Institute
Lesson 5 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Pagkahulog nina Adan at Eva at ang Kaloob na Kalayaang Pumili


“Lesson 5 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Ang Pagkahulog nina Adan at Eva at ang Kaloob na Kalayaang Pumili,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 5 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 5 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Ang Pagkahulog nina Adan at Eva at ang Kaloob na Kalayaang Pumili

Paglisan sa Halamanan ng Eden, ni Joseph Brickey

Sa unit na ito, magkakaroon ka ng pagkakataong pag-isipan kung paano ginagawang posible ng plano ng pagtubos ng Ama sa Langit na mailigtas ang Kanyang mga anak mula sa kasalanan at kamatayan. Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, isipin kung bakit mahalaga ang Pagkahulog nina Adan at Eva, ang kaloob na kalayaang pumili, at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa plano ng Ama sa Langit upang matubos at matulungan ka na maging higit na katulad Niya. Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson na “wala nang iba pang aklat sa mundo na nakapagpapaliwanag sa napakahalagang doktrinang ito [ng Pagkahulog at ng pangangailangan natin kay Cristo] nang halos kasinghusay ng Aklat ni Mormon” (“The Book of Mormon and the Doctrine and CovenantsEnsign, Mayo 1987, 85).

Bahagi 1

Bakit mahalaga ang Pagkahulog nina Adan at Eva sa aking pag-unlad?

Ang pariralang “ang Pagkahulog” ay tumutukoy sa mga kalagayan at bunga ng mortalidad na dumating kina Adan at Eva at sa kanilang mga inapo dahil kinain nina Adan at Eva ang ipinagbabawal na bunga sa Halamanan ng Eden. Bago siya namatay, itinuro ni Lehi sa kanyang anak na si Jacob ang tungkol sa Pagkahulog at kung paano ito nakaapekto sa sangkatauhan. (Tingnan sa 2 Nephi 2.)

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang 2 Nephi 2:19–25, at maaari mong markahan ang mga katotohanang nagtuturo sa atin kung bakit mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit ang Pagkahulog nina Adan at Eva. Maaari mo ring panoorin ang video ng Aklat ni Mormon na “Lehi Teaches How We Might Have Joy [Itinuro ni Lehi Kung Paano Tayo Maaaring Magkaroon ng Kagalakan] (2 Nephi 2:16–28)” (3:08).

3:8

Lehi Teaches How We Might Have Joy | 2 Nephi 2:16–28

2 Nephi 2:16–28 | Nagturo si Lehi, isang propeta sa Aklat ni Mormon, tungkol sa plano ng kaligtasan ng Diyos at ipinaliwanag niya na narito tayo sa lupa upang magkaroon tayo ng kagalakan.

Adan at Eva, ni Douglas M. Fryer

Pansinin sa 2 Nephi 2:22 na kung hindi pinili nina Adan at Eva na lumabag, sila sana ay “nanatili [magpakailanman] sa dating kalagayan kung saan sila naroroon matapos na sila ay likhain.” Sila sana ay hindi umunlad o nakaranas ng sakit o kamatayan. Kung sakali, nahadlangan nito ang plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. Habang naglilingkod bilang miyembro ng Pitumpu, itinuro ni Elder Bruce C. Hafen:

Elder Bruce C. Hafen

Ang Pagkahulog ay hindi masamang pangyayari. Hindi ito pagkakamali o aksidente. Ito’y bahagi talaga ng plano ng kaligtasan. Tayo’y mga espiritung “anak” ng Diyos [tingnan sa Mga Gawa 17:28], na pinababa sa lupa na “walang kasalanan” [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:38] sa paglabag ni Adan. Gayunman, ayon sa plano ng ating Ama tayo’y sasailalim sa tukso at lungkot ng makasalanang mundong ito bilang kabayaran para maunawaan natin ang tunay na kagalakan. Kung hindi natin matitikman ang mapait, talagang hindi natin malalaman ang matamis [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:39]. [Kailangan] natin ang disiplina at [kadalisayan] ng mortalidad bilang “kasunod na hakbang sa [ating] pag-unlad” tungo sa pagtulad sa ating Ama. (“Sang Pagbabayad-sala: Lahat para sa Lahat,” Liahona, Mayo 2004, 97)

Ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ilan sa mga epekto ng Pagkaluhog:

Elder Jeffrey R. Holland

Ang pisikal na kamatayan ang nagpapahiwalay sa espiritu mula sa katawan, at ang espirituwal na kamatayan ang nagpapahiwalay kapwa sa espiritu at katawan mula sa Diyos. Bunga ng Pagkahulog, ang lahat ng taong isinilang sa mortalidad ay daranas ng dalawang uri na ito ng kamatayan. Ngunit dapat nating alalahanin na ang Pagkahulog ay mahalagang bahagi ng banal na plano ng ating Ama sa Langit. Kung wala ito, wala sanang mortal na mga anak sina Adan at Eva, at wala sanang pamilya ng tao na daranas ng pagsalungat at pag-unlad, kalayaang moral, at kagalakan ng pagkabuhay na mag-uli, pagtubos, at buhay na walang hanggan [tingnan sa 2 Nephi 2:22–27; Moises 5:11]. (Jeffrey R. Holland, Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon (1997), 207)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Isipin kung paano naging mahalagang bahagi ng plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak ang mga epekto ng Pagkahulog. Paano nagbibigay sa iyo ng pagkakataon ang Pagkahulog na umunlad sa espirituwal at magkaroon ng kagalakan?

