahona, Nob. 2016, 106). Ang doktrina ni Cristo ay tumutukoy sa pagkakaroon ng pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagsisisi, binyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas (tingnan sa 2 Nephi 31:2, 10–21; 3 Nephi 27:13–22). Habang pinag-aaralan mo ang doktrina ni Jesucristo, simula sa pananampalataya sa Kanya, isipin kung anong mga pag-uugali ang nais mong baguhin at kung anong uri ng tao ang nais mong kahinatnan.
Bahagi 1
Ano ang magagawa ko upang mapalakas ang aking pananampalataya kay Jesucristo?
Ipinaliliwanag ng sumusunod na buod kung ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo:
Ibig sabihin ng pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo ay lubos na pag-asa sa Kanya—pagtitiwala sa Kanyang walang-hanggang kapangyarihan, katalinuhan, at pagmamahal. Kasama rito ang paniniwala sa Kanyang mga turo. Ibig sabihin nito ay pananalig na kahit hindi natin nauunawaan ang lahat ng bagay, nauunawaan Niya ang mga iyon. … Palagi Siyang handang tumulong sa atin kapag inaalala natin ang Kanyang tagubilin: “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot” (Doktrina at mga Tipan 6:36). (“Pananampalataya kay Jesucristo,” Mga Paksa ng Ebanghelyo, topics.ChurchofJesusChrist.org)
Sinabi ni Bishop Richard C. Edgley, dating tagapayo sa Presiding Bishopric, na “ang pananampalataya ay isang pagpili, at dapat itong hangarin at palaguin” (“Pananampalataya—Kayo ang Pumili,” Liahona, Nob. 2010, 32).
Mahusay na itinuro ng propetang si Alma ang tungkol sa alituntunin ng pananampalataya. Si Alma ay nag-alala tungkol sa mga Zoramita, na tumigil sa paniniwala kay Jesucristo at tumalikod sa Kanyang Simbahan. Nang si Alma at ang kanyang mga kasamang missionary ay humayo upang mangaral sa kanila, nalaman niya na ang ilan sa mga Zoramita ay nagpakumbaba dahil sa kanilang karalitaan at tinanggap nila ang kanyang mensahe. Nais niyang maunawaan nila kung paano mababago ng Tagapagligtas ang kanilang buhay. (Tingnan sa Alma 31–32.)
Habang nagtuturo sa mga Zoramita, ikinumpara ni Alma ang salita ng Diyos sa isang binhi at ipinaliwanag niya na lalaki ito kapag itinanim natin ito sa ating mga puso at inalagaan natin ito nang may pagkalinga sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pananampalataya (tingnan sa Alma 32:26–33).
Sa pagsasalita tungkol sa metapora ni Alma hinggil sa binhing kumakatawan sa salita ng Diyos, itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noon ay nasa Unang Panguluhan:
Kadalasan, [itinuturing] natin ang ebanghelyo [tulad ng] isang magsasaka na nagpupunla ng binhi sa lupa sa umaga at umaasang aani ng mais sa hapon. …
Hindi sapat na malamang mabuti ang binhi. Dapat nating “alagaan ito nang may malaking pagkalinga, nang iyon ay magkaugat” [Alma 32:37]. …
… Ang pagkadisipulo ay hindi parang isang isport na pinanonood lang. Huwag nating asahang mabibigyan tayo ng [mga pagpapala ng] pananampalataya kung nakatayo lang tayo sa tabi, [sa parehong paraan] na hindi tayo mapapalusog kung uupo lang tayo sa sopa at manonood ng isport sa telebisyon at [magbibigay ng payo sa] mga atleta. (“Sang Landas Tungo sa Pagkadisipulo,” Liahona, Mayo 2009, 76, 77)
Bahagi 2
Paanong ang pag-aalaga sa salita ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya ay naglalapit sa akin kay Jesucristo?
Itinuro ni Alma na kapag ang binhi ay sumibol at nagsimulang tumubo, malalaman natin na mabuti ang binhi at mapalalakas ang ating pananampalataya. Pagkatapos ng panimulang pagtubo na ito, nagbabala si Alma na huwag “isantabi ang inyong pananampalataya” at pabayaan ang pag-aalaga sa punungkahoy (tingnan sa Alma 32:30–38).
Pagkatapos ituro ni Alma sa mga Zoramita ang tungkol sa pananampalataya, ipinaliwanag niya na ang binhing nais niyang itanim nila sa kanilang mga puso ay ang mensahe na si Jesucristo ang Anak ng Diyos, na “mag[ba]bayad-sala para sa kanilang mga kasalanan; at na siya ay mabubuhay na mag-uli mula sa patay” (Alma 33:22–23). Isinulat ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Sa napakahusay na diskursong ito, mula sa isang pangkaraniwang komentaryo tungkol sa pananampalataya sa salita ng Diyos na inihalintulad sa binhi, dinala ni Alma ang mga mambabasa sa isang diskurso na nakatuon sa pananampalataya kay Cristo bilang Salita ng Diyos, na tumubo at lumaking isang punungkahoy na namumunga, isang punungkahoy na ang bunga ay ganap na katulad ng yaong pagkaunawa ni Lehi tungkol sa pagmamahal ni Cristo. … Si Cristo ang binhi, ang punungkahoy, at ang bunga ng buhay na walang hanggan. (Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 169)
Bahagi 3
Sa paanong mga paraan ako mapagpapala ng pagsampalataya kay Jesucristo?
Habang tinatapos ni Moroni ang kanyang gawain sa Aklat ni Mormon, isinama niya ang isang sermon na ibinigay ng kanyang ama na si Mormon maraming taon na ang nakararaan (tingnan sa Moroni 7:1). Sa sermong ito, itinuro ni Mormon kung ano ang maisasagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pananampalataya.
Itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano nagdadala ng karagdagang lakas sa ating buhay ang pananampalataya kay Cristo:
Ang pagkakaroon ng di-natitinag na pananampalataya kay Jesucristo ay pagpuno ng inyong buhay ng maningning na liwanag. Hindi na kayo nag-iisa sa pakikibaka sa mga problema na alam ninyong hindi ninyo malulutas o makokontrol, sapagkat sinabi Niya, “Kung kayo ay magkakaroon ng pananampalataya sa akin, magkakaroon kayo ng kapangyarihang gawin kahit na anong bagay na kapaki-pakinabang sa akin” [Moroni 7:33; idinagdag ang italics].
Kung kayo ay pinanghihinaan ng loob, binabagabag ng kasalanan, maysakit, nag-iisa, o lubhang nangangailangan ng kapanatagan at suporta, taimtim kong pinatototohanan na tutulungan kayo ng Panginoon kapag sinusunod ninyo nang mabuti ang espirituwal na batas kung saan nakasalalay ang tulong na iyon. Siya ang inyong Ama. Kayo ay Kanyang anak. Mahal Niya kayo. Hindi Niya kayo pababayaan. Alam ko na pagpapalain Niya kayo. (“Obtaining Help from the Lord,” Ensign, Nob. 1991, 86)