Institute
Lesson 17 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagiging Kabilang sa Simbahan ng Panginoon


“Lesson 17 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagiging Kabilang sa Simbahan ng Panginoon,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon (2021)

“Lesson 17 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon

Lesson 17 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pagiging Kabilang sa Simbahan ng Panginoon

dalawang lalaking nagkakamayan

Ang pag-oorganisa ng Kanyang Simbahan ay isang mahalagang bahagi ng ministeryo ni Jesucristo sa mga Nephita at Lamanita. Sinabi ng Tagapagligtas na ang Simbahan ay dapat tawagin sa Kanyang pangalan at itayo sa Kanyang ebanghelyo (tingnan sa 3 Nephi 27:7–9). Habang naghahanda ka para sa klase, pagnilayan ang mga pagpapalang ibinibigay ng Panginoon sa mga yaong nakikibahagi sa Kanyang Simbahan. Habang pinagninilayan mo ang mga pagpapalang iyon, isipin kung ano ang maaari mong gawin upang madama ng lahat ng anak ng Diyos na malugod silang tinatanggap sa Simbahan.

Bahagi 1

Anong mga pagpapala ang maaari ko lamang matanggap sa pamamagitan ng Simbahan ng Panginoon?

Sa pagdalaw ng Tagapagligtas sa mga Nephita sa templo sa lupaing Masagana, ibinigay Niya ang awtoridad ng priesthood sa Kanyang labindalawang disipulo at binigyan Niya sila ng awtoridad na magbinyag, magbigay ng kaloob na Espiritu Santo, at pamahalaan ang Kanyang Simbahan (tingnan sa 3 Nephi 11:18–22; 12:1; 18:5, 37). Itinuro rin ng Tagapagligtas sa mga Nephita na upang makapasok sa kaharian ng Diyos, kailangan nating magsisi, maniwala sa Kanya, at matanggap ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan na matatanggap lamang sa Kanyang Simbahan, tulad ng binyag at kumpirmasyon (tingnan sa 3 Nephi 11:32–41).

Si Cristo Kasama ang Tatlong Nephitang Disipulo, ni Gary L. Kapp

Sa pagtalakay sa layunin ng Simbahan ni Jesucristo kapwa sa sinauna at makabagong panahon, itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder D. Todd Christofferson

Ang layunin ay katulad pa rin noon; ito ay ang ipangaral ang mabubuting balita ng ebanghelyo ni Jesucristo at isagawa ang mga ordenansa ng kaligtasan—sa madaling salita, ilapit ang mga tao kay Cristo. (“Bakit Kailangan ang Simbahan,” Liahona, Nob. 2015, 108)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Sa anong mga paraan nakatulong ang pakikibahagi sa Simbahan upang mapalapit ka kay Jesucristo?

Bahagi 2

Paano makatutulong ang pagtanggap ng sacrament sa mga pagsisikap kong maging higit na katulad ni Jesucristo?

Nang tapusin ng Tagapagligtas ang unang araw ng Kanyang ministeryo sa lupaing Masagana, pinangasiwaan Niya ang sacrament sa Kanyang labindalawang disipulo at sa mga tao. Inulit Niya ang ordenansang ito kinabukasan matapos ang mahimalang paglalaan ng tinapay at alak. (Tingnan sa 3 Nephi 18:1–9; 20:3–8.)

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Pag-aralan ang 3 Nephi 18:3–12 at 3 Nephi 20:8–9, at pag-isipan kung ano ang itinuro ni Jesus tungkol sa mga sagradong layunin ng sacrament.

Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano tinutulutan ng ordenansang ito na mapasaatin sa tuwina ang Espiritu Santo:

Elder David A. Bednar

Ang ordenansa ng sakramento ay isang banal at paulit-ulit na paanyayang magsisi nang taos at espirituwal na mapanibago. … Kapag naghanda tayo nang seryoso at nakibahagi sa banal na ordenansang ito nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, ang pangako ay mapapasaatin sa tuwina ang Espiritu ng Panginoon. At sa palagiang patnubay ng nagpapabanal na kapangyarihan ng Espiritu Santo, mapapanatili natin sa tuwina ang kapatawaran ng ating mga kasalanan. (“Panatilihin sa Tuwina ang Kapatawaran ng Inyong mga Kasalanan,” Liahona, Mayo 2016, 62)

taong tumatanggap ng sacrament

Itinuro ni Elder Christofferson na ang pagtanggap ng sacrament ay makatutulong din sa atin na magtuon sa pagiging higit na katulad ng Tagapagligtas:

Elder D. Todd Christofferson

Ang tinapay at tubig ay sumasagisag sa laman at dugo Niya na siyang Tinapay na Buhay at Tubig na Buhay, [tingnan sa Juan 4:10], ipinapaalala sa atin nang lubos ang ibinayad Niya upang matubos tayo. …

… Ang matalinghagang pagkain ng Kanyang laman at pag-inom ng Kanyang dugo ay may mas malalim na kahulugan, at iyan ay ang taglayin ang mga katangian at pagkatao ni Cristo sa ating buhay, hubarin ang likas na tao at maging mga Banal “sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon” [Mosias 3:19]. Kapag tumatanggap tayo ng tinapay at tubig sa sacrament tuwing linggo, makabubuting isipin kung gaano natin kalubos na gagawing bahagi ng ating sariling buhay at pagkatao ang Kanyang katangian at ang halimbawa ng Kanyang buhay na walang kasalanan. …

Ang ibig sabihin ng kainin ang laman at inumin ang dugo ng Tagapagligtas ay alisin ang anumang bagay sa ating buhay na hindi naaayon sa pagkatao na katulad ng kay Cristo at taglayin natin ang mga katangian Niya. (“Ang Tinapay na Buhay na Bumabang Galing sa Langit,” Liahona, Nob. 2017, 37, 39)

icon, isulat

Isulat ang Iyong mga Naisip

Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan, “Ang ordenansa ng sakrament ang nagpapabanal at nagpapahalaga nang lubos sa sakrament miting sa Simbahan” (“Ang Sakrament Miting at ang Sakrament,” Liahona, Nob. 2008, 17). Maaari kang magsulat ng ilang bagay na maaari mong gawin upang maging pinakabanal na bahagi ng iyong pagsamba sa araw ng Sabbath ang sacrament at ang sacrament meeting.

Bahagi 3

Ano ang maaari kong gawin upang matulungan ang lahat na madamang may lugar para sa kanila sa Simbahan ni Jesucristo?

Matapos pasimulan ang sacrament sa mga Nephita at Lamanita, itinuro ni Jesus ang kahalagahan ng madama sa mga miting sa simbahan na malugod na tinatanggap at ibinibilang ang lahat.

icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Pag-aralan ang 3 Nephi 18:22–25, at maaari mong markahan ang mga salita o parirala na nagsasaad ng mga turo ng Panginoon tungkol sa kung sino ang dapat nating ibilang sa Kanyang Simbahan.

mga taong binabati ang isa’t isa sa simbahan

Ibinahagi ni Sister Carol F. McConkie, dating tagapayo sa Young Women General Presidency, kung ano ang maaari nating gawin upang matiyak na madarama ng lahat ng tao na malugod silang tinatanggap sa Simbahan ng Panginoon:

Sister Carol F. McConkie

May kilala akong mga tao na nagsisimba tuwing araw ng Linggo upang sila ay mabigyang-inspirasyon at mapalakas ngunit umaalis din sila kaagad dahil nadarama nila na sila ay hinuhusgahan, hindi minamahal, hindi kinakailangan. …

Kailangan nating lubos na maunawaan kung ano ang layunin ng pagsisimba tuwing araw ng Linggo at tiyaking nadarama ng lahat ng nakikibahagi na sila ay minamahal, kinakailangan, tinatanggap, at binibigyang-inspirasyon.

Ang lahat ng tao ay may mga suliranin na hindi natin alam, kaya napakahalaga na batid natin na ang lahat ng nasa paligid natin ay minamahal ng Diyos at na kinakailangan natin silang tingnan katulad ng pagtingin sa kanila ni Cristo. At huwag nating hayaan na diktahan ng panghuhusga ang paraan kung paano tayo nakikitungo sa mga tao. …

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi nagpapadama sa mga tao na hindi sila mahalaga. Ang mga tao ang nagpapadama sa mga tao na hindi sila mahalaga, at kailangan natin itong baguhin. Kailangan nating maging sensitibo at mahalin sila at bigyan sila ng pagkakataong umunlad at lumago at maging pinakamabuting bersyon ng kanilang mga sarili. Sila ay may mga talento at kakayahan at personalidad na kailangan sa kaharian ng Diyos. At kung itatayo natin ang kaharian ng Diyos sa lupa, kailangan nating makibahagi ang lahat. (“Lifting Others” [video], ChurchofJesusChrist.org)

icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang maaari kong gawin upang maging mas magiliw at handang ibilang ang lahat nang sa gayon ay matulungan ang mga anak ng Diyos na madamang may lugar para sa kanila sa Simbahan ng Panginoon?