Bahagi 2

Paano mapagpapala ng wastong paggamit ng kalayaang pumili ang aking buhay?

Kaugnay ng kanyang mga turo tungkol sa Pagkahulog, tinalakay ni Lehi kung paano naging mahalaga ang kalayaan sa pagpili sa ating pag-unlad sa plano ng pagtubos. Tinukoy niya na ang mga sumusunod na kalagayan ay kinakailangan upang magamit ang kalayaang pumili. (Pag-aralan ang mga kasamang scripture passage, at maaari mong markahan ang mga salita at pariralang nagtuturo tungkol sa mga kalagayang ito na kinakailangan upang magamit ang kalayaang pumili.)

Isipin kung paano maaapektuhan ang iyong kakayahang pumili at umunlad kung ang alinman sa mga kalagayang ito ay mawala sa plano ng Ama sa Langit.

Nagsalita si Pangulong Thomas S. Monson tungkol sa iba’t ibang uri ng mga pagpiling ginagawa natin sa buhay na ito:

Pangulong Thomas S. Monson

Bihirang lumipas ang isang oras sa maghapon na hindi natin kailangang gumawa ng iba’t ibang klase ng pagpili. Ang ilan ay di-gaanong mahalaga, ang ilan naman ay napakahalaga. Ang ilan ay walang kaibhang magagawa sa walang hanggang plano, at ang iba ay gagawa ng malaking kaibhan. (“Ang Tatlong Prinsipyo ng Pagpili,” Liahona, Nob. 2010, 67)

Tandaan na nagbibigay ang Ama sa Langit ng patnubay upang matulungan tayo sa ating mga pagpili, lalo na sa mga yaong pinakamahalaga. Pag-isipan kung paano dumating sa iyo ang patnubay na iyon noon.

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Isipin ang mga pagpiling ginawa mo kamakailan. Paano nakaaapekto ang mga pagpiling ito sa iyong pag-unlad?

Bahagi 3

Paano makapagdadala sa akin ng tunay na kalayaan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo?

Matapos ituro ang tungkol sa kahalagahan ng Pagkahulog at kalayaang pumili sa plano ng pagtubos, itinuro ni Lehi sa kanyang mga anak na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagbibigay ng kalayaan sa mga anak ng Diyos na gumawa ng mga pagpili na mahalaga at kailangan sa kawalang-hanggan.

Dakilang Manunubos, ni Simon Dewey
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang 2 Nephi 2:26–28, at isipin ang pagpiling magagawa mo dahil sa nakatutubos na sakripisyo ng Tagapagligtas.

Sa pagsasalita tungkol sa pagkakaugnay-ugnay ng Pagkahulog, kalayaang pumili, at Pagbabayad-sala ni Jesucristo, itinuro ni Elder Hafen:

Elder Bruce C. Hafen

Sina Adan at Eva ay laging natututo mula sa mahihirap nilang karanasan. … Pero dahil sa Pagbabayad-sala [ni Jesucristo], matututo sila sa kanilang karanasan nang hindi hinahatulan dahil dito. Hindi basta binura ng sakripisyo ni Cristo ang kanilang pinili at [ibinalik] na lamang [sila] sa kawalang-malay sa Eden. Walang katuturang kuwento iyan at walang pag-unlad sa pagkatao. Ang Kanyang plano ay pagpapaunlad—taludtod sa taludtod, paisa-isang hakbang, biyaya sa biyaya.

Kaya kung may problema kayo sa buhay, huwag ninyong akalaing may mali sa inyo. Ang pakikibaka sa mga problemang iyon ang pinakasentro sa layunin ng buhay. Habang lumalapit tayo sa Diyos, ipakikita Niya sa atin ang ating mga kahinaan, at sa pamamagitan nito ay magiging mas matalino [at] mas malakas tayo [tingnan sa Eter 12:27]. (“Ang Pagbabayad-sala: Lahat para sa Lahat,” Liahona, Mayo 2004, 97)

Adan at Eva: Pagkakatulad, ni Walter Rane
icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kung ang kalayaang pumili ay ibinigay sa tao nang walang Pagbabayad-sala [ni Jesucristo], ang kaloob na ito ay magdudulot ng kapahamakan sa atin” (“Atonement, Agency, Accountability,” Ensign, Mayo 1988, 71). Sa paanong mga paraan ka tinulutan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na matuto mula sa iyong mga pagpili? Ano ang isang bagay na maaari mong matutuhan mula sa isang kasalanan o pagkakamali na nagawa mo?